Thursday, June 23, 2022

Editorial - June 2022 - Bayan ng mga Bayani

Ang Bayambang ay maituturing na kanlungan ng mga magigiting na bayani dahil tayo ay isang bayan ng mga rebolusyunaryo. Hindi dapat natin ito kalimutan kailanman. Nasusulat na ito sa ating kasaysayan bilang isang bayan, kaya't nararapat na ito ay taun-taong gunitain, lalo na sa araw ng kalayaan.

Nag-umpisa ang "history of rebellion" ng Bayambang noong taong 1660, kung kailan sumiklab sa baryo ng Manambong ang Andres Malong revolt laban sa mga Espanyol. Sumunod dito ay ang Juan dela Cruz Palaris revolt noong 1763.

Ang mga himagsikang ito ay kaagad na napuksa ng mga Espanyol at maraming BayambangueƱo ang nagbuwis ng buhay.

Lingid sa kaalaman ng marami sa ngayon, dinayo din tayo ni Dr. Jose Rizal ng ilang beses noong 1880s papunta sa kanyang sinisintang si Leonor Rivera, na nakatira noon sa Camiling. Siya ay isang most wanted person noong mga panahong iyon. Ayon pa nga sa mga kwento ay mayroong siyang kaibigan dito na binibisita at pansamantalang tinuluyan.

Noong June 1898 naman, inilipat ni Heneral Antonio Luna ang Department of War ng pamahalaan sa Bayambang at dito siya nagkuta.

At noong Agosto 1899, isinulat ni Jose Palma ang liriko ng ating Pambansang Awit sa loob ng isang train coach sa may Bautista, na dating parte ng Bayambang. 

At noon na ngang November 12, 1899, idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Bayambang bilang pansamantalang kapitolyo ng Pilipinas. Dito nabuwag ang revolutionary army upang maging guerilla units laban sa mga mananakop na Amerikano. Sa ating Estacion ng Tren din naglimbag ang mga tumatakas na rebolusyonaryo ng isang issue ng official newspaper noon na "La Independencia." 

Sa araw ding iyon ibinurol sa ating simbahan ang labi ng anak ni Heneral Aguinaldo na si Flora Victoria na namatay sa gitna ng kanilang paglalakbay. 

Ayon sa kasaysayan, pati na si Heneral Gregorio del Pilar ay naparito rin, datapwat sa malungkot na dahilan: ang tugisin ang mga kasamahan ni Heneral Luna. Kaya naman laging nag-iistop-over ang Byaheng Tirad Pass o Heroes' Trek dito sa Bayambang taun-taon. 

Noong panahon naman ng Hapon, noong 1943, itinatag dito ng American military officer na si Col. Edwin Ramsey ang Eastern Central Luzon Guerrilla Area headquarters laban sa mga Hapon, kung saan maraming BayambangueƱo ang tumulong sa kanya. Ang kanyang naging kanang kamay ay si Major Claro J. Camacho ng Barangay Nalsian. Ayon pa nga sa kwento, nakatakas si Col. Ramsey sa mga hapon sa pamamagitan ng pagtago sa isang taltagan (yung malaking bayuhan ng palay) sa barrio ng Inirangan. Hinahanap po natin ngayon ang bayuhan na yan. 

Alam ba ninyong nagtungo rin dito si President Ramon Magsaysay upang magdaos ng isang cabinet meeting sa Mangabul? Nagdonate din siya ng water-well pump para magkaroon ng maiinom na tubig ang ating mga kababayan. Kaya naman bukod sa istatwa ni Rizal at Aguinaldo ay mayroon din tayong istatwa ni Magsaysay sa Plaza.

Ating inaalala ang mga ito upang huwag nating kalimutan na tayo ay isang bayan na mahilig sa rebolusyon at tahanan ng mga bayani.

Uso pa rin po ang rebolusyon sa bayan ng Bayambang. Siyempre uso pa rin ang kabayanihan.

Kaya sa kasalukuyang panahon, hinihiling na ang lahat ay maging bayani o magpakabayani, sa pagkakataong ito, para naman sa tagumpay ng ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

No comments:

Post a Comment