📰 EDITORYAL
Aro: Wika ng Pag-ibig
Sa bawat bayan, may mga salitang higit pa sa kahulugan—mga
salitang sumasalamin sa puso ng isang kultura. Sa Bayambang at sa buong
Pangasinan, isa sa mga salitang ito ang “aro.”
Bayambang, dapat alam mo na ang salitang Pangasinan na aro ay
may dalawang pakahulugan, tulad ng “ibig” sa Tagalog: maaari itong
mangahulugang love o friend. Ang kaaro ay kaibigan,
samantalang ang inaro ay tumutukoy sa minamahal o love
interest. Sa iisang salita pa lamang, makikita na ang lalim at lawak ng
pagpapahalaga ng mga Pangasinense sa ugnayan—pagkakaibigan man o pag-ibig.
Kapansin-pansin din na napakayaman ng mga idiomatic
expressions ng Pangasinan pagdating sa aro. Sa usapin ng
pagkakaibigan, may mga pahayag tulad ng “Bali-bali’y aroan da,” na tumutukoy sa
maganda at matatag na samahan. Ang “Malmalet ya kaaro” ay matibay at subok na
kaibigan, habang ang “Singa nansuldungay pait da” ay naglalarawan ng dalawang
taong tila magkadugtong ang bituka—bosom friends, kung baga.
Sa larangan naman ng pag-ibig, lalong nagiging makulay ang
wika. Ang “Abangles ya panangaro” ay pagmamahal na hindi naipagtapat. Ang
“Aroa’y pato” ay yaong relasyong away-bati. Ang “Aro’y bakes” ay paalala sa
salawahang puso. Mayroon ding “Agto nabitla’y agat,” na tumutukoy sa sobrang
torpe, at “Singa no aso’y San Roque,” para sa taong laging naghahabol. Kapag
naman sinabing “Singa no ra nagigilata,” malinaw na ang tinutukoy ay
magkasintahang kay sweet.
Mayroon ding mga nakakatuwang idioms para sa mga malapit
nang ikasal—mga pahayag na karaniwang iniuugnay sa handaan at masayang
pagsasalo: “Makak-ka-bawang la,” “Asingger tilan makailop na digo,” “Natabaan
lamet so bibil,” at “Wala’y andukey ya lamisaan.” Sa mga salitang ito, dama ang
saya ng komunidad sa tuwing may nabubuong pamilya.
Hindi rin maikakaila ang ambag ng mga manunulat sa
pagpapanatili ng kayamanang ito. Ayon sa makatang Pangasinense na si Santiago
Villafania, may pitong matalinghagang salitang ginagamit noon kaugnay ng
pag-ibig: aro, pabli, piaet, gunaet, tindek, pilalek, at tamitam. Ang
mga ito ay hindi lamang bokabularyo; ito ay mga salitang may lalim ng damdamin
at lawak ng pananaw sa pag-ibig at pangarap.
Sa isang awiting tulad ng Lawas Kan Pinabli, patuloy na
binibigyang-buhay ang lambing at talinghaga ng sariling wika—patunay na ang
pag-ibig sa Pangasinan ay hindi lamang nararamdaman, ito ay inaawit,
ipinapahayag, at ipinagmamalaki.
Sa huli, ang kayamanan ng ating wikang Pangasinan ay
repleksiyon ng lalim ng ating puso bilang mga Pangasinense. Sa bawat aro,
naroon ang pagkakaibigan. Sa bawat pabli, naroon ang pagpapahalaga.
At sa bawat idyomang minana natin sa ating mga ninuno, naroon ang ating
identidad.
Bayambang, ito ay hindi lamang kaalaman—ito ay pamana. At
ito ay dapat nating ipagmalaki.
No comments:
Post a Comment