Ang Bayambang ay kanlungan ng mga bayani, a refuge of
heroes.
Tila nakakalimot ang nakararami rito, dahil marahil
ang bagay na ito ay ‘di binibigyan ng tamang pagpapahalaga.
Ang panahon ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ay
panahon upang ipaalala ang bagay na ito.
Ayon sa kasaysayan, limang buwan bago gawing kabisera
ng bansa ang bayan ng Bayambang ni Hen. Emilio Aguinaldo, nagtungo rito ang
kanyang Teniente Koronel na si Hen. Antonio Luna sa lugar na kung tawagin
ngayon ay Cadre Site, bago ito tumuloy sa Cabanatuan, Nueva Ecija at paslangin
ng mga kaaway nito sa pulitika.
At noon ngang Nobyembre a-dose, 1899, dito nagdeklara
ang unang Pangulo ng Pilipinas, si Hen. Aguinaldo, na buwagin muna ang
Republika upang magbigay daan sa giyera laban sa mga mananakop. Kaya naman tayo
may selebrasyong tinatawag na SingKapital kada taon.
Sa isang lugar sa Bayambang din na kugn tawagin ngayon
ay bayan ng Bautista isinulat ang titik ng ating naging Pambansang Awit.
Sa Bayambang naglimbag ng pahayagan ang mga patnugot
ng La Independencia upang patuloy na ipaalam sa taong-bayan ang tungkol sa
paghihimagsik laban sa mananakop.
Sinasabing namalagi si Dr. Jose Rizal, ang mismong
pambansang bayani, sa Bayambang dahil dito siya bumababa ng tren patungong
Camiling upang dalawin ang kasintahang si Leonor Rivera.
Ang unang rebelyon kontra Espanyol sa Pangasinan ay sa
bayang ito naganap. Sinasabi pa ng mga historyador na halos walang natirang
ancestral houses sa Bayambang dahil sa pagrerebelde ng mga taga-Bayambang.
Bakit mahilig tumuloy sa Bayambang ang mga naturang
bayani? Sa paniniwala ng isang historyador, ito ay dahil sa reputasyon ng mga
taga-Bayambang na sila ay kakampi ng mga bayani, na sila ay maka-bayani.
Samakatwid, historically speaking, Bayambang is a town
of heroes, a refuge of heroes. Maraming mga taga-Bayambang ang lingid sa ating
kaalaman ay nagpakabayani at nagpakagiting din sa sarili nilang pamamaraan. Ang
ilan sa mga ito ay pinarangalan natin ng Matalunggaring Award noong nakaraang
kapistahan. Ganitong klase ng kasaysayan ang minana ng bawat isa sa atin. Kung
gayon, magandang itanong sa ating sarili kung tayo ba ay karapat-dapat sa
ganitong mga pamanang yaman ng kasaysayan.
Sa Araw ng Kalayaan, magandang itanong sa ating
sarili: “Ako ba ay makabayan tulad nila, o makasarili?”
Hindi ka bayani at hindi ka makabayan kung ikaw ay
nangongotong, nangungurakot sa kabang-yaman ng bayan, naninira ng kapwa, nagkakaladkad
pababa sa mga umaangat sa buhay, nagtatapon ng basura kung saan-saan, tamad at
walang ambisyong magbago at umunlad sa buhay...
Hindi bagay sa bayan ang Bayambang ang makasarili. Sa
araw na ito, hinihikayat na ang lahat ay makiisa sa kasalukuyang laban natin sa kahirapan sa pamamagitan ng pagsapi sa Rebolusyon bilang mga tunay na mga bayani,
bilang tunay na mga makabayan.
(This speech by Mayor CEZAR
T. QUIAMBAO was read during the 120th celebration of Philippine
Independence Day on July 12, 2018 in front of Gen. Emilio Aguinaldo’s statue at
the Municipal Hall compound.)
No comments:
Post a Comment