Saturday, October 18, 2025

MONDAY REPORT – OCTOBER 20, 2025

 MONDAY REPORT – OCTOBER 20, 2025

[INTRO]

 

NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si Jeffrey M. Cayabyab mula sa Information and Communications Technology Office.

NEWSCASTER 2: At ako naman po si Earl John D. Lalata, mula sa Municipal Planning and Development Office. Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.

NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon

SABAY: ... BayambangueNews!

 

***

1. Blue Sky Theme Park, May Local Recruitment

Mahigit na 200 na aplikante out of 400-plus registrants ang lumahok sa Local Recruitment Activity na isinagawa ng PESO–Bayambang para sa Blue Sky Theme Park and Events Center noong October 11 Kabilang sa mg alok na posisyon ng Blue Sky ang theme park and ride attendants, guest services at maintenance staff, at leasing, IT, HR, at marketing officers.

 

2. BPSO, Nagturo ng Fire Safety at Basic First Aid

Nagsagawa ang Bayambang Public Safety Office ng Fire Safety at Basic First Aid Seminar noong October 11, katuwang ang BFP Bayambang. Dinaluhan ito ng 50 members ng security force na nakatalaga sa mga pasilidad ng LGU.

 

3. 5 Centenarians, Tumanggap ng Cash Gifts

Limang centenarian ang tumanggap ng ₱50,000 cash incentive mula sa LGU, bukod pa sa matatanggap mula sa NCSC. Personal ding nagbigay si Mayor Niña ng karagdagang ₱100,000 bawat isa.

 

4. Elderly Filipino Week, Ipinagdiwang

Ang Office of Senior Citizen Affairs ay nagdaos ng isang programa bilang pagbubukas ng Elderly Filipino Week celebration noong October 13. Kabilang sa mga naging aktibidad sa kasayahan ang sayawan, raffle draw ng mga cash prize at iba pang papremyo mula kay Mayor Nina at iba pang opisyales.

 

5. Iba pang Centenarians, Tumanggap ng Cash Grant

Ang Office of Senior Citizen Affairs at MSWDO ay tumulong sa pamamahagi ng cash grant mula sa National Commission on Senior Citizens sa 41 senior citizens na edad 80, 85, 90, at 95 years old para sa second half ng taong 2025. Ipinamahagi ang cash grant na P10,000 kada senior citizen na naging qualified sa Expanded Centenarians Act.

 

6. Mga Mag-aaral, Nagtagisan sa Tourism Quiz Bee

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Tourism Month, nagsagawa ang Tourism Office ng isang quiz bee on local history and culture para sa mga Grades 4, 5, at 6 na mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Bayambang. Ang paligsahan na tinaguriang Awaran Quiz Bee ay nagpalalim sa kaalaman ng kabataan sa kasaysayan at pamanang kultura ng bayan, na siyang nagbibigay-diin sa pagkakakilanlan ng Bayambang.

 

7. Mga Kabataan, Natuto sa Binasuan Workshop

Kasunod nito, nagsagawa rin ang Tourism Office ng Binasuan Workshop para sa mga kabataan upang mapanatili at maipasa sa bagong henerasyon ang kulturang natatangi sa mga Bayambangueño. Sa aktibidad, natutunan ng mga kalahok ang tamang galaw at kahulugan ng tradisyunal na sayaw na “binasuan,” na kilalang bahagi ng kasaysayan at cultural identity ng Bayambang.

 

8. Mga Manunulat, Nagtagisan sa Short Story at Poetry Writing

Sumunod namang nagsagawa ang Tourism Office ng isang short story at poetry writing contest, ang “Mangistorya Ka” at “Anlong” writing contest. Ang mga lumahok na manunulat ay nagbahagi ng mga malikhaing akda na sumasalamin sa buhay, kultura, at pagkakakilanlan ng bayan. Ang patimpalak ay nakatulong sa pagtaguyod ng panitikang Bayambangueño bilang bahagi ng pagpapayabong ng lokal na sining at kultura.

 

9. Local Photographers, Nagtagisan sa Photo Contest

Itinampok naman ng Tourism Office ang talento ng mga lokal na litratista sa photography contest “Talintao,” na naglalayong ipakita ang ganda at progreso ng bayan. Iba’t ibang istilo ang ipinakita ng mga litratista sa landscape, culture, at people photography.

 

10. LGU, Lumahok sa CCA-DRR Conference

Ang MDRRMO ay lumahok sa 3rd National Conference ng Philippine Academic Society for Climate and Disaster Resilience noong October 8-10 sa De La Salle University, Manila, upang palakasin ang kolaborasyon ng iba’t ibang sektor sa pagpapaunlad ng mga makabagong solusyon sa climate change adaptation at disaster risk reduction. Ibinahagi rito ang mga pananaliksik, inobasyon, at best practices mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

 

11. Risk and Hazard Assessment sa LGU Offices, Isinagawa

Ang MDRRMO-Bayambang ay nagsasagawa ng risk and hazard assessment sa iba’t ibang opisina ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan sa sakuna ng mga ito. Tinukoy sa aktibidad ang mga hazard-prone areas upang mapabuti ang earthquake safety, at mabawasan ang panganib sa mga empleyado at kliyente. Unang isinagawa ang pagsusuri sa RHU I at BPSO.

 

12. MDRRMO Rescuers, Nag-training sa Rope Rescue

Ang MDRRMO rescuers ay lumahok sa Rescue Rope Training Level 1–3 na isinagawa ng Philippine Red Cross–Batangas Chapter at inorganisa ng San Carlos City CDRRMO mula October 6–14. Sa walong araw na pagsasanay, pinalakas ang kahandaan ng mga rescuer sa rope rescue operations, kabilang ang mga teknik sa paggawa ng knots, rappelling, anchoring systems, at advanced rescue maneuvers.

 

13. Nutrition in Emergencies Training, Isinagawa

Ang mga miyembro ng Municipal Nutrition Committee ay sumabak sa Nutrition in Emergencies Training, upang mapalakas ang kahandaan ng LGU sa pagtugon sa mga pangangailangan sa nutrisyon tuwing may sakuna o emergency. Ang tatlong araw na training na isinagawa ng Nutrition Office noong October 13 to 16 ay nagpaunlad sa kaalaman at kasanayan ng mga miyembro hinggil sa mga konsepto ng nutrisyon sa panahon ng sakuna, mabilis na pagsusuri sa kalagayan ng nutrisyon, at pagbuo ng Nutrition in Emergencies Plan para sa bayan.

 

14. Special Needs Students, Tumanggap ng Medical-Dental Services

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ADHD Awareness Week, nagsagawa noong October 14 ang Rural Health Unit I ng isang medical at dental mission para sa mga mag-aaral na may special needs sa Bayambang Central School. Sa naturang aktibidad, 36 na mag-aaral ang sumailalim sa konsultasyong medikal at dental fluoride application at nabigyan ng mga kaukulang gamot.

 

15. ‎Tobacco Production Training, Isinagawa

Ang Municipal Agriculture Office ay nag-organisa ng Tobacco Production Training upang higit pang mapaunlad ang kaalaman ng mga lokal na magsasaka sa tamang pagtatanim at produksyon ng tabako. Ito ay personal na binisita ni Mayor Niña noong October 15, kung saan naging resource speakers ang mga opisyal ng National Tobacco Administration.

16. Bagong Agri Office, Pinasinayaan!

Pormal na binuksan ang bagong opisina ng Municipal Agriculture Office noong October 15, sa dating kinalalagyan ng Municipal Social Welfare and Development Office sa Legislative Bldg. Ang expansion ng opisina ng MAO ay magbibigay ng mas mahusay at accessible na serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda ng Bayambang.

 

17. Taiwanese Professor at Negosyante, Bumisita para sa Posibleng Kolaborasyon

Bumisita sa Bayambang ang dalawang panauhin galing Taiwan para sa posibleng knowledge sharing, student exchange, at institutional partnerships. Sila ay sina Dr. Yong-Chao So An, Associate Professor ng Kaohsiung Medical University at Executive Director ng Edu-Connect Taiwan, at Mr. Zachariah Li Guan-Han, isang negosyanteng planong magtayo ng bubble tea business sa Pilipinas. Sila ay mainit na tinanggap ni Dr. Cezar Quiambao at iba pang opisyal.

 

18. PESO, May Special Recruitment Activity

Muling nagsagawa ang PESO-Bayambang ng isang special reruitment activity, kung saan naging recruiter ang True Riches Manpower Services para sa mga aplikanteng nagpakita ng interes na magtrabaho sa bansang Saudi Arabia, Qatar, Jordan, at Malaysia.

 

19. Mayor Niña, Nanguna sa KSB Year 8 sa Beleng

Pinangunahan ni Mayor Nina ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 na ginanap noong October 16 sa Brgy. Beleng Elementary School upang pagsilbihan ang mga residente sa Brgy. Beleng, Balaybuaya, at Batangcaoa. Sa pangangasiwa ni Dr. Roland Agbuya, daan-daang muli ang nag-avail ng mga libreng serbisyong medical at non-medical services mula sa Munisipyo, kaya’t siguradong malaking ginhawa at katipiran ito sa mga residente roon.

 

20. Mayor Niña, Nanguna sa Buklat Aklat sa Ligue

Ang proyektong "Buklat Aklat” ni Mayor Niña ay nagpatuloy sa Don Teofilo Mataban Memorial School sa Brgy. Ligue noong October 16 upang bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral doon na makaranas ng book reading session at mahasa ang kanilang reading skills at hindi mapag-iwanan sa edukasyon. Mismong si Mayor Nina ang naging storyteller at nagpamigay din ng mga coloring books, story books, crayons, at tsinelas, kasama ang mga Bb. Bayambang, LYDO, SK Federation, MNAO, BPRAT, Task Force Disiplina, at sponsors na Team Gabriel at Bayambang Matikas Eagles Club.

 

21. PDAO, Dumalo sa Training para sa Unified PWD ID System

[PDAO - pronounce as pi-DAW]

Dumalo ang PWD Affairs Office at MSWDO sa dalawang-araw na Roll-Out Training on the Unified ID System for PWDs, upang mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan sa paggamit ng bagong database system para mas mapahusay ang serbisyo at maiwasan ang dobleng pagbibigay ng ID sa mga PWD. Nagbigay rin ito ng praktikal na karanasan sa registration, encoding, at verification process bilang paghahanda sa pagpapatupad nito sa antas ng munisipyo at barangay.

 

22. MDRRMO, Lumahok sa 'Rescuelympics'

Ang MDRRMO ay lumahok sa Rescuelympics 2025 na ginanap noong Oktubre 12–15 sa Lungsod ng Alaminos, Pangasinan bilang parte ng National Disaster Resilience Month. Dinaluhan ito ng mga delegado mula sa Region I, Region II, at Cordillera Administrative Region (CAR) upang ipamalas ang galing sa disaster response at emergency management. Tampok sa aktibidad ang Rescue March, Rescuelympics, at LDRRMO Night na nagpatibay ng koordinasyon at pagkakaisa ng mga lokal na pamahalaan.

 

23. DOLE, Dumalaw para sa Technical Advisory sa Micro-Enterprises

Ang DOLE Central Pangasinan Field Office ay bumisita noong October 16 para magbigay ng isang Technical and Advisory Visit and Orientation sa mga micro-enterprises/establishments na may mga isa hanggang siyam na kawani. May 79 na pribadong micro-establishments ang dumalo upang makinig sa mga lecture mula sa DOLE-R1 CPFO ukol sa kung paano maayos na patakbuhin ang kanilang negosyo nang naaayon sa batas.

 

24. Municipal Organic Agriculture Council, Itinatag

Ang Agriculture Office ay nagtatag ng bagong Municipal Organic Agriculture Council noong October 16. Layunin ng grupo na palaganapin ang organikong pamamaraan ng pagsasaka gamit ang makabagong mga kaalaman. Ginanap ang botohan ng mga opisyal sa araw ding iyon, at hinalal na pangulo si G. Marlon Malong.

 

25. LGU-Bayambang, May "Highly Functional" LCAT-VAWC

Ang LGU-Bayambang ay ginawaran ng "Highly Functional" na rating sa Municipal Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children audit ng Department of the Interior para sa taong 2024.

 

26. Bayambang Co-op Dev’t Council, Pinarangalan

Ang Bayambang Municipal Cooperative and Development Council ay binigyan ng plake ng pagkilala, sa ginanap na Region I Cooperative Stakeholders Summit noong October 16 sa City of San Fernando, La Union. Ang parangal ay isang pagkilala sa nagawa ng MCD Council na pagpapayabong sa mga lokal na kooperatiba.

 

27. Bayambang, Nagbahagi ng Best Practices at Strategies sa Digital Transformation

Nagbahagi ang ICT Office ng best practices nito tungkol sa digital transformation sa mga bayan ng Pangasinan noong October 17 sa unang leg ng “GCash for the Nation: Nation Building Toward a Sustainable Digital Ecosystem” sa Capitol Resort Hotel, Lingayen. Kasama ang pamahalaang panlalawigan ng La Union, naimbitahan ang LGU-Bayambang upang magbahagi ng mga praktikal na istratehiya tungkol sa journey nito sa digital transformation upang mapagbuti ang pagsisilbi sa mga Bayambangueños, sa direktiba ni Mayor Niña.

 

***

 

Bayambang Dapat Alam Mo! –  International Cybersecurity Awareness Month


Bayambang, dapat alam mo na ang buwan ng Oktubre ay International Cybersecurity Awareness Month.

Sa bisa ng Proclamation 353 Series of 2023, linipat ni Pangulong Marcos ang Cybersecurity Awareness Month mula Setyembre sa kasalukuyang buwan upang mai-align ang mga programa sa pagpapaalala ng cybersecurity awareness ng bansa sa pagkilala nito sa buong mundo.

Kaugnay nito, nagpapaalala ang Information and Communications Technology Office na maging maingat sa paggamit ng internet, kasama ang social media tulad ng Facebook at Tiktok.

1. Huwag maglagay ng personal na impormasyon o detalye ng experience na maaari mong ginamit bilang password o security question (halimbawa, pangalan ng iyong guro nung Grade I).

2. Huwag basta basta mag-click ng link o mag scan ng QR code mula sa mga di kilala. Ang mga ito ay maaaring mag download ng mga malicious software sa iyong computer o smartphone.

3. Laging i-check ang URL o internet address ng kung anumang pupuntahan sa internet. Kahit na ito ay may https, mahalagang tamang address ang iyong pinupuntahan. Halimbawa, siguruhing ang address ng iyong pinupuntahan ay bayambang.gov.ph at hindi bayambanggov.ph.

Bayambang, ang lahat ng ito ay… dapat alam mo!

 

 

NEWSCASTER 1: Dito sa Bayambang, bawat proyekto ay may layuning makapaglingkod nang tapat at may puso.

NEWSCASTER 2: At bawat kwento, tagumpay nating lahat bilang isang komunidad.

NEWSCASTER 1: Ako pong muli si Jeffrey M. Cayabyab mula sa Information and Communications Technology Office, kasama sa paglalahad ng mga kaganapan sa bayan.

NEWSCASTER 2: At ako si Earl John D. Lalata, mula sa Municipal Planning and Development Office. Magsama-sama tayong muli sa susunod na ulat!

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

 

No comments:

Post a Comment