Thursday, June 11, 2026

Monday Report - June 15, 2026

Monday Report - June 15, 2026

 

[INTRO]

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Narito na naman kami upang ihatid ang mga balitang sumasalamin sa patuloy na pag-unlad ng ating bayan. Ako po si ___, mula sa ___________(office).

2: At ako naman po si ___, ng ___________ (office), handang magbahagi ng mga kwentong nagbibigay-inspirasyon at nagpapakita ng tunay na diwa ng paglilingkod.

1: Mula sa paghahanda sa sakuna at pagbubukas ng klase...

2: Hanggang sa mga tagumpay ng ating kabataan at mga programang pangkalusugan...

1: Narito ang mga balitang dapat ninyong malaman.

SABAY: Ito ang—BayambangueNews!

 

1.      BPSO, TFD, at PNP, Nakaantabay sa Unang Araw ng Klase

Nagsagawa ng pinaigting na pagbabantay ang BPSO, Task Force Disiplina, at PNP sa iba't ibang paaralan kasabay ng pagbubukas ng School Year 2026–2027. Nakatuon ang kanilang operasyon sa traffic management, pagpapanatili ng kaayusan, at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at magulang.


2.      School Supplies para sa 18,000 na Mag-aaral, Ipinamahagi

Nakatanggap ng mga bagong school supplies ang mahigit 18,000 na mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 sa Bayambang bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase. Bahagi ito ng patuloy na suporta ng LGU sa edukasyon upang matiyak na may sapat na gamit ang bawat batang Bayambangueño sa kanilang pag-aaral.


3.      Brigada Eskwela 2026, Sinuportahan ng LGU at NGOs

Nakiisa ang LGU-Bayambang, Rotary Club of Bayambang, at TODA members sa Brigada Eskwela 2026 sa iba't ibang pampublikong paaralan sa bayan. Kabilang sa kanilang mga ibinigay na tulong ang clean-up drive, pruning operations, at pamamahagi ng mga cleaning supplies bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.


4.      Libreng Operasyon, Naipagkaloob sa 12 na Pasyente

Labindalawang indigent na pasyente ang matagumpay na naoperahan sa tulong ng Mayor’s Action Center sa ilalim ng programa ni Mayor Niña. Kabilang dito ang mga pasyenteng sumailalim sa heart surgery, cancer surgery, eye surgery, at iba pang mahahalagang medical procedures sa iba't ibang ospital sa loob at labas ng Bayambang.


5.      Bagong Uniporme, Natanggap ng BPSO Rescuers

Kamakailan ay nakatanggap ng mga bagong uniporme ang mga lay rescuer at ambulance driver ng Bayambang Public Safety Office. Ayon sa BPSO, makatutulong ito sa pagpapataas ng propesyonalismo, pagkakakilanlan, at kahandaan ng kanilang mga personnel sa pagtugon sa mga emergency at rescue operations.


6.      Barangay Officials, Nagtapos sa DRRM Course

Sinimulan noong Hunyo 8 sa Balon Bayambang Events Center ang tatlong araw na Disaster Risk Reduction and Management Course for Public Sector para sa mga opisyal ng barangay sa iba’t ibang distrito. Dito ay pinalakas ang kaalaman at kakayahan ng mga barangay leaders sa disaster preparedness, risk reduction, at emergency response upang higit na maprotektahan ang kanilang mga komunidad.  Ito y naging possible sa tulong ng OCD, DOST-PAGASA, DENR, BFP, PNP, at Philippine Red Cross.


7.      Tulong Pinansyal, Ipapamahagi sa 7,676 na Magsasaka at Mangingisda

Noong June 9 hanggang 10, nagpamahagi ang pamahalaan ng tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) para sa may 7,676 na kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa Bayambang. Ito ay bilang tugon sa mga hamong pangkabuhayan na kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin at presyo ng mga pangunahing bilihin. Bawat benepisyaryo ay nakatatanggap ng ₱2,325 cash.


8.      CDW Week, Ipinagdiwang

Nakiisa ang pamahalaang bayan sa pagdiriwang ng Child Development Workers' (CDW) and Child Development Teachers' Week bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga tagapag-alaga at guro sa maagang paghubog ng mga kabataan. Sa kanilang aktibidad, personal na binati at pinasalamatan ng mga opisyal ang mga Child Development Workers para sa kanilang walang sawang pag-aaruga, pagmamahal, at dedikasyon sa mga batang kanilang ginagabayan araw-araw.


9.      BPRP Recalibration, Muling Isinagawa

Noong June 10-11, muling nagsagawa ang Bayambang Poverty Reduction Action Team ng recalibration ng Bayambang Poverty Reduction Plan 2018-2028 sa tulong ng National Anti-Poverty Commission. Ang aktibidad ay nilahukan ng mga representante ng 14 basic social sectors, municipal officials, department heads, at NAPC facilitators. Kanilang nirepaso ang mga naging accomplishments ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan, binalangkas ang mga nararapat pang gawin, at planuhin ang mga istratehiya upang mapanatili at mapg-ibayo pa ang mga tagumpay na natamasa sa ilalim ng Rebolusyon.


10.  128th Independence Day, Ipinagdiwang

Noong June 12, muling nagtipon-tipon ang iba’t ibang sektor upang gunitain ang ika-128 na Araw ng Kalayaan ng ating bansa. Naging simple ngunit makabuluhan ang naging paggunita, na pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng kalayaan, bilang patuloy na hamon sa bawat mamamayan na pangalagaan ang demokrasya, itaguyod ang pagkakaisa, at ipagpatuloy ang pag-unlad ng bayan.


11.  Grupong BTS, May Bagong Outreach Activities

Ang grupong BTS o Born to Serve ay nagsagawa ng dalawang outreach activities, sa pakikipag-ugnayan sa MSWDO, MNAO, at GSO. Una ay ang Balik Eskwela program kung saan sila ay namigay ng libreng mga kagamitan sa eskwelahan sa 66 na estudyante ng Cason Elementary School at Amancosiling Elementary School. Sila ay nagsagawa ng isang feeding activity para sa mga children with disability (CWD) at undernourished children, kung saan sila ay may benepisyaryong 30 CWD at 5 undernourished children.


12.  "Salang Arrangement" sa mga Terminal ng Transport Groups, Tinalakay sa SB Hearing

Sa pagdinig ng Committee on Transportation and Communication ng Sangguniang Bayan, tinalakay ang kahilingan ng transport groups hinggil sa ipinatutupad na “salang arrangement” sa mga terminal ng apat na grupo sa bayan. Pinangunahan ni Councilor Zerex Terrado ang pagdinig kasama ang BPSO at Bayambang Police Station, at kanilang pinag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa sistema ng pagsasalang ng mga pampasaherong sasakyan sa mga terminal ng Bamacada, Baymaldag, New Bayambang ETC, at Baymacada.

***

[OUTRO]

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

1: Mula sa edukasyon at kalusugan hanggang sa kaligtasan, patuloy nating nasasaksihan ang bunga ng sama-samang pagkilos para sa isang mas maunlad na bayan.

2: Maraming salamat sa inyong pagtutok. Asahan ninyong patuloy naming ihahatid ang mga balitang may saysay, may puso, at may malasakit para sa bawat Bayambangueño.

1: Ako po si ___, laging handang maglingkod at maghatid ng tama at napapanahong impormasyon.

2: At ako naman po si ___, kasama ninyo sa pagsusulong ng isang ligtas, progresibo, at nagkakaisang pamayanan.

SABAY: Ito ang... BayambangueNews!

 

No comments:

Post a Comment