Monday Report - May 11, 2026
INTRO
Newscaster 1: Magandang araw, Bayambang! Ako po si Mr. Bryan
Bulatao. Narito na naman kami upang ihatid ang mga pinakabagong balita at
mahahalagang impormasyon para sa ating lahat.
Newscaster 2: Ako naman po si Engr. Jefferson Malicdem, at
kami ay mula sa Bayambang Polytechnic College—naghahatid ng tapat, malinaw, at
makabuluhang ulat para sa ating komunidad.
Newscaster 1: Kami ang inyong gabay sa pag-alam at pag-unawa
sa mga kaganapan sa ating bayan.
Newscaster 2: Nag-uugnay, nagpapabatid, at naglilingkod para
sa Bayambang.
Both: Ito ang… BayambangueNews!
HEADLINES
1.
RHU Birthing Home, Accredited Na!
Natanggap ng RHU Bayambang Municipal Birthing Home ang
PhilHealth accreditation para sa taong 2026. Patunay ito na pasado ang
pasilidad sa pamantayan para sa ligtas at abot-kayang serbisyong pangkalusugan,
lalo na sa mga ina at sanggol. Saklaw din nito ang Gamot Package na
makapagpapagaan ng gastusin ng mga pasyente.
2.
Bagong MPDC, Itinalaga
Itinalaga si Environmental Planner Ryan James Nicholai Dizon
bilang bagong Municipal Planning and Development Coordinator ng Bayambang. May
malawak siyang karanasan sa urban planning at inaasahang mangunguna sa mga
programang pangkaunlaran ng bayan.
3.
Panukalang Ordinansa para sa Barangay
OSCA Coordinators, Dininig
Tinalakay ng Sangguniang Bayan ang ordinansang magtatatag ng
OSCA coordinators sa bawat barangay upang mapalakas ang serbisyo para sa mga senior
citizen. Suportado ito ng alkalde at inaasahang magpapabilis ng koordinasyon at
benepisyo alinsunod sa Expanded Senior Citizens Act. Inaasahang magdudulot ito
ng mas organisado at epektibong paghahatid ng tulong sa mga nakatatanda.
4.
MDRRMO, Nagbigay ng Basic Life Support Lecture
Nagdaos ang MDRRMO ng Basic Life Support lecture para sa
ROTC cadets ng PSU-Bayambang. Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga
estudyante sa pagresponde sa emerhensiya sa pamamagitan ng lectures at hands-on
training tulad ng CPR.
5.
BPC, Naglunsad ng Trade Fair
Inilunsad ng BPC ang LUMALAKO 2026, isang trade fair, upang
hubugin ang mga estudyante bilang student-enterpreneurs. Tampok ang mga seminar,
product showcase, at iba’t ibang kumpetisyon na nagpapakita ng inobasyon at
kasanayan, upang palakasin ang entrepreneurial mindset ng kabataan tungo sa
pag-unlad ng lokal na ekonomiya at pagsuporta sa mga lokal na magsasaka.
6.
BPC, Nagdaos ng Fun Run
Isang Color Fun Run ang isinagawa ng BPC upang magsilbing
pangwakas na aktibidad ng Lumalako Trade Fair 2026. Sa pamamagitan ng
isang masaya at non-competitive na aktibidad, pinalakas ang samahan at diwa ng paaralan
bilang isang organisasyon habang isinusulong ang kalusugan.
7.
Tatlong Kubo, Inihatid sa mga Panibagong
Benepisyaryo
Muling naghatid ang LGU, sa tulong ng Rotary Club of
Bayambang, ng mga bagong bahay kubo para sa tatlong nailistang benepisyaryo. Sila
ay sina Gng. Rhealyn Diaz ng Brgy. Buayaen, Gng. Elizabeth Dignos ng Ligue, at
Gng. Lea Honrado ng Duera. Laking tuwa at pasasalamat ng mga nabiyayaang
pamilya, dahil sila ay nabigyan ng panibagong pag-asa sa pagkakaroon ng mas
maayos na sariling tirahan.
8.
Problema sa Birth Certificate ng mga
Taga-Tococ East, Sinagot ng LCRO
Dinagsa ng mga residente ng Brgy. Tococ East ang isinagawang
programa ng Local Civil Registry Office, na direktang naghatid sa mga
malalayong barangay ng iba’t ibang civil registry services, mula late
registration ng birth, marriage, at death hanggang sa legitimation at
supplemental report. Ipinakita nito ang matinding interes ng komunidad sa mga
serbisyong sibil at legal na direktang nakatutulong sa kanilang pang-araw-araw
na buhay.
9.
Mayor Niña, Todo-Suporta sa Atletang
Bayambangueño
Noong May 6, tinanggap ng mga atletang Bayambangueño ang
halagang ₱170,000 na tulong pinansyal mula sa sariling bulsa ni Mayor Niña,
bilang buong-pusong suporta sa kanilang paglahok sa Palarong Pambansa na
gaganapin sa Agusan del Sur mula May 24 hanggang 30. Ang nasabing halaga ay
inilaan para sa kanilang plane ticket upang matiyak ang maayos na paglalakbay
sa kanilang pagsabak sa pambansang kumpetisyon, handa sa hamon habang bitbit
ang pangalan ng bayan ng Bayambang.
10.
Mga Serbisyo ng Municipio, Dinala sa Sanlibo
Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 9 ay sumunod na
nagtungo naman sa Catalino Castañeda Elementary School upang
paglingkuran at hatiran ng serbisyo ang mga residente ng Brgy. Sanlibo, Idong, at Inanlorenza. Gaya ng dati, hindi mga
residente ang lumapit sa gobyerno; sa halip ay ang gobyerno ang bumaba sa
kanilang barangay, kung saan ___ na residente ang nakinabang. Dahil sa diwa ng
KSB, ang tunay na serbisyo ay inklusibo, nakikita, at higit sa lahat—nadarama.
11. Mga
OJT, Nagsanay sa First Aid
Nagsagawa ang MDRRMO ng lecture at demonstration sa first
aid para sa mga OJT noong May 5 sa Wawa Evacuation Center. Sa pagbahagi ng
mahahalagang kaalaman sa pangunang lunas, pinapalakas nito ang kakayahan ng
kabataan sa agarang pagresponde sa emerhensiya at maging katulong sa komunidad.
12. Clearing
Operation, Isinagawa sa Malioer
Sa abiso ng Bureau of Fire Protection, agad na nagsagawa ng
clearing operation ang MDRRMO sa Brgy. Malioer noong May 6 matapos tamaan ng
kidlat ang dalawang puno ng niyog doon. Gamit ang chainsaw, tinanggal ang mga
napinsalang puno upang maiwasan ang panganib sa mga residente.
13. IEC
sa Kahandaan sa Sakuna, Isinagawa sa mga Barangay
Pinalawak ng MDRRMO ang information-education campaign nito sa
kahandaan sa sakuna sa Brgy. Manambong Sur noong May 5 at Amancosiling Sur
noong May 6. Tinalakay ang go-bag, family emergency plan, at mga hakbang bago,
habang, at pagkatapos ng sakuna, upang patibayin ang kamalayan at kahandaan ng
bawat mamamayan sa lebel ng barangay.
For VO
14.
COMPLETED: Wawa Evacuation Center Perimeter
Fence
Natapos na ang paggawa ng perimeter fence sa paligid ng Wawa
Evacuation Center bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad at kahandaan ng
pasilidad para sa mga mamamayang lilikas tuwing may sakuna. Layunin nitong
maprotektahan ang gusali at kagamitan laban sa paninira, pagnanakaw, at
pagpasok ng mga hindi awtorisadong tao upang manatiling maayos at handang
magamit sa oras ng emergency.
15.
Pagresponde sa Grass Fire Incidents,
Pinaigting
Pinaigting ng BFP Bayambang Fire Station ang kampanya at
pagresponde laban sa dumaraming grass fire incidents dulot ng matinding init ng
panahon. Kabilang sa mga pangunahing sanhi nito ang pagsusunog ng tuyong damo
at basura, pagtatapon ng upos ng sigarilyo, at kaingin na nagiging banta sa
kalikasan at kaligtasan ng mga residente. Hinihikayat ng BFP ang publiko na
maging responsable at agad magreport ng anumang kahina-hinalang usok o apoy
upang maiwasan ang paglala ng sunog.
***
BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO!
Kuya Ngen,
pasok!
Bayambang,
dapat alam mo na taun-taon, mahigit 2,500 ang gumagraduate sa Bayambang … pero tinatayang
nasa 700 hanggang 900 sa kanila ang hindi na nakakapagpatuloy sa college.
(pause)
Ang sakit sa
bangs, ‘no?
Pero
Bayambang, dapat alam mo rin na may isang nakakita ng problema at gumawa ng
solusyon. Walang iba kundi si former Mayor at ngayo’y SATOM, Dr. Cezar T.
Quiambao. Noong 2022, naisipan niyang magpatayo ng isang kolehiyo, isang tulay
para sa mga kabataang may pangarap ngunit kapos sa pagkakataon.
At dito na
pumasok ang Bayambang Polytechnic College o BPC, na binuksan sa unang taon ng
panunungkulan ni Mayor Niña Jose-Quiambao.
Ngayon,
Bayambang, dapat alam mo na 1,100 students na ang nasa BPC at mahigit 450 sa
kanila ay nakapagtapos ng TESDA programs tulad ng EIM at CSS.
At alam mo
kung anong mas nyerpuk?
Ilan sa
kanila ay working na!
Dito sa
Bayambang, sa ibang lugar, at oo, kahit abroad.
(pause)
Grabe, diba?
Pero wait…
hindi pa ‘yan ang highlight.
Dapat alam
mo na ngayong taon, yes this year, magkakaroon na ng unang batch ng college
graduates ang BPC. At karamihan sa kanila ay first-generation graduates.
Teka, alam
mo ba ibig sabihin nun?
Ibig
sabihin, sila ang unang miyembro ng pamilya nila na makakapagtapos ng kolehiyo.
Sa kaunang-unang pagkakataon.
(lean in
tone)
Kung ikaw
‘yun, hindi ka ba maiiyak? Hindi ka ba mapapangiti nang sobra?
Kasi hindi
lang diploma yan e. Pagbabago ‘yan ng buong pamilya. Dahil naniniwal si Mayor
Nina, na kapag may isang miyembro ng pamilya ang makapagtapos ng kolehiyo, siya
ang magiging simbolo ng hope para umangat at gumanda ang buhay nila.
Dapat alam
mo rin na kung akala mo ay diyan na nagtatapos ang mga pasabog, nagkakamali ka,
girl! Hindi pa talaga yan sha tapos. Sa ngayon, nasa ikatlong palapag pa lang
ng isang mall ang BPC, pero pagdating ng 2027, magbubukas na ang isang
state-of-the-art campus sa Brgy. Bical Norte.
(pause,
playful)
Hello? It’s
giving…. high class institution! Alam mo bang airconditiooned lahat ng
classrooms nyan…. Bongga!
Pero ito na
talaga, ready ka na ba?
Dahil sa
malasakit at paniniwala na walang pangarap ang dapat maputol, 100% discount ang
tuition para sa mga Bayambangueño students at 50% discount naman para sa mga
taga-karatig bayan. Totoo ito guys… open to all… kaya mag-enroll na…. at ito pa
ang pasabog, alam mo bang si Mayor Nina ang nagbabayad ng lahat ng tuition fee
ng bawat bata, nasa 20million taon-taon ang binibigay na donasyon nila Mayor
Nina…. Grabeeeeeeee
(pause)
Sana all?
Hindi. Pwede na ‘to. Apply ka na.
Bayambang,
dapat alam mo na sa pangunguna ni Mayor Niña at ng BPC President, mas marami
pang pasabog ang aasahan. Sa kasalukuyan, may dalawang kurso ang BPC: BS
Entrepreneurship at BS Agribusiness.
But wait,
Bayambang because there’s more, more, MORE!
Dapat alam
mo na sa mga susunod na taon ay maaaring madagdagan pa ang mga offered courses
ng institusyon. Ilan sa mga ito ay
• Doctor of
Veterinary Medicine
• BS Food
Technology
• BS
Agriculture
• BSE Major
in Technical Education
• BS
Criminology
(build
energy)
Grabe na
‘to, Mayor Niña. Munisipyo pa lang tayo nito? What more pa kung syudad na us?
Kaya Bayambang, manatili tayong nagkakaisa at patuloy sa pagbibigay ng total
quality service at edukasyon para sa lahat.
Mabuhay ang
Bayambang. Mabuhay ang BPC. At ikaw, oo ikaw ngani, choose BPC.
Bayambang,
ang lahat ng ito ay dapat alam mo.
Muli, ito si
Kuya Ngen na nagsasabi at nagpapaalala… ang weather ay buhay-buhay lang.
***
OUTRO
Newscaster 1: Maraming salamat sa inyong patuloy na
pagtitiwala at pakikinig.
Newscaster 2: Asahan ninyo ang patuloy naming paghahatid ng
mga balitang makabuluhan, napapanahon, at kapaki-pakinabang sa ating komunidad.
Newscaster 1: Patuloy tayong magkaisa tungo sa mas maunlad
at mas maalam na Bayambang.
Newscaster 2: Hanggang sa muli, kami ang inyong mga
tagapagbalita, Mr. Bryan Bulatao.
Newscaster 1: At Engr. Jefferson Malicdem mula sa Bayambang
Polytechnic College.
Both: Ito ang… BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment