Trivia Time
Bakit sa buwan ng MARSO ipinagdiriwang ang INTERNATIONAL Women’s DAY?
Kung ang nakalipas na Pebrero ay tinatawag na "love month" o Buwan ng Pag-ibig, ang ikatlong buwan naman sa kalendaryo ay tinatawag na "Buwan ng Kababaihan."
Hindi lamang sa Pilipinas binibigyang-pagkilala, parangal at pagpapahalaga ang kababaihan, kundi sa buong daigdig. At kapag sumapit na ang ika-walo ng Marso, masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang ang "International Women's Day" o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Ang Pilipinas ay isa sa mga hindi nakalilimot na makiisa sa pagdiriwang.
Ang Buwan ng Kababaihan ay magandang pagkakataon upang mabigyan ng pagkilala ang mga Pinay sapagkat malayo na ang kanilang narating, nagawa, naiambag at naitulong sa pag-aangat ng kanilang kalagayan sa ating lipunan. Sa halos lahat ng sektor ng ating lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at mga potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at maging sa pamayanan o komunidad.
Sa kasaysayan, ang "International Women's Day" ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910, bilang pagkilala sa pakikipaglaban ng mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng isang German labor leader na si Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan ng mga manggagawa. Pagsapit ng 1977, isang resolution ang pinagtibay ng General Assembly ng United Nations, na nag-aatas sa mga bansang kasapi na ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8 ng bawat taon. Simula noon, lumaganap sa daigdig ang pagdiriwang. Nagsimula naman sa Pilipinas ang pagdiriwang noong Marso 8, 1981, kasabay ng pagkontra ng mga kilusan ng kababaihan laban sa kahirapan.
At alam ba ninyo na matapos ang isang linggo ng unang International Women's Day, ang sunog sa Triangle Shirtwaist Factory sa New York City ay pumatay ng 146, at halos lahat sa kanila ay mga kabataang babaeng imigrante. Ang aksidente ay naging daan sa maraming pagbabago sa kalagayan sa trabaho at mga industriya, at ang alaala ng mga taong nagbuwis ng buhay ay malaki ang bahagi sa mga pagdiriwang ng International Women's Day mula noon.
(BFP)
No comments:
Post a Comment