EDUCATION FOR ALL
- (LSB, Library, DepEd)
Brigada Eskwela Packages,
Ipinamahagi Na!
Hindi na kailangang isipin pa
ng mga guro ang gagamitin sa paglilinis sa kanilang mga paaralan at mga
silid-aralan dahil nagsimula na si Mayor
Niña Jose-Quiambao na magpamahagi ng mga Brigada Eskwela package 57 na pampublikong
paaralan sa elementarya at sekundarya.
Ang kada Brigada Eskwela
package ay naglalaman ng:
- 99 na 6-liter semi-gloss latex
paint
- 138 na 4-liter roof guard (roof
paint)
- 156 na 1-liter blackboard paint
(green)
- 156 na 2 1/2" paint brush
- 156 na roller brush
Ang panimulang distribusyon ay
ginanap sa Balon Bayambang Events Center.
Libreng Gamit Pang-eskwela,
Ipinamigay ni Mayor Niña!
Noong June 10, sinimulan ang
pamamahagi ni Mayor Niña Jose-Quimbao ng 17,429 packs ng libreng gamit
pang-eskwela sa lahat ng 53 na pampublikong paaralang elementarya gamit ang
halagang 2-million pesos mula sa Children's Welfare Fund ng LGU. Bawat pack ay
naglalaman ng pad paper para sa mga Grade 1 hanggang Grade 6, crayons, ballpen,
lapis, at notebook, kaya’t hindi na kailangang mag-alala pa ang mga magulang sa
pagbili ng mga ito, na tiyak na isang malaking katipiran sa kanilang budget.
Mayor NJQ, Namahagi ng 57 Units
ng Smart TV
Sa ilalim ng mabuting pamumuno ni
Mayor Niña Jose-Quiambao, kitang-kita talaga kung saan napupunta ang mga
ibinabayad na buwis ng mga Bayambangueño. Noong June 23, ipinamahagi ang 57
units ng smart TV para sa lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at
sekundarya. Ang naturang mga school equipment ay nabili mula sa pondo ng LGU at
Special Education Fund, kung saan kasama rito ang donasyong sahod ni Mayor Niña
Jose-Quiambao.
HEALTH FOR ALL
- Health (RHUs)
ONGOING: Info Drive ukol sa Non-Communicable
Diseases
Ang ating mga RHU ay kasalukuyang nagsasagawa
ng health education and promotion activities sa kani-kanilang catchment area.
Ang magkakahiwalay na mga health lecture ng RHU I, II, at III ay nakatutok sa
pagpapalaganap ng mga impormasyon upang makaiwas sa mga non-communicable
disease o mga 'di nakahahawang sakit.
KSB Year 8, Nagtungo sa Warding
Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 ay
nagpatuloy naman sa barangay ng Warding, kung saan daan-daang residente ang
nabigyan ng mga libreng serbisyo ng munisipyo gaya ng medical, dental,
agricultural, at social welfare services. Ito ay malaking katipiran at ginhawa
sa mga malalayong barangay dahil hindi na nila kailangang lumuwas pa at
mamasahe patungong bayan at pag-uwi upang mag-avail ng mga serbisyo nito.
Daan-Daang Bayambangueño,
Dumagsa sa Medical Mission
Noong June 21, daan-daang
Bayambangueño ang muling nabigyan ng libre ngunit dekalidad na serbisyong
medikal sa isang medical mission na inihatid sa tulong ng ating mga RHU at ng
Bankers Institute of the Philippines at SM Foundation. Kabilang sa mga naging
serbisyo ang general consultation, chest x-ray, ECG, circumcision, eye checkup,
ultrasound, dental services, at iba pang laboratory tests.
Blood Drive, May 42 Successful
Donors
Isang mobile blood donation ang
ginanap sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park noong June 23, 2025,
kung saan may 42 successful donors out of 54 registered possible donors (77.7%
success rate), sa pagtutulungan ng Rural Health Unit I at Philippine Red
Cross-San Carlos Chapter. (RHU I, RSO; RHU I)
- Nutrition (MNAO)
MNC, Sumabak sa Nutrition
Planning Workshop
Noong June 18 at 19, ang
Municipal Nutrition Committee members ay sumabak sa isang Local Nutrition
Action Planning Workshop upang i-finalize ang budget allocation ng LGU para sa
nutrisyon sa 2026-2028 Annual Investment Plan nito. Ang budget allocation ay
nakatuon sa mga intervention sa first 1,000 days of life at sa mga school
children sa pamamagitan ng nutrition action plan na dapat ay naka-angkla sa mga
prayoridad ng iba mga mandated plans ng LGU na may kaugnayan sa bagong
Philippine Plan of Action for Nutrition 2025.
- Veterinary Services (Mun. Vet.)
– Slaughterhouse
PROTECTION OF WOMEN AND CHILDREN
- Social Services (MSWDO, MAC)
LGBTQI Community, May Malawakang
Clean-up Drive
Bilang parte ng pagdiriwang ng
Pride Month, ang mga miyembro ng LGBTQI Bayambang kasama ang LGU-Bayambang, ay
nagsagawa ng isang bongga at malawakang clean-up drive sa Poblacion area bilang
suporta ng grupo sa Bali-Bali'n Bayambang project ni Mayor Niña. Matapos ang
water flushing ng BFP, kanilang ginalugad ang mga sulok ng sentro ng bayan
upang magbigay ng magandang ehemplo at bilang paalala sa lahat na panatilihing
malinis at maaliwalas ang lahat ng sulok ng Bayambang.
CDWs, Nagdiwang ng CDW Week
Ang mga Child Development Worker
ng Bayambang ay nagdiwang ng Child Development Workers' Week Celebration noong
June 9, 10, at 11. Naging parte ng pagdiriwang ang isang 3-day training at
orientation tungkol sa magaganap nilang assessment sa darating na school year
2025-2026 at ukol sa operation and guidelines sa pagsisimula ng Infant-Toddler
Early Development (ITED) Program para sa 1-2 years old.
Mandatory 1% Budget Allotment ng
mga Senior Citizen, Tinalakay
Noong June 11, pinulong ang lahat
ng presidente ng mga Senior Citizen Association ng 77 barangay sa Balon
Bayambang Events Center upang talakayin sa kanila ang mandatory 1% budget
allotment para sa sector. Kabilang sa mga tumalakay sa isyu ang MLGOO, MSWD
Officer, at Accountant for Barangay Affairs.
Bayambang, Wagi Muli sa
Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities
Muling nag-uwi ng karangalan ang
mga estudyanteng Bayambangueño, matapos ang mga ito ay magwagi sa ikatlong taon
ng Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities. Sila ay sina Lina
Junio, first placer sa Web Browsing, Jake Adam Fontanilla, second placer sa
ETool Powerpoint at third placer sa ETool Excel, at Kyle Jared Aguirre, na
third placer naman sa EContent Videomaking. Sila ay pawang mga estudyante ng
Bayambang National High School.
Joint Meeting ng LCPC, LCAT VAWC,
at MAC, Isinagawa
Noong June 19, muling pinagsanib
ang pulong ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local
Committee on Anti-Trafficking and Violence against Women and their Children
(LCAT-VAWC), at Municipal Advisory Council (MAC), upang talakayin ang mga
naging accomplishment ng tatlong nabanggit na council at magbigay ng mga latest
updates. Kabilang sa pinagtuunan ng pansin ang pagbalangkas ng LCPC Plan at
LCAT VAWC Plan for 2026, at mga isyu kaugnay ng implementasyon ng 4Ps program
ng DSWD.
2Q Social Pension Payout para sa
mga Senior Citizen, Isinagawa
Mula June 23 hanggang 25, ang MSWDO ay nagsagawa ng social pension payout para
sa mga 3,509 na senior citizen beneficiaries para sa second quarter ng taon.
Ito ay magkakahiwalay na idinaos sa iba't ibang lokasyon upang maiwasan ang
siksikan.
LCR, Nag-house-to-House sa
Pag-award ng Birth Certificate in SECPA
Sa unang pagkakataon, ang Local Civil Registry Office ay nagsagawa ng
house-to-house awarding ng mga Birth Certificate in Security Paper (SECPA) para
sa mga residenteng nag-apply na taga-Brgy. Ligue, Maigpa, Banaban, Nalsian Sur,
Asin, Sancagulis at Tamaro. Kasabay nito ang pag-aasiste sa mga wala pang birth
certificate sa Brgy. Banaban, Tanolong, San Vicente, Pugo, Managos, Tampog,
Langiran, at Beleng. Ang LCR ay may 38 na kabuuang benepisyaryo sa nasabing
serye ng aktibidad. Kasama rin dito ang Community Service Card team upang
makapag-data capture at umasiste sa pagproseso ng iba pang dokumento o papeles
ng Local Civil Registry.
- Environmental Protection
(MENRO, ESWMO)
- Youth Development (LYDO, SK)
- Peace and Order (BPSO, PNP,
DILG)
Task Force Disiplina, Ilulunsad
Base sa mga napag-usapan sa isang
pulong noong June 4, nakatakdang ilunsad ng LGU ang Task Force Disiplina bilang
bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kaayusan, kalinisan, at disiplina sa
buong bayan. Ang inisyatibong ito ay tugon sa lumalalang isyu ng mga paglabag
sa mga lokal na ordinansa gaya ng ilegal na pagparada, pagtapon ng basura sa
hindi tamang lugar, pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at iba pang gawaing
nakaaapekto sa kapakanan ng komunidad.
Anti-Colorum Drive, Pinaigting
Kamakailan, muling pinaigting ng pamahalaang
lokal ang pagsawata sa mga colorum na traysikel sa bayan upang ipairal ang
disiplina at pagsunod sa batas, at para maging patas na rin sa lahat, lalo na’t
walang-tigil ang reklamo ng mga may-ari ng rehistrado o may prangkisang
traysikel. Ang mga nahuling traysikel ay na-impound sa Bayambang Municipal
Police Station. Inaabisuhan ang lahat na sumunod sa batas laban sa mga colorum
upang iwas abala sa mga motorista at pasahero.
Ambulance Drivers, Natuto sa
Defensive Driving
Noong June 7, ang Bayambang
Public Safety Office ay nagbigay ng isang seminar para sa 20 ambulance drivers
ng Munisipyo at iba pang BPSO personnel upang ang mga ito ay matuto ng
defensive driving at motor vehicle maintenance, at maging malayo sa disgrasya
sa gitna ng pagganap sa kanilang tungkulin. Naging lecturer ang mga kinatawan
ng St. Peter Velle Technical Training Center, PNP, at LTO.
Paglunsad ng “Discipline Zones”
at Iba pang Isyu, Tinalakay sa Pulong
Noong June 9, pinulong nina Mayor
Niña Jose-Quiambao at Dr. Cezar Quiambao, ang mga kapitan o Punong Barangay
upang talakayin ang paglulunsad ng “Discipline Zones,” na may kasamang mahigpit
na pagpapatupad ng truck ban, tamang pamamahala ng paradahan, at parusa sa mga
kolorum na sasakyan at mga drayber na walang lisensya. Kabilang din sa mga
naging usapin ang ilegal na koneksyon sa kuryente, basura at maruming paligid,
edukasyon sa tamang pagtatapon at pag-recycle, tax collection, business permit
processing, land grabbing, at property disputes.
Operasyon Tanggal Jumper sa
mga Barangay, Mahigpit na Ipatutupad!
Isang joint inspection ng mga
streetlight ng mga barangay ang isinagawa ng LGU, matapos mapansin ang labis na
pagtaas ng bayarin sa kuryente ng Munisipyo para sa mga streetlight ng
Poblacion. Lumabas sa imbestigasyon na maraming barangay ang may mga ilegal na
koneksyon at jumper sa kanilang mga streetlight post at naka-tap sa mga
streetlight ng Poblacion. Dahil dito, nagkaroon ng malawakang disconnection
ng mga ilegal na linya. Pananagutan naman ng mga naturang barangay ang
kani-kanilang electric consumption.
Road Clearing Operations, Muling
Pinaigting!
Muling pinaigting ng pamahalaang
local ang mga road-clearing operation upang matugunan ang lumalalang problema
sa trapiko, lalo na sa Poblacion area. Lalo na ngayong papalapit na ang
pagbubukas ng klase, inaasahan ang lingguhang operasyon sa mga pangunahing
kalsada upang alisin ang mga ilegal na obstruction gaya ng nakaparadang
sasakyan, tindahan sa bangketa, at iba pang sagabal sa maayos na daloy ng
trapiko.
Ikalawang Bugso ng Road Clearing,
Isinagawa Bilang Paghahanda sa Pasukan
Isinagawa ng Lokal na Pamahalaan
ng Bayambang ang ikalawang bugso ng road clearing operations noong June 13,
bilang bahagi pa rin ng mas pinaigting na kampanya para sa disiplina at
kalinisan sa mga pangunahing lansangan, lalo na sa pagbubukas ng klase. Tuluy-tuloy
ang koordinasyon ng iba't ibang ahensya at departamento upang alisin ang lahat
ng mga ilegal na obstruction sa kalsada. Makikita ang malinaw na epekto ng
kampanya sa mga pangunahing kalsada—malinis, organisado, at mas ligtas para sa
mga motorista at pedestrian.
Task Force Disiplina, Tinalakay
ang Kanilang Magiging Operasyon
Noong June 16, tinalakay sa isang
pulong ang mga nakatakdang operasyon ng Task Force Disiplina, sa layuning
mapalakas ang disiplina at kaayusan sa buong bayan ng Bayambang. Sa pangunguna
ng PNP Bayambang, tinalakay ang pagpapatuloy ng road clearing operations sa
buong bayan, ang pagpuksa sa problema ng mabahong drainage system sa Quezon
Blvd. dahil sa walang pahintulot na pagbebenta ng karne, at ang mas mahigpit na
pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa mga pasaway na ilegal vendor sa Brgy.
Nalsian Sur.
Traffic Management Council,
Nagpulong
Noong June 21, ang Traffic
Management Council ay nagsagawa ng pulong sa Multi-Purpose Covered Court ng
Barangay Dusoc upang talakayin ang paglulunsad ng Discipline Zone, ang proseso
ng TODA franchising, at ang walang tigil na road clearing operation.
Iba’t Ibang
Peace and Order Issues, Tinalakay sa MPOC-MADAC Meeting
Noong
June 24, nagpulong para sa second quarter ang mga miyembro ng Municipal Peace
and Order Council at Municipal Anti-Drug Abuse Council upang pag-usapan ang mga
naging accomplishment ng LGU pagdating sa inisyatibo sa anti-criminality,
anti-insurgency, at anti-illegal drugs, at ang security clearance application
ng mga CSO member, at iba pang kaugnay na paksa.
2Q BPRP Agri, Environmental, at Social Sectoral
Meeting, Ginanap
Sa pangunguna ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, ang pulong para sa
sector ng Agricultural Modernization, Environmental Protection and Disaster
Resiliency, at Socio-cultural Development and Social Protection ay ginanap para
sa second quarter noong June 25. Isa-isang tinalakay dito ang iba’t ibang
proyekto upang patuloy ang monitoring and evaluation ng mga naturang tatlong
sektor sa ilalim ng Bayambang Poverty Reduction Plan 2018-2028. Sa pagtutok sa
status ng lahat ng proyekto, nalalaman kung nasaan na ang mga ito pagdating sa
implementasyon.
AGRICULTURAL MODERNIZATION –
(MAO)
Mga Update ukol sa Agri Projects,
Tinalakay
Pinulong ni Mayor Nina
Jose-Quiambao, sa pamamagitan ni Municipal Administrator Atty. Rodelyn Rajini
Sagarino-Vidad, ang Municipal Agriculture Office noong Hunyo 2 ukol sa progress
report ng departamento ukol sa mga sumusunod na proyekto: onion cold storage,
animal shelter, agriculture banner projects, agriculture biosystems
engineering, improvement of 8 district warehouses phase II, at onion cold
storage training para sa mga staff para sa mas maayos na operasyon.
Provincial Vets, Nagbigay ng
Libreng Serbisyo sa mga Livestock sa Brgy. Nalsian
Noong June 3, isang team ng mga
veterinarian mula sa provincial government, sa tulong ng Municipal Agriculture
Office, ang nagbigay ng libreng veterinary services sa Brgy. Nalsian Norte.
Kabilang sa mga hanadog na serbisyo para sa mga alagang baka, kalabaw, kambing,
at tupa ang hemorrhagic septicemia vaccination, deworming, at vitamin
supplementation.
Rice Farmer Financial Assistance,
Ipinamahagi sa Bagong Batch ng Farmers
Noong November 10, inihatid ng
Department of Agriculture-Regional Field Office 1 sa Municipal Agriculture
Office ang 1,823 cash cards na naglalaman ng 7,000 pesos bawat isa. Kaya naman
agad itong ipinamahagi ng LGU kinabukasan sa mga benepisyaryo na hindi pa
nabigyan ng DA-RFO1 noong nakaraang taong 2024. Ang financial assistance ay
makatutulong sa magsasaka ng palay ng Bayambang upang mas lalo pa nilang
mapataas ang kanilang ani at kita.
PhilRice, Muling Pinulong ang
RiceBIS TWG
Noong June 18, muling dumating
ang DA-PhilRice para pulungin ang RiceBIS 2.0 Site Working Group nito sa
Bayambang upang kumustahin ang progreso ng RiceBIS implementation dito at ang
proposed work plan of activities sa second semester ng 2025 at mga
sustainability strategy para masiguro na talagang epektibo ang proyekto.
LGU-Bayambang at UPLB Biotech,
Lumagda sa isang MOA
Noong June 23, ang LGU-Bayambang
ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement kasama ang UPLB National Institute
of Molecular Biology and Biotechnology sa UP Los Baños, Laguna, bilang parte ng
45h anniversary ng ahensya at upang isulong ang biotechnology research and
innovations ng UP-Biotech bilang parte naman ng agricultural modernization
program ng administrasyon. Naging kinatawan ni Mayor Niña si Municipal
Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sa naturang MOA signing, at
nanguna naman si Chancellor Jose V. Camacho Jr. sa panig ng UPLB.
JOBS AND LIVELIHOOD FOR ALL
- Livelihood and Employment (PESO,
BPRAT)
Mini-Job Fair, May 53 HOTS
Isang mini-job fair ang isinagawa noong June 25 ng Public Employment Services
Office sa Balon Bayambang Events Center. May 224 na total registrants, at 189
sa mga ito ang qualified at 53 naman ang hired on the spot. Ang pagkakaroon ng
job fair para sa local at overseas employment ay malaking katulungan hindi
lamang sa mga Bayambangueño kundi pati na rin sa mga dumayo mula pa sa mga
kalapit-bayan upang makapaghanap ng trabaho.
Sweldo ng 1,000 Benepisyaryo, Tinanggap sa Isa
na namang TUPAD Payout
May mahigit na 1,000 na Bayambangueño ang
nakatanggap ng kanilang sahod sa payout activity para sa Tulong Panghanap-buhay
para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) noong June 26, salamat sa
tulong ni Congresswoman Rachel 'Baby' Arenas. Ang batch na ito ng mga
benepisyaryo ay nagmula sa mga sektor ng parents ng malnourished children,
indigent psychiatric at hemodialysis patients, at teenage parents.
- Economic Development (SEE)
Public Market Vendors at
Stallholders, Pinulong
Upang mapag-ibayo ang serbisyo sa
ating pamilihang bayan at mahigpit na ipatupad ang batas, pinulong ni Mayor
Niña Jose-Quiambao at SATOM, Dr. Cezar Quimbao, Noong June 4 ang mga public
market vendor at stallholder, kasama ang Special Economic Enterprise head at
iba pang concerned departments. Tinalakay ang ukol sa actual cash tickets na
na-charge, ang mga arrear o unpaid rental ng mga stall, at iba pang concerns ng
mga vendors. Nagbigay din ang LGU ng
maaaring pagkautangan ang mga market vendor sa mababang interest upang kanilang
maiwasan ang pangungutang sa mga Bumbay at nagpapa-"five-six."
Watsons, Magbubukas sa Bayambang!
Dahil sa maayos, malinis, at
tapat na pamamahala, unti-unti nang nagsisimulang pumasok ang malalaking
investors sa Bayambang. Sa mga naghahanap ng health, wellness, and beauty
products, malapit nang magbukas ang Watsons sa bayan nga Bayambang. Ang
kanilang puwesto ay matatagpuan sa dating Magic Supermarket sa pamilihang
bayan.'Di na kailangang bumiyahe pa patungong SM Rosales for your health and
beauty needs, dahil ang Watsons ay narito na!
- Cooperative Development
(MCDO)
- Tourism, Culture, and Arts
(MTICAO)
127th Independence Day,
Ipinagdiwang
Muling nakiisa ang LGU-Bayambang
sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng isang simple ngunit
makabuluhang seremonya sa harap ng Munisipyo, sa pangunguna ng mga LGU official
at department at agency head. Naging panauhing pandangal si Dr. Maria Celia J.
Fernandez, 2018 Matalunggaring Awardee in Education.
- Infrastructure Development
(Engineering: Infra, Housing, Transport, Utilities, etc.)
Completed Engineering Infrastructure Projects
Kamakailan, ang Municipal Engineering Office ay
naging abala sa iba’t ibang horizontal construction projects.
A. COMPLETED:
Asphalt Overlaying sa 9 Barangays: Buenlag 2nd, Warding, Mangayao, Nalsian
Norte, Amancosiling Sur, San Gabriel 1st, Ataynan, at San Vicente
B. ONGOING:
Farm to Market Road sa Bical Sur, Maigpa, at Apalen
C. ONGOING:
Road Widening sa Ambayat 2nd at Tococ West
D. COMPLETED:
Alley Road sa Manambong Sur
DISASTER RESILIENCE - (MDRRMO)
2nd Quarter NSED, Sinanay Lahat
sa Kahandaan
Ang National Simultaneous
Earthquake Drill (NSED) para sa second quarter ng taon ay ginanap noong June
19, bilang isa na namang pagsasanay sa kahandaan at pagtugon sa di inaasahang
paglindol. Ang pagsasanay ay pinangasiwaan ng MDRRMC Council members at nilahukan
ng gobyernong lokal at iba pang ahensya.
Pagtukoy sa Pinsala ng mga
Nagdaang Bagyo, Isinagawa ng OCD
Bilang bahagi ng post-disaster
assessment ng lalawigan, nagsagawa ang Office of Civil Defense Region I
(OCD-R1) ng isang field inspection at validation ng mga nasirang imprastruktura
sa Bayambang bilang tugon sa pinsalang dulot ng mga anim na nagdaang malalakas
na bagyo noong 2024, at upang matiyak ang maayos na pagsusuri at dokumentasyon
ng mga nasirang imprastruktura. Sila ay inasistehan ng MDRRMO na masukat ang
lawak ng pinsala, magkaroon ng batayan sa recovery planning, at matukoy ang
posibleng pondong pagkukunan para sa rehabilitasyon.
HONEST & EFFICIENT PUBLIC
SERVANTS
- Planning and Development (MPDO)
LGU Ville, May License to Sell
Na!
Aprubado na ang License to Sell
ng LGU Ville mula sa Department of Human Settlements and Urban Development
(DHSUD). Ipinabatid ito ng mga kinatawan ng PAG-IBIG sa LGU-Bayambang, na
nagbibigay pahintulot sa pagbebenta ng mga lote sa LGU Ville natatagpuan sa
Brgy. Sancagulis sa mga interesadong kawani ng LGU at maging sa labas ng LGU.
- Legal Services (MLO)
- ICT Services (ICTO)
Client Satisfaction Surveys ng
Munisipyo, Tinalakay
Noong June 3, isang refresher
orientation ng isinagawa ng ICT Office para sa mga Quality Assurance Officer ng
lahat ng departamento ng LGU ukol sa pagproseso ng mga required na client
satisfaction survey ng mga LGU department. Dito ay tinalakay ni ICT Officer
Ricky Bulalakaw ang mga update sa proseso, kabilang ang opsyon na magkaroon ng
paper survey response forms upang mapataas ang response rate ng mga
Bayambangueño na hinihingan ng opinyon ukol sa iba’t ibang serbisyong
ibinibigay ng Munisipyo.
- Human Resource Management
(HRMO)
Tatlong IQAs ng LGU, Pumasa
bilang Lead Auditors
Ang mga Internal Quality Auditor
ng LGU na sina Charmaine Bulalakaw, Dale Tabion, at Quenelyn Asuncion ay
matagumpay na nakapasa sa Lead Auditors Training Qualifying Examination na
isinagawa sa ilalim ng QFS Systems Certifications Inc., isang accredited certifying
body ng Standard Council of Canada. Kanilang pormal na tinanggap ang sertipiko
ng pagpasa noong June 13 sa Maynila. Bilang pagkilala sa kanilang kakayahan,
sila rin ay nabigyan ng pagkakataong mapasama sa pool of external auditors ng
naturang ahensya.
Mga IQA ng LGU, Sumabak sa Audit
Enhancement Training
Noong June 16, aktibong lumahok
ang mga Internal Quality Auditor (IQA) ng LGU sa isang online Audit Enhancement
Training, kung saan tinalakay ang mahahalagang prinsipyo ng internal audit,
pati na rin ang mga katangiang personalidad at etikal na pamantayan na
nararapat taglayin ng isang auditor. Nagkaroon din ng isang workshop na
nakatuon sa pagsagot ng mga case study, kung saan lalong nahasa pa ang galing
ng mga IQA sa pagsusuri at pagbuo ng audit findings.
Mga Bagong Empleyado, Binigyan
ng Kaalaman sa ISO 9001:2015
Noong June 16, sa inisyatiba
ng Office of the Mayor, nagsagawa ang ICT Office ng isang briefing seminar
hinggil sa ISO 9001:2015 para sa mga bagong empleyado, upang siguraduhing ang
lahat ng new hires ng Munisipyo ay kaisa sa layuning tuluy-tuloy na mapabuti
ang serbisyo ng LGU at matiyak ang consistent customer satisfaction nito.
Values Formation Activity,
Muling Isinagawa
Noong June 23, isang values formation activity ang muling inihatid ng HRMO para
sa mga kawani ng LGU upang linangin ang kanilang mga pananaw at ugaling
nakatuon sa integridad, disiplina, at malasakit sa kapwa. Ito ay bilang bahagi
ng patuloy na kampanya ni Mayor Niña Jose-Quiambao para sa pagpapalalim ng
etikal na pamumuno at pagbibigay ng serbisyo publiko. Naging
panauhing tagapagsalita sina Mrs. Maria Maila Justo at Ms. Angelus Ferrer mula
sa Bayambang National High School.
-
Taxation
and Financial Services
Mga Kawani, Natuto sa Paggawa
ng Budget
Noong June 24, isang Budget Coaching and Mentoring Session ang isinagawa ng
Budget Office para sa lahat ng LGU departments at agencies upang tulungan ang
lahat ng naatasang gumawa ng budget sa mga naturang tanggapan na alamin kung
paano gumawa ng budget. Kabilang sa mga tinalakay ang overview ng budget
cycle, responsibilidad ng mga head at mini-buget officers, at kaugnay na issues
at concerns.
Business Forum at Seminar,
Idinaos
Noong June 20, isang business
forum ang idinaos upang pagtibayin ang ugnayan ng LGU at mga negosyante at
bigyang-linaw ang proseso ng pagkuha ng business permit at iba pang
kinakailangang dokumento. Matapos ilahad ng mga negosyante ang kani-kanilang
mga saloobin, binigyang-diin ang kagustuhan ng LGU na gawing mas mabilis,
malinaw, at abot-kaya ang proseso ng pagpaparehistro ng mga negosyo sa
Bayambang.
- Property Custodial Services
(GSO, Motorpool)
GSO, Naging Abala sa
Pagkumpuni ng mga Pasilidad
Kapag walang pasok,
kinukumpuni ng General Services Office staff ang iba't ibang pasilidad ng
Munisipyo upang siguraduhing ang mga ito ay parating nasa kundisyon. Kamakailan, kanilang pinalitan
ang nabubulok na alulod ng lumang Municipal Hall Building. Kanila ding nilinis
ang mga drainage ng mga bubong ng mga gusali sa Municipal Hall Compound.
Nagtanim din ang GSO ng mga bougainvillea sa paligid ng auditorium sa plaza at
sa Bayambang Central Terminal sa PSU.
-
Other
Good Governance Activities
Transition Ceremony, Naging
Maayos
Noong June 24, isang local
governance turnover ceremony ang isinagawa ng transition team na binubuo ng
outgoing at incoming officials, upang masiguro ang maayos at tuluy-tuloy na
paghahatid ng serbisyo publiko matapos ang ginanap na halalan. Sa pag-upo ng
mga bagong grupo ng mga nahalal na opisyal ng bayan, tiniyak na organisado at
transparent ang kanilang dadatnan na lokal na pamahalaan, kabilang ang turnover
ng mga dokumento, record, at pasilidad.
Good Local Governance Orientation
Workshop, Isinagawa
Noong June 26, isang orientation workshop ukol sa good local governance ang
isinagawa ng DILG bilang hakbang sa pagpapalalim ng kaalaman ng mga
lingkod-bayan sa prinsipyo ng mahusay na pamamahala. Tampok dito ang
pagpapaliwanag ni MLGOO Editha Soriano ukol sa pag-incorporate ng State of
Local Governance Summary ng LGU sa tinaguriang Newly-Elected Officials
Performing Leadership for Uplifting Service (NEO PLUS++). Layunin ng
inisyatibong ito na higit pang paigtingin ang koordinasyon sa pagitan ng
executive at legislative branches ng gobyernong lokal.
Treasury, Nagdispose ng mga Laman
ng Lumang Ballot Boxes
Noong June 26, binuksan ng
Treasury Office ang mga ginamit na ballot box sa nakaraang barangay at SK
elections noong taong 2023 upang i-dispose ang mga laman nitong balota, base sa
direktiba ng Commission on Elections. Ito ay ginanap sa Events Center sa tulong
at presensiya ng mga election stakeholders at concerned electoral parties.
AWARDS AND RECOGNITIONS
LGU-Bayambang, Muling Tumanggap
ng "Unmodified Opinion" mula sa COA
Muling tumanggap ng pinakamataas
na audit rating mula sa Commission on Audit (COA) ang Pamahalaang Lokal ng
Bayambang! Sa ulat na ipinadala sa Tanggapan ng Punong Bayan, nagbigay ang COA
ng isang “unmodified opinion” ukol sa pagiging makatarungan at tumpak ng presentasyon
ng financial statement ng LGU para sa taong 2024. Ang “unmodified opinion” ay
itinuturing na pinakamagandang opinyon na maaaring matanggap ng isang ahensya
ng pamahalaan mula sa mga state auditor.
Congratulations sa buong
LGU-Bayambang sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao!
LEGISLATIVE ENACTMENTS - (SB)
Public Hearing ukol sa Bayambang Pump
Irrigation Project, Isinagawa ng NIA
Noong June 19, isang pampublikong pagdinig ang
isinagawa dito ng National Irrigation Administration Regional Office I upang
mareview ang Environmental Impact Statement para sa proyekto na makakaapekto sa
2,079 na ektaryang pangsakahan. May 21 farming barangays ang nakatakdang
magbenepisyo sa makasaysayang proyektong ito.
Graduating Councilors, Pinarangalan
Binigyang pagkilala ng LGU ang mga miyembro ng
Sangguniang Bayan ng Bayambang na magsisipagtapos na sa kanilang termino,
bilang pagpapahalaga sa kanilang di-matatawarang serbisyo at dedikasyon sa
bayan. Kabilang sa mga pinagkalooban ng plake ng pagkilala sina Hon. Mylvin T.
Junio, Hon. Philip R. Dumalanta, Hon. Benjamin Francisco S. de Vera, Hon. Amory
Junio, at Hon. Martin E. Terrado II. Lahat sila ay nagpamalas ng mahusay na
pamumuno, pagsusumikap, at matatag na paninindigan sa paglingkod sa bayan sa kabila
ng mga hamon sa loob ng kanilang siyam na taong termino.
Graduating Councilors, Nagdeliver ng
Valedictory Address
Matapos ang parangal, ang mga naturang konsehal ay isa-isang nagdeliver ng kani-kanilang
valedictory address sa huling session ng Sangguniang Bayan, kung saan sila ay
nagnilay ukol sa mga naging karanasan sa serbisyo publiko at mga naging
accomplishment, kasabay ng pasasalamat sa taumbayan at sa lahat ng naging
katuwang sa adhikaing ito.
Bagong SK Federation President, Pormal na
Ipinakilala
Pormal nang ipinakilala si Hon. John Roy S.
Jalac bilang bagong SK Federation President ng Bayambang pagkatapos ng flag
ceremony ngayong araw, ika-23 ng Hunyo 2025, sa Balon Bayambang Events Center.
Sa pamumuno ni Hon. Jalac, inaasahang mas paiigtingin pa ang mga proyekto at
aktibidad na tutugon sa pangangailangan at kinabukasan ng kabataan sa bayan ng
Bayambang.