Friday, April 17, 2026

MONDAY REPORT - April 20, 2026

 

MONDAY REPORT

April 20, 2026

 

[INTRO]

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

KAPITAN 1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Mula sa inyong lingkod na laging naka-duty para sa kapakanan ng nakararami. Narito kami para sa tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si ___, Punong Barangay ng ___________.

KAPITAN 2: At ako naman po si ___, Punong Barangay ng ___ at Liga ng mga Barangay President, handang magbantay saan mang sulok ng barangay dahil ang ating serbisyo publiko ay tunay na tunay.

KAPITAN 1: Hatid namin sa inyo ngayon ay mga balitang may saysay…

KAPITAN 2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa serbisyong buhay

SABAY: …Ito ang—BayambangueNews!

 

HEADLINES

[SALITAN NA KAYO RITO]

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

1.     Mga Nagwagi sa Mural Painting Contest, Inanunsyo

Ang mga nagwagi sa Pista’y Baley Mural Painting Contest ay inanunsyo, kung saan kinilala ang husay ng mga lokal na artista habang isinusulong ang dike bilang isang malinis at maayos na pasyaan. Itinanghal ng organizer na LYDO at SK Federation si Ricardo Diaz bilang grand prize winner.

2.     Corn Husk, Ginawang Flower Decors ng mga Kababaihang Magsasaka

Itinampok noong April 13, ang mga produktong gawa sa pinatuyong balat ng mais, na bunga ng “Training on Processing Corn Husk into Novelty Items.” Layunin ng programa na gawing kapaki-pakinabang ang dati’y itinatapong materyales at mabigyan ng dagdag kita ang mga kalahok. Hinihikayat din ang publiko na suportahan ang lokal na produktong ito upang mapalago ang kabuhayan at agrikultura sa bayan.

3.     Rotary Club, Nagdonate ng 20,000 para sa Grand Ukay for a Cause 

Samantala, nagbigay ang Rotary Club of Bayambang ng adisyunal na 20,000 cash donation para sa Grand Ukay for a Cause, na sumusuporta sa paghahandog ng bahay kubo para sa mga kapuspalad at nagpapakita ng diwa ng bayanihan sa komunidad.

4.     Laoac Bids and Awards Committee, Nagbenchmarking Visit

Bumisita ang Bids and Awards Committee ng LGU ng Laoac, Pangasinan sa LGU-Bayambang para sa benchmarking hinggil sa epektibong pagpapatupad ng PhilGEPS o Philippine Government Electronic Procurement System at pagpapahusay ng kanilang sistema sa pag-avail ng mga produkto at serbisyo. Malugod na nagbahagi ang LGU-Bayambang ng mga best practices nito tungo sa naturang proseso.

5.     Profiling Activity para sa TUPAD Beneficiaries, Isinagawa

Noong April 15, nagsagawa ang DOLE at PESO-Bayambang ng isang profiling activity para sa TUPAD program upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo. May paunang 464 na miyembro ng TODA ang nakatakdang makatanggap ng ayuda bilang mga pangunahing naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

6.     Low-Interest Financing para sa Traktora, Handog ng LS Tractor

Higit na pinapalakas ang modernong pagsasaka sa Bayambang, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng CS First Green at LS Tractor upang mabigyan ang mga magsasaka ng abot-kaya at de-kalidad na makinarya, salamat sa handog na low-interest financing options ng kumpanya. Layunin ng naturang financing option na mapabilis ang produksyon, mapababa ang gastos, at mapataas ang ani, habang isinusulong ang sustainable at makabagong agrikultura.

7.     Bookkeeping Seminar-Workshop, Nilahukan ng mga Kooperatiba

Isang bookkeeping seminar-workshop ang inihandog ng Agriculture Office sa mga miyembro ng iba't ibang kooperatiba, upang mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa tamang pagtatala ng mga transaksyong pinansyal at sa epektibong pamamahala ng pondo—mga kasanayang mahalaga sa pagpapatatag at pagpapaunlad ng mga kooperatiba.

8.     KSB Year 9, Inilunsad sa Hermoza

Samantala, inilunsad ang Komprehensibong Serbiso sa Bayan Year 9 sa Brgy. Hermoza noong April 16 upang muling mailapit ang iba’t ibang serbisyo ng munisipyo sa mga malalayong barangay. Ang team na pinangunahan ni Local Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. ay naghatid ng serbisyo sa mga taga-Barangay Hermoza, Malioer, at Caturay. 

9.     BPSO at TFD, Todo-Bantay noong Bakasyon

Nagpatupad ang BPSO at Task Force Disiplina ng pinaigting na seguridad, crowd control, at traffic management sa Bayambang noong pista at Semana Santa, katulong ang mga kapulisan at mga kawal ng Philippine Army. Dahil sa koordinadong aksyon ng mga awtoridad, naging maayos, ligtas, at mapayapa ang kabuuang pagdiriwang.

10.  LCRO, Naghatid ng mga Serbisyo sa Potential 4Ps Members

Ang LCRO ay naghatid ng 29 na libreng birth certificate at iba pang serbisyo sa mga potensyal na 4Ps beneficiaries upang matiyak ang kanilang wastong pagkakakilanlan. Isinagawa rin ang data capture at pagbibigay ng gabay sa dokumentasyon upang mapadali ang kanilang access sa mga serbisyong pampamahalaan sa pamamagitan ng Bayambang Enhanced Community Service Card.

 

***

BAYAMBANG DAPAT ALAM MO!

[VOLUME, ENERGY, SMILE!]

Bayambang, dapat alam mo kung paano maging wais, matipid at responsable sa paggamit ng enerhiya at gasolina, dahil sa kinahaharap nating krisis bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan, direktang apektado ang presyo ng langis at kuryente sa buong mundo. Nagkaroon din agad ito ng domino effect sa inflation rate, dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto sa merkado na kinakailangan nating mga consumers sa araw-araw.

Kaya dapat alam mo rin kung anu-ano ang mga tipid-tips na sasalba sa’yo sa panahong ito.

Tipid-tips sa loob sa ating mga opisina:

• Iwasan ang matagal na hindi paggamit ng equipment, patayin ang computer, printer, copier at ilaw kung hindi gagamitin nang mahigit 15 minuto.

• Panatilihin sa 24–26°C ang aircon at siguraduhing sarado ang pinto at bintana.

• Tanggalin sa saksakan ang mga hindi ginagamit na appliances at charger.

• Gamitin ang energy-saving o sleep mode ng mga computer at monitor.

• Pagsamahin ang mga lakad ng opisina upang makatipid sa oras at gasolina.

• Mag-print lamang kung kinakailangan at gumamit ng double-sided printing.

• Isabuhay ang “last person out” policy upang masigurong lahat ay nakapatay.

 

Sa ating mga tahanan naman, dapat alam mo rin ang mga praktikal na paraan para makatipid sa kuryente:

• Gawing isang beses sa isang linggo ang pamamalantsa at gawin ito nang maramihan.

• Patayin ang mga ilaw na hindi ginagamit.

• Tanggalin sa saksakan ang appliances at iwasan ang standby mode.

• Gumamit ng energy-efficient appliances tulad ng LED lights.

• Buksan ang bintana para sa natural na liwanag at hangin.

• Panatilihing malinis at maayos ang appliances para mas tipid sa konsumo.

 

At pagdating naman sa biyahe, dapat alam mo ang mga paraang ito para makatipid sa gasolina:

• Pagsama-samahin ang mga lakad upang maiwasan ang pabalik-balik na biyahe.

• Iwasan ang matinding trapik at bumiyahe nang mas maaga kung maaari.

• Siguraduhing tama ang hangin ng gulong.

• Magmaneho nang maayos, iwasan ang biglang arangkada at preno.

• Subukan ang carpooling kasama ang kaibigan o katrabaho.

• Maglakad o magbisikleta kung malapit lang ang pupuntahan.

• Magkumpara ng presyo ng gasolina bago magpakarga.

• Patayin ang makina kung matagal na nakahinto.

• Ipa-maintain nang regular ang sasakyan.

Bayambang, dapat alam mo na sa panahon ng hamon sa suplay at presyo ng enerhiya, ang bawat simpleng hakbang ay may malaking ambag. Ang pagtitipid ay hindi lang para sa sarili, ito ay para sa buong komunidad.

Bayambang, ang lahat ng ito, ay Dapat Alam Mo!

***

[OUTRO]

NEWSCASTER 1: Mula sa mga proyekto ng LGU hanggang sa mga tagumpay ng bawat Bayambangueño, salamat sa pagtutok.

NEWSCASTER 2: Sama-sama pa rin tayo sa bawat hakbang, bawat kwento, at bawat tagumpay ng ating bayan.

NEWSCASTER 1: Ako po si ___, kasama sa pagsulong ng bukas na mas maganda.

NEWSCASTER 2: At ako po si ___, mula sa Liga ng mga Barangay, kaisa ninyo sa serbisyong tunay at may puso.

SABAY: Ito ang... BayambangueNews!

 

 

No comments:

Post a Comment