"Deng-get Out!"
Tuwing tag-ulan, muling nagbabalik ang banta ng dengue, isang nakamamatay na sakit dulot ng kagat ng lamok na Aedes aegypti. Sa mga nakaraang taon, patuloy ang pagtaas ng insidente ng dengue sa Pilipinas. As of September 2024, nagtala ang bansa ng 208,000 na kaso, ayon sa report ng Department of Health.
Sa ating bayan ng Bayambang, nakakaalarma ang sitwasyon dahil napuno ang Bayambang District Hospital ng pasyente, kaya't ang iba ay pinili na lamang ang home care para magpagaling. 'Di natin masisi kung ang lahat sa atin ay nag-aalala, sapagkat ang dengue ay maaaring magdulot ng malubhang karamdaman, kabilang ang mataas na lagnat, pananakit ng katawan, panghihina, at pagdurugo. Sa mga malalang kaso, ito ay maaaring magresulta sa dengue hemorrhagic fever o dengue shock syndrome, na maaaring humantong sa pagkamatay.
'Di nakakapagtaka na ang mataas na incidence sa ngayon ay nagdudulot ng takot at pangamba sa bawat tahanan. Sa likod ng bawat naitalang kaso, di maaiwasan na may mga kwento ng pasakit at pagdurusa.
Sa kabila ng bantang ito, may mga hakbang na maaari tayong gawin upang maprotektahan ang ating sarili at ang ating komunidad.
Matapos malaman ni Mayor NiƱa Jose-Quiambao ang kalagayan ng ating mga kabababayan na naconfine sa nasabing ospital, agad itong nagdonate ng mga kagamitan upang makatulong maibsan ang kanilang nararanasan.
Kamakailan, ang ating mga Rural Health Unit ay naglunsad ng Oplan Taob upang tulungang puksain ang mga pinamumugaran ng dengue mosquito. Ang mga residente ay inabisuhang alisin ang lahat ng mga naipong tubig na 'di kailangan sa lahat ng maaaring maging sisidlan, at takpan naman ang mga timba at drum na pinag-ipunan ng tubig. Ito ay upang siguraduhing walang clear stagnant water na paboritong breeding ground ng Aedes aegypti. Patuloy din ang kanilang pag-fogging at misting at paggamit ng larvicide kung kinakailangan sa mga lugar na may mga kaso ng dengue, at pamimigay ng Olyset nets sa mga paaralan.
Ang Department of Health naman ay may tinatawag na 4 O'Clock Habit, kung saan ang lahat ay inaabisuhang magsagawa ng regular na paglilinis sa paligid tuwing hapon, kung kaya't kami rin ay nananawagan sa lahat na maglaan ng oras upang ang loob at labas ng bahay, kabilang ang mga bakuran at kanal, ay malinis upang maalis ang lahat ng maaaring pamahayan ng mga lamok.
Ang lahat ay inaabisuhan din na umiwas muna sa pagsusuot ng maiikli at madidilim na damit. Mas mainam na magsuot ng mga damit na may mahahabang manggas at mga kulay na maliwanag upang hindi makatawag-pansin sa mga lamok.
Maaari ring gumamit ng mga mosquito repellent, tulad ng mga lotion na may DEET, picaridin, o langis ng citronella or tanglad, at iba pa, upang mapanatiling ligtas ang ating balat mula sa kagat ng lamok.
Kailangan din nating magpakalat ng wastong kaalaman, dahil ang tamang impormasyon at edukasyon tungkol sa dengue ay mahalaga. Kaya naman walang tigil ang ating mga RHU sa pagbaba sa mga barangay upang mas marami ang makaalam sa mga paraan ng pag-iwas.
Kung ikaw o ang miyembro ng pamilya naman ay tinamaan ng dengue, ugaliin ang pag-inom ng sapat na tubig upang makaiwas sa dehydration.
Ang dengue ay isang seryosong banta sa ating kalusugan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at malasakit sa isa't isa, maaari nating mapababa ang bilang ng kaso nito. Maging mapanuri tayo sa ating kapaligiran at magsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang sakit na ito. Sa huli, ang ating kalusugan ay nasa ating mga kamay, at sa simpleng hakbang na ito, makatutulong tayo sa pagpapanatili ng kaligtasan sa ating bayan.
No comments:
Post a Comment