Sunday, February 3, 2019

History of Barangay Alinggan, Bayambang, Pangasinan


BARANGAY ALINGGAN
Noong unang panahon ang barangay na ito ay isang sitio ng Barrio Tococ. Ayon sa matatanda, ang lugar ng Sitio Morales kung tawagin noon ay ang tinatawag na Alinggan sa ngayon. Ayon sa alamat, noong unang panahon, sa isang lugar na kung tawagin ngayon ay Bayambang, ay mayroong mag-asawa na may anak na babae na nagngangalang Violeta na masayang naninirahan sa pook na ito. Si Violeta ay kilala sa lugar na ito sa pangalang Aling. Si Aling ay lumaki at nagdalaga na may pambihirang kagandahan at mabuting kalooban at higit sa lahat ay mapagmahal sa kanyang mga magulang at sa kanyang mga kapitbahay.
Dahil sa angking kagandahan maraming naghangad na mapa-ibig ang dalaga. Ang mga binatang nasa malayong lugar ay dumadayo pa sa lugar na tinitirahan ng magandang dalaga upang masilayan lang nila ang kanilang sinisintang mutya.  Ang tinitirahan ni Aling ay madaling natagpuan ng mga binatang di pa nakapunta dito. Dahil si Aling ay kilala sa  lugar na ito at tinatawag na din siya na si Aling na maganda o Aling ya magangana.
Subalit nakatadhanang mamuhay na mag-isa ang dalaga, dahil hindi siya napaibig ng kahit sinong binata na naghangad na mapaibig siya. Inilaan ng dalaga ang sarili sa paglilingkod sa mga magulang  na minamahal, at hanggang sa huling  sandali ng kanilang buhay ay pinagsilbihan sila, hanggang siya ay maulilang lubos. Gayunpaman maligaya pa rin siyang namuhay dahil itinuturing din siya ng kanyang kapitbahay na isang kapamilya. At hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay pinagsilbihan siya ng mga taong minahal  at nagmahal naman sa kanya.
Nagdaan ang mga araw, buwan at taon, sa lugar na kinatatayuan ng bahay ng dalaga noong siya ay nabubuhay pa may tumubong isang kahoy na kakaiba, dahil makinis ang balat ng punong ito, mayabong ang mga sanga, luntian ang mga dahon at namumulaklak ng kulay lila. At dahil sa kabaitan  ng dalaga sa mga tagaroon ay binigyan nila ng pangalan ang punong ito. Alinggan ang itinawag nila dito dahil inihalintulad nila ito kay Aling na maganda. Dumaan ang mahabang panahon, ang lugar na iyon ay lumaki hanggang sa tawagin na rin itong Barangay Alingan o Barangay Alinggan.

No comments:

Post a Comment