Wednesday, February 18, 2026

MONDAY REPORT – FEBRUARY 16, 2026

MONDAY REPORT – FEBRUARY 16, 2026

 

[SMILE, VOLUME, ENERGY!]

 

INTRO:

 

1: Magandang araw, mga Kabaleyan! Ako po si _____________.

 

2: At ako naman po si _____________, at kami po ay mula sa _____________.

 

1: Hatid namin ang mga balita ukol sa mga makabuluhang programa, proyekto, at aktibidad ng lokal na pamahalaan at ang pakikiisa ng ating komunidad.

 

2: Sama-sama nating tunghayan ang mga kaganapang patunay ng malasakit, disiplina, at pagkakaisa sa bayan ng Bayambang.

 

1&2: Ito ang... BayambangueNews

 

=====================

 

[MEMORIZE THE HEADLINES]

 

1.      Annual Budget at AIP ng LGU, Aprubado na ng SP!

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang ₱711,381,782.69 milyong pisong Annual Budget ng Bayambang para sa 2026, kasabay ng ₱1.4 bilyong pisong Annual Investment Program (AIP), matapos ang budget hearing sa Provincial Capitol sa Lingayen noong February 16. Pinangunahan nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice Mayor Ian Camille Sabangan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ang pagtalakay at pagsagot sa mga katanungan hinggil sa panukalang pondo na nakatuon sa seguridad, edukasyon, kalusugan, agrikultura, imprastraktura, kalikasan, kabuhayan, at iba pang mahahalagang serbisyo publiko.

 

2.      PLEB, Nireconvene

Sa bisa ng Executive Order No. 12, series of 2026, pormal na ipinakilala noong February 12 ang bagong Chairperson at mga miyembro ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ng Bayambang. Pamumunuan ni Dr. Nicolas Miguel ang lupon kasama ang anim na kasaping mula sa iba’t ibang sektor, kabilang sina Dr. Leticia Ursua, OIC Liga President Rodelito Bautista, Mr. Danilo R. Gozum, Mr. Rolando M. Gloria ng LSB, at Hermoza Barangay Captain Frankie de Vera Catalan. Sila ang naatasang magpapatupad ng disiplina at pananagutan sa hanay ng kapulisan, alinsunod sa RA 6975.

3.      Phil Assist at PESO, May Special Recruitment Activity

Nagsagawa noong February 12 ang Phil Assist Life Manpower Corp. ng Special Recruitment Activity kasama ang PESO-Bayambang. Sila ay nakapagbigay ng trabahong pang-ibang bansa sa mga Bayambangueñong manggagawa, kabilang ang mga propesyonal at may kasanayan.

4.      Bagong HRM Officer, Kinumpirma 

Pormal na kinumpirma ng Sangguniang Bayan noong February 16 ang pagtatalaga kay Atty. Melinda Rose Fernandez bilang bagong Human Resource Management Officer, kasunod ng pag-endorso sa kanya ni Mayor Niña Jose-Quiambao. Dumaan si Atty. Fernandez sa masusing pagsusuri ng Committee on Civil Service and Personnel na nagpatunay sa kanyang mataas na kwalipikasyon para sa posisyong nabakante dahil sa pagreretiro ni dating HRM Officer Nora Zafra.

5.      Mga Nasunugan, Kaagad Tinulungan

Nagtulung-tulong ang BFP, PNP, BPSO, at MDRRMO sa mabilis na pag-apula sa apoy dulot ng makahiwalay na insidente ng sunog noong Pebrero uno sa may Brgy. Tambac at Roxas St. Agad namang naghatid ng ayuda ang MSWDO sa mga nasalanta.

6.      MDRRMO Staff at OJTs, Nagdonate ng Dugo

Ang mga kawani ng MDRRMO at mga OJT nito mula sa Philippine College of Science and Technology ay nagdonate ng dugo sa isang blood-letting activity na ginanap noong February 14 sa Ventanilla People Center sa San Carlos City. Umabot sa humigit-kumulang 2,000 mL ng dugo ang naibahagi ng grupo para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang suplay sa mga ospital.

 

7.     Isang PWD na Inatake ng Sakit, Nirescue

Agad na rumesponde ang BPSO at PDAO matapos atakihin ng seizure ang isang PWD na residente ng Brgy. Warey, Malasiqui habang nasa sentrong bahagi ng bayan. Sa koordinasyon ng PDAO sa LGU Malasiqui at sa tulong ng Task Force Disiplina, ligtas siyang naihatid pauwi.

 

8.     MNAO-Bautista, Naglakbay-Aral

Mainit na tinanggap ni Mayor Niña ang Municipal Nutrition Office head ng bayan ng Bautista at 18 Barangay Nutrition Scholars nito sa kanilang lakbay-aral sa Bayambang upang pag-aralan ang matagumpay na nutrition programs ng bayan. Pinangunahan naman ng MNAO ang pagbabahagi ng mga estratehiya sa child monitoring, community gardens, at maternal nutrition initiatives nito.

 

9.     Mga Empleyado ng LGU, May Libreng Uniporme Muli!

May 940 kawani ng LGU ang tumanggap ng libreng uniporme mula kina Dr. Cezar Quiambao at Mayor Niña, sa tulong ng HRMO. Bahagi ito ng taunang suporta ng pamunuan simula 2016 upang makatulong sa mga empleyado at mapalakas ang kanilang serbisyo publiko.

 

10.  SSS on Wheels, Narito Muli! GCash Payments, Posible Na!

 

Nagbalik ang SSS on Wheels ng Dagupan Branch sa Municipal Annex Bldg. upang ilapit ang serbisyo ng ahensya sa mga Bayambangueño. Inanunsyo rin nila na maaari na ngayong magbayad ng member ng contributions at loan payments sa SSS sa pamamagitan ng GCash.

 

11.  Exit Conference para sa ECCD Assessment, Isinagawa

Noong February 18, isang exit conference ang isinagawa para sa external assessment ng ECCD Centers at Workers ng Bayambang. Dito ay inilahad ang resulta ng naging evaluation na nagresulta sa 100% passing rate. Tinalakay rin dito ang mga rekomendasyon upang higit pang mapahusay ang kalidad ng ECCD services sa Bayambang.

 

12.  Mayor Niña at SATOM, Pinangunahan ang Unang ExeCom Meeting

Pinangunahan nina Mayor Niña at Dr. Cezar Quiambao ang unang Executive Committee Meeting ng taon kung saan inilatag ang mahahalagang programa, proyekto, at revenue strategies ng bayan, kabilang ang budget preparation para 2027, mga updates sa CLUP, at mga income-generating initiatives. Tinalakay rin ang mga development projects gaya ng Cold Storage Facility, Farm-to-Market Road, at Septage Treatment Plan, pati ang pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng PhilHealth at Konsulta Program.

13.  Civil Services Caravan, Dinagsa sa Sapang

Maraming residente ang nakinabang sa “Your Name, Your Right” caravan sa Brgy. Sapang na naghatid ng libreng civil registration services, kabilang ang late registration, correction of entries, at registration para sa Kasalang Bayan. Naitala rin ang 29 katao para sa upgraded Community Service Card, patunay ng patuloy na paglalapit ng LGU ng mabilis at inklusibong serbisyo sa komunidad.

 

14.  Mayor Nina, Guest Speaker sa DSPC

Noong February 18, naimbitahang guest speaker si Mayor Niña sa Division Schools Press Conference (DSPC) ng DepEd Schools Division Office 1 Pangasinan. Hinikayat niya ang mga kabataang mamamahayag na patuloy na hanapin ang katotohanan at huwag magpapatinag, sapagkat ang kanilang mga balita ngayon ang huhubog sa kasaysayan.

 

15.  Monitoring Team ng BBB, Dumiretso sa Distrito Otso

Noong February 18, ang BBB Monitoring Team ay dumiretso sa walong barangay ng District 8 ng bayan, kung saan mabusising nag-evaluate ang dalawang team na pinangungunahan nina SK Federation President John Roy Jalac at SB Committee Chairperson on Environment, Coun. Rhyan de Vera. Matapos ang inspeksyon sa 3 grading aspects na Bloom, Green, at Clean, agad din silang nagbigay ng kanilang kumento at suhestiyon mula sa kanilang obserbasyon.

 

16.  77 Barangays, Drug-Cleared ayon sa PDEA

Idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na drug-cleared na ang 77 barangays ng Bayambang, bunga ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng LGU at ng PNP–Bayambang. Pinuri ng pamahalaang lokal ang mahusay na koordinasyon ng kapulisan at mga barangay sa pagpapanatili ng kaayusan at pagpapatupad ng mga programa upang mapanatili ang drug-cleared status ng mga komunidad.

17.  Ongoing Construction ng BPC, Binisita!

Kamakailan, binisita ni Bayambang Polytechnic College President Dr. Rafael Saygo ang ongoing construction ng academic building ng kolehiyo, upang inspeksyunin ang progreso nito. Inaasahang matatapos ang apat na palapag na gusali na may 32 classrooms sa Nobyembre 2026, kasabay ng pagtatapos ng unang batch ng mga mag-aaral, kabilang ang maraming first-generation learners. Sa Bayambang, tunay ngang ang mga ipinapangako ay naisasakatuparan kahit na ang mga pinakamatatayog na pangarap.

 

 

***

Bayambang, Dapat Alam Mo!

[SMILE, VOLUME, ENERGY!]

 

Bayambang, Dapat Alam Mo!

 

BAYAMBANG, alam mo ba? Mas magiging mabilis at mas maginhawa ang pagkuha ng Business o Mayor’s Permit at Special Permit sa Bayan ng Bayambang, matapos ipasa ng Sangguniang Bayan ang ordinansang naglalayong i-streamline o bawasan ang mga kinakailangang requirements.

[Andrew: FLASH THE ALL CAPS PARTS]

Ang bagong hakbang ay alinsunod sa REPUBLIC ACT NO. 7160 O LOCAL GOVERNMENT CODE OF 1991, na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na itaguyod ang pangkalahatang kapakanan at kaunlaran ng ekonomiya. Kaakibat din nito ang REPUBLIC ACT NO. 11032 O EASE OF DOING BUSINESS AND EFFICIENT GOVERNMENT SERVICES DELIVERY ACT OF 2018, na naglalayong bawasan ang red tape sa mga transaksyon sa gobyerno.

Mas Malinaw at Mas Kaunting Requirements

Para sa mga bagong negosyo, kinakailangan pa rin ang patunay ng rehistro mula sa:

* Department of Trade and Industry (DTI) para sa SOLE PROPRIETORSHIP;

* Securities and Exchange Commission (SEC) para sa PARTNERSHIP O KORPORASYON; at

* Cooperative Development Authority (CDA) para sa mga KOOPERATIBA.

Kabilang din sa mga pangunahing requirement ang barangay business clearance, fire safety inspection certificate, at mga kaukulang occupancy, sanitary at health permits.

Para naman sa renewal ng permit, mas pinasimple ang proseso at nakatuon na lamang sa updated clearances at deklarasyon ng nakaraang gross sales.

Pinapayagan din ng ordinansa ang pag-isyu ng permit kahit may kulang pang ilang dokumento tulad ng sanitary o occupancy permit, basta’t may isinumiteng AFFIDAVIT OF UNDERTAKING ang aplikante—isang hakbang upang maiwasan ang pagkaantala ng operasyon ng negosyo.

Mas Maayos na Sistema para sa mga Ambulant Vendor

Inilatag din ng ordinansa ang malinaw na panuntunan para sa mga ambulant vendor na kinakailangang kumuha ng Special Permit bago makapagtinda sa loob ng bayan.

Hinati sila sa apat na kategorya:

* PEDDLER

* MOBILE TRADER

* RESIDENT VENDOR

* TRANSIENT VENDOR

Bawat vendor ay kailangang magparehistro, sumailalim sa kinakailangang medical examination, at magpakita ng natatanging registry number sa kanilang kariton, ID, at uniporme. Ang registry number ay eksklusibo at hindi maaaring ilipat sa iba.

May Mga Karagdagang Clearance Pa Rin sa Ilang Negosyo

Bagama’t pinasimple ang proseso, ang mga negosyong kabilang sa regulated industries ay kinakailangan pa ring kumuha ng clearance mula sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, gaya ng:

* Food and Drug Administration para sa mga BOTIKA at produktong pangkalusugan;

* Bangko Sentral ng Pilipinas para sa LENDING INSTITUTIONS; at

* National Telecommunications Commission para sa mga TELECOMMUNICATIONS FIRMS.

Sa kabuuan, layunin ng bagong ordinansa na balansehin ang pagpapalago ng lokal na ekonomiya at ang pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa komunidad. Sa pagsisimula nito sa 2026, inaasahang mas mahihikayat ang mga negosyante at maliliit na vendor na mamuhunan at magnegosyo sa Bayambang.

Ang lahat ng ito, Bayambang, ay Dapat Alam Mo!

 

 

***

OUTRO:

 

[SMILE, VOLUME, ENERGY!]

 

1: At iyan po ang mga balitang nagbibigay-inspirasyon at pag-asa sa ating bayan. Muli, ako po si _____________ ng ______________________.

2: At ako naman po si ____________ ng ________________________.

1: Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan,

2: ...Mas nagiging maliwanag ang kinabukasan ng Bayambang.

1: Hanggang sa muli...

1&2: Ito ang... BayambangueNews!

 

  

No comments:

Post a Comment