Bayambang, Dapat Alam Mo! - Bayambang Animal Shelter
Bayambang, alam mo ba na pormal nang binuksan ang Animal Shelter ng LGU-Bayambang noong March 28? Ang pangunahing layunin ng Bayambang Animal Shelter ay hindi lamang maging kulungan ng mga aso at pusang gala, kundi maging isang espesyal na tahanan para sa mga hayop na walang makain at walang masisilungan.
Alam niyo rin ba, ang naging inspirasyon ni Mayor Niña
Jose-Quiambao sa pagpapatayo ng Bayambang Animal Shelter ay ang kaniyang Ina, na
kilala sa pagkupkop at pagaalaga ng mga asong gala sa kanilang lugar noon.
Narito ang mga Benepisyo ng Animal Shelter sa Ating Komunidad!
1. Kaligtasang Pampubliko:
Layunin nitong mabawasan ang mga pagala-galang aso at pusa upang maiwasan ang
pagkalat ng sakit na “rabies” sa mga mamamayan.
2. Kalinisan at Kaayusan: Mas
magiging organisado ang pag-aalaga sa mga “stray animals” sa halip na hayaan
silang pagala-gala sa kalsada.
3. Promotion ng Responsible Pet
Ownership sa Bayambang: Ang responsible pet ownership o responsableng pag-aalaga
ng hayop ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng pagkain at tirahan sa mga
alagang hayop, kundi ito ay ang responsableng pagbibigay ng ligtas, malusog, at
masayang kalagayan ng iyong alaga, habang isinasaalang-alang din ang kaligtasan
ng ibang tao sa komunidad.
Ang
pagtatayo at operasyon ng Animal Shelter ay nakapaloob sa Republic Act 8485 o
ang Animal Welfare Act. Ito ay
naglalayong magbigay proteksyon laban sa pagmamalupit sa mga alagang hayop.
Ipinagbabawal nito ang pagpapahirap, pagmamaltrato, o pag-abandona sa mga
hayop. Layunin din nitong tiyakin na ang lahat ng hayop ay mabigyan ng sapat na
pag-aalaga at maayos na matutuluyan.
Ang
Republic Act 9482 naman o ang Anti-Rabies Act ay nakatutok sa kalusugang
pampubliko at responsableng pag-aalaga sa mga aso’t pusa. Layunin nitong
puksain ang rabies sa bansa sa pamamagitan ng mandatoryong pagpapabakuna at
pagkontrol sa mga hayop na gala. Inaatasan nito ang mga may-ari na maging
responsable sa kanilang mga alaga upang hindi makapanakit o magkalat ng sakit
sa komunidad.
Alam niyo rin ba na ang mga aso na tinaguriang “man’s best friend” ay may kakaibang kakayahan na "basahin" ang nararamdaman nating mga tao? Ayon sa pag aaral, kayang amuyin ng mga aso ang pagbabago sa ating “hormones” kapag tayo ay kinakabahan o natatakot. Isa pa rito ang karunungan nilang tumingin sa ekspresyon ng ating mukha, kung ang isang tao ay masaya, galit, o malungkot base lamang sa ating ekspresyon.
Ang lahat ng ito, Bayambang, ay... dapat alam mo!
No comments:
Post a Comment