BNHS: 80
Taon Na!
(Ang
sumusunod ay hango sa mensahe ng alcalde, Kgg. Mary Clare Judith Phyllis ‘Niña’
Jose-Quiambao, sa ika-80 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bayambang National High
School.)
Isang mainit
at taos-pusong pagbati ang aking inihahatid sa ika-80 anibersaryo ng
pagkakatatag ng Bayambang National High School!
Sa mga
iginagalang na guro at kawani, mga alumni, mag-aaral, at sa buong pamayanan ng
BNHS, alam kong alam ninyong lahat na may espesyal na puwang sa aking puso ang inyong
institusyon, sapagkat ito ang alma mater ng aking minamahal na asawa, si Dr.
Cezar T. Quiambao. Ang apat na taon niyang pananatili sa loob ng inyong mataas
na paaralan ay madalas niyang ikuwento nang may labis na pagmamahal. Hanggang
ngayon, ang kanyang mga naging kaklase noon ay nananatili niyang mabubuting
kaibigan. At siyempre, and BNHS ay naging tahanan din ng halos lahat ng mga
Bayambangueno na nagsipag-aral dito.
Ang
walumpung taon, kung ihahalintulad sa buhay ng isang tao, ay isang mahabang
panahon. At sa loob ng walong dekadang ito, nanatiling matatag ang BNHS sa
patuloy na paghubog ng mahuhusay at de-kalibreng mga mag-aaral taun-taon. Ang
mga alumni ng BNHS ay nagsisilbing mga haligi ng ating bayan at bansa sa iba’t
ibang larangan, lalo na sa mga propesyon at industriyang nagpapalakas sa ating
ekonomiya.
Ang
pagdiriwang ng inyong ika-80 taon ay isang patunay ng matibay na pamana ng
katapatan, karunungan, at kahusayan sa industriya na pinagyaman ng BNHS sa
paglipas ng panahon. Ang inyong temang, "BNHS: A Legacy of Loyalty,
Knowledge, and Excellence in Industry," ay isang napapanahong paalala ng
mga pagpapahalagang naghubog sa maraming henerasyon ng inyong mga mag-aaral
tungo sa pagiging mga pinuno, innovator, at tagapagpabago, hindi lamang sa
ating bayan kundi maging saanman sa mundo.
Habang
inaalala natin ang inyong makasaysayang ika-80 na taon, bigyang-pugay natin ang
mga nagtatag ng institusyong ito, ang mga guro na walang sawang humuhubog sa
kaisipan ng kabataan, ang mga kawani na nagpapanatili ng kaayusan sa paaralan,
at higit sa lahat, ang mga mag-aaral na may matatayog na pangarap at nagsisikap
upang maisakatuparan ang mga ito. Ang BNHS ay nagsilbing tanglaw ng pag-asa at
oportunidad, hindi lamang sa larangan ng akademya kundi pati na rin sa
pagpapaigting ng diwa ng bayanihan at pagmamalasakit sa komunidad.
Nawa’y
magsilbing inspirasyon ang pagdiriwang na ito upang patuloy tayong magsikap at
magpunyagi para sa mas mataas pang antas ng tagumpay, nang sa gayon ay
manatiling gabay ang pamana ng BNHS sa mga susunod pang henerasyon. Sama-sama
nating pangalagaan ang katapatan at mga mithiin ng edukasyon, karunungan, at
inobasyon—mga mahahalagang sangkap sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang at ng
ating bayan.
Muli,
pagbati sa inyong makasaysayang anibersaryo. Nawa’y magpatuloy ang BNHS bilang
isang haligi ng ating bayan sa maraming darating pang taon.
Mabuhay ang
Bayambang National High School! Mabuhay ang Bayambang!
No comments:
Post a Comment