Sunday, February 3, 2019

Si Rizal at ang Bayambang


RIZAL @ BAYAMBANG
by Dr. Joel T. Cayabyab

“The greatest man  the Malayan race has ever produced.” Tuwing ika-30 ng Disyembre ng bawat taon, ginugunita natin ang kabayanihan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal.  Ang kanyang mga katangi-tanging naiambag sa ating bansa ay hindi maikakaila.  Marahil maitatanong natin kung ano ba ang papel ng ating bayan sa paghubog ng kamulatan ng ating pambansang bayani.

Napakahalaga ng naging papel ng bayan ng Bayambang sa buhay ni Rizal, partikular sa kanyang buhay pag-ibig.  Batid ng lahat na ang unang pag-ibig (perslab) ni Rizal ay si Leonor Rivera.  Nabighani ang ating bayani dahil sa angking galing nito sa piano, at sa kanyang likas na katalinuhan.  Nagkakilala ang dalawa noong nag-aaral pa si Rizal sa Unibersidad ng Santo Tomas at tumuloy sa boarding house ng kanyang tiyuhin na si Antonio Rivera, na siyang ama ni Leonor.  Ayon sa mga kuwento ng mga nakasaksi, bumibisita si Rizal sa Camiling, na nooý parte pa ng napakalaking bayan ng Bayambang, lulan ng tren ng Ferrocaril de Manila na ang byahe ay hanggang Dagupan.  Pagbaba niya ng Bayambang (sa may estacion) ay sasalubungin siya ng kabayo patungong Camiling.                               

Noong tumulak ng Europa ang ating bayani ay hindi na nila kinaya ang distansya ng kanilang pag-iibigan.  Ang kanilang long-distance relationship at kanilang mala-telenobelang kuwento ng pag-ibig ay nagtapos matapos magdesisyon ang pamilya ni Leonor na ipakasal siya kay Henry Kipping, na isa sa mga nanguna sa pagtatayo ng Ferrocaril de Manila.  Isang gabi bago ang kanilang kasal napasakamay sa kanyang ina na si  Silvestra ang mga sulat ni Rizal kay Leonor.

RIZAL @ REBOLUSYON LABAN SA KAHIRAPAN

Bagamat miyembro ng uring principalia, ang buhay ng pamilya Rizal ay hindi lubusang marangya.  Ang kanilang mga lupang pinamahalaan ay pag-aari ng mga paring Dominikano na may hawak ng Calamba, partikular sa Pansol, kung saan nandoon ang lupang ibinahagi sa mga Rizal.

Noong panahong nag-aral ang ating bayani  sa Europa ay nakaranas ito ng mga araw ng taggutom dahil umaasa lang siya sa singwenta pesos na buwanang padala ng kanyang kuyang si Paciano.  Masasabi natin na hindi ito estranghero pagdating sa pagdanas ng hirap.

Matatandaang nanirahan si Rizal sa Dapitan, Zamboanga del Norte bilang kaparusahan sa pagtuligsa at paglaban sa mapaniil na pananakop ng mga Espanyol.

Noong 1892, bunga ng kanyang pagkahilig sa loterya, pinalad siyang manalo sa kombinasyon ng numerong 9736 na kasama ang dalawa pang nanalo na may kaparehas na kumbinasyon.  Nakakuha siya ng halagang P6,200 na siyang hinati niya sa sumusunod: P2,000 sa kanyang ama, P200 sa isang kaibigan na nasa Hongkong at P4,000 na siya namang ipinambili niya ng lupa na may lawak na 16 na hektarya (na naglaon ay naging 70 hektarya).  Sa lupaing ito sinanay niya ang mga tao sa agrikultura tulad ng pagtatanim ng abaka, niyog, kape at kakaw.  Iminulat niya ang mga tao sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka mula sa kanyang mga naging karanasan sa pagbisita sa iba’t ibang bansa.  "We cannot all be doctors; it is necessary that there would be some to cultivate the soil,” wika niya, na iminumulat ang kahalagahan ng agrikultura sa pag-unlad ng isang komunidad. 

Malinaw na iminulat ni Rizal ang sambayanan sa kahalagahan ng agrikultura sa pagsulong ng isang bayan.    Ito ang tanging mabisang paraan upang ang isang lokal na ekonomiya ay magkaroon ng “take-off.”  Kinakailangan ng tamang kombinasyon ng pagsasalin ng makabagong pamamaraan ng pagsasaka at pagmulat sa kaisipan ng mga nakababatang henerasyon ng kainaman ng pagsasaka bilang sandata laban sa kahirapan. 

RIZAL @ KABAYANIHAN

Bibihira ang mga taong kayang ibahagi ang mga pagpupunyagi at biyayang natatanggap at tagumpay na natamasa sa buhay para sa bayan.  Lahat ng mga ginawang pagsisikap ni Rizal ay nakatuon sa pagpapalaya at pagpapaunlad ng kanyang bayan.  Dinilig niya ng kanyang dugo ang lupang uhaw sa kamalayan ng pagkakaisa at diwa ng kalayaan.

Sa ating pag-aaral ng mga talambuhay ng ating mga bayani, madalas naiiwan sa kamulatan natin ang mga pambihirang talento at talino na siyang kinilala ng lahing Pilipino.  Huwag nating ikahon ang ating mga bayani sa paniniwalang  kinakailangan ng pambihirang lakas at abilidad at mataas na edukasyon upang hangaan at tingalain.  Ang pagiging bayani ay hindi lamang nakatuon sa mga ganoong katangian.  Ang mga munting kontribusyon natin bilang mga ordinaryong Bayambangueño ang mahalagang sangkap upang mapaunlad ang ating bayan.  Ang kabayanihan ay maipapamalas sa pagmulat natin sa mga tamang pamantayan gaya ng  pagsisikap upang maiangat ang sarili sa kahirapan, pagsunod sa batas, pagpapakita ng malasakit sa kapwa at pagtalikod sa mga kinagisnang maling pamamaraan gaya ng korapsyon.

Mapalad ng ating bayan ng Bayambang sapagkat nakatagpo tayo ng isang pinuno na kayang ibigay lahat ng kanyang pinagpaguran at kinamtan na tagumpay upang makitang maunlad para sa susunod na henerasyon.  Isang malaking biyaya ang kanilang makabayang adhikain para sa isang Bayambang na maunlad, na napagwagian ang kahirapan at naituwid ang mga baluktot na sistemang bumalot sa atin ng napakatagal ng panahon.
Mabuhay ang Balon Bayambang!

No comments:

Post a Comment