Sunday, March 16, 2025

4Ps Success Stories Series (#3) | Pamilyang 4Ps, Panalo

 4Ps Success Stories Series #3 | Pamilyang 4Ps, Panalo

Sa araw-araw na pamumuhay natin sa mundong ibabaw, hindi natin maiwasang makaranas ng mga pagsubok sa buhay. Susukatin ang ating tibay bilang tao, pananampalataya sa Diyos, at tibay ng samahan ng pamilya.
Ako si Mechelle Tiel dela Cruz, 25 na taong gulang. Nakatira sa Barangay Balaybuaya, Bayambang Pangasinan. Ang aking magulang ay sina Bobby at Mila Dela Cruz at mayroon akong 3 kapatid. Isang tricycle driver ang aking ama at kasambahay o caretaker ang aking ina. Hindi man sapat ang kinikita ng aking mga magulang ay sinisikap nilang ibigay ang pangangailangan namin araw-araw."
Kabilang ako sa unang batch ng K-12 program ng ating gobyerno na kung saan nadagdagan ng adisyunal na dalawang taon (Grade 11-12) ang pag-aaral bago makatungtong sa kolehiyo. At sa panahon ding ito ay napabilang ang aking pamilya sa programa ng gobyerno na 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program katuwang ang DSWD. Dalawa kami ng kapatid ko ang nag-aaral sa kolehiyo noon at ang dalawa naman ay nasa high school. Naging malaking biyaya ang 4Ps para sa aming pamilya lalo na ang tulong pinansyal na aming natatanggap. Higit pa rito, napanatiling maayos ang pag-aaral at kalusugan namin dahil sakop ng programa ang edukasyon at kalusugan ng buong pamilya.
Habang nag-aaral ako sa kolehiyo ay napabilang ako sa mga dean’s lister na nakatanggap ng cash grants. Nakatulong ito sa pambili ko ng school supplies naming magkakapatid.
Salamat sa pagtitiyaga, nakapagtapos ako sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Elementary Education major in Enhanced General Education with Distinction Award. At isa ako sa 140 na 4Ps beneficiaries mula sa Pangasinan na nakapasa sa March 2023 Licensure Examination for Teachers.
Tunay nga na maraming surpresa ang ibibigay sa 'yo ng mundo, dahil minsan ay sinubok kami ng kapalaran. Bago nangkaroon ng pandemya na Covid-19 ay na-stroke ang aking papa. Nagkaroon ng lockdown noon at lahat ng tao ay nanatili sa kanya-kanyang bahay at tumigil ang takbo ng ekonomiya. Mula sa kanyang pinapasukan, umuwi ang mama ko noong panahon na iyon. Ngunit salamat sa Diyos, hindi niya kami pinabayaan sa likod ng mga pangyayari. At ngayon ay magaling na si papa, nakakapaglakad na, at nakakapag-drive na ng tricycle.
Ngayon, dalawa na kami ng aking kapatid na nakapagtapos ng pag-aaral at may trabaho na. At dahil iyon sa pagsusumikap at tiyaga ng aming magulang. Kaya lubos akong nagpapasalamat sa aking magulang at sa aking lola na hindi nagsawang tulungan at gabayan kami sa buhay.
Ako ngayon ay nagtuturo sa isang pribadong paaralan sa Taguig City at ang aking kapatid naman ay nagtatrabaho sa isang bangko sa Makati City. Tumutulong na kami sa pagsuporta ng dalawa pa naming kapatid na nag-aaral sa kolehiyo na malapit na rin makapagtapos.
Hindi madali ang mabuhay sa mundo. Sabi nga nila ang buhay daw ay parang roller coaster -- minsan nasa taas, minsan nasa baba. Kaya hangga’t may handang tulong sa atin gaya ng programa ng gobyerno tulad ng 4P’s na katuwang ang DSWD, tuloy lang ang laban.
Kaya lubos akong nagpapasalamat sa DSWD sa pagpapatupad ng 4P’s dahil malaki ang naitulong nito sa buhay namin. Isa ako sa nangarap maging guro noon, ngayon ay nagtuturo na at lisensyado pa.
Mangarap lang hangga’t ikaw na mismo ang nasa pangarap mo. Padayon! (by: Jaesem Ryan A. Gaces, 4Ps Information Officer – Social Marketing Unit)

No comments:

Post a Comment