BAYAMBANG DAPAT ALAM MO! - Tipid Energy Tips
Bayambang, dapat alam mo kung paano maging wais, matipid at responsable sa paggamit ng enerhiya at gasolina, dahil sa kinahaharap nating krisis bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan, direktang apektado ang presyo ng langis at kuryente sa buong mundo. Nagkaroon din agad ito ng domino effect sa inflation rate, dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto sa merkado na kinakailangan nating mga consumers sa araw-araw.
Kaya dapat alam mo rin kung anu-ano ang mga tipid-tips na sasalba sa’yo sa panahong ito.
Tipid-tips sa loob sa ating mga opisina:
• Iwasan ang matagal na hindi paggamit ng equipment, patayin ang computer, printer, copier at ilaw kung hindi gagamitin nang mahigit 15 minuto.
• Panatilihin sa 24–26°C ang aircon at siguraduhing sarado ang pinto at bintana.
• Tanggalin sa saksakan ang mga hindi ginagamit na appliances at charger.
• Gamitin ang energy-saving o sleep mode ng mga computer at monitor.
• Pagsamahin ang mga lakad ng opisina upang makatipid sa oras at gasolina.
• Mag-print lamang kung kinakailangan at gumamit ng double-sided printing.
• Isabuhay ang “last person out” policy upang masigurong lahat ay nakapatay.
Sa ating mga tahanan naman, dapat alam mo rin ang mga praktikal na paraan para makatipid sa kuryente:
• Gawing isang beses sa isang linggo ang pamamalantsa at gawin ito nang maramihan.
• Patayin ang mga ilaw na hindi ginagamit.
• Tanggalin sa saksakan ang appliances at iwasan ang standby mode.
• Gumamit ng energy-efficient appliances tulad ng LED lights.
• Buksan ang bintana para sa natural na liwanag at hangin.
• Panatilihing malinis at maayos ang appliances para mas tipid sa konsumo.
At pagdating naman sa biyahe, dapat alam mo ang mga paraang ito para makatipid sa gasolina:
• Pagsama-samahin ang mga lakad upang maiwasan ang pabalik-balik na biyahe.
• Iwasan ang matinding trapik at bumiyahe nang mas maaga kung maaari.
• Siguraduhing tama ang hangin ng gulong.
• Magmaneho nang maayos, iwasan ang biglang arangkada at preno.
• Subukan ang carpooling kasama ang kaibigan o katrabaho.
• Maglakad o magbisikleta kung malapit lang ang pupuntahan.
• Magkumpara ng presyo ng gasolina bago magpakarga.
• Patayin ang makina kung matagal na nakahinto.
• Ipa-maintain nang regular ang sasakyan.
Bayambang, dapat alam mo na sa panahon ng hamon sa suplay at presyo ng enerhiya, ang bawat simpleng hakbang ay may malaking ambag. Ang pagtitipid ay hindi lang para sa sarili, ito ay para sa buong komunidad.
Bayambang, ang lahat ng ito, ay Dapat Alam Mo!
No comments:
Post a Comment