Saturday, October 25, 2025

EDITORIAL: Ligtas ang Laging Handa (October 2025)

 

EDITORIAL:

 

Ligtas ang Laging Handa

Sa bawat pag-uga ng lupa, naaalala nating muli kung ano ang ating kalagayan at maaaring kahinatnan sa harap ng kalikasan. Ang Pilipinas, bilang bahagi ng Pacific Ring of Fire, ay palaging nakaharap sa panganib ng lindol. Ngunit sa bayan ng Bayambang, hindi sapat na umasa sa suwerte o sa awa ng kalikasan o tadhana—kailangang alam natin ang ating gagawin, kailangang handa tayo bago pa man yumanig ang lupa.

Ang pagiging handa ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan o ng mga rescuers; ito ay tungkulin ng bawat sambahayan. Kaya’t pinapayuhan ang lahat na magsimula sa simpleng hakbang—ang pagkakaroon ng Go Bag na may laman para sa unang 72 oras matapos ang sakuna: tubig, pagkain, first aid kit, flashlight, extra damit, face mask, at mga dokumentong mahalaga. Isa lamang itong maliit na bag, ngunit maaaring magligtas ng buhay.

Higit pa rito, dapat nating pagplanuhan bilang pamilya kung saan magtatagpo sa oras ng kalamidad, kung saan-saang parte ng bahay o lugar ang ligtas sa ganoong insidente, at sino ang tatawagan sa oras ng pangangailangan. Dapat nating tiyakin na maayos ang pagkakakabit ng mga mabibigat na gamit, at alam natin ang mga hotline ng barangay o LGU.

Bukod dito, ang pagsasanay sa mga earthquake drill ay talagang kinakailangan bilang paghahanda, hindi basta aktibidad lang sa paaralan o sa Munisipyo—ito ay isang pagsubok ng ating kahandaan, isang ugaling dapat maging bahagi ng ating kultura.

Kapag dumating ang lindol, tandaan: Manatiling kalmado. Mag-duck, cover, and hold. Ang ilang segundo ng tamang pagkilos ay maaaring magligtas ng buhay.

Pagkatapos naman ng pagyanig, huwag agad magpakampante. Mag-ingat sa aftershocks, tumulong sa mga nangangailangan, at makinig sa mga anunsyo mula sa mga opisyal ng pamahalaan. Ang disiplina sa panahon ng sakuna ay sukatan ng tunay na pagkakaisa ng isang komunidad.

Sa huli, hindi natin mapipigilan ang mga paglindol, ngunit maaari nating mapigilan ang trahedya sa pamamagitan ng kahandaan. Sa isang Bayambang na mulat, may disiplina, at may malasakit sa kapwa, walang unos ang hindi kayang lampasan.

Bayambang, ang laging handa ay laging ligtas.

 

No comments:

Post a Comment