Thursday, October 23, 2025

Monday Report - October 27, 2025

 Newscasters:

Jasmin M. Junio - LCRO

Jingkie A. Reyes - LCRO

 

[INTRO]

 

[ENERGY PLEASE, PROPER VOLUME, and SMILE!]

 

 

NEWSCASTER 1: Good vibes Monday, Bayambang! Ako po si Jingkie A. Reyes.

NEWSCASTER 2: At ako naman po si Jasmin M. Junio, at kami ay mula sa Local Civil Registry Office. Narito upang ihatid ang mga ulat ng pagkilos at pagbabago.

NEWSCASTER 1: Mga hakbang tungo sa mas masigla at mas progresibong bayan.

NEWSCASTER 2: Kaya’t samahan ninyo kami sa lingguhang kwentuhan, impormasyon at serbisyong totoo. Dito sa...

 

SABAY: ...BayambangueNews!

 

***

[SALITAN NA KAYO RITO]

 

1. Teaching Guides ng CDWs, Sinagot ng LGU

Sa unang pagkakataon, sinagot ng LGU-Bayambang sa pamamagitan ng pondo ng Local Council for the Protection of Children ang Learning Resource Package Numbers 5 & 6 ng mga Child Development Workers. Dati-rati ay sariling gastos ng mga CDW ang pagkakaroon ng mga materyales na ito, kung kaya’t labis ang kanilang pasasalamat nang ito’y maibigay ng libre.

 

2. Small Entrepreneurs, Tumanggap ng Cash Grants 

Labing-siyam na Bayambangueño na naging matagumpay sa kanilang maliliit na negosyo ang nakatanggap ng tig-P10,000 cash grant sa ilalim ng ‘Usbong’ phase ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD. Ilan sa kanila ay dating 4Ps beneficiaries at ngayon ay nagsisilbing inspirasyon sa iba sa kanilang pagsusumikap at pagbangon sa kabuhayan.

 

3. ERPAT at KALIPI Members, May Libreng Livelihood Training

Dalawampu’t limang miyembro ng ERPAT at KALIPI ang lumahok sa Basic Carpentry Repair at Basic Nail Care Training na inorganisa ng provincial government sa tulong ng PESO- at MSWDO. Bukod sa pagsasanay, tumanggap din ang mga kalahok ng libreng carpentry tools at nail care kits mula PESO-Pangasinan.

 

4. Mga Pampublikong Gusali, Inimbestigahan

Nagsagawa ng ng isang imbestigasyon ang Sangguniang Bayan hinggil sa kaligtasan at katatagan ng mga pampublikong gusali sa harap ng banta ng malalakas na lindol. Dumalo rito ang ilang resource persons mula sa BFP, Engineering Office, at iba pang ahensya upang talakayin ang mga hakbang sa kahandaan sa sakuna, regular na inspeksiyon, at mga protocol sa paglikas. Binigyang-diin ng SB ang kahalagahan ng structural audit ng lahat ng pampublikong gusali upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

 

5. Seminar sa "Efficiency in Public Service," Ginanap

Ang HRMO ay naghandog ng seminar ukol sa “Efficiency in Public Service: Leading with Impact” noong October 20, upang mapaigting ang kahusayan sa paglilingkod ng mga LGU department at unit heads at kani-kanilang next-in-rank. Ibinahagi rito ng Civil Service Commission ang mga estratehiya sa pagpapabilis ng proseso sa trabaho nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng serbisyo.

 

6. Team Bayambang, Nag-eensayo para sa Governor's Cup

Ang Bayambang basketball team ay kasalukuyang nag-eensayo sa Bayambang National High School para sa kanilang pagsali sa Governor's Cup Basketball Tournament sa darating na November 21. Ang mga kabataang atleta ay nagte-training sa ilalim ni G. Sherman Castillo, Henry Mibalo, at Dennis Aldrin Malicdem sa gabay ng Municipal Physical Fitness and Sports Development Council gamit ang pondo ng MPFSDC. Kada training ay sinasagot naman ni Mayor Niña ang meals ng mga atleta at trainors.

 

7. Bayambang, ika-33rd Regional ZOD-Certified Municipality!

Sa direktiba ni Mayor Niña, naging abala kamakailan ang LGU matapos itong sumailalim sa pag-audit at monitoring ng DOH District Sanitary Inspector para sa ZOD o Zero Open Defecation status ng Bayambang. Matapos ang ilang linggong pagpapaalala sa mga barangay, nag-random inspection ang DOH sa iba't ibang lugar upang ma-spotcheck ang kanilang compliance sa ZOD. Kasama sa naging operasyon ang mga RHU, ESWMO, Bayambang District Hospital, MLGOO, mga BHW, at iba pang barangay officials. Sa huli ay nakamit ng Bayambang ang inaasam na ZOD status, ang ika-33rd sa buong Region I.

 

8. BNAP Formulation, Ginanap

Isang workshop para sa pormulasyon ng Barangay Nutrition Action Plan o BNAP ang isinagawa ng Nutrition Office noong October 22 sa Balon Bayambang Events Center. Layunin ng BNAP na magkaroon ng kongkretong pagbalangkas ng mga nutrition-related programs, projects, and activities sa lahat ng 77 barangays ng Bayambang, upang higit na matutukan ang nutrisyon ng mga kabataan at residente sa lebel ng barangay. Kasama sa BNAP formulation ang MPDO, DILG, RHU, at Office of Barangay Accounting.

 

9. Ms. BNS 2025, Ginanap

 

Kinagabihan nito, idinaos ng Bayambang Barangay Nutrition Scholars Association ang Ms. BNS 2025 bilang isang fundraising activity, upang makakalap ng adisyunal na pondo ang asosasyon. Parte ng proceeds ng fundraising activity ay ibibigay sa mga target beneficiaries ng mga BNS. Nanalong Ms. BNS 2025 si Ms. Mae Ann C. Alcantara ng Brgy. Nalsian Sur.

 

10. Local Farmers, Grumaduate sa Farm Business School

Ang mga lokal na farmers ay matagumpay na nagsipagtapos sa Farm Business School course na kanilang sinalihan kamakailan. Sila ay binati ni Mayor Nina sa graduation ceremony na inorganisa ng Agriculture Office sa tulong ng DA RO1 Agricultural Training Institute, at binigyang inspirasyon sa kanilang mga bagong kaalaman tungo sa mas produktibo at sustenableng agrikultura.

 

11. Pag-award ng Birth Certificate Atbp., Nagpatuloy

Noong October 8 to 14, ang Local Civil Registrar ay nagsagawa ng house-to-house awarding of Birth Certificate in Security Paper o SECPA sa Brgy. Pantol, Amancosiling Sur, at Bongato West. Sila ay nagbigay din ng libreng Certificate of Live Birth o Form 102 sa Asin, Buenlag 2nd, Zone V, Zone VII, Pantol, at Amancosiling Norte. Ang LCR ay may 27 beneficiaries. Kasabay nito ang pag-aasiste sa mga wala pang birth certificate.

 

12. RHU 3 Blood Drive, Nakaipon ng 23 Blood Bags

 

Umabot sa 23 blood bags ang matagumpay na nakalap sa isang mobile blood donation drive ng RHU III at PRC San Carlos Chapter sa Brgy. Malioer Covered Court noong October 23. Layunin ng aktibidad na makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng emergency blood transfusion, kaya't hinihikayat ng LGU ang publiko na patuloy na makiisa sa mga susunod na bloodletting activity sa bayan.

 

13. IQA Closing Meeting, Isinagawa

 

Noong October 23, idinaos ang Internal Quality Audit Closing Meeting bilang pagtatapos ng audit sa 34 ISO-certified offices ng LGU Bayambang. Dinaluhan ito ng mga department at unit heads upang talakayin ang mga resulta, commendable practices, at areas for improvement. Binigyang-diin sa pulong ang patuloy na pagsunod sa Quality Management System ng LGU bilang bahagi ng pagpapabuti ng mga proseso sa serbisyo publiko.

 

14. Turnover of Accountabilities sa Treasury, Isinagawa

 

Isinagawa noong October 23 ang Turnover of Accountabilities sa Municipal Treasury Office ng Bayambang, kung saan opisyal na ipinasa ni Gng. Luisita Danan ang kanyang tungkulin kay Ms. Charmaine Rose Bulalakaw bilang bagong Acting Municipal Treasurer. Si Mrs. Danan ay nagretiro matapos ang 26 na taon sa LGU-Bayambang. Nagpaabot ni Gng. Danan ang pasasalamat sa pamunuan at mga kasamahan sa kanilang suporta at tiwala. Ipinangako naman ni Ms. Bulalakaw na ipagpapatuloy ang maayos at tapat na pamamahala sa pananalapi ng bayan.

 

 

 

***

 

[Name of trivia person: Charo S. Gale]

 

Bayambang, Dapat Alam Mo!

 

 

Bayambang, dapat alam mo na kailangang maging laging handa sa mga pagyanig sapagkat ang Pilipinas ay nakapapabilang sa mga bansang nasa Pacific Ring of Fire.

 

Anu-ano ang mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng lindol?

 

1. Una: Maghanda ng Emergency Go Bag

Ang Go Bag ay isang emergency kit na maaaring agad dalhin kung kinakailangang lumikas. Mahalaga ito para sa unang 72 oras matapos ang sakuna.

 

Karaniwang Laman ng Go Bag:

-----------------------------------------------------------------------------------------

[DON’T READ – FLASH ONLY in two panels with 6 icons each]

 

· Tubig – 1 litro bawat araw para sa bawat tao (minimum 3 araw)

· Pagkain na hindi madaling mapanis – Canned goods, energy bars, dried fruits

· First Aid Kit – Bandage, gamot, antiseptic, alcohol, gamot sa ubo/lagnat

· Flashlight at extra batteries

· Whistle – Para makatawag ng pansin kung kinakailangan

· Face mask at alcohol – Para sa kalinisan at proteksyon

· Extra damit at kumot

· Power bank o backup charger

· Importanteng dokumento (photocopy) – ID, birth certificate, etc.

· Cash – Coins at maliliit na bills

· Lista ng emergency contacts

· Personal hygiene items – Toothbrush, toothpaste, sanitary napkin, sabon

 

TIP: I-check ang Go Bag tuwing 3–6 buwan para i-update ang laman at tiyaking hindi expired ang pagkain o gamot.

 

 

IBA PANG PAGHAHANDA BAGO ANG LINDOL

 

1. Pag-usapan ang emergency plan kasama ang pamilya.

[Don’t read na lang the elaboration – just flash onscreen.] Tukuyin ang mga meeting point at evacuation area.

 

2. Alamin ang mga ligtas na lugar sa loob ng bahay o opisina.

Tulad ng ilalim ng matibay na mesa, malayo sa bintana.

 

3. Siguraduhing matibay ang pagkaka-install ng mabibigat na gamit.

Itali o ikabit nang maayos ang estante, TV, at iba pa para hindi matumba.

 

4. Makipag-ugnayan sa barangay o lokal na pamahalaan.

Alamin ang mga hotline at disaster response plan sa inyong lugar.

 

5. Sumali sa mga earthquake drills.

Practice makes prepared. Mas magiging automatic ang tamang kilos kung ito ay nasanay na.

 

MGA DAPAT GAWIN HABANG LUMILINDOL

 

1. Manatiling kalmado.

[Don’t read na lang the elaboration – just flash onscreen.] Huwag mag-panic. Ang pagiging kalmado ay nakatutulong sa malinaw na pag-iisip at tamang kilos.

2. Mag-DUCK, COVER, and HOLD.

Yumuko, humanap ng matibay na desk o mesa bilang panangga, at humawak nang mahigpit.

3. Manatili sa loob ng gusali.

Kung ikaw ay nasa loob, huwag magmadaling lumabas. Mas ligtas ang manatili kung wala namang sunog o panganib ng pagguho.

4. Lumayo sa mga bintana, salamin, at matataas na gamit.

Maiiwasan ang injury mula sa pagbagsak o pagkabasag ng mga ito.

 

MGA DAPAT GAWIN PAGKATAPOS NG LINDOL

 

1. Maging alerto sa aftershocks.

[Don’t read na lang the elaboration – just flash onscreen.] Maaaring magkaroon ng mga kasunod na pagyanig.

2. Suriin ang sarili at mga kasama.

Tingnan kung may nasugatan. Magbigay ng paunang lunas kung kinakailangan.

3. Lumabas ng gusali kung ligtas.

Gumamit ng hagdan at huwag dumaan sa elevator. Pumunta sa open space o evacuation area.

4. Tulungan ang mga nangangailangan.

Tulungan ang mga matatanda, bata, buntis, at may kapansanan sa paglikas.

5. Huwag bumalik agad sa loob.

Maghintay ng opisyal na abiso na ligtas na ang gusali bago bumalik.

6. Suriin ang paligid.

Tingnan kung may tagas o sira sa linya ng tubig, kuryente, at gas. Huwag gamitin ang mga ito kung may kahina-hinalang pinsala.

7. Gumamit ng radyo o cellphone.

Makinig sa balita at abiso ng mga awtoridad para sa mga tagubilin at update.

8. Lumayo sa tabing-dagat.

Kung malapit sa baybayin, agad na lumikas sa mataas na lugar dahil posibleng may banta ng tsunami.

9. Sundin ang mga tagubilin ng mga opisyal.

Kung ikaw ay nasa paaralan, opisina, o evacuation center, makinig sa mga inatasang lider para sa wastong pagkilos.

 

TANDAAN: Ang pagsasanay ay susi sa kaligtasan. Sa pamamagitan ng earthquake drill, natututo tayong kumilos ng tama sa oras ng sakuna. Laging maging handa. Isang buhay ang maaaring mailigtas ng isang tamang kilos.

 

Bayambang, ang lahat ng ito ay dapat alam mo!

 

 

 

[OUTRO]

 

[ENERGY PLEASE, PROPER VOLUME, and SMILE!]

 

NEWSCASTER 1: Sa bawat proyekto’t inisyatibo ng LGU, kabalikat ang bawat Bayambangueño.

 

NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat, nariyan ang puso ng serbisyo.

 

NEWSCASTER 1: Muli, ako po si Jingkie A. Reyes, kasama niyo sa bawat kwento ng pagbabago.

 

NEWSCASTER 2: At ako si Jasmin M. Junio, mula sa Local Civil Registry Office, hatid ang balita para sa bawat isa. Hanggang sa muli,

 

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment