Friday, January 24, 2020

Editorial - February 2020 - “Pusuan Mo, Bes”


“Pusuan Mo, Bes”

Madalas nating mabasa ngayon sa Facebook ang comment na “Pinusuan ko na bes,” na nangangahulugang na-click na ng commenter ang “heart react” icon para sa isang post na “relate much” o nagustuhan niya ng husto.

Sa Buwan ng mga Puso, “alam na this”! Uulanin na naman tayo ng mga hugot lines para sa mga magsing-irog at broken-hearted at pati na sa mga kawawang “walang forever.” Pihadong maglilitawan na naman ang mga ‘espesiyalista’ sa puso na animo’y mga licensed cardiologist. (Ayon sa mga eksperto, ang tunay na “seat of love” ay nasa hypothalamus.) Nasa social media man tayo o wala, di tayo makakaiwas sa usapang puso, dahil kung walang pagmamahalan, wala tayong lahat dito ngayon sa mundo.

          Sa kabila nito, alam ba natin na may tinatawag na “hierarchy of love”? Kung may tinatawag na “four kinds of love” si C.S. Lewis (eros, filia, storge, agape), mayroon namang konsepto na ang pag-ibig ay ’di lang magkakaiba ng uri, kundi magkakaiba rin ng antas. Kapag ang mga ito’y nag-umpugan na, mapapaisip tayo kung alin ba sa mga antas ng pag-ibig ang mas mabigat para sa atin.
         
Sa military world, madalas marinig ang hierarchy na ito: 1. love of God, 2. love of country, 3. love of family, 4. love of self. Kapag nagkagipitan, lumalabas kung alin sa mga ito ang tunay na mas mahalaga para sa atin.

          Tayong mga Pinoy ay sinasabing napaka-family-oriented. Hindi tayo magdadalawang-isip na magsakripisyo para sa ikabubuti ng pamilya. Ayon sa OWWA, ang Bayambang ay pang-apat sa pinakamaraming OFW sa buong Pangasinan, at ang Pangasinan naman ang number one sa Region I.  Ang pagmamahal natin para sa ating pamilya ay tunay na kahangahanga.

          Subali’t dahil ang Pilipinas ay may halos 200 ethnolinguistic groups, madali nating makalimutan na may mas malaki pang pamilya sa labas ng ating bahay at barangay. Maging sa pangkaraniwang pagkakataon man o sa mga ’di inaasahan tulad ng kalamidad o sakuna, tayo ay inaasahang gumawa rin ng kaunting sakripisyo para sa Inang Bayan at hindi lang sa paggawa ng malalalim na hugot lines upang makakalap ng isang laksang heart reacts at maging viral meme sa Facebook.

          Tungkol naman sa romantikong pag-ibig, madaling maintindihan kung ang isang tao ay handang magpakasakit para sa isang sinisinta. Kung di pa natin napapansin, naglipana rin ngayon ang mga love songs na magpapatunay nito, na may mga linya at titulong tulad ng “No Air,” “I can’t live without you,” atbp. Subali’t huwag sana tayong makalimot na hindi laging ganito noong unang panahon. Sabi nga ng isang sikat na kanta ni Basil Valdez na “Ngayon at Kailanman” noong dekada ’70: “Bakit labis kitang mahal/Pangalawa sa Maykapal?”

          Huwag din sana nating kalimutan na masama ang magmahal ng labis, sa puntong wala na tayong itinira para sa ating sarili. Lahat ng kakulangan at pagmamalabis ay nakasasama sa kalusugan – ng puso man, ng buong katawan, o ng buong bayan.

          Kung tutuusin, ang apat na lebel ng pag-ibig na nabanggit ay ’di naman kinakailangang magkaumpugan. Wika nga ng isang karakter sa kwento ng manunulat na si Anton Chekhov, “My love…is not like a pie that I have to divide equally….”

          Ang pag-ibig ay pag-ibig at kapag ito ay tunay at dalisay, ang pag-ibig sa isa ay pag-ibig sa lahat, sapagkat ’di puwedeng kontrahin ng pag-ibig ang kanyang angking katangian. Ito ay laging “other-oriented” at handang magsabing “Tis better to have loved and lost than never to have loved at all,” sa kadahilanang ang umibig at ibigin ay siyang likas sa lahat ng taong tulad natin.

Maligayang Araw ng mga Puso sa lahat!

No comments:

Post a Comment