Walong Taon ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan
Walong taon na ang lumipas mula nang simulan natin ang Rebolusyon
Laban sa Kahirapan. Sa panahong iyon, marami na tayong pinagdaanan—mga
pagsubok, sakuna, pandemya, pagbabago sa ekonomiya dulot ng giyera sa ibang
bansa, at kung anu-ano pang hamon na hindi natin maaaring iwasan. Pero sa
kabila ng lahat, narito tayo, patuloy na lumalaban at kumikilos. At higit sa
lahat, patuloy na naniniwala na kaya nating baguhin ang buhay ng ating mga
kababayan.
Ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan ay nakaangkla sa paniniwalang
walang Bayambangueño ang dapat maiwan sa pag-unlad. Sa loob ng walong taon,
nakita natin na ang tunay na pagbabago ay hindi nangyayari nang isang araw
lamang. Unti-unti itong nabubuo—sa isang batang nakakapag-aral, sa isang
pamilyang nagkakaroon ng sapat na pagkain, sa isang magsasakang nagkakaroon ng
mas magandang kabuhayan, sa isang manggagawang nagkakaroon ng trabaho, at sa
isang pamilyang dating walang pag-asa ngunit ngayon ay unti-unti nang
nakakatayo sa sarili nitong mga paa.
Kaya hindi natin dapat sukatin ang tagumpay lamang sa dami
ng gusaling naitayo, proyektong natapos, o serbisyong naihatid. Ang
pinakamahalagang sukatan ay kung may buhay bang nagbago, may pamilyang gumaan
ang buhay, may batang nagkaroon ng mas magandang kinabukasan. At dito tayo
dapat humugot ng lakas at inspirasyon. Mapapagod man tayo, babangon at babangon
pa rin muli para sa Rebolusyon.
Walong taon na tayo, ngunit hindi pa tapos ang laban. Sa
katunayan, habang lumalaki ang ating mga pangarap para sa Bayambang, lalo ring
lumalaki ang ating responsibilidad. Hindi sapat na nagawa na natin ang mga
nagawa natin. Kailangan nating itanong araw-araw: Ano pa ang maaari nating
gawin? Sino pa ang kailangan nating maabot? Sino pa ang kailangang tulungan?
Ang kahirapan ay hindi malulutas sa tulong ng gobyerno
lamang. Kailangan dito ang sama-samang pagkilos ng bawat Bayambangueno mula sa
lahat ng sektor. Ang tunay na rebolusyon ay nangyayari kapag ang tao ay hindi
na naghihintay lamang ng tulong, kundi nagkakaroon ng pagkakataong tulungan ang
kanyang sarili. Kapag ang isang pamilya ay natutong tumayo sa sariling paa.
Kapag ang isang kabataan ay nagkaroon ng edukasyon at trabaho. Kapag ang isang
komunidad ay natutong magtulungan. Iyan ang Bayambang na gusto nating buuin.
Hindi perpekto ang ating paglalakbay. Hindi lahat ng
problema ay nalutas. Hindi lahat ng pangarap ay natupad. Ngunit hindi ibig
sabihin noon na nabigo tayo. Ang mahalaga ay hindi tayo tumigil.
Sa ikawalong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan,
hinihiling ko sa ating lahat na huwag nating isipin na ang walong taon ay
katapusan ng isang kuwento. Ito ay isang patunay na kapag may malinaw na
direksiyon, malasakit, sipag, at pagkakaisa, may kaya tayong baguhin.
Dalawang taon pa ang ating bubunuin, kaya’t patuloy lang tayo.
Huwag tayong bibitaw, dahil kaya pa nating gumawa ng higit pa sa ating mga
nagawa na. Hangga't may Bayambangueño na nangangarap ng mas magandang
buhay, patuloy ang ating Rebolusyon.
Walong taon na tayo. Hindi pa tapos, pero malapit na sa ating
pupuntahan. At sama-sama, mararating natin iyon.
No comments:
Post a Comment