Monday Report - August 10, 2026
Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang!
Handog namin ngayon ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.
Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.
Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon... BayambangueNews!
1. SPES Beneficiaries, Tumanggap ng Sahod
Tumanggap na ng kanilang sahod ang dalawang batch ng mga benepisyaryo ng Special Program for the Employment of Students (SPES). May 25 na kwalipikadong estudyante ang nakatanggap ng kabayarang nagkakahalaga ng P287,615 mula sa DOLE at LGU. Sa programang ito, ang mga kapus-palad na mag-aaral ay natutulungang ituloy ang pag-aaral habang nagbibigay ng karanasan sa trabaho.
2. Local Recruitment Activity, Nagbunga ng 12 HOTS
3. Mga Napulot na Gamit, Kaagad Naibalik sa mga May-ari
Naibalik sa nararapat na mga may-ari ang mga cell phone, cash, at pitakang naglalaman ng mahahalagang bagay matapos ang mga ito ay mapulot ng mga kawani ng BPSO, TFD, at SEE sa magkakaibang lugar sa kanilang nasasakupan. Ang mga napulot na gamit at cash ay agad isinuko sa kani-kanilang tanggapan upang mabilis ding makontak ang mga may-ari nito. Kaya naman mabilis ding na-claim ang mga ito sa maagap na aksyon ng mga kawani at opisyal.
4. Price Monitoring sa Public Market, Isinasagawa!
Ang Office of the Special Economic Enterprise ay nagsasagawa ng isang serye ng monitoring sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa ating pampublikong merkado, kabilang ang Bagsakan area, upang mabigyang gabay ang ating mga mamimili. Kabilang sa mga namonitor ay gulay, karne, isda, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, at ang mga presyo ay nakapost sa kanilang Facebook page. Ang aktibidad ay makakatulong sa mas maayos na pagpaplano ng pamimili at paggastos ng bawat mamimili.
5. Weighing Scale Calibration, Muling Isinagawa
Isang mandatory calibration activity para sa mga timbangan sa palengke ang muling isinagawa ng SEE bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LGU na matiyak ang tamang sukat at patas na kalakalan sa ating pampublikong pamilihan. Salamat sa lahat ng vendors na nakiisa upang pangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili at pagsulong ng matapat na kalakalan.
6. Bagsakan at Ambulant Vendors, Ginabayan sa Pagkuha ng Special Permit
Ilang makakahiwalay na orientation activities ang isinagawa para sa mga Bagsakan vendor, mga iba't ibang rumurondang street food vendor, at iba pang ambulant vendors upang idetalye ang proseso ng pagkuha ng Special Permit, upang legal na makapagnegosyo sa loob ng Bagsakan at maging sa loob at labas ng Public Market. Ang orientation ay pinangunahan ng BPLO katuwang ang SEE, RHU, at ESWMO, na siyang tumalakay sa mga kinakailangang dokumento at proseso, at pagsunod sa mga umiiral na patakaran.
7. GCash, Nagdonate ng Tarp Signages, Timbangan ng Bayan, at Tent sa Public Market
Ang GCash ay nagkaloob ng tarpaulin signages, Timbangan ng Bayan, at tent para sa Bayambang Public Market. Nagpapasalamat ang SEE sa GCash sa kanilang suporta sa pagpapaunlad ng ating Pamilihang Bayan.
8. Zumba Sessions, Nagpapalakas ng Samahan sa Public Market
Ang ating Public Market ay nagsasagawa ng Zumba activity na dinadaluhan ng mga kawani ng SEE kasama ang ating mga market vendors. Ito ay humihikayat sa lahat na maging aktibo, mapanatili ang mabuting kalusugan, at higit pang mapalakas ang samahan sa loob ng pamilihan bayan.
9. MAFC, Naghalal ng mga Bagong Pinuno
Sa buwanang pulong noong August 5 ng mga Pangulo ng Farmers' Associations ng Bayambang sa pag-oorganisa ng Agriculture Office, tinalakay ang mga mahahalagang programa at mga pinakahuling update sa sektor ng agrikultura, kabilang ang pagtatanim ng palay, pagpaparehistro ng mga organisasyon at makinaryang pang-agrikultura, at iba pang inisyatiba. Kasabay nito ay ang paghalal ng mga bagong pinuno ng MAFC o Municipal Agriculture and Fishery Council, kung saan iniluklok na bagong presidente si G. Manuel Chua.
10. Pinakabagong Vulnerability and Risk Assessment sa Lahat ng Barangay, Iprinisenta ng DENR
Noong August 5, ang Mines and Geosciences Bureau ng DENR ay nagpresenta ng Pinakabagong Vulnerability and Risk Assessment sa Lahat ng Barangay at Updated Susceptibility Maps sa pakikipagtulungan ng MDRRMO, MPDO, at DILG. Inilahad dito ang detalyadong impormasyon tungkol sa mga hazard, exposure levels, at high-risk areas sa bawat barangay. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ang mga lokal na opisyal ng mas tumpak na batayan sa pagpaplano, pag-update ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management (BDRRM) Plans, at pagpapatupad ng mga programang magpapalakas sa kahandaan ng komunidad laban sa sakuna.
Dito sa Bayambang, bawat proyekto ay may layuning makapaglingkod nang tapat at may puso.
At sa likod ng bawat kwento ay ang tagumpay nating lahat bilang isang komunidad.
Kaya't narito kaming naglalahad ng mga kaganapan sa ating bayan.
No comments:
Post a Comment