Tuesday, June 16, 2026

Monday Report – June 22, 2026

 

Monday Report – June 22, 2026

 

INTRO

1.      Magandang Monday morning, Bayambang! Ako po si ___ mula sa _____ (Office).

2.      At ako naman po si ___ , mula rin sa _____ (Office).

1.      Mula sa edukasyon at turismo hanggang sa kabuhayan…

2.      …iba't ibang makabuluhang programa at aktibidad ang muli na namang naitala sa bayan ng Bayambang sa nakaraang linggo.

1.      Narito ang ilan sa mga mahahalagang pangyayaring patuloy na nagpapatunay sa pag-unlad ng ating bayan.

2.      Dito lang yan sa...

1&2. BayambangueNews!

 

***

1.      Bagong Central School Campus, Binili na ng LGU para sa mga Mag-aaral!

Noong June 15, inanunsyo ni Mayor Niña Jose-Quiambao na opisyal nang nabili ng LGU-Bayambang ang titulado at pribadong lupang kinatitirikan ng bagong Bayambang Central School sa Brgy. Bical Norte, kasama ang mga nakatayong pasilidad nito. Ayon sa alkalde, bahagi ito ng judicially approved compromise agreement kaugnay ng matagal nang kaso ukol sa naturang paaralan.

2.      Usufruct Agreement sa Pagitan ng LGU at DepEd, Nilagdaan

Sa araw ding iyon, pormal na nilagdaan ng LGU-Bayambang at Department of Education Region I ang Deed of Usufruct para sa lupang kinatitirikan ng bagong Bayambang Central School campus. Sa loob ng 25 taon na bisa ng kasunduan, magkakaroon ang DepEd ng karapatang gamitin at pangasiwaan ang campus para sa mga layuning pang-edukasyon habang nananatiling pag-aari ng LGU ang lupain at mga pasilidad nito.

3.      Kasunduan, Nagbigay ng Permanenteng Campus sa BCS

Sa makasaysayang hakbang na ito, nagkaroon ng permanenteng tahanan ang paaralan, na magtitiyak ng tuluy-tuloy at mas maayos na pag-aaral para sa mga susunod na henerasyon ng mga mag-aaral. Kaya naman buong pasasalamat ng pamunuan ng DepEd Region I, Bayambang Central School, SPTA, at mga mag-aaral sa administrasyong Quimbao-Sabangan.

Sa iba pang mga balita…

4.      Indonesian Students, Dumalaw sa Museo

Binisita ng mga Indonesian students na panauhin ng Pangasinan State University ang Municipal Museum noong June 9 bilang bahagi ng kanilang familiarization tour. Sa pangunguna ni Museum Custodian Moises Palisoc, ipinakilala sa mga bisita ang mayamang kasaysayan, kultura, sining, at mga natatanging katangian ng Bayambang. Naging kapana-panabik para sa mga dayuhang estudyante ang pagtingin sa mga artifact at exhibit na matatagpuan sa iba't ibang gallery ng museo.

5.      SPES Beneficiaries, Tumanggap ng Sahod

Natanggap na ng mga working student-beneficiaries na naka-assign sa Niñas Café ang kanilang paunang sahod na nagkakahalaga ng P6,060 sa ilalim ng Special Program for Employment of Students o SPES ng DOLE. Sa pamamagitan ng programang SPES at sa tulong ng PESO-Bayambang, nabibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magkaroon ng karagdagang kita at mahalagang karanasan sa trabaho habang naka-bakasyon.

6.      Audit Orientation, Isinagawa

Nagsagawa ang Internal Audit Service Office ng isang Audit Awareness Orientation para sa mga department at unit heads ng LGU noong July 11. Tinalakay rito ang pagkakaiba-iba ng mga saklaw na tungkulin ng Internal Audit Service, Commission on Audit, Municipal Accounting Office, at Internal Quality Audit upang mapalakas ang koordinasyon at maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga proseso at patakaran sa pamahalaang bayan.

7.      Mga Ani ng Local Farmers, Direktang Tinangkilik ng Mamimili

Dinagsa ng mga mamimili ang bentahan sa tabi ng Municipal Legislative Building noong June 15 kung saan direktang ibinenta ng mga magsasakang Bayambangueño ang kanilang sariwang gulay, prutas, at iba pang produkto. Sa aktibidad na ito, napalakas ang kita ng mga magsasaka habang nagbibigay ng abot-kaya at masustansyang pagkain sa komunidad.

8.      ESWMO, My IEC sa Lahat ng Paaralan

Ang ESWMO ay nag-umpisang magsagawa ng information-education campaign sa lahat ng paaralan sa  Bayambang noong June 15 bilang parte ng selebrasyon ng Environmental Month. Nauna nilang binisita ang Ambayat Integrated School at Managos Elementary School, kung saan nagbigay ng lecture sa tamang waste management at tinalakay ang R.A. 9003 at mga lokal na ordinansang pangkalikasan.

9.      ROR Review at Consultation, Isinagawa

Nagsagawa ang LGU-Bayambang ng Risks and Opportunities Review and Consultation noong June 16 bilang bahagi ng paghahanda para sa ISO re-certification. Tinalakay rito ang mga potensyal na risks at opportunities sa operasyon ng kada departamento, upang higit pang mapahusay ang pagpapatupad ng Quality Management System (QMS) at matiyak ang de-kalidad na serbisyo publiko.

10.  LGU, Muling Naging Aktibo sa 2Q NSED

A: Noong June 16, muling nakiisa ang LGU sa pagdaos ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa 2nd quarter, para pataasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagiging handa laban sa pagyanig. Hinahasa rin nito ang kapabilidad ng gobyernong lokal upang mas lubos na mapaghandaan ang anumang paglindol.

[OPTIONAL] B: Dalawang araw bago ang NSAID, nagkaroon muna ng briefing ang MDRRMO para sa lahat ng mga safety officer ng LGU.

C: Ang NSED naman ay sinundan ng isang IT Disaster Recovery Drill ng ICT Office, kung saan tinesting ang pag-gana ng backup internet connection ng LGU sa oras na biglaang mawalan ito ng internet access dulot ng paglindol.

11.  LGU, Dumalo sa PDC-PPOC-PADAC Meeting

Dumalo ang LGU-Bayambang sa Joint Meeting ng Provincial Development Council (PDC), Provincial Peace and Order Council (PPOC), at Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) noong June 16 sa kapitolyo upang talakayin ang mga usapin sa kaunlaran, kapayapaan, kaayusan, at kampanya kontra ilegal na droga sa lalawigan. Kinatawan ng LDRRMO at MPDC ang bayan sa pagpupulong na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya at opisyal ng pamahalaan, na kapwa nakibahagi sa isang gawaing nagpapalakas ng koordinasyon tungo sa mas maunlad, mapayapa, at ligtas na komunidad.

12.  Isang Sanggol na May Cleft Lip at Cleft Palate, Naoperahan ng Libre

Matagumpay na napa-operahan nang libre ang isang walong-buwang gulang na sanggol mula sa Brgy. Bongato East na may cleft lip at cleft palate sa tulong ng PDAO at Kapampangan Development Foundation. Siya ay inoperahan sa Dr. Jesus A. Datu Medical Center sa Bacolor, Pampanga, noong June 17 matapos maihatid-sundo ng BPSO.

13.  CBMS Coordinating Board, Nag-convene

Noong June 17, nag-convene ang 2027 Municipal CBMS Coordinating Board ng Bayambang, na kinabibilangan ng iba’t ibang departamento ng LGU at mga ahensya at grupo. Ang naturang coordinating board ay may layuning iimplementa ang 2027 CBMS o Community-Based Monitoring System sa pakikipagtulungan sa Philippine Statistics Authority. Kaya naman maingat na tinalakay sa pulong ang kinakailangang kaalaman ukol sa CBMS implementation, paglilinaw ng mga papel ng bawat miyembro, at masusing koordinasyon at kolaborasyon.

14.   Iba’t Ibang Isyung Pang-edukasyon, Tinalakay sa LSB Meeting

Sa ginanap na pulong ng Local School Board noong June 17, pinag-usapan ang ukol sa bagong guidelines sa Special Education Fund, repair at maintenance ng mga paaralan, policy guidelines sa implementasyon ng 3-term school calendar sa basic education, Summer Aral Program, preparasyon ng 2027 SEF Budget, enrolment concerns, at iba pang mahalagang usapin.

15.  Mobile Local Civil Registry Services, Lumipat sa Managos

Sumunod namang isinagawa sa Brgy. Managos ang paghandog ng mga serbisyo ng LCR, sa layong dalhin sa malalayong barangay ang iba’t ibang civil registration services at palakasin ang kamalayan ng mamamayan sa kanilang legal na pagkakakilanlan. Tinalakay dito ang kahalagahan ng maayos na dokumento para sa edukasyon, seguridad, at oportunidad, habang isinagawa rin ang data capture para sa updated Community Service Card.

16.  Bayambang, Muling Kinilala sa Good Financial Housekeeping!

Muling pinatunayan ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang ang mahusay at responsableng pamamahala sa pananalapi matapos nitong makamit ang 2025 Good Financial Housekeeping recognition mula sa DILG. Ito ay nagpapakita ng mataas na antas ng transparency, accountability, at wastong paggamit ng pondo ng bayan -- at patunay na patuloy na pagsunod sa mga pamantayan ng mabuting pamamahala at mahusay na financial management.

 

***

OUTRO

1.      Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaang bayan, mga ahensya ng gobyerno, at iba pang katuwang na sektor,….

2.      …inaasahang mas marami pang programang magdudulot ng kaunlaran, oportunidad, at mas magandang kinabukasan para sa bawat Bayambangueño.

1.      Muli, ako po si ___ ng ____ Office.

2.      At ako naman po si ___ ng ___ Office.

1&2. Hanggang sa muli, ito ang…BayambangueNews!

No comments:

Post a Comment