Monday Report - September 22, 2025
NEWSCASTER 1: Naimbag nga aldaw kadakayo amin, Bayambang! Ako po si Auralou V. Ramos ng Municipal Budget Office.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si Jerome T. Maycon ng Human Resources Management Office, ang inyong katuwang sa paghahatid ng mga napapanahong balita.
NEWSCASTER 1: Mga balitang tungo sa pagbabago at patunay ng sama-samang pagkilos para sa kinabukasan.
NEWSCASTER 2: Ito ang tinig ng bayan, tinig ng serbisyo...
SABAY: …BayambangueNews!
***
[SALITAN NA KAYO RITO]
1. Tree-Cutting Operations, Isinagawa matapos ang Ipo-ipo
Noong September 13, ang MDRRMO ay kaagad na nagsagawa ng damage assessment at malawakang tree-cutting at clearing operation sa apat na barangay na nasalanta kamakailan ng malakas na ipo-ipo kasabay ng malakas na buhos ng ulan. Aktibong tumulong ang mga BDRRMC ng Brgy. Managos, San Gabriel 1st, Amancosiling Norte, at Amancosiling Sur upang maputol at maisaayos ang mga bumagsak at nabuwal na mga punongkahoy sa pitong magkakahiwalay na lokasyon. Walang naiulat na casualty sa nasabing insidente.
2. MDRRMO, Sumali sa RDANA Training
Nakilahok ang mga kawani ng MDRRMO sa isinagawang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA Training noong September 9-12 sa San Carlos City. Layunin nito na malinang ang kasanayan ng mga DRRM personnel sa agarang pagtukoy ng lawak ng pinsala at pagtasa sa mga pangangailangan ng mga komunidad na maaapektuhan ng kalamidad. Sa pamamagitan nito, masisiguro ang maagap at angkop na pagtugon, gayundin ang mas epektibong pagbuo ng mga plano para sa rehabilitasyon at pagbibigay-tulong.
3. LCRO, Nagpatuloy ng Info Drive sa Dusoc
Noong September 12, nagpunta ang LCR sa Dusoc Elementary School upang magsagawa ng information drive ukol sa tamang pagrerehistro at updates sa PSA memorandum circulars. Inimbitahan dito ang mga teachers, parents at barangay officials upang mas mapalawak pa ang kanilang kaalaman sa civil registration at maiwasan ang anumang pagkakamali sa mga civil registry records.
4. 'Gulayan sa Paaralan,' Muling Inilunsad sa mga Eskwelahan
Nanguna ang School Parents-Teachers Association ng Bayambang Central School sa pagbuhay muli ng taunang 'Gulayan sa Paaralan' project ng DepEd sa BCS campus ground. Gamit ang mga binhi at punlang galing sa Agriculture Office, nagtulung-tulong ang SPTA officers at members sa paglilinis ng mga loteng itinakda para sa gulayan, at hinikayat ang mga mag-aaral upang sila mismo ang magtanim ng mga binhi at punla.
5. OVP, Nagdonate ng School Supplies
Noong September 15, namahagi ang Office of the Vice-President ng mga bag at school supply na may kasamang hygiene kit sa may 519 na eskwela ng Hermoza Elementary School, matapos magrequest si former LGBTQI President Sammy Lomboy sa OVP. Ang OVP staff ay nag-courtesy call kay Mayor Niña bago magsimula ang distribusyon.
6. Mag-aaral ng AP Guevarra I.S., Nagsimula sa Kanilang Work Immersion
Ang mga mag-aaral ng A.P. Guevarra Integrated School sa Brgy. Manambong Norte ay nagsimula sa kanilang work immersion noong September 15. Sila ay mainit na sinalubong ng Municipal Administrator at ginabayan at pinayuhan ng PESO-Bayambang.
7. LGU Employees, Humataw sa Zumba
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Civil Service, pinangunahan ng HRMO ang paghataw sa pagsayaw ng humba sa 'Hataw ZumBayambang' noong September 15. Ito ay upang hikayatin ang mga kawani ng pamahalaan na pangalagaan ang kanilang kalusugan at magkaroon ng kasiglahan sa pamamagitan ng masiglang Zumba session. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga empleyado na magsaya, mag-ehersisyo, at makapag-bonding bilang isang komunidad.
8. Drug-Free Workplace Ordinance, Ikinasa sa mga Barangay
Noong September 15, nagdaos ng isang pampublikong pagdinig ang Sangguniang Bayan ukol sa mga panukalang barangay ordinance na naglalayong magpatupad ng isang drug-free workplace policy sa mga barangay. Pinangunahan ang committee hearing nina Councilor Jose Ramos at Councilor Rodelito Bautista. Tinalakay sa pagdinig ng komite ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na mekanismo laban sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa mga lugar ng trabaho sa mga barangay, at mga penalty na ipapataw sa mga lalabag dito.
9. De Vera, Bagong Municipal Accountant
Noong September 15, kinumpirma ng Sangguniang Bayan ang pagtatalaga kay G. Flexner de Vera bilang Municipal Accountant. Si Sangguniang Bayan Member Jose Ramos, Tagapangulo ng Committee on Civil Service and Personnel, ang nagrekomenda ng kumpirmasyon sa appointment ni De Vera, at binigyang-diin ang kanyang mataas na kakayahan at integridad para sa posisyon.
Mula sa LGU-Bayambang, isang mainit na pagbati!
10. 34 CDCs, Inassess ng ECCD Council
Sa isinagawang exit conference ng ECCD Council, iniulat na 33 sa 34 na in-assess na Child Development Centers sa Bayambang ang pumasa sa external assessment. Isang CDC naman ang binigyan ng anim na buwang palugit upang makumpleto ang requirements. Tatlong CDC ang umabot sa Level 3, na may valid recognition hanggang limang taon.
11. Peace and Security Programs, Tampok sa MPOC-MADAC Meeting
Idinaos ang ikatlong quarterly meeting ng MPOC at MADAC upang repasuhin ang mga hakbang para sa kapayapaan at seguridad sa Bayambang. Tinalakay ang mga programa tulad ng traffic enforcement, crime prevention, fire safety, paglalagay ng CCTV, at pagpapatupad ng mga ordinansa. Binigyang-diin sa pulong ang sama-samang aksyon para sa isang ligtas, disiplinado, at maunlad na komunidad.
12. Bagong Hepe ng LTO–Bayambang, Nag-Courtesy Call kay Mayor Niña
Noong September 16, nag-courtesy call ang bagong OIC ng LTO–Bayambang District Office na si Maria Dolores Soliven kay Mayor Niña Jose-Quiambao. Ipinahayag niya ang layunin na palakasin ang ugnayan ng LTO at LGU, lalo na sa mga programang pangkaligtasan sa kalsada. Kasama rin sa pagbisita ang Red-Rover Driving School na nagpanukala ng kolaborasyon para sa edukasyon ng mga drayber.
13. LGU, Nakiisa sa Food Business Expo
Nakiisa ang LGU-Bayambang sa matagumpay na Aligwas Buzzness Expo 2025 na ginanap sa PSU-Bayambang campus grounds mula September 17 hanggang 19, sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta rito. Itinampok dito ang iba’t ibang produkto at serbisyo ng mga MSME na maaaring maging inspirasyon sa iba pang mga negosyante. Layunin ng expo na ipakita ang malikhaing galing ng mga Bayambangueño at suportahan ang lokal na kabuhayan sa pamamagitan ng mga bago at innovative food business concepts.
14. Mga Kawani ng LGU, Muling Nagpakita ng Katapatan
Patuloy ang mga kawani ng LGU sa pagpapakita ng katapatan sa kanilang tungkulin. Dalawang kawani ng BPSO at isang kawani ng SEE ang kusang loob na nagbalik ng mga napulot na cell phone sa kanilang mga may-ari. Ang una at pangalawang cell phone ay napulot ng mga traffic enforcer na sina Randy Ildefonso at John Lester Mesde, at ang ikatlo ay napulot ng SEE staff na si Reynalds Cayabyab. Kapuri-puri ang kanilang integridad at pagiging ehemplo ng malasakit sa kapwa Bayambangueño.
15. Pagtatayo ng Sanitary Landfill, Pinag-aaralan
Upang lalo pang mapahusay ang pamamahala sa basura at matiyak ang kalinisan at kalusugan ng komunidad, Noong September 16, pinangunahan ni Dr. Cezar Quiambao ang isang exploratory meeting kasama ang mga opisyal ng Jeico Development Corporation, isang South Korean company, upang talakayin ang posibilidad ng pagtatayo ng isang modernong sanitary landfill sa ating bayan. Ang pagkakaroon ng isang moderno at sanitary landfill ay malaking katipiran sa gastusin sa proper waste disposal.
16. Mga Kawani, Dumalo sa Financial Literacy Webinar
Noong September 17, ang mga kawani ng Munisipyo ay dumalo sa isang seminar ukol sa financial wellness and personal success gamit ang Zoom video, sa pag-oorganisa ng Business Permits and Licensing Office at sa tulong ng Bankers Institute of the Philippines. Dito ay natuto ang mga empleyado ng mga praktikal na kaalaman sa personal na panananalapi at paglago sa pansariling pamumuhay.
17. Pampering Services, Inihandog sa mga Kawani
Bilang parte pa rin ng selebrasyon ng 25th anniversary ng Civil Service, nagbigay ang HRMO ng mga libreng pampering services sa mga kawani ng LGU, kabilang ang manicure, pedicure, haircut, at back massage. Sa handog na mga serbisyo, naipadama ng pamahalaang lokal ang pagpapahalaga nito sa sarili nitong mga kawani.
18. MAO, Nagpa-training sa Organic Farming
Noong September 12, nagbigay ang Agriculture Office ng isang training sa Brgy. Managos para sa 30 farmers ukol sa paggamit ng organic fertilizer, organic pesticides, at good agriculture manufacturing. Nagsilbing resource speakers ang mga taga-DA Region 1. Sa training na ito, naipakilala sa mga farmers ang organikong paraan ng pagpapayabong ng tanim at pagkakaroon ng masaganang ani nang hindi isinasakripisyo ang gastusin at kalusugan.
19. Cold Storage Project, Isinabak sa Audit
Isinabak sa isang audit at field validation ng DA-PRDP ang “Construction of Bayambang Onion Cold Storage Project" noong September 17. Katuwang sa pagsusuri ang Internal Audit Service, Project Support Office, at Regional Project Coordination Office ng DA, kasama ang Municipal Engineering Office at MPMIU ng LGU-Bayambang. Napatunayan sa assessment na ang proyekto ay naipatupad nang tama, episyente, at epektibo.
VOICEOVER
20. KSB Year 8, Nagtungo sa Bongato West
Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 ay nagtungo naman sa Brgy. Bongato West Covered Court upang pagsilbihan ang mga residente sa distrito. Sa pangunguna ni Dr. Roland Agbuya, daan-daang muli ang nag-avail ng mga libreng serbisyong medical at non-medical services mula sa Munisipyo, at malaking ginhawa at katipiran ito sa 893 na mga taga-barangay Bongato East at Bongato West.
21. Buntis Congress 2025, Naging Matagumpay
Matagumpay na muling idinaos ang Buntis Congress 2025 September 19, na pinangunahan Rural Health Unit II, upang palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga ina sa tamang pangangalaga sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak. Naging sentro ng programa ang mga lektyur ukol saa prenatal care, kahalagahan ng pagbabakuna para sa proteksyon ng mga sanggol, oral health, at tamang nutrisyon at diet.
22. Bagong Hepe ng BFP, Nag-Courtesy Call Kay Mayor Niña
Pormal na nagpakilala si Fire Inspector Joy Carol A. Palchan, ang bagong itinalagang hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bayambang, sa pamamagitan ng isang courtesy call sa opisina ni Mayor Niña noong September 18. Ipinaabot ni Palchan ang kanyang pangakong kooperasyon sa pamunuan kasabay ng pagpapalakas ng fire safety sa bayan.
23. Mga Plano at Programa para sa 2026, Tinalakay sa MDC Meeting
Sa idinaos na Municipal Development Council (MDC) Meeting noong September 18, iprinesenta at tinalakay ang tatlong mahahalagang dokumento: ang Supplemental Annual Investment Program (AIP) No. 2 for 2025, Revised AIP No. 1 for 2025, at ang AIP para sa CY 2026. Ito ay upang ipaalam sa lahat ng dumalo ang detalye ng mga proyektong pangkaunlaran ng bayan at upang ang mga ito ay marepaso at maaprubahan.
24. RHU 3 Blood Drive, Nakakolekta ng 26 Blood Bags
Isang mobile blood donation drive ang isinagawa ng Rural Health Unit III noong September 18 sa Pangdel Covered Court sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross-San Carlos Chapter. Mayroong 26 na naging successful blood donors sa aktibidad. Tumulong naman ang Pangdel Barangay Council sa pamamagitan ng pag-isponsor ng pagkain ng mga donors.
25. Mga ALS Teacher sa Bayambang, Nakatanggap ng mga Printer mula kay Mayor Niña
Malugod na tinanggap ng mga guro ng Alternative Learning System (ALS) sa ilalim ng DepEd Bayambang I ang tatlong bagong printer na ipinagkaloob ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang (LGU) sa pamumuno ni Mayor Niña Jose Quiambao. Ang donasyong ito, na bahagi ng suporta sa pagpapalakas ng edukasyon para sa mga out-of-school youth at adults, ay layuning mapadali ang paghahanda ng mga modyul at kagamitang panturo para sa mga mag-aaral na naantala ang pag-aaral.
26. MOA Signing para sa Bagong Land Bank ATM, isinagawa
Sa ngalan ni Mayor Niña, lumagda si Vice-Mayor IC Sabangan sa isang Memorandum of Agreement para sa pagkakaroon ng bagong ATM para sa ating bayan. Ang nasabing machine ay ilalagay sa tabi ng Annex Building at magiging malaking tulong sa dumaraming financial transactions ng ating mga kababayan.
27. Bayambang, Pasok sa Top 5 Most Business-Friendly Municipalities!
Sa unang pagkakataon, napabilang ang bayan ng Bayambang sa Top 5 Most Business-Friendly LGU Awards sa Municipality Level 1 Category nationwide! Ito ay isang mahalagang pagkilala sa business practices, social services, at infrastructure development sa bayan ng Bayambang at ang kontribusyon natin sa ekonomiya ng bansa, partikular na sa pagdami ng investors at pagtaas ng employment rate. Ang patimpalak para sa taong 2024 ay inorganisa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Congratulations, LGU-Bayambang!
***
Bayambang, Dapat Alam Mo - Expanded Maternity Leave & Update on Number of LGU Employees
Bayambang, dapat alam mo na base sa batas, expanded na ang maternity leave ng mga empleyadong bagong panganak. Kung dati ay 60 days ang maternity leave, ngayon ay naging 105 days na.
Ayon sa Section 19 ng Republic Act No. 11210, o An Act Increasing the Maternity Leave Period to One Hundred Five Days for Female Workers, ito ay para bigyang pagkakataon ang mga bagong panganak na maalagaang mabuti ang kanilang bagong silang na sanggol.
Ngayon, Bayambang, ay dapat alam mo!
***
Samantala, dapat alam mo rin na noong 2016, bago umupo ang administrasyong Quiambao-Sabangan, mayroong 293 na empleyado ang Munisipyo.
Ikumpara mo ito sa kasalukuyan, na may 944 na empleyado na!
Napakalayo, di ba?
Ang pagbibigay ng napakaraming oportunidad sa trabahao at karera ay tiyak na malaking ambag sa ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Ngayon, Bayambang, ay alam mo na!
***
Samantala, Bayambang, dapat alam mo rin na may direktang boses ka pagdating sa proseso ng pagbabudget sa Munisipyo.
Ayon sa Budget Operations Manual ng Department of Budget, mayroong section ukol sa "Participatory Budgeting," kung saan ineencourage ang publiko na makilahok sa preparasyon ng budget ng Munisipyo sa pamamagitan ng mga accredited na CSO. Kaya't huwag mahiyang makialam kung paano ginagasta ang pera ng bayan.
Maging miyembro ng isang accredited CSO at aktibong makilahok sa talakayan kapag naimbitahan sa mga budget forum at maging sa mga public hearing.
Ngayon, Bayambang, ay alam mo na.
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: Sa bayan nating may puso, may direksyon, at may malasakit, ang serbisyo ay tuloy-tuloy.
NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat na aming hatid, nariyan ang pangakong hindi kayo pababayaan.
NEWSCASTER 1: Ako po si Auralou V. Ramos ng Municipal Budget Office. ...Kaisa ninyo sa pagpapatuloy ng tunay na pagbabago.
NEWSCASTER 2: At ako si Jerome T. Maycon ng Human Resources Management Office. ...Patuloy na naglilingkod sa inyo, sa ngalan ng LGU-Bayambang. Hanggang sa susunod na lingo.
SABAY: Ito ang.... BayambangueNews!