Sunday, June 7, 2026

Monday Report - June 8, 2026

 Monday Report - June 8, 2026

 

[INTRO]

 

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

 

1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Mula sa inyong lingkod na laging naka-duty para sa kapakanan ng nakararami. Narito kami para sa tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si ___, mula sa ___________.

 

2: At ako naman po si ___, ng ___ (office), handang maglingkod saan mang sulok ng Bayambang dahil ang ating serbisyo publiko ay tunay na tunay.

 

1: Hatid namin sa inyo ngayon ay mga balitang may saysay…

 

2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa serbisyong buhay…

 

SABAY: …Ito ang—BayambangueNews!

 

 

 

1.     Brigada Eskwela Package, Ipinamahagi

 

Nagpamahagi ang LGU ng mga Brigada Eskwela Package sa mga pampublikong paaralan sa bayan bilang suporta sa pagsisimula ng Brigada Eskwela noong June 1. Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga kagamitan sa paglilinis, pagkukumpuni, at pagsasaayos ng mga pasilidad ng paaralan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

 

2.     Hip-hop Dance Trainees, Nag-recital Din

 

Ang ikalawang batch ng Summer Dance Class ay matagumpay na nagtapos sa ilalim ng kanilang coach na si John Jeremy Ong. Sa kanilang ginanap na recital, ipinakita ng mga kalahok ang kanilang natutunang mga istilo ng pagsayaw sa hip-hop dance genre, at pagyabong ng kanilang talento sa kanilang kinahiligang larangan.

 

3.     TESDA Scholars, Naghatid ng Nutrisyon at Pag-asa

 

Noong May 30, ang mga scholar ng TESDA Events Management Services NC III ay matagumpay na nagsagawa ng isang Community Feeding and Wellness Drive para sa mga undernourished na kabataan ng District 5. Sa pakikipagtulungan ng Nutrition Office, sila ay nagbigay ng masustansyang pagkain at nagdaos ng makabuluhang aktibidad.

 

 

4.     Mas Pinalakas na KSB, Abangan!

 

Mas pinalakas at mas pinalawak ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa ikasiyam na taon nito, matapos magpulong ang buong team sa pangunguna ni Mayor Niña upang pag-aralan ang pagdaragdag ng mga bagong serbisyo sa programa. Layunin nitong gawing mas dynamic, mas kapaki-pakinabang, at mas accessible ang mga serbisyong medikal, dental, legal, pang-dokumentaryo, at iba pang ayuda para sa mga Bayambangueño, lalo na sa mga nasa malalayong barangay.

 

5.     Info Drive ukol sa San Roque Dam, Muling Isinagawa

 

Muling nagsagawa ang MDRRMO ng Information and Education Campaign ukol sa San Roque Dam katuwang ang iba’t ibang national at provincial agencies. Tinalakay sa programa ang dam safety, flood forecasting, disaster preparedness, at evacuation protocols upang higit na mapalakas ang kahandaan at katatagan ng mga komunidad ng Bayambang laban sa mga sakuna.

 

 

6.     Strategic AIP Formulation Training, Isinagawa

 

Noong June 3, nagsagawa ang MPDO ng isang training para sa Technical Workshop on Strategic Formulation of Annual Investment Plan. Ito ay dinaluhan ng lahat ng department at unit head ng LGU at ng iba't ibang national agency heads. Dito ay pinatibay ang proseso ng planning at investment programming ng LGU upang masiguro na ang mga panukalang programs, projects, at activities ay istratehiko, results-oriented, implementable, at naka-align sa aprubadong CDP, LDIP, at iba pang mandated plans ng gobyerno.

 

7.     Parent Leader Summit para sa 4Ps, Ginanap

 

Noong Hunyo 3, nagsagawa ang DSWD ng isang summit para sa mga Parent Leader ng 4Ps, para palakasin ang kanilang kakayahan bilang katuwang sa paghahatid ng serbisyo sa mga benepisyaryo ng 4Ps at mapabuti ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa 4Ps sa kanilang mga barangay. Tinalakay dito ang mga paksang beneficiary monitoring, grievance redress, at case management. Nagkaroon din ng leadership enhancement activity upang mapaunlad ang leadership skills ng Parent Leaders.

 

8.     Kilusang Kooperatiba, Mas Pinatatag sa Pulong ng MCDC

 

Ang Municipal Cooperative Development Office ay nagpatawag ng pulong ng Municipal Cooperative Development Council members para sa 2nd quarter, upang talakayin ang iba’t ibang concern, kabilang ang estado ng pagsunod ng mga kooperatiba sa mga requirement ng CDA, gayundin ang pagmomonitor sa aplikasyon at pag-renew ng mga business permit ng mga rehistrado at aktibong kooperatiba, gayundin ang update hinggil sa resolusyon ng MCDC para sa opisyal na pagkilala ng CDA sa konseho.

 

--------------------------------------------------------

 

FOR VO

 

9.     Mga Papeles na Napulot ng TFD, Agad Naisauli sa May-ari

 

Ilang envelope na naglalaman ng mahahalagang dokumento ang agad na naibalik sa may-ari nito matapos itong matagpuan ng isang enforcer ng Task Force Disiplina sa municipal plaza noong May 22. Ayon sa ulat, ang naturang mga envelope ay napulot ni TFD enforcer Leo Villanda habang naka-duty, at agad niya itong iniulat sa awtoridad, hanggang sa ma-claim ito ng may-ari, na isang residente ng Dagupan City.

 

 

10.  DENR, Mag-iimbentaryo ng mga Istruktura sa Local Forestlands

 

Nag-courtesy call ang DENR Region 1 sa tanggapan ni Mayor Niña, kaugnay ng kanilang pagsisimula ng inventory ng mga imprastruktura na matatagpuan sa mga lupaing classified bilang forestland sa Bayambang. Layunin ng nasabing imbentaryo na maisaayos at maitala ang lahat ng estruktura sa lugar bilang bahagi ng wastong pamamahala at pangangalaga ng naturang mga land asset.

 

11.  ESWMO Staff, Gumawang Muli ng mga DIY na Dustpan

 

Muling gumawa ang garbage collection team ng ESWMO ng mga pandakot o dustpan gamit ang mga basyong galon na naipon ng tanggapan, base sa orihinal na ideya ng staff na si Bobby Manuel. Ang mga naturang do-it-yourself na dustpan ay matibay, at nakatakdang gamitin ng mga Bali-Bali'n Bayambang street sweeper.

 

12.  Bagong Commercial Building sa Quezon Blvd., Ininspeksyon

Noon June 4, nag-inspeksyon ang LGU sa itinatayong gusali sa Quezon Boulevard sa Poblacion na dating kinatatayuan ng ilang ilegal na talipapa upang tiyakin ang pagsunod nito sa mga umiiral na batas at ordinansa. Nagtulung-tulong BPLO, Engineering, ESWMO, RHU Sanitary Inspector, at Task Force Disiplina upang matiyak ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na operasyon ng naturang establisimyento.

13.  Mobile LCR Services, Dumako sa Ambayat 1st

Muling inilapit ng Local Civil Registry Office ang iba't ibang serbisyo nito sa malalayong barangay, nang sila ay dumako naman sa Ambayat 1st noong June 4. Sila ay nagbigay ng komprehensibong talakayan hinggil sa civil registration, mga pinakabagong abiso mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), at iba pang serbisyo, kabilang ang data capture para sa upgraded Community Service Card.

 

--------------------------------------------------------

 

14.  License to Operate, Nakamit ng RHU I para sa Clinical Laboratory at Birthing Home Facility Nito

 

Nakamit ng RHU I ang DOH License to Operate (LTO) para sa Secondary Clinical Laboratory at Municipal Birthing Home nito matapos matugunan ang mahigpit na pamantayan ng Department of Health. Magbibigay ito ng mas de-kalidad na laboratory at maternal care services sa mga residente at magsisilbi ring mahalagang hakbang tungo sa PhilHealth accreditation ng mga pasilidad.

 

 

 

TRANSITION:

 

 

Ang pagbubuwis ang puso ng operasyo ng ating gobyernong lokal. Kung wala tayong ambag na buwis, walang serbisyo publiko. Subalit maraming maling haka-haka at mga paninira ang kumakalat ngayon. Upang bigyang linaw ang isyung ito, Kuya Ngen, pasok!

 

 

 

 

BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO! – AMILYAR

Opening Skit

(May resident na nagwawalis sa harap ng bahay.)

 

Resident:

Grabe talaga ang gobyerno. Nagpagawa na nga ako ng bahay gamit ang sarili kong pera, dugo, at pawis, ako pa magbabayad ng amilyar!

 

(Bigla papasok voice ni kuya. Mapapatingin sa paligid si Resident)

 

Kuya (ganun sa boses ni kuya sa PBB)

Teka lang, housemate.  Bago ka magalit, alamin muna natin kung ano ba talaga ang amilyar o tax. (isabay yung bg fx ng pbb)

 

(TRANSITION NG BDAM OPENING)

 

Kuya:

Kuya Ngen, pasok!

 

(papasok si Kuya Ngen sa frame with resident)

 

Kuya Ngen:

Kuya? Ikaw ba yan? Evicted na ba ako? Pero ano ba talaga ang amilyar na yan, Kuya? (tinginan with resident) Punta tayong LGU Bayambang. Ano tara?

 

(Go sa office ni Atty. Bayani Brillante Jr. kasama si resident like adventure eme eme)

 

Atty. BJ:

Alam mo Kuya Ngen, marami talaga ang nag-aakala na lahat ng bahay ay may amilyar agad. Ang totoo, may mga bahay na hindi naman sakop ng pagbabayad ng real property tax dahil mababa ang market value nito. Halimbawa, kung simpleng bahay lamang at ito ay may market value na 175,00 pesos pababa, ito ay exempt sa amilyar.

 

Resident:

So hindi pala porke may bahay, automatic may malaking amilyar na?

 

Atty. BJ:

Tama. At mahalaga ring malaman na magkaiba ang amilyar sa bahay at amilyar sa lupa. Mayroon tayong sinusunod na schedule of market values para sa lupa at gayundin sa mga bahay at buildings.

 

Kuya Ngen:

Eh bakit nga ba mahalaga ang amilyar?

 

Atty. BJ:

Dahil ang mga nakokolektang pondo mula rito ay ginagamit para sa iba't ibang serbisyong pampubliko. Sa kabuuang koleksyon, 35% ang napupunta sa lalawigan, 35% sa munisipalidad, at 25% sa barangay. May bahagi rin na inilalaan para sa Special Education Fund (SEF), na sumusuporta sa mga paaralan at iba’t ibang programa sa edukasyon.

 

Resident:

Ay! Atan may ibabaga nen Kuya Ngen nen imbeneg ya simba!

 

(paalam na kay Atty. BJ)

(labas ng office habang nag-uusap)

 

 

Kuya Ngen:

Ayun naman pala. Hindi lang basta-basta koleksyon. May pinupuntahan din. Kaya Bayambang, ang lahat ng ito ay–

 

Resident:

Pero teka, teka, teka! Paano naman kung may negosyo ka? Singa syak! Walay sari-sari store ko.

 

Resident:

Pwede kayang huwag na lang ako magparehistro. Maliit lang naman tindahan ko. Baka buwisan pa ako.

 

(Punta naman now sila resident at kuya ngen sa office ni Atty. Mary Grace Agas.)

 

Kuya Ngen:

(na para bang nagsusumbong kay atty agas) Attyyy! Marami nagtatanong kung pwede daw bang huwag na irehistro yung sari-sari store nila kasi maliit lang naman daw.

 

Atty. Agas:

Kuya Ngen, dapat alam mo na hindi lahat ng negosyo ay kinakailangang magbayad ng business tax. Halimbawa, ang mga negosyong may pinagbentahan na 30,000 pababa sa isang taon ay hindi na kinakailangang magbayad ng business tax.

 

Kuya Ngen:

Ah, so exempt pala ang iba?

 

Atty. Agas:

Oo. Pero mahalaga pa rin na mairehistro ang negosyo at magkaroon ng business permit.

 

Resident:

At bakit naman importante iyon?

 

Atty. Agas:

Una, mahalaga na may permit dahil patunay ito na lehitimo ang negosyo. Pangalawa, kapag may mga programang pangkabuhayan o assistance para sa mga negosyo, mayroon tayong tamang datos kung sino ang maaaring makatanggap.

 

TRANSITION TO CLOSING

(hanap ng mai-interview na sari-sari store owner and isang maliit na negosyante)

INSERT THE INTERVIEW VIDEO

 

Kuya Ngen:

Kaya Bayambang, dapat alam mo na hindi lahat ng bahay ay may amilyar na kailangang bayaran, at hindi rin lahat ng maliliit na negosyo ay may business tax.

 

Pero mahalagang maintindihan natin kung paano ito gumagana dahil ang mga buwis na nakokolekta ay bumabalik din sa mga serbisyong nakikinabang ang mamamayan.

 

At kung may bahay ka, lupa, o negosyo at gusto mong malaman ang tamang impormasyon, huwag mahiyang magtanong sa Municipal Assessor’s Office, Treasurer’s Office, o Business Permits and Licensing Office.

 

Bayambang, ang lahat ng ito ay dapat alam mo!

 

Muli, ako si Kuya Ngen na nagsasabing–

 

Kuya:

Kuya Ngen, pumasok ka sa confession room.

 

 

 

***

 

[OUTRO]

 

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

 

1: Mula sa mga proyekto ng LGU hanggang sa mga tagumpay ng bawat Bayambangueño, salamat sa pagtutok.

 

2: Sama-sama pa rin tayo sa bawat hakbang, bawat kwento, at bawat tagumpay ng ating bayan.

 

1: Ako po si ___, kasama sa pagsulong ng bukas na mas maganda.

 

2: At ako po si ___, mula sa ___________, kaisa ninyo sa serbisyong tunay at may puso.

 

SABAY: Ito ang... BayambangueNews!

 

 

No comments:

Post a Comment