Ang Basura ay Hindi Basura Lang
Ang laki ng impact nung bagong abiso ng DENR na ang mga barangay na raw ang bahala sa mga nabubulok na basura ng mga residente.
Ibig sabihin nito, hindi na kokolektahin ng mga munisipyo ang mga nabubulok o compostable material. Mga plastik at kalakal na lamang.
Ineencourage ang lahat na gumawa ng compost pit.
Nice on paper--and great for the environment.
Pero kaya bang iimplement ng mga barangay at kabahayan nang agad-agaran?
Sa nakikita ko so far, madali-dali ito sa mga baryo-baryo o barangay na may malalawak na open field.
Pero sa mga urban area, hindi. Lalo na kung marami kang nabubulok na kitchen refuse o may mga puno ka na may maraming dahon na naglalaglagan--at walang mapaglagakan.
Naiipon ang mga ito hanggang sa umalingasaw, maging gabundok sa dami, at maging peligroso sa sunog. Hindi lahat ng urban barangay at sambahayan kayang idagdagag sa trabaho nila ang pagmanage ng basura. Pano kung puro senior o PWD ang mga nakatira? O sobrang busy sa trabaho? O kulang sa resources?
Napipilitan tuloy magsunog ang mga tao kahit bawal ito.
Ngayon, nababasa ko lately ang planong baguhin ang batas to allow some degree of incineration. Mabuti naman, basta regulated at within allowable limits.
At napag-alaman ko na kung 'di kakayanin ng barangay ang waste collection at disposal ng mga nabubulok, maaari itong magrequest sa munisipyo upang ang problema ay magawan ng paraan.
***
Medyo kumplikado pala ang isyu ng pamamahala ng basura. Kailangan ng talino at diskarte o creativity. Kailangang pag-isipang maigi at pagplanuhan.
***
Dahil dito, biglang inimagine ko na ilagay ang sarili ko sa sitwasyon ng mga "basurero."
Nakita ko bigla na matrabaho at nakakapagod ang pagproseso ng gabundok na basura na nakokolekta sa araw-araw, at magastos ang pagdispose nito. Bukod pa rito ang banta sa kalusugan ng exposure sa basura.
Kapag wala sila, pano na tayong lahat? Saan tayo pupulutin?
Kapag naipon ang ating basura at walang magtatapon nito, mabubulok at mangangamoy ang mga ito. Mag-aattract ito ng sari-saring peste at mikrobyo. Dahil dito, maaari tayong madapuan ng iba't ibang sakit dala ng ipis, bangaw, daga... Maaari rin tayong ma-asthma o mahirapang huminga dahil sa plema dulot ng mga spores ng fungi o chemical gas emissions.
Babaho at aalingasaw ang ating kuwarto, bahay, kapitbahayan, o kapaligiran. Papangit din ang mga ito dahil sa mga kalat na 'di kanais-nais tingnan. Kahit gusto mo na 'estetik' at plantita shop ang paligid mo, tiyak na magmumukhang junk shop ito. Maiistress ka ng husto kung dugyot ang paligid mo. Masisira ang aurahan mo!
Kapag 'di naman tayo nag-segregate ng basura, mahihirapan ang mga taga-ESWMO na paghiwa-hiwalayin ang mga ito, para maibukod ang mga nabubulok na basura upang dumaan sa composting at gawing organic fertilizer. Nagbibigay tayo ng sakit ng ulo sa iba.
Kapag bumili naman tayo sa tindahan ng kahit ano, at itinapon ang mga bote o balat na plastik sa kalsada at kung saan-saan, siguradong kakalat ito sa daan, babara sa mga drainage, at magdudulot ng baha sa ating lugar, o mandadamay pa sa kapitbahay, o maging sa barangay na malayo sa 'tin ngunit dadaanan ng agos ng tubig sa mas mababang lugar.
***
Di 'ko talaga makalimutan yung experience ko nung minsan ay nagpunta ako sa Boracay (para magcover ng turismo doon). Para kong napunta sa paraiso. Pero sirang-sira ang araw ko nang makakita ako ng isang bag ng chips sa may beach habang sarap na sarap sa pagtatampisaw. "Sino kayang impakto ang may gawa nito?" sabi ko. Either hindi naturuan ng tamang asal sa bahay nung bata, o sobrang baba ng tingin sa lugar para gawing personal na trash can niya ito. (Sabi nung mga taga-run, yung mga taga-Maynila raw.)
***
Taun-taon, milyon-milyon din ang ginagastos ng mga LGU para lang mailigpit ng maayos ang kalat nating lahat. Kailangan ng mga taong mangungulekta, mga eksperto sa composting, mamahaling equipment, mga garbage truck, sasakyan, atbp. Pinakamalaking gastos ang pagrenta sa mga managed landfill. Saan kaya pupulutin ang perang kakailanganin ng lahat ng ito? Eh di sa kabang-yaman ng bayan: sa buwis mo, buwis ko, at buwis nating lahat. ...Pera na sana'y napunta na sa healthcare, agrikultura, imprastraktura.
***
Ang basura ay hindi "basura LANG." Malaki ang impact nito sa ating pang-araw-araw na buhay. May 'di birong epekto ito sa buhay ko at buhay mo at sa buhay ng iba na maaapektuhan natin sa 'di natin pagsasaayos ng kalat o pagtatapon ng maayos.
Hindi porke't hindi natin nakikita kung saan napupunta ang ating basura sa araw-araw, it means hindi na natin ito problema.
Tama pala ang sabi nung palatastas noong araw: "Ang basurang itinapon mo (nang di maayos) ay babalik din sa yo." Kaya dapat, "Clean as you go" at "Tapat ko, Linis ko."
Di tayo puwedeng maging in denial o magbulag-bulagan sa basura. 'Di natin afford ito. Lahat tayo apektado.
Mahalaga rin na mahalin natin ang sariling atin, ang sariling tahanan natin.
Okay lang to seek greener pastures abroad. Tama yun, kung 'di naman tayo nakakaluwag-luwag sa buhay. Pero sana ituring din natin na sariling tahanan at sariling paraiso kung nasaan man tayo, dahil malay natin -- sa buhay natin ay ito na yun at dito na talaga tayo itinalaga.
Oo, basura lang ang usapan, pero ang layo ng sinasabi o pakahulugan nito sa kung paano natin ito idispose o itapon. Kung ano ang ating pagkatao at kung gaano kababa ang turing natin sa ating sarili at sa iba.
Sana huwag nating maliitin ang sarili natin, ang iba, o ang sinuman. O ang ating sariling barangay o sariling bayan, lalo na. Dahil ito ay hindi isang basurahan.
Saturday, February 7, 2026
Ang Basura ay Hindi Basura Lang
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment