Thursday, March 19, 2026

MONDAY REPORT – MARCH 23, 2026

 

MONDAY REPORT – MARCH 23, 2026

 

 

INTRO:

 

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

 

1: Magandang araw, Bayambang!  Ako po si ______.

 

2: At ako naman po si _____, at kami po ay mula sa Barangay Financial Affairs Office.

 

1: Narito na ang mga pinakahuling balita at kaganapan sa ating bayan.

 

2: Tampok ang iba't ibang hakbang tungo sa kaunlaran.

 

1&2: Ito ang...BayambangueNews!

 

 

[MEMORIZE THE HEADLINES]

 

1.      Philippine Army, May Recruitment Outreach

 

Bumisita ang Armed Forces of the Philippines upang hikayatin ang mga Bayambangueño na maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng serbisyo-militar. Bukás ang oportunidad para sa kalalakihan at maging sa kababaihan, lalo na ngayong Women's Month, at maaaring mag-apply sa darating na Mega Job Fair sa March 30 sa Saint Vincent Ferrer Prayer Park.

 

2.      1,609 Pre-K Learners, Nagsipagtapos

 

May kabuuang 1,609 na mag-aaral mula sa mga Child Development Center ng Bayambang ang nagtapos sa 36th Pre-Kindergarten Moving-Up Ceremony, na ginanap mula March 16 hanggang 19. Binigyang-diin dito ng mga opisyal at mga naimbitahang guest speaker ang kahalagahan ng maagang edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng mga bata.

 

3.      Bb. Bayambang Contenders, Nagpasiklaban sa Pre-Pageant

 

Ipinakita ng mga kandidata ng Binibining Bayambang 2026 ang kanilang talino, talento, at kagandahan sa ginanap na pre-pageant noong March 15. Tampok sa kompetisyon ang talent, gown, at creative costume segments na nagbigay-diin sa kultura, tradisyon, at identidad ng Bayambang. Abangan ang coronation night sa darating na gabi ng March 29 sa Events Center.

 

 

4.      LGU Employee Orientation, Isinagawa

 

Isang Employee Orientation Activity ang isinagawa ng HRMO para sa mga Job Order employees ng LGU noong March 16, upang ipaliwanag ang mahahalagang patakaran, tungkulin, at responsibilidad ng mga empleyado sa paglilingkod sa publiko, kabilang ang patakaran sa disiplina at pati ang kanilang tax obligations.

 

 

5.      Fire Brigade ng JKQ MWC, Sinanay ng BFP

 

Ang Bayambang Fire Station ay nagbigay ng tatlong araw na pagsasanay para sa binuong Company Fire Brigade ng Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center noong March 17 to 19. Ito ay upang mapalakas ang kahandaan ng ospital sa mga emergencies at mapahusay ang kakayahan ng mga tauhan sa pagtugon sa sunog. Tinalakay sa aktibidad ang fire safety sa mga health facilities at basic firefighting skills, kabilang ang paggamit ng fire extinguishers, bucket relay method, at pag-unawa sa operasyon ng fire truck.

 

 

6.      Security Coordination, Isinagawa para sa Ligtas na Kapistahang Bayan

Ang LGU ay nakipagpulong sa 104th Community Defense Center ng Philippine Army upang patatagin ang seguridad para sa nalalapit na kapistahang bayan. Humiling ang pamahalaan ng deployment ng mga tauhan para sa crowd control, traffic management, at seguridad, lalo na sa People’s Night & Street Party sa April 1.

 

7.      2027 GAD Plan at Budget ng LGU, Binalangkas


Nagpulong ang GAD Executive Committee ng LGU noong March 17, upang pagtibayin ang GAD Plan at Budget para sa 2027, na nakatuon sa gender equality at serbisyong panlipunan. Ang planong nabuo ay magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga GAD program sa bayan.

 

 

8.      Mobile Registry Services, Dinala sa Manambong at Bical

 

Ang proyektong mobile civil registration services ng LCR ay dinala sa Brgy. Manambong Parte at Bical Norte noong March 17 at 18. Dinagsa ng mga residente ang mga serbisyong kaugnay ng civil registry at legal identification. Bukod sa agarang pagproseso ng mga dokumento, isinagawa rin ang data capture para sa upgraded Community Service Card, na magpapadali sa pag-access ng mga serbisyong pinansyal ng LGU.

 

9.      Bagong Kooperatiba, Dumaan sa Validation

Ang Cooperative Development Authority ay nagsagawa ng validation activity para sa Bayambang Corn Farmers Agriculture Cooperative upang matiyak ang kahandaan at pagsunod nito sa mga pamantayan bago mairehistro. Ito ay isang inisyatiba ng Cooperative Development Office at Agriculture Office bilang suporta sa pagpapalakas ng agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka ng mais sa bayan.

 

 

10.  Streetlights sa Dusoc-Darawey-Wawa Rd., Muling Pinailaw

Muling pinailaw ng Bayambang Public Safety Office at Task Force Disiplina, katuwang ang CENPELCO at Municipal Engineering Office, ang mga streetlight sa Dusoc-Darawey-Wawa Road matapos masira ang mga ito. Layunin nitong mapabuti ang kaligtasan sa kalsada, habang hinihikayat ang publiko na maging mapagmatyag at ireport ang mga insidente ng vandalism sa lugar.

 

 

11.   ExeCom Meeting, Isinagawa

Nagpatawag ng Executive Committee Meeting si Mayor Niña noong March 18, upang talakayin ang mga nararapat na hakbang kaugnay ng epekto sa ating bayan ng nagaganap na giyera sa Gitnang Silangan. Binigyang-diin sa pulong ang kahalagahan ng koordinasyon at komunikasyon ng mga tanggapan upang mapabilis ang implementasyon ng mga programang magbibigay pakinabang sa mamamayan.

 

 

12.  Mga Kababaihang Lider, Nagningning sa Women’s Night

 

Noong March 19, ipinagdiwang ang isang glamorosong Hollywood-inspired Women’s Night kung saan bawat kababaihan ay itinuring na bituin, tampok ang red carpet treatment, patimpalak, at makabuluhang mensahe mula sa mga lider ng bayan. Ang gabi ay nagsilbing pagpupugay sa mga makabagong babaylan—mga kababaihang patuloy na nagniningning at nagbibigay inspirasyon sa komunidad dahil sa kanilang inspiring leadership sa iba’t ibang larangan.

 

13.  Raffle Game for Women, Nagpatuloy

 

Nasa 3rd week na ang 'Wheels for Women' surprise raffle game ng RHU! Sila ay naghatid ng surpresa sa mga kababaihan sa looban ng Public Market at sa may ibaba ng Royal Mall Supermarket, sa pamamagitan ng mga papremyong personal care items sa mga sumali.

 

14.  Bali-Balin Bayambang Team, Naglibot sa District 3

 

Noong nakaraang lingo, ang Bali-Balin Bayambang Committee ay sumunod namang nagmonitor sa mga barangay sa District 3 para sa clean-green-and-bloom project ni Mayor Niña. Sa kanilang pag-iikot, sinuri ng dalawang monitoring team ang aktibong partisipasyon ng mga opisyales at residente, ang kaayusan at kalinisan ng kapaligiran, at ang pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan.

 

15.  MPMIU, Nag-update sa Onion Cold Storage Facility

 

Nagsagawa ng regular na pulong ang MPMIU ng LGU kasama ang mga contractor at kinatawan ng PRDP upang talakayin ang kasalukuyang progreso ng konstruksyon ng Onion Cold Storage Facility sa Amancosiling Sur. Binigyang-diin ang mahigpit na koordinasyon upang matiyak ang napapanahong pagkumpleto ng proyekto na inaasahang makatutulong sa pagpapahaba ng shelf life at kita ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas.

 

16.  Tulong mula DHSUD, Ipinamahagi sa mga Nasunugan

 

Ipinamahagi ng  Department of Human Settlements and Urban Development Region 1 ang tig-P15,000 pesos sa tulong pinansyal sa mga pamilyang lubos na nasunugan na inendorso ng LGU-Bayambang. Isinagawa ang payout sa MSWD Office, kung saan personal na pinangasiwaan ng mga opisyal ng DHSUD ang maayos na distribusyon ng ayuda.

 

17.  Fire Safety Lecture at Inspection, Isinagawa

 

Ang Bayambang Fire Station ay nagsagawa noong March 19 ng isang Fire Safety Lecture at Inspection sa San Gabriel 2nd Elementary School upang palakasin ang kamalayan ng mga guro at mag-aaral sa wastong pag-iwas sa sunog at agarang pagtugon sa oras ng emerhensiya.

 

18.  Bayambang, Muling Kinilala sa GAPAS Awards

 

Muling kinilala ang LGU-Bayambang bilang 2025 Regional GAPAS Awardee para sa mahusay nitong implementasyon ng 4Ps at mga kaugnay na programang panlipunan. Tinanggap ni Councilor Jocelyn Espejo sa ngalan ni Mayor Nina ang parangal, na sumasalamin sa patuloy na dedikasyon ng pamahalaan sa pagpapabuti ng buhay ng mga benepisyaryo.

 

19.  Acting Chief of Police, Pinarangalan ng PNPA

 

Ginawaran si PLtCol Rommel Bagsic, Acting Chief ng PNP-Bayambang, ng Gawad Dakilang Lakan sa 46th PNPA Grand Alumni Homecoming na ginanap sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite. Ang parangal ay isang pagkilala ng Philippine National Police Academy sa kanyang dedikasyon at natatanging serbisyo.

 

***

 

Bayambang, Dapat Alam Mo!

 

Bayambang, dapat alam mo na hindi mawawala ang beauty pageant tuwing Pista'y Baley! Ngunit ang tradisyong ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng "kwartaan style" o paramihan ng perang masosolicit mula sa mga donor ng cash at sa mga willing mag-pledge ng bayad para sa mga ibinabagsak na produkto sa canvassing period at contest proper.

 

Yes, ang Miss Bayambang noong araw ay isang nakatutuwang fund-raising activity para sa iba't ibang proyekto na makakatutulong sa buong komunidad gaya ng infrastructure improvement.

 

In fact, may mga nanalong kandidata noon dahil sila ay nakalamang ng dalawang buriki ng sibuyas o dahil nanalo sa public bidding ang kanilang dala-dalang fried chicken!

 

Ang isa sa mga pinakaunang naiulat na Miss Bayambang ay si Bb. Victorina Cayabyab-Brillante, na naging Miss Bayambang 1930.

 

Noong 1972 naman, si Ms. Maria Venus A. Junio ang naging pinakaunang Ms. Pangasinan mula sa bayan ng Bayambang.

 

Noong 1993 naman, ang unang Miss Bayambang contest na may question-and-answer portion ay napanalunan ni Ms. Leilani S. Balansay.

 

Kabilang sa mga naging Miss Bayambang ay ang ina ni Ms. Auralou Ramos ng Budget Office na si Aurora Valdez noong 1961, ang ngayon ay Municipal Administrator na si Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad noong 1998 at Ms. Myra Flor Ferrer ng Treasury Office noong taong 2000.

 

Naging mga dating contender naman sina Ms. Adea Luces Junio ng MPDO, Jingle Meg Bautista ng Nutrition, at April Estrada Apostol ng Tourism.

 

At dapat alam mo, na noon, ang pagoda o sinasabing ‘korona ng bayan’ sa plaza ay dating elavated, dahil ang mga na-koronahan at mga kilalang personalidad lamang ang maaaring umakyat at manatili roon tuwing kapistahan!

 

Ngayon, Bayambang, ay alam mo na.

 

***

 

Bayambang, dapat alam mo rin na paminsan-minsan, ang ating Pistay Baley ay natataon sa Ambelat Agew o Mahal na Araw.

 

Alam mo ba na maraming pamahiin ang mga Bayambangueño pagdating ng Mahal na Araw, taliwas man ito sa opisyal na turo ng simbahan?

 

Dahil patay daw ang Diyos, kapag nasugat ka, matagal itong gagaling.

 

Bawal maligo, dahil di pa nabuhay ang bangkay ni Hesus. Kailangang maghintay sa 'Pasko ng Pagkabuhay'. 

 

Bawal lumabas.

 

Bawal gumawa ng mabibigat na trabaho.

 

Kapag ikaw ay lumabag sa mga ito, tiyak na tatawagin kang Hudyo ng lola mo.

 

Sa alas dose ng tanghali Biyernes Santo, naging tradisyon na ang gumawa ng 'larak' o langis ng niyog para gamiting panghaplos ng mga mayroong sakit sa katawan dahil ito ay pinaniniwalaang nakagagamot.

 

Sa hatinggabi ng Biyernes Santo naman o Good Friday, ang sinumang lalabas sa dilim upang abangan ang pagpatak ng isang likido mula sa puso ng saging ay magkakaroon ng 'galing,' o kapangyarihan o superpowers.

 

At kinaumagahan ng Pista ng Pagkabuhay, hindi pa uso noon ang Easter Egg Hunt. Sa halip, dapat ikaw ay tumalon ng pinakamataas mong kayang talunin, upang ikaw ay maging matangkad.

 

O kaya magtanim ng kahit anong buto ng gulay o punla ng puno, dahil siguradong ito ay lalago ng husto.

 

Kayo, ano pang lokal na pamahiin at tradisyon ang natatandaan ninyo?

 

Bayambang, ang lahat ng ito ay...dapat alam mo!

 

***

 

KONKLUSYON:

 

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

 

1: Ang mga balitang ito ay sumasalamin sa patuloy na adbokasiya para sa maayos na pamamahala.

 

2: Sama-sama nating isulong ang isang maunlad na Bayambang.

 

1: Muli, ako po si ____.

 

2: At ako naman po si ___, at mula kami sa Barangay Financial Affairs Office.

 

1&2: At ito ang... BayambangueNews!

No comments:

Post a Comment