Monday Report - March 16, 2026
[SMILE, VOLUME, ENERGY!]
INTRO:
1: Magandang araw, mga Kabaleyan! Ako po si Hazel Masiglat.
2: At ako naman po si Regine Cayabyab, at kami po ay mula sa Municipal Accounting Office.
1: Hatid namin ang mga balita ukol sa mga makabuluhang programa, proyekto, at aktibidad ng lokal na pamahalaan at ang pakikiisa ng ating komunidad.
2: Sama-sama nating tunghayan ang mga kaganapang patunay ng malasakit, disiplina, at pagkakaisa sa bayan ng Bayambang.
1&2: Ito ang... BayambangueNews!
=====================
[MEMORIZE THE HEADLINES]
1. RHU, Nagpa-raffle Game sa mga Kababaihan sa Wet Market
Nagsagawa ang Rural Health Unit (RHU) ng Bayambang ng raffle game activity noong March 4 sa Wet Market bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month. Namahagi ng iba’t ibang munting regalo tulad ng sanitary napkins, alcohol, sabon, at iba pang personal care items habang isinusulong ang kalusugan at pagpapahalaga sa mahalagang papel ng kababaihan sa komunidad.
2. DOLE, Nagbigay ng Occupational Health & Safety Training
Nagsagawa ang Department of Labor and Employment – Regional Office I, sa pakikipag-ugnayan sa PESO-Bayambang, ng Technical and Advisory Visit at Basic Occupational Safety and Health Training for Safety Officers 1 noong March 5. Layunin nitong palakasin ang kaalaman ng mga micro-enterprise establishments tungkol sa labor standards, karapatan ng manggagawa, at workplace safety.
3. Ambulansya at PTV, Nakatulong sa Iba't Ibang Pasyente
Patuloy na nagbibigay ng serbisyo ang Bayambang Public Safety Office sa pamamagitan ng kanilang ambulance at Patient Transport Vehicle upang maihatid ang mga pasyenteng nangangailangan ng espesyal na gamutan sa iba’t ibang ospital sa loob at labas ng Pangasinan. Sa serbisyong ito, natutulungan ang mga residente na makarating sa mga pangunahing pagamutan habang nakakatipid sa pamasahe at nakakakuha ng kinakailangang pangangalaga mula sa mga espesyalista.
4. Profiling Activity para TUPAD, Isinagawa
Noong March 6, isinagawa ang isang profiling activity para sa mga benepisyaryo ng TUPAD na nakatuon sa mga magulang ng child laborers at sa mga PWD. Pinangunahan ito ng DOLE Central Pangasinan Field Office sa tulong ng PESO-Bayambang staff at OJT trainees upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo batay sa survey at opisyal na talaan ng PWD Affairs Office.
5. Dalawang Nawawalang Cell Phone, Naibalik sa May-ari
Dalawang nawawalang cell phone ang matagumpay na naibalik sa kanilang mga may-ari sa tulong ng mga concerned citizen at ng Task Force Disiplina at BPSO. Ipinakita ng mga insidenteng ito ang katapatan at mabilis na koordinasyon ng komunidad at mga awtoridad sa pagbabalik ng mga nawawalang gamit.
6. Rotary Club, Nagdonate ng 20 Trash Bins
Ang Rotary Club of Bayambang ay nagdonate ng 20 improvised trash bins sa LGU-Bayambang noong March 9, at ang mga ito ay ipinamahagi ng ESWMO sa iba’t ibang barangay. Ito ay kongkretong suporta ng Rotary Club sa pangangalaga sa kapaligiran at pagtaguyod ng waste diversion para sa mas malinis na komunidad.
7. Mga Timbangan at Ilaw, Ininspeksyon sa Public Market
Ang mga kawani ng Special Economic Enterprise kasama ang Meat Inspector ay nag-inspeksyon sa mga karne at weighing scale sa Public Market upang matiyak ang kaligtasan ng mga produktong karne at ang tamang timbang na ibinibigay sa mga mamimili. Sa nasabing operasyon, dalawang defective weighing scales ang nakumpiska, pati na rin ang ilang ilegal na dilaw na ilaw na ginagamit ng ilang meat vendors na maaaring makaapekto sa tunay na kulay ng karne.
8. Orientation on Anti-Sexual Harassment Act, Idinaos
Nagsagawa ang HRMO ng isang orientation activity tungkol sa Anti-Sexual Harassment Act bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month 2026. Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng mga kawani tungkol sa karapatan at proteksyon laban sa sexual harassment at itaguyod ang ligtas na espasyo para sa kababaihan.
9. Mga Kababaihan ng LGU, Nag-enjoy sa Art Activities
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, nagsagawa ang HRMO ng isang art activity noong March 10, na nilahukan ng mga babaeng empleyado ng pamahalaang lokal. Sa pamamagitan ng mga gawaing tulad ng flower crafting, paint by numbers, at keychain making, naipakita ng mga kalahok ang kanilang pagkamalikhain habang pinapalakas ang samahan at pagkilala sa mahalagang papel ng kababaihan sa serbisyo publiko.
10. Price Monitoring, Mahigpit na Ipinatupad!
Bumuo ang LGU, sa pangunguna ng BPLO at DTI, ng isang price monitoring team, upang magmonitor sa mga gasolinahan at grocery store noong March 10 at 11 upang suriin ang presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan at pangunahing bilihin sa mga grocery stores. Layunin nitong matiyak na patas at naaayon sa batas ang mga presyo at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.
11. Barangay Officials, Nagseminar
Dumalo ang mga opisyal ng barangay ng Bayambang sa tatlong araw na Integrated Skills Enhancement Seminar sa Subic mula February 27 hanggang March 1, kung saan tinalakay ang mga paksa tulad ng barangay legislation, Katarungang Pambarangay, anti-drug program, VAWC laws, at solid waste management. Sa seminar na ito, muling napalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga opisyal sa mas mahusay na pamamahala at serbisyo publiko sa kanilang mga barangay.
12. Energy Conservation Team, Nag-spot Check
Nagsagawa ng random spot checking ang Energy Conservation Team sa mga opisina ng pamahalaan at mga street light sa Pubic Market upang matiyak ang pagsunod sa mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente. Layunin nitong paalalahanan ang bawat tanggapan na patuloy na ipatupad ang energy conservation initiatives sa gitna ng nakaambang energy crisis.
13. BPSO at TFD, Nag-inspeksyon sa Tricycle Terminal
Nagsagawa ang Bayambang Public Safety Office (BPSO) at Task Force Disiplina ng inspeksyon sa Bayambang Tricycle Terminal upang tiyakin ang kaayusan, tamang pamasahe, at pagsunod ng mga drayber sa mga lokal na ordinansa at batas-trapiko.
14. SB Members at Barangay Officials, Nagseminar
Dumalo ang mga Sangguniang Bayan Members at mga opisyal ng barangay ng Bayambang sa 3rd District Liga ng mga Barangay – Pangasinan Provincial Congress 2026 na ginanap mula March 8 to 11 sa Puerto Princesa, Palawan, upang talakayin ang mga programang magpapalakas sa pamamahala at serbisyo sa barangay. Tampok sa kongreso ang temang nakatuon sa disaster prevention, anti-drug initiatives, at barangay development.
15. Grade Schoolers, Inimbita sa Open House ng BFP
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month, nagbukas ng Open House ang Bayambang Fire Station mula Marso 11 hanggang 13 kung saan inimbitahan ang mga mag-aaral mula sa tatlong paaralang elementarya upang makilala at makasalamuha ang mga bumbero at kanilang mga kagamitan. Sa pamamagitan ng mga demonstrasyon, pamilyarisasyon, at interaksyon, natutunan ng mga kabataan ang mga pangunahing kaalaman sa pag-iwas sa sunog at tamang pagtugon sa emerhensiya.
16. Mga Kalalakihan ng LGU, Nakibahagi sa Laban Kontra Karahasan sa Kababaihan
Sa isinagawang aktibiad ng LGU na “Men Standing Up for Women” noong March 12, dinaluhan ng mga kalalakihang kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ang isang programa na may layong palakasin ang kamalayan at hikayatin ang mga kalalakihan na maging katuwang sa pagpigil sa Violence Against Women o karahasan laban sa kababaihan. Itinaguyo sa nasabing aktibidad ang respeto sa kababaihan at pagkakapantay-pantay ng lahat sa buong komunidad.
17. BPC, Nagsagawa ng Orientation sa Solid Waste Management
Nagsagawa ang Bayambang Polytechnic College ng isang Orientation on Solid Waste Management noong February 27 upang palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral at empleyado tungkol sa wastong paghihiwalay at pamamahala ng basura. Nagbahagi ng mahahalagang impormasyon sina MENRO Ma-Lene Torio, SEMS Eduardo Angeles Jr., at ESWMO Administrative Assistant Julius Caesar Bato, na sinundan ng open forum upang sagutin ang mga katanungan ng mga kalahok.
18. Bayambang, Nakiisa sa 1Q NSED 2026
Nakiisa ang LGU-Bayambang at iba’t ibang sektor sa 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2026 upang tuluy-tuloy na palakasin ang kahandaan ng komunidad sa lindol. Sa drill, binigyang-diin ang tamang pagsasagawa ng “Duck, Cover, and Hold” at ang kahalagahan ng sama-samang paghahanda sa oras ng sakuna.
19. Bayambang, May Bagong Firetruck!
Ang Bayambang ay nakatanggap ng isang brand new firetruck, salamat sa ilang taong pakikipag-ugnayan nina Mayor Nina at Dr. Cezar Quiambao sa tanggapan ni Senator Imee Marcos. Noong March 12, matagumpay na isinagawa ang turnover ceremony at blessing ng bagong firetruck sa Municipal Hall. Nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal ng LGU at Bureau of Fire Protection sa pangunguna ni Acting Regional Director Antonio Razal Jr.
***
Host: Rodney Maniquez
[SMILE, VOLUME, ENERGY!]
BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!
BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO na ang accounting ay tinatawag na financial backbone ng Munisipyo, ang sistema ng pagre-record at pagmomonitor ng pera at iba pang pinansyal na transaksyon ng munisipyo, upang makatulong sa tamang pagpapasya at masiguro ang maayos at transparent na pamamahala ng pondo.
At alam mo ba? Ang Accounting Office ay my dalawamput dalawa (22) na empleyado, na pinamumunuan ni ginoong Flexner de Vera.
Sa taong 2022 at 2024, ang LGU-Bayambang ay nakatanggap nang unqualified opinion. Ito ay nangangahulugang maayos, tama, at mapagkakatiwalaan ang financial statements ng Munisipyo ayon sa pagsusuri ng Commission on Audit.
At alam mo ba? Mayroon tayong mahigit apat na libong disbursement voucher na kumpleto, maayos, at alinsunod sa COA rules and regulations sa taong 2025.
As of March 11, 2026, mayroon na tayong humigit kumulang isang libong disbursement voucher. Ang pondo na ginamit dito ay galing sa buwis ng bawat Bayambangueño.
At alam mo ba? Bilang paggunita nang Women’s Month Celebration, si Ginang Erlinda Alvarez, ang ating dating Municipal Accountant, ay ang pinaka-unang babaeng Certified Public Accountant ng Munisipyo. At si Ginang Rosa G. Martinez mula sa Barangay Accounting Unit ay ang pinakamatagal na babaeng empleyado na nanilbihan sa LGU. Siya ay nanilbihan ng tatlumput-siyam na taon.
Ang lahat ng ito Bayambang ay... dapat alam mo!
***
OUTRO:
[SMILE, VOLUME, ENERGY!]
1: At iyan po ang mga balitang nagbibigay-inspirasyon at pag-asa sa ating bayan. Muli, ako po si Hazel Masiglat.
2: At ako naman po si Regine Cayabyab mula sa Municipal Accounting Office.
1: Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan...
2: ...Mas nagiging maliwanag ang kinabukasan ng Bayambang.
1: Hanggang sa muli...
1&2: Ito ang... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment