Sunday, February 3, 2019

EDITORIAL - November 2017


EDITORIAL - Ang Iba’t-Ibang Mukha ng Nobyembre

Nagmistulang isang roller-coaster ride ang buwan ng Nobyembre pagdating sa emosyon. Nagsimula ang buwan sa katatakutan at katatawanan sa pagdiriwang ng “Zumba ng mga Zombies,” isang Halloween celebration. 
Di naglaon ay nagtagisan naman ng lakas at talino ang mga taga-LGU sa taunang sportsfest na kinatampukan ng isang parada at cheerdance competition. Naging mahigpit ang labanan, kaya’t mapait na karanasan ito sa mga hindi nagwagi pero nagpursigi rin naman ng todo – subalit ang tunay na layunin nito ay isulong ang camaraderie at ipagdiwang ang Health and Wellness Month.
Sinundan ang LGU Sportsfest ng nakatutuwang pagbibida ng mga musmos na kabataan sa National Children’s Month Celebration. Nakakatuwa ring malaman na 15 sa 35 na paslit na sumailalim sa massive feeding program ng Municipal Nutrition Action Office ang nagsipagtapos na sa pagiging malnourished. Ang mga aktibidad tulad nito ay patunay lamang na ang Bayambang ay isa ngang child-friendly municipality. 
Naging mas pinaigting naman ang pagdiriwang ng SingKapital ngayong taon na siyang pumukaw muli sa ating sense of pride bilang Bayambangueño. Sa unang pagkakataon ay naimbitahan ang mga representante ng mga gaya nating naging kabisera ng bansa: ang Malolos, San Isidro (Nueva Ecija), Bamban (Tarlac), at Tarlac City.
Para sa Environmental Awareness Month, nagkaroon tayo ng isang seminar na kung saan hinikayat ang mga mamumuhunan “to go green in their business” upang makatulong sa pangangalaga ng kalikasan. 
National Reading Month din ang Nobyembre kaya’t naisipan ng Municipal Library ang maglunsad ng isang storytelling activity at quiz bee na nilahukan ng mga estudiyante upang ipalaganap ang pagbabasa sa mga kabataan nang di sila mauwi lamang sa pagte-“text, tweet at twerk,” gaya ng pabirong sabi ng isang manunulat.
Sa Nobyembre rin nagkaron ng isang malawakang job fair para sa mga naghahanap ng trabaho, isang paalala sa reyalidad na mataas ang unemployment rate sa ating bayan dahil marami ang walang hanapbuhay. 
Gayunpaman, napakagandang mabalitaan na ang Bayambang LGU ay nag-grand slam sa SGLG dahil tayo ay pumasa sa ikatlong sunud-sunod na pagkakataon sa masusing evaluation ng DILG. At hindi lang iyon – naging No. 1 din tayo sa Pangasinan at No. 2 naman sa Region I sa Cities and Municipalities Competitiveness Index ng National Competitiveness Council.  
Ngunit nakakalungkot na sa kabila ng mga magagandang nangyayaring ito, may mga taong nagagawa pang manira sa administrasyon. Paalala lang sa lahat na “slander is equivalent to murder.” Isang mabigat na kasalanan sa Diyos ang manira ng kapwa, nasa poder man ito o hindi.

No comments:

Post a Comment