Monday Report – October 6, 2025
[INTRO]
NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si ___ ng ___ Office.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si _, mula sa Internal Audit Service. Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.
NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.
NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon
SABAY: ... BayambangueNews!
***
[SALITAN NA KAYO RITO]
1. Mayor Niña, Nanguna sa PDRA para sa Bagyong "Opong"
Pinangunahan ni Mayor Niña ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting noong September 26 bilang paghahanda sa bagyong “Opong.” Ibinahagi ng MDRRMO na mahina lamang ang epekto ng bagyo, ngunit pinag-usapan na rin ang nangyaring pagbaha sa ilang barangay dahil sa kakulangan ng drainage sa mga pribadong lote, na siya namang tinalakay sa isang hiwalay na pagpupulong.
2. Relief Operations, Nagpatuloy
Sa pagtutulungan ng iba’t-ibang departamento at ahensiya, lahat ng naitalang apektadong residente sa iba’t ibang barangay ang agarang hinatiran ng tulong. Sa kabuuan, may 1,017 food packs ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya mula sa 18 barangays sa loob ng dalawang araw na pamamahagi magmula noong manalasa ang magkakasunod na bagyong Marisol, Nando, at Opong kasabay pa ng habagat.
3. Blood Drive, Nakolekta ng 43 Blood Bags
Sa blood donation drive sa Tococ East noong September 29, may 43 volunteers out of 62 registrants ang nakapag-ambag ng supply ng dugo para sa mga nangangailangan -- salamat sa pagtutulungan ng RHU I at Philippine Red Cross–San Carlos Chapter. Nagsilbi rin itong paalala sa kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo upang makapagsalba ng buhay.
4. Mga Natatanging Kawani ng LGU, Pinarangalan
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Philippine Civil Service Commission, kinilala ng LGU ang mga natatanging lingkod-bayan na hinirang ng bawat departamento bilang ulirang kawani o model employee ng kani-kanilang tanggapan. Malugod na iginawad ni Mayor Niña ang mga parangal at nagpahayag ng pasasalamat sa mga empleyadong nagsisilbing huwaran ng sipag, integridad, at dedikasyon sa serbisyo publiko.
5. 7 LGU Retirees, Pinarangalan
Bilang pagkilala at pasasalamat sa kanilang mahabang panahon ng paglilingkod sa bayan, ginawaran ng Certificate of Appreciation ang pitong retirees ng LGU Bayambang sa isang seremonya noong September 29. Kinilala sina Municipal Accountant Erlinda Alvarez, Municipal Treasurer Luisita Danan, HRMO Head Nora Zafra, Accountant for Barangay Affairs Elsie Dulay, LCR Officer Leonida Junio, at Treasury Officers na sina Eloisa Quinto at Edna Palisoc, sa kanilang dedikasyon sa trabaho at mahalagang ambag sa serbisyo publiko.
6. Task Force Disiplina, Magtitiket na sa Lahat ng Violators simula Ocotober 1!
Muling nagpulong ang Task Force Disiplina upang mag-update ukol sa progreso ng istriktong implementasyon ng mga batas, mapa-national o local ordinance. Ipinatawag sa pulong ang lahat ng 77 barangay captains upang hingin ang kanilang buong suporta. Inanunsyo ng Task Force na sa darating na Oktubre uno, magsisimula nang mag-issue ng ticket ang mga miyembro ng task force sa lahat ng violators.
7. Mayor Niña, Nanguna sa LCPC, LCAT-VAWC, at MAC Meeting
Noong September 29, dumalo si Mayor Niña sa pinagsamang pulong ng Local Council for the Protection of Children, Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children, at Municipal Advisory Committee on 4Ps. Nag-update sa kanya ang lahat ng departamento at ahensya ukol sa mga hakbang na kanilang isinasagawa para sa proteksiyon ng kababaihan at kabataan at pagpapalakas ng implementasyon ng programang 4Ps para sa mga resident-beneficiaries.
(Check the proper pronunciation of benefi’-ci-’a’-ries.)
8. POPS Plan Formulation Workshop, Ginanap
Isinagawa noong September 29 ang isang Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan Formulation Workshop upang buuin ang komprehensibong plano para sa kapayapaan, seguridad, at kaligtasan ng publiko sa mga taong 2026 to 2028. Sa pag-oorganisa ng DILG at MPDO, binalangkas sa workshop ang POPS Plan ng Bayambang, na kinabibilangan ng Local Anti-Illegal Drug Plan of Action bilang isang mandatory focus nito.
9. Economic & Infra Sector, Nag-update sa BPRAT
Ang Bayambang Poverty Reduction Action Team ay muling pinulong ang economic at infrastructure development sector para sa 3rd quarter ukol sa kanilang mga naisagawang proyekto na nakapaloob sa Bayambang Poverty Reduction Plan. Ang mga miyembro ng Economic and Infrastructure Development sector ay isa-isang nagpresenta ukol sa estado ng mga nakalistang programa, proyekto at aktibidad na kanilang tugon sa paglaban sa kahirapan.
10. GAD Fund Utilization, Tinalakay sa TWG Meeting
Sa 3rd quarter meeting ng Gender and Development Technical Working Group noong September 30, tinalakay ang ukol sa utilization ng GAD Fund sa 3rd quarter ng taon, ang mga naging accomplishment ng iba't ibang departamento gamit ang naturang pondo, at mga kaugnay na aktibidad.
11. Mayor Niña, Inimbitahang Presenter sa 2nd GEMP Summit
Inimbitahan ng Department of Energy si Mayor Niña bilang isa sa mga presenter sa 2nd Government Energy Management Program Summit sa Baguio City, dahil sa mga inisyatiba ng LGU-Bayambang sa pagtitipid ng enerhiya. Ibinahagi ng kanyang kinatawan na si Energy Efficiency and Conservation Officer, Engr. Rudyfer Macaranas, ang mga best practices ng LGU tulad ng paggamit ng solar lights, inverter equipment, at energy-saving measures sa mga opisina. Lubos namang hinangaan ng Department of Energy at iba pang LGU ang mga programa ng Bayambang para sa energy efficiency.
12. M.C.D.O., Umani ng Karangalan sa Certification Program
[Don’t say mak-do pls! Say em-see-dee-oh]
Matagumpay na nagtapos sina Atty. Melinda Rose Fernandez, OIC ng Bayambang M.C.D.O., at staff na si Jacinto Perez sa Cooperative Development Officers Certification Program sa Lingayen, Pangasinan. Napili si Atty. Fernandez bilang top performer sa dalawang kurso na “Fundamentals of Cooperatives” at “Governance and Management of Cooperatives,” patunay ng kanyang husay at dedikasyon sa pagpapaunlad ng kooperatiba. Bukod dito, tumanggap sila ng Certificate of Authority mula sa Cooperative Development Authority na nagbibigay kapangyarihan na magsagawa ng mga pagsasanay at seminar sa kanilang lokalidad.
13. Mga Traffic Violator na Empleyado ng Munisipyo, Hindi Pinalampas ng TFD!
Anim na empleyado ng Munisipyo ang inisyuhan ng reprimand letter matapos silang mahulihan ng violation kabilang ang hindi pagsuot ng helmet habang nagdadrive at kawalan ng side mirror, ayon sa ulat ng Task Force Disiplina members. Sila ay humarap sa Grievance Committee noong October 10, at binigyan ng stern warning, pinagbayad ng multa, at pinangaralan tungkol sa kanilang obligasyon bilang government workers na maging modelo sa lahat.
14. Tradisyon sa Pagbuburo, Isinalin sa Kabataan
Bilang isa sa mga pambungad na aktibidad para sa selebrasyon ng Bayambang Tourism Month 2025, itinampok ang “Buro-Licious: Native Delicacy Demo” noong October 3 sa PSU-DOST R1 Food Innovation Center, PSU-Bayambang. Pinangunahan ni G. Norberto de Vera ng Nanay Doray’s Buro ang live na demonstrasyon ng paggawa ng burong isda, isang tradisyunal na pagkaing tatak-Bayambang na patuloy na ipinagmamalaki ng bayan. Layunin ng aktibidad na ipreserba at ipromote ang nasabing delicacy sa pamamagitan ng pagsalin ng teknolohiya sa mga kabataan.
15. Inter-District Basketball Tournament, Ikinasa!
Noong October 4, opisyal nang nagsimula ang Bayambang Inter-District Basketball Tournament 2025 para sa mga kabataan sa Balon Bayambang Events Center, sa pag-oorganisa ng Sports Council. Tampok sa programa ang makulay na motorcade, Oath of Sportsmanship, Selection of Best Muse, at Ceremonial Toss. Dinaluhan ito ng mga opisyal bilang suporta sa layuning itaguyod ang sportsmanship, talento, at pagkakaisa ng mga kabataan sa pamamagitan ng basketball.
16. PNP-Bayambang, National Nominee sa C.S.O.P. Award
Kinilala ang PNP-Bayambang, sa pamumuno ni PLtCol Rommel Bagsic, bilang national nominee sa Community Service-Oriented Policing Award ng NAPOLCOM. Tampok dito ang programang “Police Hour at Your Service” na inilunsad noong 2023 sa 87.5 Niña Aro Taka radio station. Layunin nitong mapalapit ang serbisyo ng pulisya at maitaguyod ang kaligtasan ng komunidad.
17. Bayambang, Regional Winner sa 4Ps Model LGU!
Itinanghal ang LGU-Bayambang bilang regional winner sa Search for Model LGU Implementing 4Ps ng DSWD Region I para sa 2025. Ito ay bilang pagkilala sa mahusay na pamumuno at malikhaing estratehiya ng LGU para sa kapakanan ng 4Ps beneficiaries. Sa panalong ito, magiging opisyal na entry ng Rehiyon Uno ang Bayambang sa national GAPAS Awards.
18. Mga Batang Bayambangueño, Nakilahok sa Larong Pinoy at Nutrition Lecture
Noong Oktubre 2, muling inilunsad ng Municipal Nutrition Action Office ang programang Larong Pinoy at Lecture on Good Nutrition for Schoolchildren, at ang unang sesyon ay ginanap sa Buenlag Elementary School. Tampok dito ang mga aktibidad gaya ng hula-hoop at zumba contest, lecture sa healthy lifestyle at fire safety, at pamamahagi ng sports items upang isulong ang kalusugan at nutrisyon ng mga bata, at masugpo partikular na ang overweight at obesity.
19. BPSO, Nagsagawa ng General Assembly
Noong September 27, nagsagawa ng general assembly ang Bayambang Public Safety Office, at ito ay dinaluhan ng 106 personnel, kung saan tinalakay ang mga tungkulin, polisiya, at ordinansa upang mapalakas ang disiplina, koordinasyon, at kahandaan ng ahensya sa pagbibigay ng serbisyo at seguridad at ating pamayanan.
19. Bayambang, Kabilang sa mga Kampeon ng Mabuting Pamamahala!
Ang LGU-Bayambang ay nagkamit ng rating na 100% compliance sa Full Disclosure Policy (FDP) postings mula CY 2024 hanggang unang kwarter ng 2025, ayon sa audit ng DILG. Ang tagumpay na ito ay malinaw na patunay ng transparency, accountability, at malinis na pamamahala ng ating LGU, sa pamumuno ni Mayor Niña.
***
Bayambang, Dapat Alam Mo! - CSO Accreditation / Participatory Governance
May ginagawa ka bang proyekto para sa kapwa? Ikaw ba ay bahagi ng isang samahan na naglilingkod sa komunidad? Ngayon, may pagkakataon ka para mas mapalakas ang inyong boses.
Bayambang, dapat alam mo na mahalaga ang boses ng bawat sektor. Kaya’t iniimbitahan namin ang lahat ng Civil Society Organizations na magpaakredit sa ating Lokal na Pamahalaan.
Ano ba ang ibig sabihin ng akreditasyon?
accreditation ay isang opisyal na proseso kung saan kinikilala ng pamahalaang lokal ang inyong organisasyon bilang katuwang sa pamamahala. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng puwang ang inyong grupo sa paggawa ng desisyon, pagbibigay ng suhestiyon, at aktibong pakikilahok sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran ng ating bayan.
Gusto niyo bang maging accredited? Narito ang mga kailangang dokumento!
1. Liham ng aplikasyon
2. Application Form para sa Accreditation
3. Board Resolution para sa layuning kumatawan sa LSB
4. Certificate of Registration o NCIP Certification (para sa IPOs)
5. Listahan ng mga kasalukuyang opisyal
6. Minutes ng Annual Meeting (kung higit isang taon nang aktibo)
7. Ulat ng mga nagawa noong nakaraang taon
8. Financial Statement na may pirma ng mga opisyal
O di ba? Ganoon lang kadali!
Ngayon, ano naman ang mahalagang gampanin ng isang CSO?
1. Makilahok sa pagpaplano, pagpapatupad, pagsubaybay, at pagsusuri ng mga programa ng LGU
2. Manatiling independiyente sa pulitika
3. Magbigay ng datos at impormasyon sa Local Special Boards
4. Magsagawa ng konsultasyon sa publiko tungkol sa mga isyung pansektor
5. Sumali sa CSO Capacity Development Program para sa pagpapalakas ng inyong kakayahan
Bayambangueño, dapat alam mo na oras na para marinig ang boses ng inyong organisasyon. Ipaakredit na ang inyong CSO at maging katuwang ng pamahalaan sa paghubog ng isang mas maunlad at makataong bayan.
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: Sa bayan nating may puso, may direksyon, at may malasakit, ang serbisyo ay tuloy-tuloy.
NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat na aming hatid, nariyan ang pangakong hindi kayo pababayaan.
NEWSCASTER 1: Ako po si ___ mula sa _____ Office, kaisa ninyo sa pagpapatuloy ng tunay na pagbabago.
NEWSCASTER 2: At ako si ___, mula sa Internal Audit Service, patuloy na naglilingkod sa inyo, sa ngalan ng LGU-Bayambang. Hanggang sa susunod na linggo.
SABAY: Ito ang.... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment