BARANGAY
CARUNGAY
May isang masukal na pook na
nakaratay sa pampangin ng ilog. Ito ang naging kanlungan ng mga taong noon ay
binubuo lamang ng iilang mag-anak. Nang di maglaon, may mga taong galing sa
hilaga na ang salita ay Ilokano.
Dito na nanirahan ang mga taong
ito at nagsimulang pagyamanin ang pook sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno
at halamang pinanggagalingan ng pang-araw-araw nilang pagkain. May isang klase
ng puno na di gaanong lumalaki bagamat may malagong dahon na kung saan
napakadaling itanim at buhayin. Ito ay may maliliit at mapuputing bulaklak na
nagiging mahahabang bunga kapag panahon nito. Ang mga dahon nito ang
pangunahing ginagawang gulay. Tinatawag nila ang punong ito na “marunggay”
Lumago ang mga halama’t puno sa
pook na ito lalo na ang halamang tinatawag nilang “marunggay.” Sa paglipas ng
maraming taon, ang mga taong nagmula sa pook na ito ay kilala na galing sa pook
na tinatawag nilang “Camarunggayan” na ang ibig sabihin ay “pook na may makapal
na taniman ng “marunggay.”
Nakarating ang mga Espanyol sa
pook na “Camarunggayan” noong panahon ng kanilang pananakop. Dumami ang mga
taong nanirahan dito. Sa paglipas ng mga taon, ang mga taong dumarayo dito
sampu ng mga Espanyol ay binigyang pangalan ang pook na ito na
“Carungay” na hango sa dating katawagan nitong pook ng “Camarunggayan.”
Nang lumipas ang marami pang
taon, ito ay naging isa sa mga barangay ng isang napakalaking bayan -- ang
bayan ng Bayambang. Bagamat Pangasinense ang pangunahing salita sa bayan, lalo
na sa mga karatig pook nito, nanatiling Ilokano ang pangunahing gamit na wika ng
mga taga-Barangay Carungay. Ang paggamit ng wikang Ilokano ay isa sa mga minana
nila sa kanilang mga ninuno. Ang salitang “marunggay” na pinagmulan ng
pangalang “carungay” ay isa ring salitang Ilokano na ang ibig sabihin sa
salitang Tagalog ay “malunggay.”
Sa ngayon, ang Barangay Carungay
ay isa sa mga mauunlad at mapayapang barangay ng bayan ng Bayambang sa
lalawigan ng Pangasinan.
No comments:
Post a Comment