Wednesday, August 3, 2022

Basura Mo, Problema Mo - Editorial for July 2022

Minsan nakakainggit kapag nakakabasa tayo ng balita ng flash flood sa Japan o New York City, kung saan idinidetalyeng wala ni isang basura ang nakitang inanod ng baha. Kabaligtaran ito sa tipikal na eksena hindi lang sa Bayambang kundi sa buong Pilipinas: kapag may malakas na ulan, siguradong may inaanod na ga-dagat na dami ng basura sa daan, at ito ang nagiging sanhi ng pagbara sa ating mga drainage at malawakang pagbaha.

Tila kahit anong gawing declogging operations ng Engineering Office at kahit gaano karaming bagong drainage system ang ipagawa ng administrasyon kung walang disiplina ang ating mga mamamayan ay siguradong pare-pareho tayong malulugmok sa problema ng pagbaha tuwing tag-ulan.

Bakit kaya ganito ang ating nakagawian? Kung kaya ng ibang lahi na disiplinahin ang sarili, lalo na ang kabataan sa kamusmusan pa lamang, ay kaya rin natin. Wala tayong maaaring idahilan.

Marahil kailangan nating pag-aralan muna ang puno't dulo ng problemang ito upang masolusyunan ng tama. Siguro dapat muna nating tanungin ang ating mga sarili kung bakit marami sa atin ang mahilig magtapon ng basura sa daan. Bakit kaya kung ano ang kinalinis natin sa ating sariling bakuran ay ganoon naman kadugyot pagkaminsan paglabas ng bahay? Tapon dito, tapon doon, na para bang kusang maglalaho ang ating mga itinapon sa kawalan. Ni hindi inisip ang idudulot nitong problema sa itsura ng sariling bayan, sa drainage, sa pagbaha, sa ating sariling kalusugan. Hindi alintana ang mga basurang magsasabog ng pollutants gaya ng microplastics sa hangin, sa dagat, sa food chain, na minsan nang nagresulta sa pagkalista ng Pilipinas bilang isa sa mga top plastic polluters sa karagatan.

Sadya kayang hindi natin mahal ang sariling bayan, o hindi natin nirerespeto ang ating sarili bilang Pilipino? Bakit ganun na lang tayo walang pakundangan sa ating pagtapon ng basura?

Ayon sa isang American journalist na si James Fallows at sa analysis ng isang Spanish scholar na si Jorge Mojarro, tayong mga Pilipino ay may pagka-tribalistic daw, kaya't magkaiba ang ating trato sa private spaces at private spheres kumpara sa public spaces at public spheres. Maayos ang ating trato sa private, ngunit kabaligtaran ito sa public. Malakas ang ating pagmamahal sa pamilya at kauri, ngunit mahina pagdating sa ating pagka-Pilipino. Mukhang tama ang kanilang pagsusuri (kaya’t marami ang nainis na mga Pilipino sa kanila), at mukhang ito ang pinag-uugatan ng dahilan kung kaya’t madali para sa marami sa atin na itrato ang mga daang pampubliko bilang ating personal na basurahan.

Ayon pa nga sa obserbasyon ng iba, kapag ang Pilipino raw ay nasa ibang bansa na, ito ay disiplinado at masunurin sa batas. Ito ay nakakalungkot na katotohanan, sapagkat isa pa itong matibay na ebidensya kung gaano kababa ang ating tingin sa ating sarili at sa ating sariling bansa. Consistent ito sa mga survey ng nakaraan sa ating mga kabataan kung anong lahi ang kanilang mas pipiliin kapag nabigyan ng tsansa, at sa isang pabirong obserbasyon ng isang manunulat na si Jessica Zafra: “The Filipino dream is to become an American.”

Sana ay magising na tayo sa mga malalalim na pagbahang naranasan sa Poblacion kamakailan, na ang lumalabas na sanhi ay mga nakabarang plastic sa ating mga drainage, ngunit may mas malalim pang dahilan na pinanghuhugtuan. Ipakita natin sa pamamagitan ng napakagandang proyekto ni Mayor NiƱa Jose-Quiambao na "Bali-Balin Bayambang" na kaya rin natin ang dumanas ng flash flood na talagang panandalian lamang sapagkat walang babarang mga plastic at styrofoam sa ating mga imburnal.

Ipakita natin sa ating mga kapwa Pilipino na ang mga BayambangueƱo ay may kakayahang yakapin ang transpormasyon tungo sa tunay na kaunlaran, kung saan kitang-kita ang pruweba nito sa ating malinis na kapaligiran. Patunayan natin na kaya nating maging isang siyudad habang pinoprotektahan ang ating Inang Kalikasan sa pamamagitan ng pagiging responsable sa ating sariling basurahan. Huwag nating iasa ito sa kakarampot na pasilidad, equipment, at staff ng ating Ecological Solid Waste Management Office, sapagkat kung tutuusin, sarili nating responsibilidad ang ating mga itinatapong basura. Ayon sa ESWMO, tinatayang nasa P115-140,000 ang ginagastos ng Bayambang kada buwan, madispose lamang ng maayos ang mga nakokolektang basura. Tayo na sana ang manguna sa pagdecompose ng ating sariling backyard at kitchen waste, at parte na rin dapat ng ating mga nakagawian ang pagsegregate ng mga plastic, recyclable, residual, at special at hazardous waste. Mahigit 20 taon na po ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, kaya't kung tutuusin ay huli na tayo sa istriktong implementasyon nito.

Kaya kung ayaw nating lumangoy at maligo sa sariling basura, tayo na ang mangunang apulain ang pagragasa nito sa pinakaugat ng problema. Wika nga ng dating Mayor Cezar Quiambao, mahalin natin ang ating bayan, mahalin natin ang Bayambang, mahalin natin ang ating mga sarili. Sama-sama tayo at gawin natin ang Balon Bayambang bilang Bali-Balin Bayambang.

No comments:

Post a Comment