MONDAY REPORT - APRIL 13, 2026
[VOLUME, ENERGY, SMILE!]
1: Magandang araw, Bayambang! Ako po si Alvin Solomon.
2: Ako naman po si Mylene Paclibar, at kami po ay mula
sa Municipal Agriculture Office.
1: Narito na ang mga pinakahuling balita at kaganapan
sa ating bayan.
2: Tampok ang iba’t ibang hakbang tungo sa kaunlaran.
1&2: Ito ang... BayambangueNews!
[VOLUME, ENERGY, SMILE!]
1. BPSO Traffic Enforcers, May Bagong Uniporme
Ang mga traffic enforcer ng Bayambang Public Safety
Office ay binigyan ng bagong kumpletong uniporme noong March 28, upang
mapahusay ang kanilang kaligtasan at propesyonalismo. Kabilang dito ang mga
reflectorized vest na magpapataas ng kanilang visibility lalo na sa gabi.
2. CFAG Training, Isinagawa ng BFP
Ang Bayambang Fire Station ay nagbigay ng isang
training para sa mga Community Fire Auxiliary Group o CFAG na binubuo ng mga
boluntaryo mula Brgy. Zone 1 at Magsaysay. Tinalakay dito ang fire prevention,
paggamit ng fire extinguisher, at basic emergency response, kalakip ang
hands-on drills upang palakasin ang kakayahan ng komunidad bilang first
responders sa oras ng sunog.
3. Oplan Semana Santa, Summer Vacation, at Bantay
Fiesta, Naging Matagumpay
Matagumpay na naipatupad ng MDRRM Council ng Bayambang
ang tatlong major operations sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang
ahensya sa kabila ng magkakasunod na pag-obserba sa Semana Santa at town
fiesta, at kasabay pa ng summer vacation. Naglatag ng seguridad, medical teams,
traffic management, at emergency response units sa buong bayan, upang
siguraduhing ligtas ang mga naging pagdiriwang at aktibidad.
4. General Clean-up Drive, Isinagawa
Isang general clean-up drive ang isinagawa ng LGU
noong April 6, upang agad na maibalik ang kalinisan at kaayusan matapos ang
pista at Semana Santa. Pinangunahan ito ng ESWMO katuwang ang iba’t ibang
tanggapan ng munisipyo at mga barangay, kabilang ang paglilinis ng mga
lansangan, pampublikong lugar, at pagtanggal ng mga naiwan na tarpaulin at
posters.
5. Mas Pinalakas na Governance, Economic, at Infra
Programs, Tinalakay sa BPRAT Meeting
Tinalakay sa BPRAT Good Governance, Economic, at
Infrastructure Sectors meeting ang pagpapalakas ng koordinasyon, monitoring, at
implementasyon ng mga programa sa mabuting pamamahala, ekonomiya, at
imprastraktura, kabilang ang paggamit ng digitalization para sa mas episyenteng
pag-uulat. Pinagtuunan din ng pansin ang mga posibleng epekto ng pandaigdigang
tensyon sa ekonomiya, habang iniulat ang progreso ng mga proyekto at mga
hakbang upang mapabilis ang kanilang implementasyon.
6. Banta ng El Niño, Pinaghandaan sa PDRA Meeting
Nagsagawa din ang MDRRM Council ng isang PDRA meeting
bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño, alinsunod sa abiso ng DILG.
Nagbahagi ang mga ahensya ng datos at ulat upang matukoy ang mga panganib at
makapaglatag ng mga hakbang para mabawasan ang posibleng pinsala sa komunidad.
7. Food Bazaar, Binuksan sa Central School
Isang bagong food bazaar ang dinudumog ngayon sa
lumang campus ng Bayambang Central School, dahil sa iba't ibang panindang
pagkain at pati na rin mga abubot sa abot-kayang halaga. Ang proyektong ito ay
isa na namang pampadagdag-sigla sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng
pagsuporta sa mga maliliit na enterpreneur.
8. Kambal na Sanggol na May Cleft Lip Palate,
Tinulungan
Ang Persons with Disability Affairs Office ay agad na
tumulong sa kambal na sanggol na may bingot o cleft lip palate matapos humingi
ng tulong ang kanilang opisina. Sa tulong ng Public Safety Office, ang mga
sanggol ay dinala sa Kapampangan Development Foundation Inc. sa Bacolor,
Pampanga upang ma-check-up ng libre bago ang operasyon.
[Note: palate is pronounced as [ˈpalət].
9. Onesies, Ipinamahagi sa 100 Sanggol
Ang MSWDO ay nagpamahagi ng onesies o damit na
pang-sanggol sa isandaang zero0 to two-year old na mga indigent na bata. Ang
aktibidad ay bahagi pa rin pagdiriwang ng Women's Month.
(Note: Read 100 as "isandaang." Pronounce
indigent (in·duh·jnt) and onesie (wuhn·zee) properly.)
10. Mga Programang Pangkaunlaran, Tinutukan sa MDC
Meeting
Mas pinagtibay ng lokal na pamahalaan ang mga
programang pangkaunlaran sa isinagawang Municipal Development Council Meeting
noong April 8, kung saan tinalakay ang Supplemental Investment Program No. 2,
series of 2026. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng bayan at iba’t ibang
departamento at sektor, na naglatag ng kani-kanilang suhestiyon.
11. Egg Producers Assoc., Nagseminar ukol sa
Kooperatiba
Sumailalim ang Pangasinan Egg Producers Association sa
isang orientation activity ukol sa proseso kung paano maging kooperatiba, sa
pag-oorganisa ng Municipal Cooperative Development Office at sa tulong ng
Cooperative Development Authority. Isinagawa ang buong araw na aktibidad noong
April 8.
12. Lecture-Workshop ukol sa Katutubong Pagkain,
Panitikan, at Pamana, Isinagawa
Isang libreng lecture-workshop ang inihatid ng grupong
Katutubo Exchange Philippines, sa tulong ng MTICAO at Municipal Musuem, tungkol
sa mga katutubong pagkain, panitikan, at pamana bilang bahagi ng pagdiriwang ng
National Literature Month at Filipino Food Month. Pinangunahan ito ni G. Edwin
Antonio, isang member officer ng National Commission on Culture and the Arts,
at dinaluhan ng mga kawani, guro, at mga estudyante na tuwang-tuwa sa mga
bagong natutunan ukol sa ating mga indigenous cultural heritage.
13. SATOM CTQ, Pinarangalan ng DTCMMS
Pinarangalan si Dr. Cezar Quiambao ng Don Teofilo C.
Mataban Memorial School bilang pagkilala sa kanyang ambag sa pagtatayo ng unang
gusali ng pampubikong paaralang elementarya sa Brgy. Ligue. Ayon sa pamunuan,
naging pundasyon ito ng patuloy na pag-unlad ng institusyon at edukasyon sa
komunidad. Tinanggap ang parangal ni Local School Board Executive Director
Rolando Gloria.
14. JKQMWCI, Ginawaran ng 'Corporate Wellness
Initiative' Award sa Singapore!
Nagwagi ang Julius K. Quiambao Medical and Wellness
Center ng prestihiyosong pagkilala na “Corporate Wellness Initiative of the
Year – Philippines” sa Healthcare Asia Awards 2026 sa bansang Singapore.
Kinilala ang institusyon dahil sa matagumpay nitong CARE Plan na nagbibigay ng
abot-kaya, organisado, at maagap na serbisyong pangkalusugan sa mga empleyado
sa pamamagitan ng isang integrated network. Sa programang ito, natutugunan ang
pangangailangan ng kompanya na mapagamot ang kanilang mga enrolled na manggagawa
nang hindi agad gumagastos para sa saklaw na serbisyong medikal.
***
[INSERT FIESTA VIDEO]
***
[VOLUME, ENERGY, SMILE!]
Host: Isabelo Pascua
Bayambang, Dapat Alam Mo! - Bayambang Animal Shelter
Bayambang, alam mo ba na pormal nang binuksan ang
Animal Shelter ng LGU-Bayambang noong March 28? Ang pangunahing layunin ng
Bayambang Animal Shelter ay hindi lamang maging kulungan ng mga aso at pusang
gala, kundi maging isang espesyal na tahanan para sa mga hayop na walang makain
at walang masisilungan.
Alam niyo rin ba, ang naging inspirasyon ni Mayor Niña
Jose-Quiambao sa pagpapatayo ng Bayambang Animal Shelter ay ang kaniyang Ina,
na kilala sa pagkupkop at pagaalaga ng mga asong gala sa kanilang lugar noon.
Narito ang mga Benepisyo ng Animal Shelter sa Ating
Komunidad!
1. Kaligtasang Pampubliko: Layunin nitong mabawasan
ang mga pagala-galang aso at pusa upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na
“rabies” sa mga mamamayan.
2. Kalinisan at Kaayusan: Mas magiging organisado ang
pag-aalaga sa mga “stray animals” sa halip na hayaan silang pagala-gala sa
kalsada.
3. Promotion ng Responsible Pet Ownership sa
Bayambang: Ang responsible pet ownership o responsableng pag-aalaga ng hayop ay
hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng pagkain at tirahan sa mga alagang hayop,
kundi ito ay ang responsableng pagbibigay ng ligtas, malusog, at masayang
kalagayan ng iyong alaga, habang isinasaalang-alang din ang kaligtasan ng ibang
tao sa komunidad.
Ang pagtatayo at operasyon ng Animal Shelter ay
nakapaloob sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act. Ito ay naglalayong magbigay proteksyon laban
sa pagmamalupit sa mga alagang hayop. Ipinagbabawal nito ang pagpapahirap,
pagmamaltrato, o pag-abandona sa mga hayop. Layunin din nitong tiyakin na ang
lahat ng hayop ay mabigyan ng sapat na pag-aalaga at maayos na matutuluyan.
Ang Republic Act 9482 naman o ang Anti-Rabies Act ay
nakatutok sa kalusugang pampubliko at responsableng pag-aalaga sa mga aso’t
pusa. Layunin nitong puksain ang rabies sa bansa sa pamamagitan ng mandatoryong
pagpapabakuna at pagkontrol sa mga hayop na gala. Inaatasan nito ang mga
may-ari na maging responsable sa kanilang mga alaga upang hindi makapanakit o
magkalat ng sakit sa komunidad.
Alam niyo rin ba na ang mga aso na tinaguriang “man’s
best friend” ay may kakaibang kakayahan na "basahin" ang nararamdaman
nating mga tao? Ayon sa pag aaral, kayang amuyin ng mga aso ang pagbabago sa
ating “hormones” kapag tayo ay kinakabahan o natatakot. Isa pa rito ang
karunungan nilang tumingin sa ekspresyon ng ating mukha, kung ang isang tao ay
masaya, galit, o malungkot base lamang sa ating ekspresyon.
Ang lahat ng ito, Bayambang, ay... dapat alam mo!
***
KONKLUSYON:
[VOLUME, ENERGY, SMILE!]
1: Ang mga balitang ito ay sumasalamin sa patuloy na
pagpupunyagi ng ating pamahalaan.
2: Sa bawat programa at serbisyo, sama-sama nating
itinataguyod ang isang progresibong Bayambang.
1: Muli, ako po si Alvin Solomon.
2: At ako naman po si Mylene Paclibar, mula sa
Municipal Agriculture Office.
1&2: At ito ang... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment