Friday, August 15, 2025

MONDAY REPORT – AUGUST 18, 2025

MONDAY REPORT – AUGUST 18, 2025

 

[INTRO]

NEWSCASTER 1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Kami ang inyong mga tagapaghatid ng tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si Christine I. Monderin, SK Chairperson ng Brgy. Telbang.

 

NEWSCASTER 2: At ako naman po si Cyrielle May M. Almanzor, SK Chairperson ng Brgy. Hermoza ...Mula sa bayang ang malasakit ay hindi salita kundi gawa...

 

NEWSCASTER 1: ...at ang bawat balita ay patunay ng pagkakaisa at pagkilos.

 

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa tunay na serbisyo...

 

SABAY: ...BayambangueNews.

***

[SALITAN NA KAYO RITO]

1. Karagdagang Parking Space, Inihahanda

Nakatakdang gibain ang "Yellow Building" sa pamilihang bayan sa darating na September 21, upang bigyang-daan ang bagong pampublikong parking area sa bayan ng Bayambang. Ang gusali ay itinayo sa lupaing pagmamay-ari ng LGU nang walang pahintulot, at inaasahang mapakikinabangan na ng mas nakararami. Inalok naman ng alternatibong puwesto sa White Building ang 15 na apektadong tenants.

 

2. PESO at PSU, Nag-ugnayan para sa Job Fair

Isang job fair ang matagumpay na isinagawa ng PESO at PSU-Bayambang Campus noong August 6. Ito ay may 289 na aplikante, at 72 sa kanila ay hired on the spot. Sampung ahensya ang lumahok, kabilang ang isang overseas recruiter, at sila ay nag-alok ng 2,930 job vacancies.

 

3. Info Drive kontra TB at HIV, Inilunsad

Mula July 29 hanggang August 28, nagsagawa ang RHU I ng information drive laban sa TB at HIV sa anim na barangay, at sila ay may 187 participants. Ipinaliwanag ng RHU na ang TB is isang posibleng sintomas ng HIV, kung kaya't isinabay ang dalawang paksa sa isang sesyon.

 

4. Wire Clearing Operation, Nagpatuloy

Patuloy ang Bayambang Wire Clearing Group sa pagtanggal ng mga dangling wire sa mga pangunahing kalsada ng bayan. Nitong August 8, nag-operate ang grupo sa highway mula Poblacion hanggang Telbang. Kasama sa operasyon ang BPSO, MDRRMO, Engineering Office, Globe, at Converge.

 

5. Mga Sagabal na Poste, Dinemolish

Dalawang poste naman ng Digitel ang giniba ng team noong August 12 sa harapan ng public market at Mercury Drug store, bilang bahagi naman ng mas pinaigting na road clearing operations ng gobyerno, kabilang na ang Task Force Disipina ng LGU-Bayambang, upang maiwasan ang aksidente sa mga pedestrian at motorista.

 

6. LGU, Panelist sa Nutrition Conference

Noong August 12 to 13, naimbitahan bilang panelist si Mayor Niña sa isang kumperensiya ng National Nutrition Council ukol sa "Strengthening LGU Nutrition Programs through the Creation of a Nutrition Office," na ginanap sa Parañaque City. Siya ay nirepresenta ni Municipal Nutritionist Venus Bueno, na siyang naglahad ng tinahak na landas ng LGU-Bayambang mula sa pagiging kabilang sa hanay ng mga most malnourished towns sa probinsya hanggang sa pagkakaroon ng one of the top 10 Municipal Nutrition Offices nationwide.

 

7. MVAT Team, Muling Naglibot

Muling naglibot ang Municipal Validation and Assessment Team ng DILG at LGU noong August 12 para mag-evaluate ng mga barangay ukol sa kanilang compliance sa "Kalinisan sa Bagong Pilipinas Program" ng pangulo. Masusing tiningnan sa aktibidad kung maayos na naipatutupad sa mga barangay ang mga programa kabilang ang Barangay Road Clearing Operations, Halina't Magtanim ng Prutas at Gulay, at ang Quarterly Assessment for Cleanest Barangays.

 

8. LGBTQI-Bayambang, May Bagong Opisyales

Inihalal si Joyce de Guerto ng Barangay Mangayao bilang ikalimang pangulo ng Balon Bayambang LGBTQI Association matapos isagawa ang eleksyon noong August 10 ng mga miyembro ng local LGBTQI community. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, pangungunahan ni De Guerto ang adhikaing itaguyod ang karapatan at pagkilala sa LGBTQI community sa Bayambang.

 

9. TODA Members, Binigyan ng Unipormeng Pang-isang Linggo!

Ang mga miyembro ng TODA ay binigyan ng LGU ng unipormeng pang-isang linggo, gamit ang donasyon nina Mayor Niña, Dr. Cezar Quiambao, BM Raul Sabangan, at Konsehal Zerex Terrado. Layunin nito na makaiwas sa mga colorum na traysikel ang mga komyuter at gawing disente ang bihis ng lahat ng mga lehitimong tricycle driver sa Bayambang. Tinanggap ng may mahigit 2,000 trike drivers ang unang 4,500 set ng uniporme sa presensiya ni Task Force Disiplina Deputy Officer Amory Junio.

 

10. Napulot na Wallet, Isinauli ng Enforcer

Isa na namang traffic enforcer ng BPSO ang nagpakita ng katapatan sa paglilingkod sa pamamagitan ng pagsasauli ng napulot na wallet sa nakawala nito. Noong August 13, isinauli ni BPSO traffic enforcer John Hernan Roberto de Vera ang isang wallet na naglalaman ng ID at mga cash sa may-ari nito na isang estudyante ng SVCS. Agad naisauli ang wallet matapos kontakin ng BPSO ang may-ari gamit ang nakitang ID sa loob nito.

 

11. Mga Evacuation Center, Nilinis at Isinaayos

Ang MDRRMO, kasama ang BFP at mga Barangay DRRM Committee, ay nagsagawa ng cleaning and clearing operation sa lahat ng 11 evacuation centers sa Bayambang. Ang team ay nag-ayos sa mga naturang pasilidad upang mapanatili ang kahandaan at maayos na kondisyon ng mga ito anumang oras kailanganin.

 

12. LGU-Bayambang, Nag-update ng CDP

Ang LGU-Bayambang ay nagsagawa ng pormulasyon ng isang updated at risk-based Comprehensive Development Plan sa Baguio City mula August 11 hanggang 15. Sa risk-informed CDP, isinama sa diskusyon ang disaster risk reduction at climate change adaptation sa kabuuang proseso ng development planning. Sa ganitong paraan, natitiyak na isinasa-alang-alang ang mga posibleng panganib at kahinaan sa pagbuo ng mga estratehiya, programa, at proyekto para sa kaunlaran, na nagreresulta sa mas resilient at sustainable na komunidad.

 

LGU-Bayambang, Wagi Bilang Provincial Model LGU Implementing 4Ps!

Nasungkit ng LGU-Bayambang ang titulong "Model LGU Implementing 4Ps" sa buong probinsiya ng Pangasinan! Ito ay isang pagkilala sa ipinakitang pagpupursige ng LGU-Bayambang sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga benepisyaryo ng programang 4Ps ng DSWD sa bayan ng Bayambang. ...Salamat sa personal na pagtutok ni Mayor Niña sa lahat ng usapang 4Ps at sa mga naisip at naisagawang inobasyon ng lahat ng sektor upang mas paigtingin pa ang tagumpay ng programa.

 

***

BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!

‎Bayambang, dapat alam mo na ang buwan ng Agosto ay hindi lang Buwan ng Wika, kundi buwan din ng kabataan! Panahon para kilalanin hindi lang ang galing at talento nila, kundi pati ang kanilang mahalagang papel sa pagbuo ng isang mas disiplinado, maunlad, at maipagmamalaking Bayambang.

‎Dapat alam mo na sa bawat proyekto at programa ng ating pamahalaan, mula sa Clean and Green Program at Disiplina Zones, hanggang sa scholarships, skills training, at sports development, malaki ang ambag ng kabataan. Sila ang bagong henerasyon ng mga lider, innovator, at tagapagtaguyod ng mabuting halimbawa. Hindi lang tagasunod, bagkus ay kasangga sa rebolusyon para sa kaayusan, disiplina, at pangmatagalang pag-unlad ng bayan.

‎Bayambang, dapat alam mo rin na ang laban natin kontra maling gawain at kawalan ng disiplina ay hindi magtatagumpay kung wala ang kabataan. Kaya’t sa halip na mapasama sa mga isyu gaya ng scam, panlilinlang, o anumang uri ng katiwalian, dapat ay sila mismo ang halimbawa ng katapatan, integridad, at malasakit.

‎Dapat alam mo na sila ang magdadala ng sariwang ideya, bagong enerhiya, at matatag na paninindigan. Sa kanilang sigla at tapang, tiyak na maipapalaganap at maipagpapatuloy ang adhikain para sa mas maayos na kinabukasan.

‎Dapat, alam mo rin na sila ang perfect na example ng T.D.H. Talino? Check! Disiplina? Check! Hangarin? Argh, so check! Sila ang makabagong sandata para mapagtagumpayan ang rebolusyon laban sa kahirapan.

‎Tandaan mo, Bayambang: hindi lang sila basta kabataan, sila ang magpapatuloy ng nasimulan nang pagbabago.

‎Bayambang, ang lahat ng ito, ay Dapat Alam Mo!

‎(Reference: Shuvee’s trending TDH spiel on YouTube)

 

[OUTRO]

NEWSCASTER 1: Mula sa mga proyekto ng LGU hanggang sa mga tagumpay ng bawat Bayambangueño, salamat sa pagtutok.

 

NEWSCASTER 2: Sama-sama pa rin tayo sa bawat hakbang, bawat kwento, at bawat tagumpay ng ating bayan.

 

NEWSCASTER 1: Ako po si ___, kasama sa pagsulong ng bukas na mas maganda.

 

NEWSCASTER 2: At ako po si ___, mula sa Sangguniang Kabataan Federation ng Bayambang. Kaisa ninyo sa serbisyong tunay at may puso.

 

SABAY: Ito ang... BayambangueNews!

 

No comments:

Post a Comment