Thursday, March 19, 2026

Bayambang, Dapat Alam Mo! - Tradisyunal na Piyesta at Pamahiin at Tradisyon sa Mahal na Araw

 

Bayambang, Dapat Alam Mo! Tradisyunal na Piyesta at Pamahiin at Tradisyon sa Mahal na Araw

 

Bayambang, dapat alam mo na hindi mawawala ang beauty pageant tuwing Pista'y Baley! Ngunit ang tradisyong ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng "kwartaan style" o paramihan ng perang masosolicit mula sa mga donor ng cash at sa mga willing mag-pledge ng bayad para sa mga ibinabagsak na produkto sa canvassing period at contest proper.

 

Yes, ang Miss Bayambang noong araw ay isang nakatutuwang fund-raising activity para sa iba't ibang proyekto na makakatutulong sa buong komunidad gaya ng infrastructure improvement.

 

In fact, may mga nanalong kandidata noon dahil sila ay nakalamang ng dalawang buriki ng sibuyas o dahil nanalo sa public bidding ang kanilang dala-dalang fried chicken!

 

Ang isa sa mga pinakaunang naiulat na Miss Bayambang ay si Bb. Victorina Cayabyab-Brillante, na naging Miss Bayambang 1930.

 

Noong 1972 naman, si Ms. Maria Venus A. Junio ang naging pinakaunang Ms. Pangasinan mula sa bayan ng Bayambang.

 

Noong 1993 naman, ang unang Miss Bayambang contest na may question-and-answer portion ay napanalunan ni Ms. Leilani S. Balansay.

 

Kabilang sa mga naging Miss Bayambang ay ang ina ni Ms. Auralou Ramos ng Budget Office na si Aurora Valdez noong 1961, ang ngayon ay Municipal Administrator na si Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad noong 1998 at Ms. Myra Flor Ferrer ng Treasury Office noong taong 2000.

 

Naging mga dating contender naman sina Ms. Adea Luces Junio ng MPDO, Jingle Meg Bautista ng Nutrition, at April Estrada Apostol ng Tourism.

 

At dapat alam mo, na noon, ang pagoda o sinasabing ‘korona ng bayan’ sa plaza ay dating elavated, dahil ang mga na-koronahan at mga kilalang personalidad lamang ang maaaring umakyat at manatili roon tuwing kapistahan!

 

Ngayon, Bayambang, ay alam mo na.

 

***

 

Bayambang, dapat alam mo rin na paminsan-minsan, ang ating Pistay Baley ay natataon sa Ambelat Agew o Mahal na Araw.

 

Alam mo ba na maraming pamahiin ang mga Bayambangueño pagdating ng Mahal na Araw, taliwas man ito sa opisyal na turo ng simbahan?

 

Dahil patay daw ang Diyos, kapag nasugat ka, matagal itong gagaling.

 

Bawal maligo, dahil di pa nabuhay ang bangkay ni Hesus. Kailangang maghintay sa 'Pasko ng Pagkabuhay'. 

 

Bawal lumabas.

 

Bawal gumawa ng mabibigat na trabaho.

 

Kapag ikaw ay lumabag sa mga ito, tiyak na tatawagin kang Hudyo ng lola mo.

 

Sa alas dose ng tanghali Biyernes Santo, naging tradisyon na ang gumawa ng 'larak' o langis ng niyog para gamiting panghaplos ng mga mayroong sakit sa katawan dahil ito ay pinaniniwalaang nakagagamot.

 

Sa hatinggabi ng Biyernes Santo naman o Good Friday, ang sinumang lalabas sa dilim upang abangan ang pagpatak ng isang likido mula sa puso ng saging ay magkakaroon ng 'galing,' o kapangyarihan o superpowers.

 

At kinaumagahan ng Pista ng Pagkabuhay, hindi pa uso noon ang Easter Egg Hunt. Sa halip, dapat ikaw ay tumalon ng pinakamataas mong kayang talunin, upang ikaw ay maging matangkad.

 

O kaya magtanim ng kahit anong buto ng gulay o punla ng puno, dahil siguradong ito ay lalago ng husto.

 

Kayo, ano pang lokal na pamahiin at tradisyon ang natatandaan ninyo?

 

Bayambang, ang lahat ng ito ay...dapat alam mo!

 

No comments:

Post a Comment