MONDAY REPORT - AUGUST 3, 2026
[Observe proper volume, speed, diction, and don’t forget
to smile.]
INTRO
NEWSCASTER 1: Magandang araw, Bayambang! Ako po si ______
mula sa ______ Office.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si ______, mula rin sa __________
Office. Narito na ang mga pinakamahahalagang kaganapan sa ating bayan ngayong
linggo.
NEWSCASTER 1: Mga programa, proyekto, at aktibidad ng LGU...
mga balitang dapat ninyong malaman!
NEWSCASTER 2: ... Mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon
sa ating bayan. Ating sabay-sabay na tutukan.
SABAY: Ito ang… BayambangueNews!
________________________________________
1.
ISO QMS Certification, Muling Napanatili
ng LGU!
Muling napanatili ng LGU ang ISO 9001:2015 Quality
Management System Certification matapos itong makapasa sa external audit noong
July 20, matapos walang maitalang major o minor non-conformities sa lahat ng
tanggapan. Binigyang-diin ni Mayor Niña na ang ISO ay hindi simpleng sertipiko
o tropeyo, kundi isang pangakong isabuhay araw-araw ang de-kalidad, episyente,
at maaasahang serbisyo publiko para sa bawat Bayambangueño.
2.
LGU, Nakiisa sa Induction at Coronation
Night ng BASC
Noong June 11, nakiisa ang LGU sa Induction of Officers at
Coronation Night ng Bayambang Association of Southern California sa Los Angeles
City, California, kung saan kinatawan si Mayor Niña nina Municipal
Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, at BPC President, Dr.
Rafael Saygo. Sa harap ng mahigit dalawang-daang Bayambangueño at iba pang
Pangasinense, ibinahagi ang mga programa at proyekto ng bayan at hinikayat ang
mga kababayang nasa Amerika na maging katuwang sa patuloy na pag-unlad ng
Bayambang sa pamamagitan ng pamumuhunan, pagsuporta sa edukasyon, at iba pang
makabuluhang inisyatiba.
3.
3-Day DDRM Course for Public Sector,
Nagpatuloy
Sa layong palakasin ang kahandaan at kakayahan ng mga
lingkod-bayan sa pagharap sa mga sakuna, muling nagpatuloy ang MDRRMO sa
pagbibigay nito ng tatlong araw na Disaster Risk Reduction & Management
Course for Public Sector mula July 22 hanggang 24 sa Events Center, sa tulong
ng Office of Civil Defense Region I. Sa pagkakataong ito, naging kalahok ang
mga opisyal ng barangay sa District 7 at mga bagong department head ng LGU.
4.
KSB Year 9, Nagpatuloy sa San Gabriel 2nd
Muling inilapit ng LGU ang iba't ibang serbisyong publiko sa
malalayong barangay sa pamamagitan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 9
noong July 23 sa San Gabriel 2nd Covered Court. Nakinabang dito ang mga
residente ng Brgy. Paragos, San Gabriel 2nd, at Iton at nagpasalamat sa mga
libreng serbisyong medikal at dental, legal consultation, financial assistance,
bakuna sa hayop, pagproseso ng mga dokumento, employment services, libreng
gupit, pamamahagi ng buto at punla, at iba pa.
5.
Bayambang, Nakiisa sa 48th National
Disability Rights Week Celebration
Nakiisa ang LGU sa pagdiriwang ng 48th National Disability
Rights Week sa pamamagitan ng isang seminar at leadership training para sa PWD
leaders. Tinalakay sa programa ang Magna Carta for Persons with Disabilities,
isinagawa ang oathtaking ng mga bagong opisyal ng PWD Federation, at pinalakas
ang kakayahan ng mga lider upang higit na maisulong ang pantay na karapatan,
aktibong partisipasyon, at inklusibong pag-unlad sa bawat barangay.
6.
Polisiya para sa Lokal na Pagmimina at
Quarrying, Binalangkas
Nagdaos ang LGU ng isang Technical Working Group Meeting on
Mining and Quarrying Activities upang palakasin ang koordinasyon at
pagpapatupad ng mga regulasyon sa pagmimina at quarrying sa bayan ng Bayambang.
Tinalakay sa pulong ang mga tungkulin ng TWG, monitoring at reporting system,
koordinasyon ng mga opisina, at iba pang mekanismong magtitiyak ng
responsableng pangangasiwa sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pagmimina at
quarrying sa Bayambang.
7.
NIA, Nag-inspeksyon para sa Irrigation
Project
Nagsagawa ang National Irrigation Administration
(NIA)-Central Office, NIA-Region I, at SDS Consultancy ng pinal na site
inspection para sa Bayambang Pump Irrigation Project sa Barangay Amancosiling
Norte noong July 22, bilang paghahanda sa susunod na yugto ng implementasyon.
Inaasahang magbibigay ang proyekto ng mas maaasahang suplay ng irigasyon sa mga
sakahan, na magpapataas ng ani, magpapalakas sa kabuhayan ng mga magsasaka, at
makatutulong sa food security ng bayan.
8.
Managos Co-op Members, Nagtapos sa
Buffalo Production and Management Training
Matagumpay na nakumpleto ng mga kasapi ng Managos Farmers
Agriculture Cooperative ang apat na araw na Social Preparation at Buffalo
Production and Management Training bilang paghahanda sa pagtanggap ng mga
genetically superior carabao sa ilalim ng Philippine Carabao Center Buffalo
Production Program. Sa tulong ng PCC at ng LGU, pinalawak ng pagsasanay ang
kaalaman ng mga kalahok sa wastong pag-aalaga ng kalabaw at pagpapalakas ng
kanilang kooperatiba upang mapabuti ang kabuhayan at kita.
9.
San Gabriel II-to-Pantol Farm-to-Market
Road Concreting, Sinimulan!
A. Pinangunahan ni Mayor Niña ang contract signing para sa
Road Opening and Concreting of San Gabriel II–Pantol Farm-to-Market Road sa
pagitan ng LGU at ng contractor na R.R. Ricafort Construction and Supplies. Ang
kontrata ay nagkakahalaga ng mahigit 302 million pesos.
B. Matapos nito, pormal na sinimulan ang road opening at
concreting noong July 24 upang mapadali ang pagbiyahe ng ani ng mga magsasaka,
mapababa ang kanilang gastos sa transportasyon, at mapalakas ang kanilang kabuhayan.
10. LGU
CDC, Nagdiwang ng Nutrition Month
Ang Municipal Child Development Center ay nagdaos ng
sariling pagdiriwang ng Nutrition Month noong July 28, kung saan ang mga
daycare learner ay nagpaligsahan sa Healthy Food Costume Showcase. Mayroon ding
Little Chef Cookfest, kung saan sila ay nagtagisan sa tatlong segments: ang Healthy
Snacks Making, Healthy Sip, at Healthy Plating contest.
11. Gawad
Parangal, Idinaos sa Pagtatapos ng Nutrition Month
Noong July 29, nagtapos ang pagdiriwang ng Nutrition Month
2026 sa isang gawad parangal para sa lahat ng mga nagwagi sa mga naging patimpalak
at sa mga natatanging indibidwal at grupo na nagbigay ng suporta sa programang
pangnutrisyon ng pamahalaang bayan. Kabilang sa mga pinarangalan ang mga nanalo
sa Search for Nutrition A1 Child Year 9, Baby Crawl Challenge, Search for
Outstanding Barangay Nutrition Scholar, Search for Outstanding Barangay
Nutrition Committee, Search for Outstanding HAPAG Implementer, Search for
Outstanding Schools Nutrition Program Management, mga CSO, NGO, donor, at iba
pang partner na buong-pusong sumusuporta sa LGU nutrition programs, at
Nutrition Month 2026 Technical Working Group members.
12. Awarding
Ceremony para sa National Disaster Resilience Month, Idinaos
Noong July 30, nagtapos naman ang pagdiriwang ng National
Disaster Resiliency Month 2026 sa isang gawad parangal para sa mga nagwagi sa DRRM
photo contest. Isinagawa ang aktibidad sa Municipal Museum.
13. Technical
Budget Hearing, Isinagawa
Ang LGU ay nagsagawa ng isang technical budget hearing upang tiyakin ang
maayos at episyenteng paglalaan ng pondo para sa mga programa, proyekto, at
serbisyong nakapaloob sa Annual Investment Program ng munisipyo. Dinaluhan ito
ng mga department head at kinatawan ng iba't ibang tanggapan na nagpresenta ng
kani-kanilang panukalang badyet, bilang bahagi ng masusing pagpaplano para sa
patuloy na paghahatid ng mahusay na serbisyo publiko.
14. OSCA,
Nakipagpulong ukol sa Panukalang Universal Social Pension for Senior Citizens
Lumahok ang Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) ng
Bayambang sa isang Convergence Meeting noong July 24 sa Lingayen upang
talakayin ang panukalang Universal Social Pension na naglalayong mabigyan ng
social pension ang lahat ng senior citizen anuman ang kanilang kalagayan sa
buhay. Ipinaliwanag dito ng DSWD ang kasalukuyang proseso ng pagpili ng mga
benepisyaryo sa pamamagitan ng CBMS, PSA verification, at validation ng DSWD at
mga katuwang na ahensya.
15. Natagpuang
Cobra, Kaagad Itinurn-over sa Otoridad
Isang juvenile Philippine cobra ang boluntaryong isinuko ni
PSMS Vina de Leon ng Bayambang Municipal Police Station sa MENRO matapos itong
matagpuan sa kanilang bakuran. Kaagad itong inasikaso at ligtas na itinurn-over
sa DENR-CENRO Dagupan noong July 27. Muling pinaalalahanan ang publiko na iulat
sa mga awtoridad ang mga wildlife species sa halip na saktan o patayin ang mga
ito.
16. Mayor
Niña, Nagdonate ng Dog Food at Gamot
Nagkaloob si Mayor Niña, sa pamamagitan ng Agriculture
Office, ng apat na sako ng dog food at mga gamot sa Rescued Paw PH sa Brgy.
Pantol, upang makatulong sa pangangalaga sa mga nailigtas na aso at pusa.
Bahagi ito ng pagsulong ng LGU sa mga programang nagtataguyod ng animal welfare
at pagsuporta sa mga indibidwal at grupong kumakalinga sa mga abandonado at
nirescue na hayop.
17.
Vertical Garden Project, Itinayo sa Munisipyo
Nagtayo ang ESWMO ng isang pilot vertical garden sa likurang
bahagi ng Engineering Office at sa tabi ng Nutrition Office, bilang bahagi ng
programa ng LGU para sa mas luntiang kapaligiran at malikhaing pag-transform ng
limitadong espasyo gamit ang plastic containers bilang recyclable materials.
Bunga ng pagtutulungan ng iba't ibang tanggapan ng munisipyo, ang proyekto ay
isa nang produktibong gulayan na nagsusulong ng urban gardening, food security,
at pangangalaga sa kalikasan.
18. Municipal
Councilors, Dumalo sa PCL National Assembly 2026
Dumalo ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Bayambang sa
2nd Quarterly Continuing Local Legislative Education Program ng Philippine
Councilors League mula July 29 hanggang 31 sa Iloilo City. Tinalakay sa
programa ang mga estratehiya sa pagpapalakas ng katatagan ng mga lokal na
pamahalaan, kabilang ang energy resilience, food security, green
infrastructure, at water security, upang higit pang mapaunlad ang serbisyo
publiko.
19. LGU,
Kalahok sa Induction of ECCD Service Providers
Lumahok ang LGU sa tatlong araw na Induction Program for
Local ECCD Service Providers upang higit pang mapahusay ang pagpapatupad ng mga
programa para sa maagang pag-aalaga at pag-unlad ng mga bata. Tinalakay sa
pagsasanay ang pagpapalakas ng mga serbisyo sa nutrisyon, social services, at
lokal na pagpaplano upang mas epektibong matugunan ang pangangailangan ng mga
bata at kanilang pamilya.
20. Validation
ng Potential Beneficiaries para sa Social Pension, Isinagawa
Sumailalim sa validation activity ang 619 senior citizens na
potential beneficiaries ng Social Pension Program sa pangunguna ng OSCA,
katuwang ang DSWD, MSWDO, at iba pang ahensya upang matiyak ang maayos at
transparent na proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo. Ipinaalala ng mga
opisyal na ang pagdalo sa validation ay hindi garantiya ng pagiging
benepisyaryo, sapagkat ang pinal na pagpili ay nakabatay sa resulta ng
beripikasyon at sa mga itinakdang pamantayan ng DSWD.
VO
1.
LGU, Pinarangalan sa Pagsuporta sa
Rehabilitasyon ng Kabataan
Ang LGU ay ginawaran ng Certificate of Recognition ng DSWD
Field Office I bilang pagkilala sa mahalagang suporta, aktibong
pakikipagtulungan, at matatag na dedikasyon nito sa mga programa at serbisyo ng
Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY). Iginawad ang parangal noong
March 12 sa Bauang, La Union.
2.
Bayambang, National Representative ng Region
I sa Gawad Pugay Puso!
Sa pinakahuling pulong ng Municipal Advisory Council,
inanunsyo ng DSWD Region I na magiging kabilang ang LGU-Bayambang sa mga
napiling national representative ng DSWD Region I sa Search for Gawad Pugay
Puso sa taong 2026 ng 4Ps National Program Management Office ng naturang
departamento. Ito ay dahil sa pagkapanalo nito bilang Best 4Ps Implementing LGU
sa buong rehiyon.
3.
Bayambang, Top 7 sa Pangasinan at Top 11 sa
Region I sa Local Revenue!
Naging Top 7 sa Pangasinan at Top 11 sa Region I ang
Bayambang sa Locally Sourced Revenue (LSR) para sa unang kuwarter ng 2026, ayon
sa Bureau of Local Government Finance, matapos makalikom ng 75.43 million pesos
na lokal na kita. Ang tagumpay na ito ay bunga ng pagtutulungan ng LGU at ng
mga tapat na nagbabayad ng buwis, na ang ambag ay patuloy na nagpapalakas sa
paghahatid ng mga serbisyo publiko at programang pangkaunlaran para sa bawat
Bayambangueño.
4.
Budget Office at Treasury, Binigyan ng Komendasyon!
Ang Bureau of Local Government Finance (BLGF) ay nagbigay ng
komendasyon sa Bayambang Municipal Budget Office at Municipal Treasury Office
matapos makitang compliant ang mga ito sa pagsumite ng Statement of Receipts
and Expenditures Reports para sa second quarter ng Financial Year 2026. Congratulations
sa Budget Office at Treasury Office!
5.
Bayambang, Pinarangalan sa 498% Tax
Collection Increase!
Kinilala ng Bureau of Internal Revenue Revenue District 4
ang Lokal na Pamahalaan at si Lady Ann Razzel Purisima ng Accounting Office
noong July 22, dahil sa kanilang natatanging kontribusyon sa paglago ng
koleksyon ng buwis. Kinilala ang LGU at si Ms. Purisima matapos makapagtala ang
bayan ng 498% na pagtaas sa tax payment noong buwan ng Mayo 2026, kumpara sa
koleksyon noong nakaraang taon. Dahil dito, ang Bayambang ay kinalala na may
pinakamataas na pagtaas ng ibinayad na buwis o "Highest Increase in Tax
Payment" sa lahat ng LGU sa ilalim ng hurisdiksyon ng distrito.
6.
Mga RHU, Ginawaran ng Certificate of
Quality Service
Ginawaran ng Department of Health – Ilocos Center for Health
Development, sa ilalim ng National Rabies Prevention and Control Program, ng
Certificate of Quality Service ang Bayambang Rural Health Unit I, II, at III,
matapos matugunan ang mga itinakdang pamantayan para sa Animal Bite Treatment
Center. Inisyu ang mga sertipiko bilang pagkilala sa pagsunod ng tatlong RHU sa
mga pamantayan ng DOH para sa dekalidad na serbisyo sa Animal Bite Treatment
Center.
7.
Mayor Niña, Nag-ulat sa Bayan sa SOMA
2026
Bunga ng matatag na pamumuno, mahusay na pamamahala, at
sama-samang pagkilos ng lokal na pamahalaan at mamamayang Bayambangueño,
inilahad ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang mga makabuluhang tagumpay na naabot ng
bayan sa kanyang State of the Municipality Address 2026 noong July 27. Sa
kanyang ulat, binigyang-diin niya ang mga programa, proyekto, at inisyatibang
nagbigay ng positibong pagbabago sa iba't ibang sektor—mga bunga ng isang
pamahalaang nakatuon sa mahusay na paglilingkod, pananagutan, at patuloy na pagsusulong
ng isang mas maunlad, matatag, at inklusibong Bayambang.
OUTRO
NEWSCASTER 1: Maraming salamat sa inyong pagtutok.
NEWSCASTER 2: Abangan ang mas marami pang balitang
direktang nagmumula sa inyong pamahalaang bayan.
NEWSCASTER 1: Muli, ako po si ______.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si ______, at kami po ay
mula sa ____ Office.
SABAY: Ito ang... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment