Wednesday, September 11, 2024

FEATURE: Sangguniang Bayan

 

MGA KAPAKI-PAKINABANG NA KAALAMAN TUNGKOL SA MGA TUNGKULIN AT KAPANGYARIHAN NG SANGGUNIANG BAYAN

 

1.     Tagapagbalangkas ng mga Ordinansa

Alam niyo ba na ang Sangguniang Bayan ay may kapangyarihan na magbalangkas ng mga lokal na batas o ordinansa? Sila ang nagbibigay direksyon sa Bayan ng Bayambang sa pamamagitan ng mga batas na kanilang ginagawa para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan. Isang halimbawa nito ay mga ordinansa tungkol sa tamang pagtatapon ng basura.

2.     Tagapagbigay ng Kapangyarihan sa Punong-Bayan

Alam niyo bang hindi makakakilos ang Punong-Bayan ng buong lubos kung walang pagsang-ayon ng Sangguniang Bayan? Kailangan ng mayor ang kanilang basbas sa ilang mahahalagang proyekto at kasunduan, kaya’t may "check and balance" na nagaganap.

 

3.     Tagapamahala ng Budget

Ang Sangguniang Bayan ang nag-aapruba ng taunang badyet ng bayan ng Bayambang. Sa kanilang mga desisyon, sila ang nagtatakda kung saan gagamitin ang pondo ng bayan – mula sa edukasyon, imprastruktura, hanggang sa mga programang pangkabuhayan.

 

4.     Kaakibat ng Mamamayan

Ang Sangguniang Bayan ay bukas sa hinaing ng publiko. May tinatawag na public consultation kung saan maaaring magbigay ng mungkahi ang mga tao tungkol sa mga ordinansa at proyekto. Ito ay isang paraan upang masigurong ang mga desisyon nila ay sumasalamin sa pangangailangan ng komunidad.

 

5.     Tagapagbuo ng Resolusyon

Maliban sa paggawa ng ordinansa, ang Sangguniang Bayan ay gumagawa rin ng mga resolusyon bilang pormal na pahayag ng kanilang suporta o pagsalungat sa mga isyu ng bayan. Ang mga resolusyon ay nagpapahayag ng opisyal na posisyon ng bayan sa iba't ibang isyu.

6.     Tagapagdala ng Quasi-Judicial Powers

Alam mo ba na ang Sangguniang Bayan ay may quasi-judicial powers o kapangyarihang tila hukuman sa ilang aspeto? Maaari silang maglitis at magdesisyon sa mga administratibong kaso tulad ng mga reklamo laban sa mga barangay elected officials. Kasama rito ang pagdinig sa mga kaso ng misconduct o neglect of duty at pagbibigay ng kaukulang parusa kung kinakailangan.

Sa kanilang quasi-judicial functions, parang korte na rin ang Sangguniang Bayan, at may mga pagkakataong magbibigay sila ng resolusyon sa mga reklamo o alitan ng mga opisyal ng bayan, kaya mahalaga ang kanilang papel sa pagpapanatili ng katapatan sa serbisyo publiko.

 

Sana’y mas nakilala niyo ang kahalagahan ng Sangguniang Bayan at ang kanilang mahalagang papel sa kaunlaran at kaayusan ng ating mahal na bayang Balon Bayambang!

 

No comments:

Post a Comment