Friday, July 10, 2026

Monday Report - July 13, 2026

 

Monday Report - July 13, 2026

 

[ENERGY, VOLUME, SMILE!]

 

 

INTRO

 

1: MAGANDANG Monday morning, BAYAMBANG! Ako po si ___________.

 

2: At ako naman po si _______, at kami ay mula sa _____________ Office.

 

1: Narito na ang mga pangunahing balitang sumasalamin sa patuloy na pag-unlad, malasakit, at sama-samang pagkilos ng ating bayan.

 

2: Mula sa mga proyektong nagbibigay ng bagong pag-asa, hanggang sa mga programang nagsusulong ng kaunlaran at mabuting pamamahala…

 

1: …Narito naa ang mga balitang nagbibigay ng positibong pagbabago sa buhay ng bawat Bayambangueño.

 

2: …Mga balitang dapat ninyong malaman ngayong linggo.

 

1&2: Ito ang… BayambangueNews.

 

 

***

 

1. Paghingi ng Saklolo ng Isang Pasyente, Agad Inaksyunan

 

Isang residente ang dumulog sa tanggapan ni Mayor Niña upang humingi ng tulong na agad mailipat ang kanyang kapatid na naka-confine sa ospital dahil sa sakit na iniinda nito sa katawan. Wala pang isang oras ay agad tinugunan ni Mayor Niña ang nasabing request at agad nailipat ang pasyente kung saan maaari siyang ma-ultrasound upang maoperahan.

 

 

2. Mga School Equipment, Muling Ipinagkaloob sa mga Paaralan

 

Mahigit 1.27 milyon pesos mula sa Special Education Fund (SEF) ang inilaan ng Local School Board

para sa pamamahagi ng 36 printers at 18 laptops sa mga pampublikong paaralan sa Bayambang bilang suporta sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon. Bahagi ito ng inisyatibang isinulong ng yumaong Chairperson ng SB Committee on Education na si Councilor Jan Nazer David Junio bilang kongkretong suporta sa sektor ng edukasyon.

 

3. Mayor Niña, Nagdonate ng Handheld Metal Detectors sa PNP

 

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng seguridad sa mga paaralan, nagkaloob si Mayor Niña ng mga handheld metal detector sa PNP at Task Force Disiplina (TFD). Malugod na tinanggap ng Bayambang Municipal Police Station at TFD ang mga nasabing metal detector na gagamitin sa pagpapatupad ng mga security inspection at iba pang hakbang sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga paaralan sa Bayambang.

 

 

4. Nutri-Kitchen, Tampok sa Pagbubukas ng Nutrition Month

 

Naging tampok ang Nutri-Kitchen sa pagbubukas ng 52nd National Nutrition Month celebration noong July 6, kung saan itinampok ang kahalagahan ng masustansya, abot-kaya, at masarap na pagkain sa pamamagitan ng cooking show at healthy food tasting. Sa isang kwelang cooking video, idinemo nina Councilor Jan Nazer David Junio at Dr. Roland Agbuya ang paggawa ng Malunggay Spinach Pesto Pasta, na kalauna'y ipinatikim sa mga kawani ng munisipyo bilang bahagi ng taunang Healthy Food Treat ng Nutrition Office.

 

5. PCA, Nagsagawa ng Bloodletting at Info Caravan

 

A.     Ang Philippine Coconut Authority ay nagsagawa ng isang bloodletting activity kasabay ng isang information caravan patungkol sa Coconut Farmers and Industry Development Plan noong July 6. Sa 72 registered donors, 51 ang nakapag-donate ng dugo sa tulong ng RHU Bayambang at Philippine Red Cross – San Carlos City.

 

B. Iba’t ibang ahensya ng pamahalaan naman ang nagtulung-tulong upang ipakilala ang CFIDP bilang isang programang maghihikayat sa mga magsasaka na magtanim at mag-alaga ng niyog.

 

(Separate pics pls)

 

6. Audition para sa Varsitarian Dance Group, Isinagawa

 

Upang buhaying muli Varsitarian Dance Group na unang sumikat sa Bayambang noong dekada otsenta, nagsagawa ang LGU ng audition noong July 5 sa LGU Dance Studio sa Brgy. Magsaysay upang pumili ng mga bagong miyembro mula sa hanay ng mga lokal na mananayaw. Pinangunahan ng mga orihinal na founders at miyembro ng grupo, katuwang ang screening committee, ang pagpili sa mga kwalipikadong auditionees na sasailalim sa pagsasanay bilang bagong henerasyon ng Varsitarian dancers.

 

7. Mga Magsasaka, Tumanggap ng Isang Recirculating Dryer

 

Tumanggap ang Bayambang District 7 Cluster Organization ng isang unit ng recirculating dryer na nagkakahalaga ng ₱2.94 milyon sa ilalim ng Corn Program ng DA-RFO I sa tulong ng Municipal Agriculture Office. Inaasahang makatutulong ang pasilidad sa pagpapababa ng post-harvest losses, pagpapahusay ng kalidad ng ani, at pagpapataas ng kita ng mga magsasaka.

 

 

8. 500 TODA Members, Tumanggap ng Sahod sa TUPAD

 

Tumanggap ng tig-₱10,100 ang 500 na miyembro ng TODA sa Bayambang sa ilalim ng programang TUPAD ng DOLE noong July 7 sa St. Vincent Prayer Park. Pinangunahan ang payout ng DOLE–Central Pangasinan Field Office sa pakikipagtulungan ng PESO-Bayambang at Treasury Office.

 

9. Search for Nutrition A1 Child, Idinaos

 

Idinaos ng Nutrition Technical Working Group at Child Development Centers noong July 7 ang ika-siyam na Search for Nutrition A1 Child tampok ang patimpalak na Kids Got Talent bilang bahagi ng pagdiriwang ng 52nd Nutrition Month. Itinanghal na kampeon si Zorelle Bhagish A. Espetero ng Brgy. Asin habang muling binigyang-diin ng LGU ang kahalagahan ng wastong nutrisyon at paglinang sa talento ng mga kabataan.

 

10. ESWM Board, Pinagtibay ang Solid Waste Programs

 

Sa kanilang pinakahuling pulong, tinalakay ng Municipal Ecological Solid Waste Management Board ang mga nagawang proyekto, implementasyon ng 10-Year Solid Waste Management Plan, at mga target na programa para sa ikatlong quarter ng taon. Kabilang sa mga ulat ang rehabilitasyon ng Municipal MRF, IEC campaigns sa mga paaralan, tree planting, at mas mahigpit na pagpapatupad ng mga environmental ordinance.

 

11. Task Force Disiplina, Muling Nagpulong

 

Ang Task Force Displina ay muling nagpulong noong July 7 upang talakayin ang iba't ibang isyu. Kabilang dito ang pagtukoy sa mas ligtas na paraan ng pagtawid ng mga estudyante mula BNHS hanggang Tricycle Terminal; pagsasaayos sa paradahan at lahat ng mga exit at entrance sa loob ng Tricycle Terminal at mga parking area; at 3) pagpapanatili ng kaayusan ng Public Plaza, partikular na sa palikuran at likod ng Bayambang Commerical Strip.

 

12. Mga Sanggol, Nag-unahan sa Baby Crawl Challenge

 

A. Noong July 8 naman, ginanap ang kauna-unahang Baby Crawl Challenge para sa Season 3 ng Amazing Race, na nilahukan ng sampung sanggol na may edad anim hanggang labindalawang buwan. Bukod sa masayang paligsahan kung saan nag-unahan sa paggapang ang mga sanggol,...

 

B. ...nagsagawa rin ng isang information campaign upang mapalawak ang kaalaman ng mga magulang at tagapag-alaga tungkol sa wastong nutrisyon at tamang pangangalaga sa mga sanggol.

 

(Separate pics pls)

 

13. TFD at BPSO, Patuloy sa Operation Sita

 

Patuloy ang Task Force Disiplina (TFD) at Bayambang Public Safety Office (BPSO) sa kanilang araw-araw na implementasyon ng Operation Sita laban sa mga colorum na traysikel sa iba't ibang bahagi ng bayan. Layunin ng operasyon na matiyak na ang mga pampasaherong traysikel ay may kaukulang prangkisa at sumusunod sa umiiral na mga ordinansa at regulasyon sa transportasyon, at upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga motorista, operator, at mga commuter.

 

14. Mga Proyektong Pangkabataan, Tinalakay sa Pulong ng SK

Sa buwanang pulong ng SK Federation ng Bayambang, pangunahing napag-usapan ang iskedyul ng Buklat Aklat Year 3, paghahanda para sa Linggo ng Kabataan 2026, at ang panukalang team-building activity para sa federasyon. Tinalakay din ang pagkuha ng Certificate of Good Standing para sa Civil Service Eligibility, ang kasalukuyang estado ng budget plan ng bawat SK Council, at ang implementasyon ng SK Eco Space sa mga barangay.

 

 

 

FOR VO

 


 

15. LGU, May Bagong Rescue Boat

Binasbasan noong July 9 ang bagong rescue boat ng MDRRMO-Bayambang bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng bayan sa pagtugon sa mga kalamidad at emergency. Saa bagong acquisition na ito, higit pang magpapabilis at magpapahusay ang bagong rescue boat sa rescue at response operations ng MDRRMO.


16. 'Bright Smiles, Bright Futures' Year 2, Sinimulan

Sinimulan noong July 9 ang ikalawang taon ng Bright Smiles, Bright Futures Community Oral Health Project ng LGU at Colgate-Palmolive Philippines para sa mga batang nasa Child Development Centers.

Sa unang araw, nagsagawa ang RHU I at RHU II Dental Teams ng oral health education, dental examination, toothbrushing demonstration, at pamamahagi ng oral health kits sa mga piling CDCs. Magpapatuloy ang programa hanggang Setyembre upang maabot ang lahat ng Child Development Centers sa Bayambang.


17. Job Fair ng PESO at PSU, Dinagsa

Dinagsa ng daan-daang aplikante ang job fair na inilunsad ng PESO-Bayambang katuwang ang PSU-Bayambang sa Events Center noong July 9. Nag-alok ng trabaho ang mga kumpanya--12 para sa lokal at 4 para sa overseas employment--habang nagbigay naman ng one-stop shop services ang anim na ahensya ng gobyerno upang mapadali ang pagproseso ng pre-employment requirements ng mga aplikante.


18. PDRA para sa Bagyong 'Inday,' Isinagawa

Pinangunahan ni Mayor Niña ang isang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ng MDRRM Council bilang paghahanda sa pagdating ng Bagyong "Inday" noong July 9. Inilahad ng mga miyembro ang kanilang mga naging paghahanda, kabilang ang deployment ng rescue assets, activation ng response clusters, at paghahanda ng relief goods at iba pang emergency resources.

 

19. LCRO Mobile Services, Nakarating sa Reynado at Apalen
Ipinagpatuloy ng Local Civil Registry Office (LCRO) ang programang "Your Name, Your Right" sa Brgy. Reynado noong Hulyo 8 at sa Brgy. Apalen noong Hulyo 9, kung saan naghatid ng iba't ibang serbisyong pang-civil registration tulad ng late registration, pagwawasto ng rekord, legitimation, supplemental reports, at pagtanggap ng aplikasyon para sa Libreng Kasalang Bayan. Isinagawa rin ang data capture para sa upgraded Community Service Card ng 21 residente mula sa dalawang barangay.

 

20. Dangling Wires at Hazardous Poles, Binaklas sa Burgos St.

 

Muling nagsagawa ang Wire Clearing Action Group ng clearing operations sa Burgos St. ng Poblacion upang alisin ang mga nakalaylay na kawad at mapanganib na poste na maaaring magdulot ng aksidente. Patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga utility providers at hinihikayat ang publiko na iulat ang mga kahalintulad na panganib upang agad na maaksyunan.

 

21. LGU, Mabilis na Umaksyon Matapos ang Lindol

 

Agad na nagsagawa ng evacuation, inspeksyon sa mga gusali, at monitoring operations ang LGU Bayambang at mga partner agencies kasunod ng magnitude 4.5 na lindol noong July 9, habang inaprubahan din ni Mayor Niña ang suspensyon ng trabaho sa LGU at ng klase bilang pag-iingat laban sa aftershocks. Patuloy namang minonitor ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon at pinayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga opisyal na abiso.

 

22. 75 Undernourished na Bata, Nabiyayaan sa Feeding Activity ng BTS

 

Nagsagawa ng isang ng outreach at feeding activity ang grupong Born to Serve o BTS para sa 75 na undernourished na mga bata mula sa walong barangay sa Bayambang, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 51st National Nutrition Month. Isinagawa ang programa sa tulong ng sponsor na si Ms. Berna Terrado at sa pakikipag-ugnayan sa Nutrition Office upang suportahan ang patuloy na pagsusulong ng wastong nutrisyon sa bayan.

 

23. DA-PRDP, Sinuri ang Itinatayong Onion Cold Storage Facility sa Amancosiling Sur

Nagsagawa ng project monitoring at coordination meeting ang Department of Agriculture–Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-up, sa pangunguna ni Assistant Secretary at National Project Director U-Nichols A. Manalo, para sa itinatayong Bayambang Onion Cold Storage Facility sa Brgy. Amancosiling Sur. Layunin ng pagbisita na matiyak ang maayos na pagpapatuloy at napapanahong pagkumpleto ng proyekto upang agad itong mapakinabangan ng mga magsasaka at higit na mapalakas ang post-harvest support sa sektor ng agrikultura sa Bayambang.

 

 

CLOSING

 

24. Halina't Makiisa sa National Disaster Resilience Month 2026!

 

Ang LGU-Bayambang ay malugod na nakikiisa sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month! Abangan ang mga inihandang aktibidad ng MDRRMO ngayong buwan ng Hulyo.

 

-        Matapos sumama sa NDRM 2026 Kick-off sa La Union at lumibot sa mga paaralan at barangay para sa isang information drive, ang MDRRMO ay nakatakdang mag-Lakbay Aral sa Kawayan Ecopark sa probinsya ng Cavite upang matuto ng mga bagong kaalaman para sa bamboo planting kaugnay ng Agno River Rehabilitation Project.

-        Kasunod nito ay ang DRRM Exhibit sa Events Center sa July 17 kung saan tampok ang mga programa at inisyatibo ng MDRRMO sa resilience at preparedness

-        Ito ay susundan ng isang DRRM Course for Public Sector sa July 22-24 sa Events Center upang mapalakas ang kapasidad ng ating mg first responders.

-        Kasunod nito ay isang DRRM Photo Contest upang ibida ang disaster preparedness, emergency response, environmental protection, at community resilience sa pamamagitan ng sining ng photograpiya.

 

***

 

[ENERGY, VOLUME, SMILE!]

 

OUTRO

 

1: At iyan po ang ilan sa mga mahahalagang balitang ating tinutukan ngayong linggo.

 

2: Muli, ako po si __________.

 

1: At ako naman po si _________, mula sa ______________ Office.

 

2: Patuloy nating tutukan ang mga programa at proyektong nagbibigay ng positibong pagbabago sa buhay ng bawat Bayambangueño.

 

1: Hanggang sa susunod na edisyon…

 

1&2: Ito ang…BayambangueNews!

 

 

No comments:

Post a Comment