Sunday, May 31, 2026

MONDAY REPORT - June 1, 2026

MONDAY REPORT

June 1, 2026

INTRO

Newscaster 1: Magandang araw, mga Bayambangueño! Ako po si ________, handang maghatid ng mga napapanahon at mahahalagang balita mula sa ating bayan.

Newscaster 2: At ako naman po si ________, at kami ay mula sa __________ Office, na magbibigay ng malinaw, makabuluhan, at mapagkakatiwalaang impormasyon para sa ating komunidad.

Newscaster 1: Mula sa mga programa, proyekto, at kaganapan—narito kami upang iparating ang mga balitang dapat ninyong malaman.

Newscaster 2: Dahil sa bawat balita, mahalaga ang tamang impormasyon na nag-uugnay at nagbibigay-serbisyo sa bawat Bayambangueño.

Both: Ito ang… BayambangueNews!

*****

HEADLINES

1.     Mas Modernong HR System, Inilunsad sa LGU sa Pamamagitan ng IHRIS

Nagsagawa ang ICT Office, noong ika-25 ng Mayo 2026 ng isang orientation para sa Modernized Document Management System (MDMS) at Integrated Human Resource Information System (IHRIS) upang maging pamilyar ang mga empleyado sa mga features at tamang paggamit ng mga makabagong sistema, na makasisiguro sa mas mabilis at epektibong operasyon sa loob ng LGU.

Kasalukuyan na ring nire-rehistro ng ICT Office ang lahat ng empleyado sa IHRIS bilang bahagi ng digitalization program ng LGU. Layunin nitong mapabilis at ma-automate ang mga proseso sa human resource management gamit ang database-driven decision making at integrated PRIME-HRM processes.

2.     TODA Officers at Traffic Enforcers, Lumahok sa Road Safety at Safe Spaces Act Seminar

Pinangunahan ng Bayambang Public Safety Office ang isang seminar tungkol sa Road Safety at Safe Spaces Act para sa mga TODA officer, BPSO traffic enforcer, at mga empleyado ng Munisipyo noong Mayo 22. Tinalakay ni PMSG. Crisalyn de Villa ang Safe Spaces Act o “Bawal Bastos Law,” habang ibinahagi naman ni Mr. Benson Resuello ng LTO-Bayambang ang mahahalagang kaalaman sa road safety at traffic laws. Binigyang-diin nina Atty. Rodelynn Rajini Sagarino Vidad, Municipal Administrator at BPSO OIC, at 1Lt. Amory Junio, TFD Deputy at BPSO Chief Operation, ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada at pampublikong lugar sa bayan.

3.     Ballerinang Bayambangueña, Nagpamalas ng World-Class na Performance

Nagpamalas ng world-class ballet performance si Cassandra Venice Santos, isang Bayambangueñang ballet dancer mula sa Barangay Inirangan, ngayong Mayo 25. Sa murang edad, kinatawan na niya ang Pilipinas sa mga prestihiyosong dance festival sa Malaysia at South Korea at nagwagi sa ilang international dance competitions. Nagsanay din siya sa Vaganova Ballet Academy at Bolshoi Ballet Academy sa Russia at kasalukuyang apprentice ng Quezon City Ballet at Halili-Cruz Dance Company.

4.     Mga Batang Ballerina, Nagpakitang-Gilas sa Dance Recital

Matagumpay na nagtapos ang unang batch ng Summer Dance Class sa pamamagitan ng isang dance recital na ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong Mayo 26. Ipinamalas ng mga batang ballet dancer ang kanilang talento at mga natutuhang kasanayan sa sayaw matapos ang ilang linggong pagsasanay. Matapos ang pagtatanghal, ginawaran sila ng Certificate of Completion bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at matagumpay na pagtatapos ng programa. Si Coach Perry Sevidal naman ay tumanggap ng sertipiko bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa paghubog ng mga batang mananayaw.

5.     Bayanihang Bulilit, Sinimulan sa Child Development Centers

Opisyal nang inilunsad noong May 25, 2026 ang “Bayanihang Bulilit” sa lahat ng Child Development Centers bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ng Pre-K at ITED learners.

Katuwang ang mga magulang, barangay officials, at komunidad, isinasagawa ang clean-up activities upang matiyak ang maayos at ligtas na mga pasilidad. Tumatanggap din ang ECCD ng mga donasyong cleaning materials para sa patuloy na pagpapanatili ng kalinisan sa mga daycare centers.

6.     ARTA, Nagsagawa ng Monitoring Inspection sa LGU Bayambang

Noong May 25, nagsagawa ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) Northern Luzon Regional Field Office ng monitoring inspection sa mga opisina at departamento ng LGU Bayambang upang suriin ang pagsunod nito sa mga probisyon ng Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Kabilang sa mga sinuri ang pagpapatupad ng Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS), Citizens' Charter, Public Assistance and Complaints Desk (PACD), at iba pang programang naglalayong mapabilis at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga mamamayan.

7.     QMS Orientation at Re-Orientation para sa mga LGU Employees, Isinagawa

Bilang paghahanda sa nalalapit na ISO 9001:2015 Recertification Audit sa Hulyo 2026, nagsagawa ang LGU Bayambang ng QMS Orientation para sa mga bagong empleyado noong Mayo 26 sa Balon Bayambang Events Center. Pinangunahan ni Mr. Ricky V. Bulalakaw, Overall Document Control Custodian, ang pagpupulong kung saan tinalakay ang kahalagahan ng Quality Management System (QMS), risk management, at iba pang preparasyon upang mapanatili ang mataas na kalidad ng serbisyo publiko sa lokal na pamahalaan.

8.     2nd Quarter MAC Meeting, Tinalakay ang Updates para sa 4Ps Beneficiaries

Ginanap noong May 26, ang 2nd Quarter Municipal Advisory Council (MAC) Meeting sa pangunguna ni Municipal Administrator Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, kung saan tinalakay ang mga updates at accomplishments ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa nagdaang unang quarter, kabilang ang compliance turnout, validation ng beneficiaries, at monitoring ng Sustainable Livelihood Program (SLP) para sa patuloy na pagpapalakas ng mga serbisyo para sa mga benepisyaryo sa bayan.

9.     COA Exit Conference, Ginanap

Nagsagawa ang Commission on Audit (COA) ng exit conference noong Mayo 26, 2026 sa Mayor’s Conference Room bilang bahagi ng preparasyon para sa Annual Audit Report kaugnay ng mga transaksyon ng LGU Bayambang para sa Calendar Year 2025. Tinalakay sa pagpupulong ang iba’t ibang audit observations, recommendations, at status ng implementasyon ng mga naunang rekomendasyon ng COA, kasama ang pagdalo ng mga concerned department heads ng munisipyo upang tugunan ang mga usapin sa financial management at operasyon ng LGU.

10.  BPSO at Task Force Disiplina, Bantay sa Kaayusan at Trapiko

Patuloy na pinaigting ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) Traffic Enforcers katuwang ang Task Force Disiplina ang pagpapatupad ng mga batas trapiko at lokal na ordinansa upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa bayan ng Bayambang. Kabilang sa mahigpit na ipinatutupad ang tamang paradahan, pagsusuot ng helmet, pagbabawal sa obstruction sa kalsada, at pagsunod sa traffic signs at signal, kasabay ng pagbibigay ng traffic at security assistance sa iba’t ibang pampubliko at pribadong establisimyento sa bayan.

11.  20/Kilo na Repolyo mula Benguet, Dinumog ng mga Mamimili

Matagumpay na isinagawa ng Munisipyo noong Mayo 28 ang bentahan ng murang repolyo mula sa mga magsasaka ng Benguet sa harap ng Municipal Hall, kung saan ibinenta ito sa halagang 20 kada kilo. Umabot sa apat (4) na toneladang repolyo ang dinala ng Bosigan Multi-Purpose Cooperative ng Balili, Mankayan, Benguet bilang bahagi ng inisyatibong naglalayong makatulong sa mga magsasaka at makapagbigay ng abot-kayang gulay sa mamamayan sa gitna ng epekto ng krisis sa gasolina at El Niño, kasabay ng pagpapakita ng diwa ng bayanihan sa komunidad.

12.  39 Applicants, HOTS sa Job Fair para sa Local at Overseas Employment; Jensen Int’l Corp, Nagsagawa ng SRA

 

Noong May 28, nagkaroon ng Job Fair para sa Local and Overseas Employment ang PESO Bayambang, katuwang ang iba’t ibang kumpanya at partner agencies, na nagbukas ng iba’t ibang oportunidad para sa mga Bayambangueño. Kabilang sa mga lumahok na kumpanya ang SM Hypermarket Rosales, Sutherland Global Services, Alfamart, Wheeltek, AILC, Blue Sky Theme Park and Events Center, Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center Inc. (JKQMWCI), at iba pa habang mayroong 39 hired-on-the-spot (HOTS) ang nasabing aktibidad. Kasabay nito ay ang Special Recruitment Activity ng Jensen International Corporation.

13.  KSB Year 9, Inihandog sa Brgy. Tampog

Muling inilapit ng lokal na pamahalaan ang mga pangunahing serbisyo sa pamamagitan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 na isinagawa sa Tampog Elementary School para sa mga residente ng Brgy. Tampog, San Vicente, at Warding noong Mayo 26, 2026. Sa naturang programa, naipagkaloob ang iba’t ibang serbisyong medikal, legal, at social assistance para sa mga residente, na umabot sa kabuuang 123,284 na halaga ng serbisyong naihandog sa mga benepisyaryo.

 

*****

BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!

 

Kuya Ngen, pasok!

 

Bayambang, dapat alam mo… kung may isang investment na hindi kailanman lugi, ‘yan ay edukasyon. At mukhang gets na gets ‘yan ng kasalukuyang administrasyon dahil sunod-sunod talaga ang suporta para sa mga estudyante, guro, at paaralan sa bayan.

 

Una, dapat alam mo na noong 2015 bago umupo ang Administrasyong Quiambao Sabangan wala pang 2 milyon ang pinagkakasya sa mahigit 56 na pampublikong paaralan, but nowww umaabot na sa 8 milyon hanggang 11 milyon taun-taon ang Special Education Fund o SEF para mas maraming educational programs, projects, at school needs ang masuportahan. Dahil na rin ito sa masigasig na pangongolekta ng amilyar…. Oops sa ibang episode ko idiscuss to! dagdag pa rito, ang sahod ni former CTQ and Mayor Nina ay sa edukasyon binigay kasama na rin ang mga tulong sa ating mga kababayan… oo totoo yan walang sahod sila Mayor since 2016… wala silang nahihita sa munisiyo… kahit gasolina, security at sasakyan hindi charge sa munisipyo… kaya niyo yornnn??

 

Kasi real talk lang, hindi sapat ang “good luck students” lang. Ang pag-popost sa FB page. Dapat may actual support. Hindi pwedeng “manifesting” lang ang baon ng mga estuzents.

 

At speaking of support, Bayambang, dapat alam mo rin na libo-libong school supplies ang ipinamamahagi para makatulong sa mga mag-aaral lalo na sa mga estudyante mula Kinder to grade 6 sa lahat ng elementarya sa bayan. Actually, kahit yung mga schools sa labas ng Bayambang pero karamihan ng students ay mga taga Bayambang, tulad ng Nalneran Elementary School sa Basista at Batangcaoa South Elementary School at Baug Elementary School sa Urbiztondo.

 

Kung noon aligaga, hindi mapakali, hindi magkamayaw, at may agam-agam ang magulang kung saan kukuha ng pambili ng gamit ng mga bata, ngayon dahil sa adminsitaryong Quiambao Sabangan ay siguradong papasok ang mga bata na may gamit na…

 

For your information nga, for this school year 18 thousand na mga bata ang mabibigyan ng gamit! Pasabog! Atake!. Papasok ka nalang na nasa schools na ang mga gamit mo talaga….

 

Bayambang, dapat alam mo na noon ay kelangan pa ng mga guro na manghingi kani-kanino ng mga gamit panglinis at pintura para sa brigada Eskwela… pero ngayooon! Dahil kay Mayor Nina intant na instant may panimulang gamit at pintura na ang bawat paaralan mula elementary hanggang high school. Oh teka, teka, teka! Start pa lang ito, pwedeng pwede ka paring magdonate, wag ka na lang papilit para hindi stress sila Sir and Madam… by the way highway, today is the start of brigada, samahan natin sila, ano tara?

 

At syempre, hindi pwedeng maiwan ang tekenoloja! tekenoloja!

Kung noon ang mga guro ang bumibili ng sarili nilang gamit… Dapat alam mo na ngayon ang LGU Bayambang ay namigay at namimigay rin ng printers, TV, ICT equipment, at iba pang learning tools para sa mas moderno at effective na pagtuturo. Kasi beh, digital era na tayo. 75 inches TV binigay ng LGU ha! Kita pati pores ni Auntie sa laki ng TV! Alam mo ha?

 

Pero hindi lang academics ang priority.

Bayambang, dapat alam mo rin na tuloy-tuloy ang suporta para sa mga atleta ng bayan. Mula trainings, kagamitan, at assistance sa competitions, mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataang may talento sa sports na mas mahasa pa ang kanilang kakayahan. Actually, sunud-sunod ang panalo ng mga pambato natin. Ang problema? Habang pataas nang pataas ang level ng kompetisyon, pataas din nang pataas ang presyo ng pamasahe—at siyempre, ang kaba ng ating mga atleta na baka hanggang panalo na lang sila, pero hindi makalipad papuntang susunod na laban.

 

Kaya naman para sa Palarong Pambansa 2026, hindi hinayaang mapurnada ni Mommy Niña ang kanilang pinaghirapan. Gamit ang personal niyang pera, naglaan lang naman sha ng mahigit 170,000 para sa plane tickets ng ating mga atleta upang makabiyahe at makalaban sa Agusan. Dahil for her, ang problema ng pamasahe ay hindi dapat maging hadlang sa pangarap na magdala ng karangalan para sa Bayambang. Malay niyo ang susunod na Carlos Yulo ay nasa barangay niyo lang pala.


Keri pa ba? Yung totoo? …. Oh ito pa ang pasabog ng taon…. Noong 2016 bago maupo ang Team Quiambao-Sabangan, muntikan na tayong manakawan ng isang bilyong piso… yan kasi ang halaga ng lupa ng old Central School….whaat!!! oo dahil illegal na kinuha  ang old central school… buti na lang to the rescue sila Mayor…. Kaya matapos ang halos isang dekada, Nabawi na natin ang lupa ng old central school…. Yehey yehey….. pero teka tatanungin mo siguro baka paalisin na yung mga bata sa bagong central school sa Magsaysay… don’t ya worry!

 

Dapat alam mo na ang lupa, mga buildings, sugar, spice, and everything nice sa bagong Central school… nabili na ng LGU… ibig sabihin forever na ang bagong Central School… hindi na ito mananakaw at hinding hindi mapapalis ang mga bata….

 

At eto ang talagang pinakamalaking flex.

Dapat alam mo na noon ay kelangan pang maglakad ng mahigit 3 kilometro ang mga taga ligue at karamihan sa kanila ay hindi na nakakapagtapos ng elementary dahil sa layo ng paaralan. Well, well, wititi na ngayon dahil nagpagawa lang naman tayo ng bagong elementary school sa ligue. Ang  Don Teofilo C. Mataban Memorial School

 

Dapat alam mo rin na dahil sa Kasama kita sa Barangay Foundation ay naipatayo ang unang mga classrooms… oh yes donasyon ulit ito nila Mayor! Isa kang genius na niallang, Mayora! Maliban na rin sa donasyong lupa ng pamilya mataban…. Oh edi bong is ga talaga! At sa ngayon nakapagpa-graduate na ang school ng first batch ng Grade 6 last March. San ka pa? 

 

Bukod sa basic education syempre nandyan ang Bayambang Polytechnic College na patuloy na nagbibigay ng oportunidad sa mga kabataang gustong makapag-aral at makapagtapos. Imagine mo ‘yun. Mas maraming pangarap ang nabibigyan ng chance maging reality. Dahil ito sa 20 million na yearly donation ni Mayor Niña! Main character behavior. Kween things. Slay! Slayyyyyy! Sa BPC may TESDA programs at mga 4-year degree courses… at ito pa beh!
Pogi daw yung presidente jan… uhmmm check natin? Ehhh chismosa! free Tuition Fee talaga ang check, at itong batch naman free graduation fee pa… check na check!

 

 

Pero kung akala mo season finale na… ay beh, pilot episode pa lang yan sha! Dahil sa dami ng suportang ibinibigay ngayon sa edukasyon, hindi pa rin ito tapos. Mas marami pang programs, scholarships, school improvements, at educational opportunities ang inaasahan sa mga susunod na taon.

 

Kaya Bayambang, kung napapansin mong mas lumalakas ang suporta sa edukasyon ngayon… hindi ka nag-iilusyon. Hindi ka nagdedeliryo. Totoo talaga sha! Hindi ka nanaginip…dahil totoong gising na gising ang Bayambang sa dami ng tulong at suporta sa edukasyon… oh ano gising ka na ba belek???


kaya mga kabaleyan, handa tayo sa pagbubukas ng pasukan ngayong June 8… Samahan natin ang ating mga magigiting na guro at mga mahal nating students…

 

Bayambang, ang lahat ng ito ay dapat alam mo!

 

Muli ako si Kuya Ngen na nagsasabing ang weather ay buhay-buhay lang!

***

OUTRO

Newscaster 1: At diyan nagtatapos ang ating mga pangunahing balita para sa linggongna ito. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtutok at pakikiisa.

Newscaster 2: Asahan ninyo ang patuloy naming paghahatid ng mga balitang makabuluhan, napapanahon, at kapaki-pakinabang sa ating komunidad. Muli ako po si ______.

Newscaster 1: At ako naman po si ____________, mula sa ____________. Naghahatid ng tapat at makabuluhang balita para sa bawat Bayambangueño.

Both: Ito ang… BayambangueNews!


No comments:

Post a Comment