Monday
Report - July 21, 2025
NEWSCASTER 1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Kami ang inyong mga tagapaghatid ng tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si Sheena Mae Baniqued Manzon.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si Daisy Javier Dela Cruz, at kami po ay mula sa Bayambang Public Safety Office at mula sa bayang ang malasakit ay hindi salita kundi gawa...
NEWSCASTER 1: ...at ang bawat balita ay patunay ng pagkakaisa at pagkilos.
NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa tunay na serbisyo...
SABAY: ...BayambangueNews
1. Mga Traffic Enforcer, Sumabak sa Traffic Management at Radio Operator Seminar
Sumabak ang mga traffic enforcer at radio operator sa isang Traffic Management and Radio Operator Seminar noong July 11, upang mapaigting ang kanilang kaalaman sa batas-trapiko, ligtas na pakikipag-komunikasyon gamit ang radyo, at tamang pagresponde sa mga insidente sa lansangan. Naging guest speaker ang mga taga-HPG Pangasinan, PNP-Bayambang, LTO-Bayambang, at NTC Region 1.
2. Colgate-Palmolive Philippines, Nagdonate ng Isang-libong Toothbrush at Toothpaste
Ang Municipal Health Office ay nakipag-partner sa Colgate-Palmolive Philippines, Inc. para sa nationwide oral health initiative na 'Bright Smiles, Bright Futures' program. Isang libong toothbrush at toothpaste ang ipinagkaloob ng kumpanya para sa mga learner ng lahat ng Child Development Centers ng Bayambang. Ito ay malaking tulong sa ating adbokasiya na turuan ang mga bata ng tamang mga oral hygiene habits habang sila’y bata pa.
3. PhilHealth Konsulta Caravan, Nagtungo sa Manambong Sur
Ang Local Health Insurance Office - Central Pangasinan ng PhilHealth, katuwang ang RHU II Bayambang, ay nagsagawa ng Konsulta Caravan sa Barangay Manambong Sur, noong July 3. Ang aktibidad ay nagkaroon ng 375 na kliyente, kung saan 65 sa kanila ang nag-avail ng PhilHealth membership registration, 573 ng Konsulta Package Provider registration, 270 ng First Patient Encounter registration, 270 ng consultation, 30 ng laboratory o diagnostic services, at 250 ng mga gamot.
4. Feeding Angels, Tuluy-Tuloy ang Pakikiisa sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan!
5. Eligible Senior Citizens, Nakatanggap ng Cash Gift mula sa NCSC
Ang mga senior citizen na edad 80, 85, 90, at 95 ay nakatanggap ng P10,000 cash gift bawat isa mula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) alinsunod sa Expanded Centenarians Act.
6. 2 Centenarians, Tumanggap ng Tig-P100,000 Cash Gift
Sa naturan ding araw, dalawang centenarian ang tumanggap ng tig-100,000 cash gift. Ginanap ang distribusyon noong July 14 sa pakikipag-ugnayan ng NCSC sa Municipal Social Welfare and Development Office at Office of Senior Citizen Affairs.
7. Re-appointment ni Atty. Vidad, Kinumpirma ng SB
Sa kanilang regular na sesyon noong July 1, kinumpirma ng Sangguniang Bayan ng Bayambang ang re-appointment ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad bilang Municipal Administrator, matapos ang unanimous na pagsang-ayon ng lahat ng mga miyembro sa kanya bilang isang administrador na may buong sipag, competence, at integridad, partikular na sa pagtutok nito sa poverty alleviation program ng administrasyon.
8. Improvement Plan para sa Bagong Bayambang Cemetery at Municipal Plaza, Iprinisenta
Iprinisenta kina Mayor Niña at SATOM, Dr. Cezar Quiambao, ang mga panukalang pagpapaganda para sa New Bayambang Cemetery at Municipal Plaza, sa isang pulong noong July 14. Tinalakay dito ang mga detalyeng arkitektural, disenyo, at layout ng mga pasilidad, gayundin ang mga mungkahing hakbang upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at dignidad ng mga naturang mahalagang pampublikong espasyo.
9. Huling Pulong, Ginanap upang Ayusin ang mga Talipapa sa Brgy. Nalsian Sur at Quezon Blvd.
Sa araw ding iyon, isang panghuling pagpupulong ang ginanap upang muling tutukan ng LGU ang problema ng ilegal na sidewalk vending sa Brgy. Nalsian Sur at kahabaan ng Quezon Blvd. Pinangunahan ni Dr. Cezar Quiambao ang talakayan ukol sa mga naging paglabag ng mga vendor at paghahanap ng pangmatagalang solusyon.
10. Implementasyon ng Disiplina Zone, Nalalapit Na!
Pinangunahan ni Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar Quiambao, ang pagpupulong ng Task Force Disiplina noong July 14 bilang paghahanda sa nalalapit na opisyal na operasyon nito. Tinalakay sa pagpupulong ang magiging slogan ng organisasyon, gayundin ang sistema ng koordinasyon sa pagitan ng barangay officials, pulisya, at iba pang ahensya para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga batas. Kabilang sa mga mahigpit na ipagbabawal ang ilegal na pagpaparada, ilegal na pagtitinda, paninigarilyo at pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, pamamalimos at pagpapalimos, pagmamaneho habang nakainom, paggamit ng mga modified muffler, pagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet, pag-counterflow sa daan, hindi wastong pagtatapon ng basura, paggamit ng mga plastic bag, at ang pagala-galang hayop sa mga lansangan.
11. St. Vincent Ferrer Prayer Park, Binisita ng DOT-RO1 at DTI
Bumisita noong July 14 ang Department of Tourism-Region I (DOT-RO1) at Department of Trade and Industry (DTI) sa St. Vincent Ferrer Prayer Park at PSU-DOST Food Innovation Center upang mag-inspeksiyon at kumustahin ang lagay ng mga pasilidad bilang isa sa mga posibleng tourist attractions sa lalawigan ng Pangasinan na parte ng Creative Tour Project ng mga naturang ahensya. Ang mga bisita ay inilibot ng mga Tourism staff.
12. Mayor Niña, Nagdonate ng Dog Food at Cat Food sa Animal Shelter
Dahil isa siyang pet lover at dahil sa kanyang concern lalo na sa mga kaawa-awang stray animals, inatasan ni Mayor Niña ang Agriculture Office noong July 15 upang magbigay ng dog food at cat food sa isang pribadong animal shelter sa Brgy. Pantol na pinamamahalaan ni Aidielyn Pagdilao. Ang LGU ay nakapaghatid ng 10 20-kilo bags ng cat food at 10 20-kilo bags ng dog food sa naturang animal shelter na, sa kasalukuyan, ay may 31 na alagang pusa at 12 na alagang aso na kanilang nirescue.
13. Business Mentoring, Inihatid ng PDAO sa mga PWD
Noong July 16 hanggang 17, sumabak sa isang Business Development seminar ang lahat ng PWD Presidents mula sa iba’t ibang barangay, bilang bahagi ng 47th National Disability Rights Week celebration na inorganisa ng Persons with Disability Affairs Office. Dito ay nahubog ang kaalaman ng mga PWD sa larangan ng entrepreneurship, marketing, product development, at legal na pagpaparehistro ng negosyo, at inaasahang malaking tulong ito sa sektor upang mapataas ang antas ng kanilang kabuhayan.
14. Mga Negosyante, Dumalo sa DTI Seminar
Noong July 16, ang mga lokal na negosyante ay dumalo sa isang online seminar na hatid ng DTI ukol sa "Juana Make a Mark" Program ng Intellectual Property Office (IPO), upang palakasin ang kaalaman ng mga negosyante laban sa pamemeke at hindi awtorisadong paggamit ng kanilang mga likha. Ang "Juana Make a Mark" ay isang registration incentive program na malaking tulong sa maliliit na negosyante na maiparehistro at maprotektahan ang kanilang mga produkto, serbisyo, at likha sa pamamagitan ng trademark, patent, copyright, at iba pang intellectual property rights.
15. Binata, Naipagamot ng MAC
Noong July 14, naging daan ang Mayor's Action Center upang matulungan na makapunta sa follow-up psychiatric check-up ang isang binata na taga-Brgy. Amanperez. Nauna nang sinaklolohan ng MAC ang binata noong ito ay dalhin agad sa Region I Medical Center, Dagupan City para maipatingin sa espesyalista. Bumuti ang kalagayan ng pasyente simula nang maipagamot ito, at isa ang pasyente sa 44 na active psychiatric patients na patuloy na tinutulungan ng MAC.
16. Hybrid Seeds at Fertilizers, Ipinamahagi sa Corn Farmers
Noong July 16, ipinamahagi ng Municipal Agriculture Office ang 450 bags ng hybrid yellow corn seeds, 450 bags ng inorganic fertilizer, at 700 packs ng Bio-N microbial-based fertilizer sa mga corn farmer na magtatanim sa off-season. Isinagawa ang distribusyon sa may District 4 Warehouse sa Brgy. Carungay. Ang pagbibigay ng dekalidad na mga binhi at mga produktong pampatubo ay direktang makapagpapataas sa kanilang produksyon.
17. KSB Year 8, Dinala sa San Gabriel 2nd
Muling binisita ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan team ang Brgy. San Gabriel 2nd upang doon magbigay ng mga libreng serbisyo mula sa munisipyo para sa mga taga-Brgy. San Gabriel 2nd at Paragos. Iba't-ibang serbisyo ang in-avail ng mga residente, na tuwang-tuwa dahil sa malaking katipiran na kanilang natamo sa libreng medical checkup, gamot, bunot sa ngipin, seedlings, bakuna sa hayop, at marami pang iba.
18. 934 na Benepisyaryo, Sumahod sa TUPAD Payout
Noong July 17, muling nagkaroon ng isang payout activity para sa 934 na benepisyaryo ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Displaced Workers, na pinondohan ng opisina ni Senator Bong Go. Ang batch na ito ay kinabibilangan ng mga farmer, solo parent, at teen-age parent.
19. Vice-Mayor IC, Secretary General ng Vice Mayors' League of the Philippines–Pangasinan Chapter!
Ang buong LGU-Bayambang family ay bumabati kay Vice-Mayor Ian Camille Sabangan sa kanyang pagkakahalal bilang Secretary General ng Vice Mayors' League of the Philippines–Pangasinan Chapter. Ang pagkakatalaga kay Vice Mayor IC ay patunay ng kanyang dedikasyon sa paglilingkod hindi lamang sa mga Bayambangueño kundi maging sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Muling pinatunayan ng LGU-Bayambang ang dedikasyon nito sa kalidad at kahusayan sa serbisyo publiko matapos ang matagumpay na ikalawang Surveillance Audit para sa ISO 9001:2015 Certification noong July 15. Pinangunahan ng Certification Partner Global (CPG) Philippines Audit Team, sa pamumuno ni Engr. Rizaldy Mojica, ang masusing pagsusuri sa mga sistema, proseso, at implementasyon ng Quality Management System (QMS) ng LGU. Ang matagumpay na audit ay isang patunay na patuloy ang pagsunod ng LGU sa internasyonal na pamantayan ng ISO, partikular sa paghatid ng maayos, episyente, at sistematikong serbisyo para sa publiko.
21. Municipal Treasury at Assessor, Pinarangalan ng BLGF Region 1
Pinarangalan ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) Region 1 ng Department of Finance ang Municipal Treasury Office ng Bayambang sa kanilang natatanging performance sa pangongolekta ng local revenue, kasabay ng isinagawang regular na ebalwasyon noong July 8 sa Municipal Treasury at Assessor’s Offices ng LGU-Bayambang.
Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, malugod na tinanggap ng Municipal Treasurer at OIC-Municipal Assessor ang mga sumusunod:
1. Top 3 Among First Class Municipalities in Region 1 in terms of Highest Locally Sourced Revenues in Nominal Terms for Fiscal Year 2023
2. Top 4 Among First Class Municipalities in Region 1 in terms of Highest Locally Sourced Revenues in Nominal Terms for Fiscal Year 2022
3. Top 5 Among First Class Municipalities in Region 1 in terms of Ratio of Locally Sourced Revenue to Total Current Operating Income for Fiscal Year 2023
22. Budget Office at Treasury, Binigyan ng Commendation ng BLGF!
Ang Bureau of Local Government Finance (BLGF) ay nagbigay ng commendation sa Bayambang Municipal Budget Office at Municipal Treasury Office matapos makitang compliant ang mga ito sa pagsumite ng Statement of Receipts and Expenditures Reports para sa second quarter ng Financial Year 2025.
***
BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!
(Revised DepEd Order on
Class and Work Suspension)
Panahon na ng tag-ulan, kaya't siguradong malimit na naman nating marinig ang mga salitang Pangasinan para sa iba't ibang uri ng pag-ulan. Bilang Pangasinense, dapat alam mo ang mga ito, kabilang ang:
- tayaketek (mahinang ulan na may pailan-ilang pagpatak)
- maya-maya (ambon o drizzle)
- beye-beye (walang-tigil na
ulan)
- libog-libog (malakas na
ulan)
- binak-binak (napakalakas
na ulan o raining cats and dogs)
- nepnep (tag-ulan; rainy
season)
- siyam-siyam (ulan na
parang walang katapusan)
- at iba pa.
Dapat alam mo rin na may bagong DepEd Order sa pagsususpinde ng klase at maging ng trabaho.
Ito ay ang DEP-ED ORDER NO. 22, SERIES OF 2024 o REVISED GUIDELINES ON CLASS AND WORK SUSPENSION.
Kapag may Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1, automatic na suspendido ang klase sa Kindergarten sa mga apektadong lugar.
Kapag may Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 naman, automatic ding suspended ang face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Elementary at Junior High School o Grade 10 sa mga apektadong lugar. Ngunit dapat lumipat sa modular distance learning, performance tasks, projects, o kaya'y make-up classes depende sa kanilang learning at service continuity plan (LSCP) para masigurong makamit pa rin ang learning competencies.
Kung may Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 naman o mas mataas pa rito, automatic na suspended ang lahat ng klase -- at pati na trabaho -- sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar.
Dapat alam mo na, sa tatlong weather scenarios na ito, di na kinakailangan pang hintayin ang mayor para magdeklara na walang pasok sa paaralan o sa trabaho man.
Ngayon, Bayambang, ay alam mo na!
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: Sa bayan nating may puso, may direksyon, at may malasakit, ang serbisyo ay tuloy-tuloy.
NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat na aming hatid, nariyan ang pangakong hindi kayo pababayaan.
NEWSCASTER 1: Ako po si Sheena Mae Baniqued Manzon, kaisa ninyo sa pagpapatuloy ng tunay na pagbabago.
NEWSCASTER 2: At ako si Daisy Javier Dela Cruz, mula sa Bayambang Public Safety Office, patuloy na naglilingkod sa inyo, sa ngalan ng LGU-Bayambang. Hanggang sa susunod na linggo.
SABAY: Ito ang.... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment