Magandang araw!
Ngayong papalapit na naman ang Undas, panahon na naman ng paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay. At para maging maayos, ligtas, at mapayapa ang ating pagdalaw sa pampubliko at pribadong sementeryo dito sa ating bayan, narito ang ilang paalala mula sa Pamahalaang Bayan ng Bayambang.
Mga dapat gawin:
1. Magplano nang Maaga
Una, magplano nang maaga! Iwasan ang siksikan sa huling araw at pumunta nang maaga kung maaari. Ang paggunita ng Undas sa ating bayan ay magsisimula sa Oktubre 31 at magtatapos naman ng Nobyembre 2.
2. Magdala ng Valid ID at Kaunting Cash
Pangalawa, magdala ng valid ID at kaunting cash, para sa mga emergency o pangtawag ng tricycle.
3. Panatilihin ang Kalinisan
Pangatlo, panatilihin ang kalinisan. Magdala ng sariling trash bag at siguraduhing itapon sa tamang basurahan. Mayroong mga nakalaan na basurahan sa ating mga sementeryo kaya’t huwag mahiyang maging malinis!
4. Alalahanin na Sagrado ang Lugar
Pang-apat, alalahanin na sagrado ang lugar. Maging mahinahon at magbigay-galang sa mga dumadalaw din, at hangga’t maaari ay panatilihin ang katahimikan, kaayusan, at kalinisan.
5. I-secure ang Bahay na Iiwanan
At panghuli, siguraduhing ligtas ang inyong tahanan bago umalis. I-lock ang mga pinto, hugutin ang mga appliances, patayin ang gas, at i-secure ang mga alagang hayop.
Narito naman ang ating mga dapat iwasan:
[Bullet points]
Iwasan ang pagdadala ng alak, baril, at anumang uri ng sandata. Hindi po tayo makikipag-away.
Huwag rin magdala ng malalakas na sound system o magpatugtog nang sobrang lakas -- sementeryo po ito, hindi peryahan.
Bawal din ang pagsusugal at anumang uri ng bisyo sa loob ng sementeryo.
Kung maaari, huwag mag-iwan ng mga kandilang nakasindi nang walang bantay -- delikado po ito!
At higit sa lahat, huwag magkalat.
Tandaan: Ang tunay na paggunita ay may kasamang respeto sa yumaong mahal sa buhay, sa kapwa, at sa kalikasan.
Bonus tips!
Magdala ng tubig para iwas dehydration. Mayroong ilalaan na water refilling stations ang ating butihing Mayora Nina.
Gumamit ng sunscreen at payong kung mainit, at magdala naman ng kapote kung hindi maganda ang panahon.
Sa ating paggunita ngayong Undas, sama-sama nating ipakita ang disiplina, malasakit, at respeto na likas sa mga Bayambangueño.
Maging responsable, magalang, at mapagmatyag -- para ligtas, payapa, at may kabuluhan ang ating pag-alala.
Mula sa Pamahalaang Bayan ng Bayambang,
isang paalala: “Ang disiplina at respeto, sa sementeryo o saan man, ay buhay na pamana.”
No comments:
Post a Comment