Friday, June 12, 2026

SAGOT SA MALING IMPORMASYON, WALANG BASEHAN, AT MAPANIRANG AKUSASYON NINA G. JAIME AQUINO, GNG. RAQUEL MENRIGE ALBERTO, AT G. BERNARDO VIRAY

 

SAGOT SA MALING IMPORMASYON, WALANG BASEHAN, AT MAPANIRANG AKUSASYON NINA G. JAIME AQUINO, GNG. RAQUEL MENRIGE ALBERTO, AT G. BERNARDO VIRAY

 

Sa “uploaded” na video ni G. JAIME AQUINO sa kaniyang Facebook account na may petsang Hunyo 7, 2026, kanyang pinaratangan ang dating mayor ng Bayambang, Dr. Cezar T. Quiambao, at ang kanyang maybahay, ang kasalukuyang mayor na si Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao, ng mga mapanirang akusasyon hinggil sa lupa sa Barangay Magsaysay.

 

Lumilitaw na ang video at mga naging pahayag dito ay galing sa sumbong nina Gng. RAQUEL MENRIGE ALBERTO at G. BERNARDO VIRAY, na pawang mga “illegal occupants” sa apat na lote sa Barangay Magsaysay at dati nang natalo sa kaso sa korte at nautusang lisanin ang lupa na ilegal nilang ino-okupa dahil napatunayang ang may-ari at may karapatan dito ay ang Munisipyo ng Bayambang.

 

Ang lahat ng mga alegasyon na may pang-aagaw, pang-aabuso, at “abuse of authority” ang mag-asawang Quiambao: na ang lupa ay isang military reservation na inilalaan para sa libreng distribusyon sa mga umookupa rito; na ang pagbebenta ng mga lote sa Magsaysay ay ilegal; na walang “court order” at ’di dumaan sa proseso ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), ay WALANG KATOTOHANAN AT PAWANG MGA KASINUNGALINGAN na ang tanging hangarin ay sirain ang maganda at tapat na paninilbihan ng mag-asawang Quiambao at ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang na kanilang nire-representa.

 

ANG LUPA AY HINDI MILITARY RESERVATION KUNDI PRIBADO AT TITULADONG LUPA NG MUNISIPYO NG BAYAMBANG.

 

Ang lupang tinutukoy ay nahahati sa apat na lote na rehistrado at titulado sa pangalan ng Munisipyo ng Bayambang sa ilalim ng Transfer Certificate of Title Nos. 026-2014002330, 026-2014002331, 026-2014002339, at 026-2014002342. Ito ay dating bahagi ng mas malaking parsela ng lupa na siya ring rehistrado sa pangalan ng Munisipyo ng Bayambang sa ilalim ng TCT No. 34844 na may kabuuang sukat na 39,998 sqm. Simula pa noong taong 1922, ang lupa ay pribado at titulado na sa ilalim ng OCT No. 23654. Samakatuwid, ITO AY HINDI MILITARY RESERVATION.

 

Totoo na noong panahon ni dating Mayor Ricardo Camacho ay nagkaroon ng subdivision survey, ngunit taliwas sa pahayag nina Aquino, Alberto, at Viray, ang subdivision survey ay isinagawa upang magkaroon ng sari-sariling titulo ang mga maliliit na loteng nakapaloob sa malaking parsela ng lupa at maibenta ito sa mga “bona fide occupants,” kabilang sina Alberto at Viray, upang maging sarili nilang pag-aari. Sa kasamaang palad, hindi binili nina Alberto at Viray ang nakalaang lote dahil sa kanilang maling paniniwala na ito ay pag-aari na nila.

 

ANG BENTAHAN NG LUPA AY LEGAL AT DOKUMENTADO

 

Ang pagbebenta ng lupa ng Munisipyo ay legal at naka-base sa Municipal Ordinance No. 3, series of 2012, na ipinasa noong panahon ng dating Mayor Ricardo Camacho at aprubado ng Commission on Audit, na nakapaloob naman sa COA Decision na may petsang March 9, 2018. Bago pa umpisahan ang bentahan ng lupa, makailang beses pang nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Munisipyo at mga apektadong residente kung saan ipinaliwanag ang basehan ng pag-aari at alok ng pagbebenta ng lupa sa kanila.

 

ANG PAGBAWI NG LUPA AY AYON SA “FINAL AND EXECUTORY” NA DESISYON NG KORTE AT DUMAAN SA PROSESO NG PCUP.

 

Sa kadahilanang hindi tinanggap ang alok na pagbebenta ng lupa, napilitan ang Munisipyo na bawiin ito sa legal na paraan. Kung kaya’t ang Munisipyo ay nagsampa ng kaukulang kaso laban kina Alberto at Viray. Ang kaso ay may Docket No. at Civil Case No. 1000, kung saan KINILALA AT PINANIGAN ANG KARAPATAN NG MUNISIPYO, bilang may-ari, na bawiin ang lupa mula kina Alberto at Viray at sila ay utusang lisanin ito noong November 28, 2022. Naging “final and executory” ang desisyon ng korte at ito ay isinakatuparan sa pamamagitan ng Writ of Execution na may petsang December 27, 2022, at Writ of Demolition na may petsang September 13, 2023. Bago pa tuluyang mabawi ang lupa at maibigay ang Writ of Execution, dumaan ito sa proseso ng PCUP.

 

Mula sa mga sagot, detalye, at kumpirmasyon sa itaas, hindi maipagkakaila na ang mga naging pahayag nina AQUINO, ALBERTO, at VIRAY sa kanilang “uploaded” na video sa social media ay PURO KASINUNGALINGAN AT PANLILINLANG SA PUBLIKO upang ipahiya at sirain ang pangalan, imahe, at reputasyon ng mga lingkod-bayan at ng mag-asawang Quiambao, kasama ang institusyong kanilang pinamumunuan.

 

Sa ngayon ay pinag-aaralan na ang mga posibleng legal na hakbang, sibil at kriminal, na maaaring isampa upang matigil ang mga katulad na pahayag at “video content” na hindi man lang kinukumpirma, “validated,” o base sa ebidensya. Ang mga ganitong uri ng pahayag ay ’di kailanman protektado ng “freedom of speech and expression” at bagkus ay maaaring maituring na “abuse of rights” at “libelous.”

No comments:

Post a Comment