Kung natatandaan ninyo, mayroon tayong episode about fake news. Kung ano ito at paano maiiwasan. Ngayon naman, pag-usapan natin ang isang bagay na minsan napagkakamalang simpleng gawain lang sa Facebook o social media, pero pwedeng magkaroon ng legal consequences ang: LIBEL, CYBER LIBEL, at CYBERBULLYING.
Pero teka muna. ANO BA TALAGA ANG LIBEL?
Sa pinakasimpleng salita, ang libel ay paninirang-puri na ginagawa sa pamamagitan ng sulat, post, larawan, video, o iba pang paraan na maaaring makasira sa dangal o reputasyon ng isang tao.
Halimbawa, may ipinost kang paratang laban sa isang tao na nakakasira sa pangalan niya, at ang mga elemento ng libel ay napatunayan. Hindi na ito simpleng “opinyon lang.”
At dito pumapasok ang CYBER LIBEL. Kung ang ganitong uri ng paninirang-puri ay ginawa gamit ang computer system o internet, gaya ng Facebook post, comment, message, video, o iba pang online publication, maaari itong pumasok sa cyber libel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA. 10175.
Kaya bago mo i-type ang…
“Scammer yan!”
“Magnanakaw yan!”
“Kurakot yan!”
Ay magsaliksik ka muna ng mga ebidenysa. Hindi rin porke’t sinabi mong “allegedly”, “opinion ko lang”, o may laughing emoji sa dulo ay automatic nang safe ka, mayroon at mayroon kang pananagutan.
Ano naman ang CYBERBULLYING?
It o yung pang-aapi o pangha-harass gamit ang digital platforms, gaya ng social media, o kaya online games. Ito ay paulit-ulit na pang-iinsulto, pagpapakalat ng nakakahiya o mapanirang content, o pambabanta gamit ang internet para sadyang saktan o gipitin ang isang tao.
At dito tayo dapat maging maingat, lalo na kayong mga kabataan.
Kasi minsan, ang nasa isip ninyo…
“Comment lang naman.” “Meme lang naman.”
Tandaan: Sa likod ng bawat account, may totoong tao. Ang isang post na para sa’yo ay limang segundong katatawanan, ngunit maaaring maging dahilan para sa isang tao na mawalan ng tiwala sa sarili, matakot, o masaktan.
Kaya Bayambang, dapat alam mo na ang social media ay HINDI FREE PASS para gawin ang kahit anong gusto natin.
LAWYER: Bayambang, tandaan na ang freedom of expression ay karapatan, pero hindi lisensya para manira. Bago mag-post o mag-comment ng akusasyon, siguraduhing may sapat na batayan at ebidensya. Ang social media posts ay maaaring maging basehan ng reklamo para sa libel o cyber libel. Kaya bago mag-post o share, isipin muna kung ito ay totoo, makatarungan, at hindi makapipinsala sa iba.
Hindi ibig sabihin na dahil kaya mong i-post… Kailangan mo nang i-post.
Hindi ibig sabihin na kaya mong mag- comment… Kailangan mo nang mag-comment.
At lalong hindi ibig sabihin na maraming sumasang-ayon sa’yo… Tama ka na agad.
Dahil ang delete button ay puwedeng magtanggal ng post, pero hindi nito mabubura ang lahat ng nakakita, nakapag-screenshot, o nakapag-save nito.
Kaya mga kapwa ko Bayambangueno, kung may nakita kang fake news, paninira, o cyberbullying, huwag makisali at huwag agad i-share. I-report, i-save ang ebidensya kung kinakailangan, at humingi ng tulong sa kinuukulan.
Dahil sa internet, isang pindot lang ang pagitan ng “opinyon ko lang” at isang bagay na maaari mong panagutan habang buhay.
No comments:
Post a Comment