Friday, May 22, 2026

MONDAY REPORT - May 25, 2026

 

MONDAY REPORT

May 25, 2026

INTRO

Newscaster 1: Magandang araw, mga Bayambangueño! Ako po si ________, handang maghatid ng mga napapanahon at mahahalagang balita mula sa ating bayan.

Newscaster 2: At ako naman po si ________, at kami ay mula sa __________ Office, na magbibigay ng malinaw, makabuluhan, at mapagkakatiwalaang impormasyon para sa ating komunidad.

Newscaster 1: Mula sa mga programa, proyekto, at kaganapan—narito kami upang iparating ang mga balitang dapat ninyong malaman.

Newscaster 2: Dahil sa bawat balita, mahalaga ang tamang impormasyon na nag-uugnay at nagbibigay-serbisyo sa bawat Bayambangueño.

Both: Ito ang… BayambangueNews!

*****

HEADLINES

1.     Municipal Bonery, Nilinis

Matagumpay na natapos ng SEE staff ang paglilinis at clearing operations sa Bonery area ng Public Cemetery. Patuloy namang pinananatili ang kaayusan at kalinisan ng nasabing pasilidad.

2.     Top 15 Barangays sa HAPAG Project, Sumailalim sa Validation

Isang on-site validation ng HAPAG Project ang isinagawa noong May 13 at 14 sa mga pinaka-natatanging barangay upang matukoy ang pinakamahusay na implementer ng programa. Sinuri ng validation team ang mga community garden, nutrition initiatives, at sustainable gardening practices batay sa iba’t ibang criteria tulad ng paggamit ng recyclable at organic materials, at ornamental vegetation. Bibigyang pagkilala ang mga nanalong barangay sa darating na Nutrition Month Culmination Day.

3.     Mga Serbisyong Sibil, Direktang Inihatid sa 3 Barangay

Noong May 14, 20, at 21, sumunod namang nagtungo ang Local Civil Registrar sa Brgy. Tococ West, Inanlorenza, at Malimpec, upang mailapit doon ang mga serbisyong pangsibil. Nagbigay ng mahahalagang impormasyon ang LCRO hinggil sa late registration, correction of entries, paggamit ng apelyido ng ama, legitimation, at iba pang serbisyong direktang nakatulong sa mga residente. Nagsagawa rin dito ng data capturing para sa upgraded Community Service Card.

4.     Bayambang, Nag-host ng Distinguished Gentleman’s Ride 2026

Matagumpay na naging host ang bayan ng Bayambang sa culmination at solidarity meeting ng “Distinguished Gentleman’s Ride 2026” noong May 17, sa St. Vincent Ferrer Prayer Park sa pangunguna ng MTICAO. Naging panauhing pandangal si Mayor Niña, na nirepresenta ni Councilor Jocelyn Espejo. Dinaluhan ang aktibidad ng daan-daang riders mula sa iba’t ibang motorcycle groups sa Pangasinan at Tarlac bilang bahagi ng pandaigdigang ride para sa adbokasiya ng men’s health at mental health awareness.

5.     Blood Drive, Nakaipon ng 32 Blood Bags

Naging matagumpay ang mobile blood donation drive ng RHU I na ginanap sa Brgy. Tamaro Covered Court sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross – San Carlos City Chapter. Sa kabuuang 46 na registrants, 32 ang naging successful donors, kaya nakapagkolekta rin ng 32 blood bags ang bloodletting activity. Dagdag-suporta ito sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng dugo para sa mga nangangailangan sa komunidad.

6.     Search for Permanent BPC President, Binuksan!

Sa ginanap na 1st Board of Trustees Meeting ng Bayambang Polytechnic College, inanunsyo nina Dr. Cezar Quiambao at Mayor Niña ang pagbubukas ng search for a permanent president ng Bayambang Polytechnic College. Inanunsyo rin nila na bukod sa libreng tuition para sa mga estudyanteng taga-Bayambang, inilibre na rin ang kanilang graduation fees.

7.     SPES Students, Idineploy sa LGU

Labintatlong kabataan ang naging unang batch ng mga bagong benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students program ng DOLE, at pormal silang ipinakilala sa tanggapan ni Mayor Niña. Ayon sa PESO, nakadeploy na ang unang batch sa iba’t ibang tanggapan habang inihahanda pa ang mga dokumento ng susunod na labindalawang benepisyaryo.

8.     Bagong Pamunuan ng PWD Federation, Nailuklok

Pormal na nailuklok noong May 14 ang bagong hanay ng mga opisyal ng Bayambang Persons with Disabilities (PWD) Federation sa pangunguna ni Efren Estabaya bilang pangulo. Nahalal din ang iba pang federation officers at district leaders mula sa iba’t ibang barangay upang magsilbing kinatawan ng sektor ng PWD sa buong bayan. Layunin ng bagong pamunuan na higit pang mapalakas ang pagkakaisa at pagsusulong sa kapakanan ng mga PWD sa Bayambang.

9.     Mga Programa, Pondo, at Development Plans ng Bayan, Tinalakay sa MDC Meeting

Sa ginanap na Municipal Development Council Meeting, tinalakay ang implementasyon ng mga programa at paggamit ng pondo ng bayan, kabilang ang 2026 Annual Investment Program, 20% Development Fund, budget utilization at fund performance, at pag-apruba sa Supplemental Investment Program No. 3 para sa taong 2026, na inaasahang magsisilbing dagdag na hakbang upang masuportahan ang mga prayoridad na proyekto at pangangailangan ng iba’t ibang sektor sa bayan.

10.  MDRRMO, Naglakbay-Aral sa San Roque Dam

Nagsagawa ng technical visit ang MDRRMO sa San Roque Multipurpose Project sa bayan ng San Nicolas at San Manuel, Pangasinan, upang mapalawak ang kanilang kaalaman hinggil sa flood control, disaster risk reduction, at power generation ng pasilidad. Tinalakay sa pagbisita ang mahahalagang operasyon kabilang ang irrigation system, flood control, power generation, water quality management, at safety features ng San Roque Dam. Ipinakita rin ang iba’t ibang technical features ng dam tulad ng hydrology system, reservoir, spillway, generators, atbp.

 

11.  Year 3 ng Search for Outstanding BNC, Isinagawa!

 

Isinagawa noong May 19–20 ang validation para sa ikatlong taon ng Search for Most Outstanding Barangay Nutrition Committee sa Bayambang gamit ang evaluation tool ng National Nutrition Council na MELLPI PRO. Masusing sinuri ng Municipal Nutrition Committee ang mga barangay na nakabilang sa top 5 batay sa kanilang vision at mission, mga naipatupad na polisiya at programa, pamamahala ng Local Nutrition Committee, nutrition services, at pagbuti ng nutritional status indicators sa kanilang komunidad.

 

12.  MDRRMC, Nag-aalerto para sa Ligtas at Maayos na Summer Vacation

 

Mula noong Abril 1 hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasagawa ng roving at monitoring ng MDRRMC sa 5 resorts at 36 barangays na dinadaanan ng Agno River sa bayan ng Bayambang bilang bahagi ng aktibidad para sa Ligtas na Summer Vacation 2026. Sa utos ni Mayor Niña katuwang ang MDRRMO at buong barangay DRRM frontliners, nagsasagawa ng dalawang beses na roving at monitoring sa ating kailugan, kalsada, at kapaligiran araw-araw upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa mga lugar na dinarayo ngayong tag-init.

 

13.  Problema ng School Supply Vendors, Agad Inaksyunan

 

Noong May 20, pinulong ng Public Market ang mga school supply vendors upang agarang matugunan ang kanilang mga hinaing kaugnay ng patuloy na pag-ulan na nagdudulot ng suliranin sa kanilang hanapbuhay. Dahil sa problema sa tubig-ulan, nababasa ang kanilang mga panindang supply kaya’t nahihirapan silang magbenta. Kaya naman sa pagpupulong, bumuo ng plano para sa agarang solusyon.

 

 

14.  Social Dance Workshop para sa mga Empleyado ng LGU Bayambang, Nagsimula na

Pormal nang nagsimula ang Social Dance Workshop para sa mga empleyado ng munisipyo noong May 21, sa Dance Studio ng Social Annex Building A – Bougainvillea Building, kung saan tampok ang cha-cha, ballroom, boogie, rumba, at salsa. Ang workshop ay isasagawa tuwing Huwebes mula alas-5:00 hanggang alas-6:00 ng hapon at bukas sa lahat ng empleyado.

15.  RPVARA Tax Amnesty Program, Bukas Pa sa Taxpayers Hanggang July 5, 2026

Pinaaalalahanan ng Municipal Treasury Office ang lahat ng taxpayers na maaari pang makapag-avail ng RPVARA Tax Amnesty Program hanggang July 5, 2026.

Sa ilalim ng programa, maaaring maalis ang penalties, surcharges, at interes sa hindi nabayarang Real Property Tax para sa mga obligasyong naipon bago ang July 5, 2024.

Para sa iba pang detalye, maaaring bumisita sa Municipal Treasury Office tuwing Lunes hanggang Huwebes, mula 7:00 A.M. hanggang 6:00 P.M o tumawag sa (075) 633-1000.

16.  LGU, Muling Umani ng Parangal mula sa PhALGA

Muling binigyan ng Excellence Award ang LGU-Bayambang, sa pamamagitan ng Accounting Office, sa ginanap na na 21st Annual National Conference of the Philippine Association of Local Government Accountants o PhALGA sa Dapitan City, Zamboanga del Norte. Nirepresenta si Mayor Niña sa nasabing parangal ni Municipal Accountant Flexner de Vera, isang pagkilala sa mahusay at maayos na pamamahala sa lahat ng transaksyon kaugnay ng pananalapi ng bayan.

 

*****

BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!

Kuya Ngen, pasok!

Bayambang, dapat alam mo na ibang-iba na talaga ang Bayambang ngayon kung ikukumpara noon.

Ito ‘yung klase ng improvement na kapag matagal kang hindi umuwi ng Bayambang, mapapahinto ka talaga at mapapasabi ng: “Wait! Bayambang pa rin ba ‘to?”

Dapat alam mo na simula nang maupo ang kasalukuyang administrasyon, Team Quiambao-Sabangan, sabay-sabay at sunud-sunod ang mga infrastructure project sa iba’t ibang bahagi ng bayan. At hindi lang ito isang project dito, isang pintura doon.

Literal na malawakang development. Na para bang walang pahinga ang construction era ng Bayambang.

Dapat alam mo na noon, iilang barangay lang ang may covered court. Pero ngayon? Halos lahat na ng 77 barangays ay mayroon na! From basketball liga, barangay assembly, evacuation, feeding program, graduation, hanggang Zumba dance showdown ng mga tita niyo—covered court ang sentro ng lahat.

Pero wait! There’s more!

Bayambang, dapat alam mo na may ginagawa nang San Gabriel II to Pantol Farm-to-Market Road with Bridge project, salamat sa pondo mula sa DA-PRDP o Philippine Rural Development Project. Kasi noon, ang daang ito ay para bang trial version ng off-road adventure ang atake talaga. Kapag umulan? Automatic putikan edition.

Pero ngayon? Mas magiging maayos na ang biyahe ng mga magsasaka lalo na ng mga nagsisibuyas, mas mabilis na naihahatid ang mga produkto, at mas napapadali ang transportasyon sa mga barangay.

Noon, tignan niyo ang itsura ng covered court ng Munisipyo na dating events center. Ikumpara niyo ito sa Balon Bayambang Events Center ngayon.

Noon, dalawa lamang ang ating RHUs. Ngayon, mayroon na tayong anim na RHU upang makarating ang mga health services sa pinakamalalayong barangay.

Noon, mayroon lamang tayong dalawang police precincts. Ngayon, may himpilan na ang pulisya sa lahat ng siyam na distrito upang mapanatili ang kapayapaan kahit saanman.

Noon, wala tayong maayos na Tricycle Terminal para sa ating mga trike drivers. Ngayon, malayong mas kumportable na ang ating mga driver ng trike.

Noon, walang maayos na bagsakan. Pero ngayon, kitang-kita naman ang layo ng pagkakaiba sa ating bagong bagsakan.

Noon, ang ating central terminal ay napakaliit at napakasikip. Ngayon, pagmasdan natin ang ganda at aliwalas ng ating modernong Central Terminal sa PSU.

Pero, Bayambang, eto ang pinaka-nakakagulat. Ito ang plot twist! Sa dami ng nagawa sa loob lamang ng ilang taon, tuluy-tuloy pa rin ang development tulad ng BPC campus at mga cold storage. Meaning, hindi pa ito peak o final form!

Kaya kung noon, ang tingin lang ng iba sa Bayambang ay ordinaryong bayan… ngayon? Bayambang is proving na kaya rin nating sumabay sa modernong development basta tuluy-tuloy ang proyekto, malinaw ang direksyon, at may maayos na namumuno.

Bayambang, ang mga pagbabagong ito… ay dapat alam mo!

Muli, ako si Kuya Ngen, na nagsasabing ang weather ay buhay-buhay lang!

***

OUTRO

Newscaster 1: At diyan nagtatapos ang ating mga pangunahing balita para sa linggongna ito. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtutok at pakikiisa.

Newscaster 2: Asahan ninyo ang patuloy naming paghahatid ng mga balitang makabuluhan, napapanahon, at kapaki-pakinabang sa ating komunidad. Muli ako po si ______.

Newscaster 1: At ako naman po si ____________, mula sa ____________. Naghahatid ng tapat at makabuluhang balita para sa bawat Bayambangueño.

Both: Ito ang… BayambangueNews!

No comments:

Post a Comment