Sunday, October 18, 2026

INSIDE LOOK | Mula Digitalisasyon hanggang Agrikultura: Ang Kuwento Kung Paano Nangibabaw ang Bayambang sa PCCI Final Judging Laban sa Iba pang Natatanging LGU sa Bansa

Mula Digitalisasyon hanggang Agrikultura: Ang Kuwento Kung Paano Nangibabaw ang Bayambang sa PCCI Final Judging Laban sa Iba pang Natatanging LGU sa Bansa

Matinding kumpetisyon ang hinarap ng Bayambang bago tuluyang masungkit ang titulong 2026 Most Business-Friendly LGU (Municipality Level 1 Category) mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Sa ginanap na final judging at panel interview sa Fort Bonifacio, Taguig City, nangibabaw ang bayan matapos nitong daigin ang apat pang pambansang finalist: ang Bacnotan (La Union), Guiguinto (Bulacan), gayundin ang mga industriyalisadong bayan ng Binangonan at Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Ano nga ba ang naging pambato ng Bayambang na kumumbinsi sa panel of judges ng pinakamalaking samahan ng negosyo sa bansa?
Sa pagharap ng delegasyon ng bayan, ibinida ng Bayambang ang isang komprehensibo, kongkreto, at napatunayang modelo ng pamamahala kung saan ang bawat reporma sa negosyo ay nakatali sa iisang bisyon: ang Bayambang Poverty Reduction Action Plan (BPRAP). Ipinamalas ng LGU na ang kanilang pag-unlad ay hindi paimbabaw, kundi may matibay na plano upang iahon sa kahirapan ang mamamayan.
Kabilang sa mga pangunahing inisyatibang naging susi sa pagkakapanalo ng bayan ay ang mga sumusunod:
1. Matalinong Teknolohiya at 100% Customer Satisfaction: Hindi lamang pabilisang magproseso ang labanan—kaligtasan at siyensya ang ipinangtapat ng Bayambang. Ibinida ng LGU ang paggamit ng GeoRiskPH platform sa pagsusuri ng mga aplikasyon para sa locational clearance at building permit. Sa pamamagitan ng isang nakatalagang workstation at dedikadong kawani, nasisiguro ng bayan na ligtas sa kalamidad at mga hazard ang bawat itatayong establisimyento bago pa man ito simulan. Ang episyente at modernong prosesong ito ay nagbunga ng 100% customer satisfaction rate mula sa mga kliyente at mamumuhunan.
2. Matatag at Makabagong Agrikultura: Taliwas sa karaniwang konsepto ng modernisasyon na naiiwan ang sektor ng pagsasaka, ipinakita ng Bayambang kung paano pinatatag ang lokal na agrikultura bilang pundasyon ng negosyo. Upang salagin ang banta ng El NiƱo at climate change, naglatag ang LGU ng mga kongkretong solusyon:
- pagpapatayo ng sariling onion cold storage facility katuwang ang Philippine Rural Development Project ng Department of Agriculture upang maprotektahan ang kita ng mga magsasaka laban sa pagkasira ng ani at pabago-bagong presyo sa merkado;
- pagpapatayo ng solar-powered irrigation, mga makinaryang pansakahan, at mga binhing matatag sa tagtuyot (climate-resilient crop seeds); at
- paggamit ng E-Agro app para sa digital na pagmomonitor at impormasyon, kaagapay ang tuluy-tuloy na pagsasanay at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na magsasaka.
3. Bukas sa Malalaking Proyekto at Bagong Industriya: Ipinamalas din ng delegasyon ang pagiging bukas ng Bayambang sa diversified investments. Patunay rito ang mga pumasok at kasalukuyang itinatayong malalaking proyekto tulad ng bagong township development project na BYB Metro, malawak na mga solar farm para sa malinis na enerhiya, at mga modernong broiler farm na nagpapalakas sa food security ng rehiyon.
Sa pamamagitan ng pagsasama ng digital transformation, modernong agrikultura, mabilis na proseso ng pagnenegosyo, at diretsang pag-agapay sa mahihirap, napatunayan ng Bayambang sa mga lider ng pribadong sektor na hindi lamang ito basta sumasabay sa agos ng komersyo—ito mismo ang nagtatakda ng pamantayan ng isang tunay na business-friendly na munisipalidad sa Pilipinas.
(RJND; RobC)

No comments:

Post a Comment