MONDAY REPORT – JUNE 29, 2026
[ENERGY, VOLUME, SMILE]
INTRO
1: MAGANDANG ARAW, BAYAMBANG! Ako po si ___________.
2: At ako naman po si _______, at kami ay mula sa Local
Civil Registry Office.
1: Narito na ang mga pangunahing balitang sumasalamin sa
patuloy na pag-unlad, malasakit, at sama-samang pagkilos ng ating bayan.
2: Mula sa mga proyektong nagbibigay ng bagong pag-asa,
hanggang sa mga programang nagsusulong ng kaunlaran at mabuting pamamahala…
1: …Narito naa ang mga balitang nagbibigay ng
positibong pagbabago sa buhay ng bawat Bayambangueño.
2: …Mga balitang dapat ninyong malaman ngayong linggo.
1&2: Ito ang… BayambangueNews.
1.
Mayor Niña, Nagpamahagi ng Sampung Bahay
Kubo
Sampung pamilyang Bayambangueño mula sa iba't
ibang barangay ang pinagkalooban ng bagong bahay kubo ni Mayor Niña
Jose-Quiambao gamit ang personal na pondo. Bukod sa bahay, tumanggap din ang
bawat benepisyaryo ng solar light, solar electric fan, at tig-isang kaban ng
bigas. Napuno ng emosyon ang seremonya dahil sa tuwa ng mg benepisyaryo, na
umuwing punung-puno ng pasasalamat. Ang mga benepisyaryo ay dumaan sa masusing
pagsusuri ng DSWD at MSWDO.
2.
Special Notice of Compliance for LPTRP,
Iginawad sa LGU!
Isang mahalagang pagkilala ang natanggap ng
LGU-Bayambang matapos itong pagkalooban ng Special Notice of Compliance para sa
Local Public Transport Route Plan o LPTRP mula sa LTFRB. Ang nasabing pagkilala
ay patunay ng pagsunod ng bayan sa mga itinakdang pamantayan para sa mas maayos
at episyenteng pampublikong transportasyon. Malaking hakbang ito tungo sa
patuloy na modernisasyon ng sistema ng transportasyon sa Bayambang.
3.
MDRRMO, Nag-inspeksyon sa 58 Fire
Hydrants sa Bayan
Sa direktiba ni Mayor Niña, nagsagawa ang
MDRRMO, katuwang ang BFP at Bayambang Water District, ng aktuwal na inspeksyon
at pag-testing sa functionality ng 58 fire hydrants sa iba’t ibang bahagi ng
bayan noong June 15. Bahagi ng aktibidad ang pagdodokumento, geo-tagging, at
pagsubok sa lakas ng buga ng mga fire hydrant upang matiyak ang kahandaan ng
mga ito at mapalakas ang kakayahan ng bayan sa mabilis at epektibong pagtugon
sa mga insidente ng sunog at iba pang emerhensiya.
4.
2Q Social Pension, Ipinamahagi sa Senior
Citizens
Ipinamahagi ng MSWDO ang tig-P3,000 na social
pension para sa mga kwalipikadong indigent senior citizens sa iba't ibang
bahagi ng bayan. May kabuuang 3,091 na mga benepisyaryo ang nakatanggap ng
ayuda na naglalayong makatulong sa kanilang pangunahing pangangailangan.
5.
Buklat Aklat Year 3, Inilunsad sa Buenlag
1st
Inilunsad sa Barangay Buenlag 1st ang Buklat
Aklat Project Year 3 ni Mayor Niña, upang maghatid ng mga aklat at reading
exercises para sa mga mag-aaral doon. Sa pamamagitan ng programa, nahihikayat
ang mga mag-aaral na paigtingin ang kanilang interes sa pagbabasa at palawakin
ang kanilang kaalaman. Tuwang-tuwa ang mga chikiting dahil sila ay nilibre ng
McDonald’s meal ni Mayor Nina.
6.
KSB Year 9, Dinala sa Ambayat 1st
Pinangunahan ni Mayor Nina ang Komprehensibong
Serbisyo sa Bayan Year 9 sa Barangay Ambayat 1st bilang bahagi ng patuloy na
paghahatid ng mga serbisyong pangkomunidad sa mga residente ng malalayong
barangay. Nakinabang sa programa ang 3,721 na residente sa pamamagitan ng iba't
ibang libreng serbisyo, kabilang ang medical at dental services, bakuna sa hayop, employment services, legal
consultation, seeds at seedling distribution, libreng gupit, at marami pang iba.
Ang mga benepisyaryo ay nakatipid ng halagang P209,079.
7.
Seguridad sa mga Paaralan, Tinutukan sa
MADAC-MPOC Meeting
Sa isinagawang ng Joint Quarterly Meeting
para sa ikalawang quarter ng 2026 ng Municipal Anti-Drug Abuse Council at
Municipal Peace and Order Council, tinutukan ang isyu ukol sa seguridad sa mga
paaralan, bunsod ng mga ulat ng insidente ng karahasan sa ibang lugar. Bukod
dito, kapansin-pansin naman ang mga magagandang naisakatuparan ng mga miyembro
ng MADAC at MPOC para sa kapayapaan at kaayusan, na nagreresulta sa isang
progresibong Bayambang.
8.
Bayambang, Host ng Meeting DOLE para sa
PESO at Job Placement Offices
Noong June 25, idinaos sa
Bayambang ang 2nd quarter meeting ng DOLE para sa mga PESO at Job Placement
Offices ng DOLE sa buong probinsya ng Pangasinan. Dito ay tinalakay ang mga
programa at isyung pang-empleyo, kabuhayan, at labor compliance. Dumalo ang mga
kinatawan ng PESO at JPO sa Pangasinan upang palakasin ang koordinasyon at
serbisyo para sa mga manggagawa at mga job seeker.
9.
Tatlong Pusa mula Animal Shelter Cats,
Nagkaroon ng Bagong Fur-Ever Home
Ang Bayambang Animal Shelter ay matagumpay na
nakapagpa-ampon ng mga stray cats noong June 22 at 23 sa tatlong adoptive
parents. Ang mga naturang sheltered cats ay nakatanggap ng anti-rabies
vaccination, deworming, at neutering upang masiguro na sila ay healthy at safe
alagaan. Dahil dito, nabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga ligaw,
inabandona, at napabayaang hayop, at nahanapan ng mga responsible pet owners.
10. Libreng
Panganganak sa RHU 1, Nagpatuloy
Magandang balita para sa mga buntis na kababaihan sa
Bayambang! Matapos ang anim na buwang renovation, muling nagbubukas ang RHU I
para sa libreng pagpapaanak ng mga low-risk pregnant mothers na may kumpletong
prenatal check-up. Hinihikayat ang mga buntis na ina na makipag-ugnayan sa
kanilang barangay health workers o direktang bumisita sa RHU I para sa
karagdagang impormasyon.
11. BPC,
Matagumpay na Nagdaos ng Unang Commencement Exercises
Isang makasaysayang yugto ang naitala sa
Bayambang Polytechnic College matapos nitong idaos ang kauna-unahang
Commencement Exercises noong June 25 para sa 91 students. Nagtapos ang may 40 na
mag-aaral sa kursong BS Entrepreneurship at 51 naman sa BS Agribusiness, kung
saan 55 sa kanila ay kauna-unahang college graduate sa kanilang pamilya, 11 ang
4Ps, at apat ang nagtapos nang may distinction. Naging panauhing pandangal sa
okasyon si Dr. Mudjekeewis Santos ng National Academy of Science and
Technology.
12. Mobile
Blood Donation Drive, Gaganapin sa July 6
Inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ang lahat
ng kwalipikadong blood donors na makilahok sa Mobile Blood Donation Drive na
gaganapin sa July 6 sa Balon Bayambang Events Center. Magsisimula ang aktibidad
mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa pakikipagtulungan ng Philippine
Red Cross at Philippine Coconut Authority. Layunin nitong madagdagan ang suplay
ng dugo at makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang pagsasalin
ng dugo.
13. BSWM,
Nag-onsite Validation
Nagsagawa ng on-site validation ang Bureau of Soils and
Water Management (BSWM) at CR Domingo Construction Inc. para sa itatayong
solar-powered irrigation project sa Brgy. San Gabriel 2nd. Inaasahang
makapagbibigay ang proyekto ng mas maaasahan at episyenteng suplay ng tubig
para sa humigit-kumulang na treinta (30) ektaryang sakahan, na magpapataas ng
produktibidad ng mga magsasaka at magpapalakas sa sektor ng agrikultura sa
barangay.
14. 38
Donors, Nag-alay ng Dugo sa Mobile Drive
Dalawampu't walong volunteer-donors ang matagumpay na
nakapagbigay ng dugo sa Mobile Blood Donation Drive ng RHU III at Region 1
Medical Center na ginanap sa Brgy. Tatarac Covered Court. Mula sa 36 na
rehistradong kalahok, 28 ang pumasa sa screening at naging bahagi ng makataong
programang naglalayong makapagligtas ng buhay sa pamamagitan ng sapat na suplay
ng dugo.
15. Bayambangueña,
Byaheng Global IT Challenge Muli!
Muling itataas ni Dianebrei Mae Estrada ang bandera ng
Bayambang at Pilipinas matapos mapabilang sa Team Pilipinas para sa Global IT
Challenge for Youth with Disabilities 2026 sa Da Nang, Vietnam sa darating na
Oktubre. Sa ika-apat na pagkakataon, kinatawan ng isang tubong Bayambang na si
Dianebrei ang bansa sa prestihiyosong patimpalak, patunay ng kanyang
natatanging husay sa Information Technology at inspirasyon sa mga kabataang may
kapansanan na patuloy na mangarap at magtagumpay.
16. Medical
Mission ng BAIPHIL, Nakatulong sa Maraming Residente
Maraming residente ang nakinabang sa isinagawang medical
mission ng BAIPHIL sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at iba pang
katuwang na organisasyon. Nagbigay ang programa ng libreng konsultasyon,
pagsusuri, at iba pang serbisyong medikal para sa mga mamamayan. Ayon sa mga
organizer, umabot sa libu-libong pasyente ang nabigyan ng serbisyong
pangkalusugan sa naturang aktibidad.
***
[ENERGY, VOLUME, SMILE!]
OUTRO
1: At iyan po ang ilan sa mga mahahalagang balitang ating
tinutukan ngayong linggo.
2; Muli, ako po si __________.
1: At ako naman po si _________, mula sa Local Civil
Registry Office.
2: Patuloy nating tutukan ang mga programa at proyektong
nagbibigay ng positibong pagbabago sa buhay ng bawat Bayambangueño.
1: Hanggang sa susunod na edisyon…
1&2: Ito ang…BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment