MONDAY REPORT – SEPTEMBER 15, 2025
[INTRO]
NEWSCASTER 1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Kami ang inyong mga tagapaghatid ng tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si John Vincent Austria.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si Belinda Cabansag, at kami ay mula sa General Services Office. ...Mula sa bayang ang malasakit ay hindi salita kundi gawa...
NEWSCASTER 1: ...At ang bawat balita ay patunay ng pagkakaisa at pagkilos.
NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa tunay na serbisyo...
SABAY: ...BayambangueNews.
***
[SALITAN NA KAYO RITO]
1. LGU, Nakiisa sa Civil Service Anniversary Celebrations
A. Aktibong nakiisa ang LGU-Bayambang sa pagdiriwang ng ika-125th na anibersaryo ng Philippine Civil Service. Noong September 5, ang team na pinangunahan ng HRMO ay sumali sa Zumbasurero, isang masayang Zumba session na sinundan ng coastal cleanup drive.
B. Kinabukasan, nakilahok din ang LGU sa isang Fun Run at Zumba-for-a-Cause na ginanap naman sa Dagupan City.
2. Clearing Operation, Isinagawa sa Magsaysay
Isang clearing operation ang isinagawa noong September 6 sa Zamora St., Brgy. Magsaysay, matapos maireport ng mga residente roon ang natumbang puno pagkatapos ng malakas na hangin at ulan. Agarang inalis ang puno na sumandal sa isang katabing school building at nanganib na sirain ito. Salamat sa agarang pagresponde ng MDRRMO, agad na naputol ang naturang puno.
3. Dressmaking Grads, May Sarili nang Patahian!
Ang mga napa-graduate ng PESO-Bayambang noon sa isang dressmaking course sa tulong ng TESDA ay may sarili nang patahian! Ito ay matapos ilapit sila ng PESO sa DSWD upang makapag-avail sa Sustainable Livelihood Program na may start-up capital na P260,000. Kanilang ibinili ang halagang ito ng 8 sewing machines at mga materyales na pangtahi, at ipinambayad sa pagsasaayos sa kanilang shop. Ang 15 na dressmaking course graduates -- na pawang mga OFW returnees at mga pamilya ng OFWs -- ay nag-ooperate na sa kanilang shop sa Bgy. Tatarac na kanilang pinangalanang Atams Fabric.
4. Public Hearing ukol sa Curfew for Minors, Isinagawa
Ang Sangguniang Bayan ay nagsagawa ng isang pampublikong pagdinig hinggil sa panukalang ordinansa ukol sa curfew para sa mga menor de edad, kasama ang pagpapataw ng parusa sa mga magulang o tagapag-alaga na lalabag dito. Pinangunahan ni SB Committee Chair on Social Welfare, Councilor Jocelyn Espejo, at kasamahang SB members ang pagdinig sa lahat ng argumento laban at sang-ayon sa panukala. Ang proposed curfew ay naglalayong protektahan ang mga kabataan laban sa kapahamakan sa pamamagitan ng pagbabawas ng panganib na maging biktima ng krimen o ma-expose sa droga, prostitusyon, juvenile delinquency, atbp.
5. LGU at Colgate-Palmolive, Naglunsad ng Dental Health Program
Matagumpay na idinaos ang isang dental health program para sa learners ng ating mga Child Development Center, sa pagtutulungan ng LGU at Colgate-Palmolive Philippines. Ang mga bata ay nakatanggap ng libreng fluoride application, dental kits, at oral hygiene lectures sa tulong ng mga RHU dentist. Binigyang-diin ni Dr. Dave Junio ang kahalagahan ng maagang dental care habang nanawagan naman si Dr. Paz Vallo ng suporta mula sa magulang at guro.
6. MFPTA Officers, Inilahad ang mga Programa sa LGU
A. Pormal na ipinakilala kay Mayor Niña ng mga bagong halal na opisyal ng Municipal Federated Parents-Teachers Association ang kanilang mga programa para sa school year 2025–2026. Layunin ng MFPTA na palakasin ang ugnayan ng guro, magulang, at LGU upang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa Bayambang.
B. Naging tampok sa pagbisita ang performance ni King Ariestone G. Galsim, na anak ng MFPTA President na si Gilbert Galsim.
7. Mayor ng Alcala, Bumisita
Noong September 9, nakipagpulong ang LGU-Alcala sa LGU-Bayambang upang pagtibayin ang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bayan para sa progreso. Pinangunahan ni Alcala Mayor, Atty. Manuel Collado, ang courtesy call, kasama sina Alcala Vice-Mayor Jojo Callejo at Councilor Janela Love Nartates. Naging sentro ng talakayan ang pagpapatibay ng E-Agro program, ang rekonstruksyon ng Carlos P. Romulo Bridge, at concreting ng San Gabriel II–Pantol Farm-to-Market Road.
8. Wire Clearing Operations, Nagpatuloy
Ipinagpatuloy ng Wire Clearing Technical Working Group ang pagbabaklas ng spaghetti wires sa Poblacion area noong September 8, upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga pangunahing kalsada sa bayan. Katuwang sa operasyon ang BPSO, MDRRMO, Engineering Office, Globe, at Converge.
9. Marian Exhibit, Tampok sa Museo de San Vicente Ferrer
Magmula Setyembre 7, naging tampok sa Museo ng Santuario de San Vicente Ferrer ang iba't ibang imahe ng Birheng Maria, bilang pagpupugay sa araw ng kanyang kapanganakan sa Setember 8. Ang mga masining at iba't ibang istilo na imahe ay ipinahiram pa ng mga deboto mula sa iba't ibang bayan sa Pilipinas. Sa tulong ng Tourism Office, kabilang sa mga tampok na exhibit ang ilang rebulto na pagmamay-ari ni Mayor Niña.
10. LGU, Nag-Benchmarking sa Mandaluyong Cemetery
Noong September 9, ang LGU ay nag-benchmarking activity sa Mandaluyong City Cemetery, na kilala rin bilang Garden of Life, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapaunlad ang serbisyo sa pampublikong himlayang bayan ng Bayambang. Malugod na tinanggap ang delegasyon ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos. Sa pagbisita, ipinaliwanag ang mga best practices sa Garden of Life Cemetery, kabilang ang maayos na operasyon at sistematikong pangangalaga sa mga kliyente.
11. Gender-Inclusive Business Management, Tinutukan sa Seminar
Noong Setyembre 10, nagbigay ang Special Economic Enterprise ng isang Basic Business Management Seminar, kung saan tinalakay ang mga paksang gender-responsive entrepreneurship, business ethics, at gender-inclusive strategies bilang pagpapalawak ng kaalaman sa pagnenegosyo. Naging resource speaker si Dr. Presley de Vera, GAD Coordinator ng PSU-Open University. Tampok sa seminar ang film viewing bilang dagdag inspirasyon sa mga kalahok.
12. Update ukol sa Implementasyon ng 10-Year SWM Plan, Iprinesenta
Sa 3rd quarter meeting ng Municipal Ecological Solid Waste Management Board, naging pangunahing paksa ang mga update ukol sa nagawang accomplishment batay sa 10-Year Solid Waste Management (SWM) Plan ng LGU. Bahagi rin ng talakayan ang pagtukoy sa mga hamon at pangangailangan upang higit pang mapalakas ang implementasyon ng plano sa mga susunod na taon, para mapanatili ang kalinisan ang kaayusan sa ating pamayanan.
13. Resulta ng 2024 Census, Iprinesenta ng PSA
Noong September 11, iprinesenta ng Philippine Statistics Authority-Pangasinan ang preliminaryong resulta ng 2024 Census of Population-Community Based Monitoring System. Sa tulong ng MDPO, ipinakita sa mga lokal na opisyal at stakeholders ang mga detalyadong datos na nakalap sa isinagawang census, mga impormasyong magagamit ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagbuo ng mga programa nito, gayundin sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng iba't ibang proyekto.
14. Bayambang, Tampok na Destinasyon sa DOT-DTI "Creative Tour"
Dalawang atraksyon sa Bayambang ang naging tampok sa isang tinaguriang creative tour ng DOT sa pakikipaugnayan sa DTI. Kasama sa nasabing tour -- na tinaguriang RANIAG -- ang humigit-kumulang na treinta (30) na personalidad mula sa iba'tibang sektor bilang mga "creative tourists." Kabilang sa mga aktibidad na handog ng LGU-Bayambang ang isang pambungad na cultural presentation; live demonstration ng mga bagong food researches, booth visitation, at shopping sa PSU-DOST R1 Food Innovation Center, at pagbisita sa St. Vincent's Ferrer Prayer Park.
15. LCR, Patuloy ang Pag-award ng Birth Certificate at Free Delayed Registration
Kamakailan, muling nagsagawa ang Local Civil Registry (LCR) ng house-to-house awarding ng Birth Certificate in security paper sa Brgy. Wawa, Pugo, Ataynan, at Buenlag 2nd, kung saan 10 benepisyaryo, karamihan ay senior citizen, ang nakatanggap. Kasabay nito ang pag-aasiste sa mga wala pang birth certificate sa ilalim ng programang Free Delayed Registration of Birth.
[VO na lang ito]
16. 3Q NSED, Tuloy pa rin sa Gitna na Ulan
Kahit umulan at nawalan pa ng kuryente, natuloy pa rin ang 3rd quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill 2025 sa bayan ng Bayambang noong September 11. Nagtulung-tulong pa rin ang iba't ibang sektor sa pag-eensayo sa kanilang kahandaan sa sakuna.
Ang aktibidad ay bahagi ng pambansang adhikain na paigtingin ang paghahanda ng komunidad sa mga banta ng lindol at iba pang kalamidad.
17. LGU, Regional Winner sa Kaunlarang Pantao Award
Pormal nang tinanggap ng LGU-Bayambang ang 2025 Rafael M. Salas Kaunlarang Pantao Award mula sa Commission on Population and Development bilang Regional Winner sa Municipal Category. Ito ay isang pagkilala sa mga inisyatibo ng LGU sa pag-localize ng population and development agenda sa pamamagitan ng mga innovative, inclusive, at sustainable na programa, kabilang ang Responsible Parenthood & Family Planning, Adolescent Health and Youth Development, at Population and Development. Ginanap ang seremonya noong September 12 sa Lingayen, Pangasinan.
17. Blood Drive sa San Gabriel 2nd, May 26 Successful Donors
Isang mobile blood donation ang ginanap sa San Gabriel 2nd Covered Court noong September 12, kung saan nagkaroon ng 26 successful donors out of 35 registered potential donors. Ang aktibidad ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng Rural Health Unit II at Philippine Red Cross-San Carlos Chapter.
***
Bayambang, Dapat Alam Mo!
Ano ang TUPAD?
Ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers ay isang cash-for-work program ng DOLE. Layunin nito na bigyan ng short-term na trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay, under-employed, o kabilang sa mahihirap na sektor. Ang sahod ay nakabase sa minimum wage ng rehiyon, at may kasamang insurance at proteksyon sa kaligtasan.
Sino ang Puwedeng Benepisyaryo ng TUPAD?
Mga 18 taong gulang pataas na kabilang sa:
• Nawalan ng trabaho (displaced workers).
• Walang trabaho o kulang sa trabaho (unemployed/underemployed).
• Vulnerable o marginalized workers (mga mahihirap, seasonal workers, informal workers).
Dapt alam mo na hindi puwede sa TUPAD ang mga sumusunod:
• Mga empleyado ng gobyerno (permanent, contractual, project-based, job order, tumatanggap ng honoraria o allowance).
• Mahigit sa isang miyembro ng pamilya kada taon, maliban na lang kung may kalamidad.
Anu-ano naman ang mga benepisyo at proteksyon ng TUPAD?
• Sahod: Katumbas ng regional minimum wage (non-agricultural).
• Insurance: Lahat ng benepisyaryo ay may group micro-insurance.
• Kaligtasan: Bibigyan ng safety orientation, protective equipment, at tools.
• TUPAD ID: Para sa lahat ng benepisyaryo.
• Post-program support: Puwedeng magkaroon ng skills training mula DOLE/TESDA para sa mas pangmatagalang trabaho.
Bayambang, dapat alam mo na bawal ang mga sumusunod:
• Kaltasan o bawasan ang sahod ng benepisyaryo.
• Gumamit ng ghost beneficiaries (pekeng pangalan).
• lisa ang tao pero doble ang nakalista.
• Job-sharing o pagpapasa ng trabaho sa iba
Paano nga ba pinipili ang mga benepisyaryo ng TUPAD?
1. Priority ang mga walang stable na trabaho at kabilang sa mahihirap na komunidad.
2. Kinokonsulta ng DOLE ang mga LGU at barangay para sa listahan ng qualified individuals.
Ang mga napili ay bibigyan ng suweldo na P468/day base sa bilang ng araw na nagtrabaho. Ang trabaho sa TUPAD ay karaniwang nakukumpleto sa loob ng sampung araw.
Ngayon, Bayambang, ay dapat alam mo!
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: Mula sa mga proyekto ng LGU hanggang sa mga tagumpay ng bawat Bayambangueño, salamat sa pagtutok.
NEWSCASTER 2: Sama-sama pa rin tayo sa bawat hakbang, bawat kwento, at bawat tagumpay ng ating bayan.
NEWSCASTER 1: Ako po si John Vincent Austria, kasama sa pagsulong ng bukas na mas maganda.
NEWSCASTER 2: At ako po si Belinda Cabansag, mula sa General Services Office. Kaisa ninyo sa serbisyong tunay at may puso.
SABAY: Ito ang... BayambangueNews!