Thursday, July 10, 2025

MONDAY REPORT – JULY 14, 2025

 

MONDAY REPORT – JULY 14, 2025

 

[INTRO]

NEWSCASTER 1: Good vibes Monday, Bayambang! Ako po si ___ .

NEWSCASTER 2: At ako naman po si _, at kami po ay mula sa Municipal ____ Office. Narito kami upang ihatid ang mga ulat ng pagkilos at pagbabago.

NEWSCASTER 1: Mga hakbang tungo sa mas masigla at mas progresibong bayan.

NEWSCASTER 2: Kaya’t samahan ninyo kami sa lingguhang kwentuhan, impormasyon at serbisyong totoo. Dito sa...

SABAY: ...BayambangueNews!

 

***

[SALITAN NA KAYO RITO]

1. Inaugural Session ng 13th SB, Isinagawa

Pormal nang binuksan ang sesyon para sa datihan at bagong halal nating mga opisyales, sa pamamagitan ng Inaugural Session noong July 7 sa Sangguniang Bayan Session Hall, kung saan sila ay isa-isang nagbigay ng kanilang inaugural speech. Layunin ng sesyong ito na pormal na simulan ang panibagong yugto ng paglilingkod, magbigay-pugay sa mga muling nahalal na konsehal, at mainit na salubungin ang mga bagong kasapi ng Sanggunian. Kabilang sa pinag-usapan ang paghalal sa mga mamumuno ng bawat komite.

 

2. LGU-Bayambang, Nakilahok sa NDRM 2025

Noong July 1, ang bayan ng Bayambang ay nakibahagi sa opisyal na pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM) 2025 sa Vigan City, Ilocos Sur. Ang delegasyon ng Bayambang ay aktibong lumahok sa mga talakayan, parada, at mga aktibidad na nagpapakita ng kalakasan at kapasidad ng LGU Bayambang sa disaster risk reduction management.

 

3. ICTO at HRMO, Sinimulan na ang ‘Digital HR’ Project

Noong July 3, sinimulan ng HRMO at ICTO ang paglalagay ng datos sa Integrated Human Resource Information System (IHRIS), bilang bahagi ng proyektong “Digital HR” ng LGU. Ang web-based system ay magpapadali sa mga HR functions gaya ng leave application at performance tracking, dahil i-o-automate nito ang proseso at iibsan ang workload ng HRMO habang pinapalakas ang suporta sa mahigit 900 na empleyado ng LGU.

 

4. PWD Students, Kinatawan ng Probinsya sa National IT Challenge

Ang mga PWD student mula sa Bayambang National High School ay kabilang sa mga nagrepresentra sa buong lalawigan ng Pangasinan sa ginanap na National IT Challenge for Youth with Disabilities noong June 23-27 sa Binondo, Manila. Sila ay sinamahan nina Disability Affairs Officer Johnson Abalos at kanilang coach na si Mr. Rafael Carungay.

 

5. LGU Issues at Concerns, Tinalakay sa Execom Meeting

Sa inisyatibo ng Office of the Mayor, pinangunahan ni SATOM, Dr. Cezar Quiambao, ang isa na namang Executive Committee Meeting noong July 7. Tinutukan dito ang mga isyung may kinalaman sa financial status ng LGU, update ukol sa mga naglalakihang infrastructure projects, at pagsasaayos sa mga proseso ng trabaho sa iba't ibang departamento.

 

6. Municipal CDC, Muling Nagbukas

Ang Municipal Child Development Center ay muling nagbukas noong July 7. Ang proyektong ito ay inisyatibo ng LGU bilang tulong sa lahat ng empleyado na may anak na maaaring iwanan sa isang daycare center habang sila ay pumapasok sa munisipyo. Dahil mayroong Municipal CDC, hindi na kailangang mahati pa ang oras ng mga naturang kawani sa pabalik-balik na pag-uwi sa bahay masubaybayan lamang ang kani-kanilang mga anak.

 

7. Amazing Race, Ginanap sa Pagbubukas ng Nutrition Month

Ang pagdiriwang ng 51st National Nutrition Month ay binuksan ng LGU sa pamamagitan ng 'Amazing Race,' isang patimpalak na sumubok sa teamwork, liksi ng pangangatawan, at talas ng isipan ng mga kawani ng pamahalaang lokal. Ito ay inorganisa ng Municipal Nutrition Committee noong July 7 at dinaluhan ng walong grupo mula sa iba’t ibang sangay ng munisipyo. Nagwagi bilang grand prize winner ang White Team sa pangunguna ni Municipal Accountant Flexner de Vera.

 

8. CDC Learners, Nagtagisan sa Nutri-'Family Feud'

Kinabukasan, idinaos naman ang “Nutri-A1 Child - Family Feud Edition,” isang paligsahan na nilahukan ng mga batang mula sa Child Development Centers (CDCs) ng iba’t ibang barangay upang patunayan ang kanilang kaalaman sa tamang nutrisyon at kalusugan. Nagwagi sa patimpalak ang mga representative ng Banaban, San Gabriel 1st, Warding, at Tanolong CDC, at silang apat ay nakatanggap ng P16,000.

 

9. 3-Day Conference, Isinagawa para sa Onion Cold Storage

Noong July 9 hanggang 11, nagsagawa ang LGU ng tatlong araw na pre-construction conference para sa nakatakdang pagtatayo ng Bayambang Onion Cold Storage facility sa Barangay Amancosiling Sur. Dito, ang lahat ng stakeholders at ang contractor ay tiniyak may malinaw na pang-unawa sa saklaw ng proyekto, iskedyul ng implementasyon, tungkulin ng bawat isa, at iba pang aspeto ng proyekto. Ito ay para masigurong mabilis at maayos ang magiging takbo ng konstruksyon.

 

10. Food Packs para sa Supplementary Feeding, Ipinamahagi

Noong July 9, tinutukan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang unang bugso ng delivery at distribution ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), bilang bahagi ng Supplementary Feeding Program na nakalaan para sa 2,530 child development learners upang matulungan silang makaiwas sa malnutrisyon.

 

11. Bayanihan sa Bayambang, Buhay na Buhay

 

A.    Buhay na buhay ang bayanihan sa bayan ng Bayambang, at ito ay dahil na rin sa mabuting halimbawang ipinakikita ni Mayor Niña at ng pamilya Quiambao at Jose. Noong July 9 ang Born to Serve (BTS) team na mga Bayambang National High School alumni, kasama ang LGU-Bayambang, ay nagpamahagi ng mga school supplies at snacks sa 87 elementary students mula kinder hanggang Grade 6 sa San Gabriel 2nd Elementary School, Brgy. San Gabriel 2nd.

 

B.     Kamakailan naman ay namahagi rin ang US-based group na Bridges Beyond Boundaries, sa pamumuno ni Julian Voellm at mga kaibigan nito mga kinder, Grade 1 at Grade 2 learner ng Inirangan-Reynado Elementary School, sa pakikipagtulungan sa kamag-anakan ni Voellm na sina Councilor Jocelyn Espejo.

 

12. BADAC Skills Enhancement at RA 9165, Tinutukan sa Symposium

Sa pag-oorganisa ng Liga ng mga Barangay sa gabay ng DILG, idinaos noong July 9 ang isang symposium ukol sa Barangay Anti- Drug Council (BADAC) Skills Enhancement at RA 9165 para sa lahat ng barangay. Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga komunidad sa pagsugpo ng ilegal na droga sa pamamagitan ng pagpapalalim ng kanilang kaalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

13. Bayambang, Muling Nakatanggap ng PTV

Isa na namang bagong PTV o patient transport vehicle ang tinanggap ng Bayambang mula sa Philippine Charity Sweestakes Office! Personal na tinanggap ang naturang emergency vehicle ni SATOM, Dr. Cezar Quiambao, mula mismo kay President Ferdinand Marcos Jr. sa isang turnover ceremony sa Maynila.

 

14. State of Local Governance Summary, Iprinisenta

Noong July 10, sa pangunguna ni Mayor Niña, isinagawa ang presentasyon ng State of Local Governance Summary na may layuning masukat, masuri, at mapahusay pa ang pamamalakad ng pamahalaang lokal para sa kapakinabangan ng bawat Bayambangueño. Sa gabay ng MLGOO at sa pag-oorganisa at preparasyon ng MPDO, iniulat dito ang mga naging accomplishment ng Quiambao-Sabangan 2.0 administration sa limang aspeto ng pangangasiwa ng gobyernong lokal at ang mga kailangan pang paigtingin upang lalo pang mapabuti ang serbisyo publiko.

 

15. Groundbreaking Ceremony, Isinagawa para sa Bayambang Onion Cold Storage Facility!

 

Isang groundbreaking ceremony ang matagumpay na isinagawa noong July 11 para sa konstruksyon ng Bayambang Onion Cold Storage Facility. Ito ay isang 145,000-bag capacity na cold storage na popondohan bilang isang grant mula sa Department of Agriculture-Philippine Rural Development Project at World Bank. Ito ay ipatatayo sa Brgy. Amancosiling Sur at siguradong pakikinabangan ng lahat ng ating mga onion farmers, dahil di na nila kailangan pang lumayo upang mag-imbak ng kanilang aning sibuyas.

 

 

***

BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!

Bayambang, dapat alam mo na nakakagastos ang ating munisipyo ng milyun-milyon kada taon [FLASH THE FIGURES] para lang sa pagtatapon ng basura sa mga dumpsite. Oo, basura pa lang 'yan, pero daang-libo na agad buwan-buwan ang kinakain sa ating budget!

 

Dapat, alam mo na ang ganitong kalaking halaga ay puwede sanang magamit para sa iba pang mahahalagang proyekto ng bayan. Imbes na mapunta sa tambakan ng basura, bakit hindi na lang sa dagdag na scholarship, ayuda, health programs, o kahit road repair.

 

Bayambang, dapat alam mo na kung matututo lang tayong mag-recycle, mag-segregate ng basura, at gumawa ng compost pits sa ating mga bakuran, malaki ang matitipid ng ating lokal na pamahalaan. Mas konting basura, mas konting gastos. Ganun kasimple.

 

Dapat, alam mo rin na may ginagawa na ang ating lokal na gobyerno para tulungan tayong bawasan ang basura ng Bayambang. May mga Material Recovery Facilities (MRFs) na itinatayo sa mga barangay para maihiwalay nang maayos ang mga recyclable at non-recyclable.

 

Isinusulong na rin ng LGU ang paggamit ng compost pits, lalo na sa mga tahanan at paaralan. Dito mo puwedeng itapon ang balat ng prutas, gulay, tuyong dahon, at iba pang nabubulok para maging pataba sa halip na basura.

 

Dapat, alam mo na may mga info drive at training ang LGU sa barangay level para ituro ang tamang waste management. Sa impleng pag-uumpisa sa bahay, may malaking ambag ka na agad sa mas malinis at mas disiplinadong bayan.

 

Bayambang, dapat alam mo na kapag lahat tayo ay tumutulong magbawas ng basura, hindi lang kalikasan ang makikinabang. Makakatipid ang LGU, at ang matitipid? Babalik sa atin sa anyo ng mga proyektong tunay nating kailangan.

 

Dapat, alam mo na sa isyu ng basura, hindi lang gobyerno ang may papel dahil tayong lahat ay may responsibilidad. Disiplina, kaalaman, at simpleng pagkilos lang ang kailangan.

 

Ngayong may alam ka na, siguro naman ay alam mo na rin kung ano ang nararapat gawin sa iyong mga basura. Tandaan mo, Bayambang: Ang lahat ng ito... ay Dapat, Alam Mo!

 

[OUTRO]

NEWSCASTER 1: Sa bawat proyekto’t inisyatibo ng LGU, kabalikat ang bawat Bayambangueño.

NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat, nariyan ang puso ng serbisyo.

NEWSCASTER 1: Ako po si ___, kasama niyo sa bawat kwento ng pagbabago.

NEWSCASTER 2: At ako si ___, mula sa _______, hatid ang balita para sa bawat isa. Hanggang sa muli,

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

No comments:

Post a Comment