SUMMARY OF LGU ACCOMPLISHMENTS IN S.O.M.A. FORMAT
EDUCATION FOR ALL
- (LSB, Library, DepEd)
Municipal Library, May Reading Activity sa Wawa
Noong April 18, ang Municipal Library ay nagsagawa ng isang “pabasa” o reading event sa Wawa Elementary School, bilang parte ng pagdiriwang ng 65th Public Library Day. Naging panauhin sa reading activity si Dr. Razeale Resultay ng PSU Bayambang. May 54 na mag-aaral ang lumahok sa aktibidad.
BNHS Student, Top 2 sa National IT Challenge
Nagwagi bilang Top 2 Winner sa Deaf at Hard of Hearing category ang isang pambato ng Bayambang National High School, sa ginanap na National IT Challenge for Youth with Disabilities noong April 22 to 24 sa Lungsod ng Maynila. Siya ay si Dallin Jeff E. Moreno ng BNHS, na naging bahagi ng Team Pangasinan sa naturang patimpalak. Si Moreno ay tumanggap ng P5,000 cash at naging qualifier sa Global IT Challenge 2024 na gaganapin sa Pilipinas.
HEALTH FOR ALL
- Health (RHUs)
RHU 1 Animal Bite Treatment Center, May 51 New Cases
Ang Animal Bite Treatment Center ng RHU 1 ay nakapagtala ng 51 cases ng animal bite noong April 3.
Ito ang pinakamataas na naitala kung kaya't pinapaalalahanan ang publiko lalung-lalo na ang mga pet owner na maging responsable sa pagpapaturok ng anti-rabies vaccine para sa kanilang mga alagang hayop na posibleng may dala-dalang rabies.
Philippine Multisectoral Nutrition Project, Nakatakdang Ilunsad
Nagsagawa ng isang courtesy call and DOH Center for Health Development (CHD) Region I kay Mayor Niña Jose-Quiambao para sa isang inisyal na pulong ukol sa pilot implementation ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP), na isang major program ni President Ferdinand Marcos Jr. Sila anila ay may ibibigay na grant para sa mobilization fund, mga training para sa programa, at iba pa, upang iaddress ang mga kaso ng stunting sa Bayambang.
Paghatid ng Libreng Serbisyo, 'Di Natinag sa Init ng Panahon
Sa kabila ng mataas na heat index na naitala sa buwang ito, ang buong team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 7 ay nagpaulan ng mga libreng serbisyo na mula sa lokal na pamahalaan sa Manambong Sur Evacuation Center at Manambong Sur Elementary School noong April 12. Malugod na tinanggap ang KSB Team ng mga Manambong Sur at Manambong Norte officials. Ayon sa ulat ng KSB Chairperson na si Vice-Mayor IC Sabangan, ang aktibidad ay may 1,035 na total registered clients.
120-Day Supplemental Feeding Program, Inihatid ng DSWD
Noong April 11, idineliver ang pangatlong bugso ng food items para sa 13th cycle ng 120-Day Supplemental Feeding Program ng DSWD na inilaan para sa 74 Child Development Centers ng Bayambang. Ang delivery ay ginanap sa Pavilion ng St. Vincent Ferrer Prayer Park, sa presensiya ng Internal Audit Unit, Accounting, at GSO inspectors at MSWDO at CDC staff.
RHU III, Adolescent-Friendly Health Facility Na!
Ang RHU III ay ginawaran ng Provincial Health Office ng Compliance Certificate bilang isang Adolescent-Friendly Health Facility Level II noong March 11. Ito ay matapos nilang makumpleto ang mga requirement ng Department of Health. Ang sertipiko ay isang katibayan sa abilidad ng RHU III na makapagbigay ng medical at health services na akma sa mga adolescent, kabilang na ang counseling services.
85 Animal Bite Cases, Ginamot ng RHU I
Ang Animal Bite Treatment Center ng RHU I ay nagtala noong April 12 ng 85 animal bite cases. Ito ay nakakabahalang karagdagang kaso bukod pa sa 92 ongoing cases. Ang biglaang pagtaas ng bilang ng kaso ay maaaring dahil sa mas malimit na interaksyon ng mga residente sa kanilang alaga dahil sa summer season. Ang mga pasyente at kanilang pamilya ay nakinig sa isang lecture kung paano makaiwas sa animal bites at ang mga nararapat gawin kapag nakagat.
Info Drive ukol sa Non-communicable Diseases, Muling Pinaigting
Noong April 24, muling nagsagawa ng information campaign ang RHU I ukol sa non-communicable diseases gaya ng hypertension, diabetes mellitus, at cancer. Ito ay upang makaiwas ang publiko sa mga naturang sakit at maiwasan din ang mga posibleng komplikasyon nito. Tinalakay din ang kahalagahan ng malinis na septic tank para naman maiwasan ang mga kaso ng gastroenteritis. Ang RHU I team ay nakapag-ikot na sa 38 barangays, kung saan mayroong naging 1,201 participants.
Bayambang Dolphins, Nakatanggap ng Libreng Dental Services
Ang Rural Health Unit I ay nagbigay ng libreng dental services sa pangunguna ni Dr. Dave Francis Junio para sa mga miyembro ng Bayambang Dolphins swimming team noong April 24. Ang grupo ay sumailalim sa cleaning treatment at fluoride application bilang paghahanda para sa R1AA Meet, dahil ang matagal na pagkababad sa chlorinated na tubig ay kadalasang nagiging sanhi ng kaso ng sensitibong ngipin sa mga atleta.
Muling Pagtaas ng Animal Bite Cases, Iniugnay sa Init ng Panahon
Muling naobserbahan ng RHU I ang pagtaas ng insidente ng animal bite. May 57 cases ang naitala noong April 2, at ang pagtaas na ito ay maaaring maiugnay sa inaasahang pagdami ng mga naturang insidente sa panahon ng tag-araw, dahil mas madalas ang interakshyon ng mga tao at alagang hayop tuwing bakasyon, at ang mga hayop ay mabilis mabalisa sa init ng panahon. Sa isang lecture, idiniin ng mga RHU nurse ang kahalagahan ng pagiging isang responsible fur parent.
- Nutrition (MNAO)
TNT Top 10 Teams for the Month of March
Samantala, narito naman ang top 10 teams ng Employees Wellness Challenge or the Trim and triumph Challenge para sa ikalawang buwan ng kompetisyon.
"Tutok Kainan," Nakatakdang Tumulong sa At-Risk Pregnant Women
Dumating noong April 26 ang National Nutrition Council Region 1 upang talakayin ang programa ng ahensya na "Tutok Kainan" o Dietary Supplementation Program for Pregnant Women 2024. Ayon sa MNAO, ito ay isang grant mula sa NNC na nakatakdang iimplementa sa darating na buwan ng Hunyo at Agosto. Sa ilalim ng programa, may 60 na indigent, nutritionally at risk pregnant women ang bibigyan ng dry at wet feeding sa loob ng 90 na araw.
- Sports and Physical Fitness (MPFSDC)
2024 Inter-District Tournament, Binuksan
Opisyal nang binuksan ang Inter-District Basketball and Volleyball Tournament 2024 ng LGU, sa pag-oorganisa ng Municipal Physical Fitness and Sports Development Council, katuwang ang Sangguniang Kabataan ng Bayambang. Ang aktibidad ay nag-umpisa sa isang parada sa palibot ng Poblacion, at sinundan ng presentation ng mga koponan sa Events Center, kabilang ang Best Muse contest. Pagkatapos ay ginanap ang preliminary match sa women's volleyball, at kinabukasan ay ginanap naman ang match para sa men's basketball. Ang tournament ay para sa mga 15-30 year old na kabataan.
Local Athletes, Umani ng Parangal sa RIAA 2024
Muli, congratulations din sa lahat ng mga atletang nagwagi sa iba't ibang sporting categories sa nakaraang Region I Athletic Association 2024 Meet! Mabuhay ang atletang Bayambangueno!
- Veterinary Services (Mun. Vet.)
FLibreng Veterinary Services, Inihatid ng PVO at MAO
Isang veterinary mission ang isinagawa ng Provincial Office kasama ang Municipal Agriculture Office noong April 30 sa Brgy. Zone 7 Covered Court. Sila ay nagsagawa ng libreng anti-rabies vaccination, deworming, vitamin supplementation, consultation, castration, at spaying para sa mga alagang aso't pusa. Sa kabuuan, ang veterinary mission ay mayroong naserbisyuhan na 256 na alagang aso at pusa na pagmamay-ari ng 178 pet owners:
TOTAL CLIENTS SERVED: 178
CASTRATION: 58
SPAYING: 33
DEWORMING: 123
VITAMIN SUPPLEMENTATION: 126
ANTI-RABIES VACCINATION:
- DOGS: 195
- CATS: 61
TOTAL ANIMALS VACCINATED: 256
– Slaughterhouse
PROTECTION OF WOMEN AND CHILDREN
- Social Services (MSWDO, MAC)
BNHS Batch '90, Nag-feeding Activity sa 3 Barangays
Ang BNHS Batch '90 ay nagsagawa muli ng feeding activity, sa pakikipag-ugnayan sa Nutrition Office at Rural Health Unit. Ang aktibidad ay ginanap noong April 14 sa Brgy. Bacnono, Ataynan, at Tambac. Mayroon itong 51 na benepisyaryo na undernourished na kabataang nasa mula edad 6 months hanggang 59 months.
Training ukol sa DSWD Assessment Tool, Ginanap
Noong April 22 to 23, nagbigay ng training ang DSWD Region I sa mga Municipal Links sa anim na bayan sa distrito tres ukol sa SWDI o Social Welfare and Development Indicator, isang assessment tool na nagsusuri sa kalagayan ng isang pamilya kung sila ba ay kwalipikado o hindi na maging benepisyaryo ng 4Ps. Ipinakilala ng DSWD ang nasabing assessment tool upang mas mapabilis ang proseso ng pagpapatupad ng naturang programa.
Bayambangueño, Matagumpay na Naiuwi
Sa pakikipagtulungan ng MSWDO, ang Bayambangueño na si Marvin Claudio ay matagumpay na naiuwi sa piling ng kanyang pamilya, matapos itong mapaulat sa social media na natagpuang mag-isa at nangangailangan ng dagliang tulong. Nagpapasalamat ang LGU-Bayambang sa mga informant, at sa lahat ng tumulong, kabilang na ang Municipal Police Station ng Moncada, Tarlac.
- Civil Registry Services (LCR)
PSA, Tinalakay ang Dalawang Bagong Standard Statistical Tools
Noong April 24, ang Philippine Statistics Authority o PSA ang nagtungo rito upang talakayin ang direktiba ng ahensya sa pag-adopt ng Philippine Standard Industrial Classification o PSIC at Philippine Standard Geographic Code or PSGC. Sa paggamit ng mga naturang standard tools, ayon sa PSA, magiging uniporme ang statistical data at mas mapapadali ang pagkukumpara ng mga industrial at geographic statistical data.
- Environmental Protection (MENRO, ESWMO)
Riverside Clean-up Drive, Isinagawa
Noong Marso 23, nagsagawa ng isang riverside clean-up activity ang ESWMO sa Agno River sa may Brgy. Amancosiling Norte , bilang pagsuporta sa pagdiriwang ng 2024 World Water Day.
ESWMO, Nag-info Drive sa mga Barangay
Noong Marso, sinimulan ng Solid Waste Management Office ang malawakang information campaign na nakatuon sa resposibilidad ng barangay alinsunod sa R.A. 9003 o at ang tungkol sa programang Bali-Bali’n Bayambang 2.0. Ang kampanyang ito ay umabot sa 55 barangays, kabilang ang 3,180 residents. Sa inisyatibong ito, nagbigyan ng kaalaman ang lahat ukol sa wastong pamamahala at pagtatapon ng basura at pagsunod sa mga regulasyon sa kapaligiran.
- Youth Development (LYDO, SK)
Dance Camp, Isinagawa para sa Kabataan
Noong April 14, nagsagawa ng isang dance camp at leadership training para sa mga kabataan ng Bayambang at mga karatig na bayan ang International Youth Fellowship (IYF) sa pamumuno ni Enrico Aquino, Pangasinan 1 Director. Katuwang niya sa aktibidad ang SK Federation ng Bayambang sa pangunguna naman ni SK Federation President Mariane Cheska Dulay. Ang aktibidad ay ginanap sa Events Center.
- Peace and Order (BPSO, PNP)
Quick Response Team, Nag-clearing Operation sa Poblacion Sur
Noong madaling araw ng April 23, ang MDRRMC ay nagbibigay ng mabilis na pagtugon sa isang urgent request for road clearing mula sa PNP. Ito ay matapos bumagsak sa national highway ang isang nabulok na puno ng mangga at pagkadamay ng tatlong poste ng telecommunication lines, na nagresulta naman sa pagkaputol ng mga serbisyo ng PLDT at Converge sa lugar. Kahit ito ay nangyari sa madaling araw, agad na nagclearing operation ang MDRRMO, Engineering, at Poblacion Sur BDRRMC sa lugar, at tumulong naman kinabukasan sa pagligpit ng mga debris materials ang ESWMO.
Regulasyon at Relokasyon ng mga Talipapa, Tinalakay
Isang pulong muli ang ginanap noong April 23, para sa regulasyon at relokasyon ng mga talipapa vendor na lumalabag sa direktiba ng pamahalaan. Tinalakay dito ang nakaambang panganib sa mga motorista at perwisyo sa trapiko, at ang mga maaaring remedyo at paglilipatan upang patuloy na makapagtinda ang mga vendor sa legal na paraan. Ang pulong ay dinaluhan ng mga miyembro ng Road Clearing Technical Working Group.
Public Consultation Kontra Road Obstruction, Isinagawa
Isang public consultation ang isinagawa ng LGU sa Barangay Tamaro Covered Court noong April 30, sa pag-oorganisa ng Municipal Administrator's Office at sa tulong ng Road-Clearing Task Force. Sa open forum, malayang naihayag ng mga sidewalk vendor ang kanilang mga hinaing. Subalit malinaw ring naipaliwang sa kanila na hindi maaaring maisaalang-alang ang kapakanan ng mga motorista, mamimili at maging sila mismo, kung kaya’t ang batas pa rin ang mananaig para sa ikabubuti ng lahat.
AGRICULTURAL MODERNIZATION - (MAO)
PhilRice, Dumating Muli para Talakayin ang RiceBIS
Ang mga opisyal ng PhilRice ay muling nagtungo rito upang magsagawa ng isa na namang Site Working Group Meeting. Ito ay ginanap sa Events Center noong April 24 at dinaluhan ng farmer-cooperators at mga representante ng iba't ibang ahensya sa involved sa RiceBIS. Sa pulong ay tinalakay ang mga nakaplanong aktibidad at ni-review ang naihandang Memorandum of Agreement. Layuninn din ng aktibidad na pagtibayin ang samahan ng lahat ng ahensyang kabilang sa RiceBIS, isang proyektong magtuturo sa mga magsasaka na i-manage ang kanilang sakahan bilang isang lehitimong farming business.
JOBS AND LIVELIHOOD FOR ALL
- Livelihood and Employment (PESO, BPRAT)
PESO, Nagbigay ng Barangay Orientation
Ang PESO-Bayambang ay nagsagawa ng isang Barangay Orientation upang tutukan ang tungkol sa Kasambahay Law, Child Labor, Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons, at ang papel ng mga Barangay Employment Service Officer (BESO)" noong March 27. Nakilahok dito ang mga barangay captain, SK chairperson, Barangay Kagawad, Barangay Secretary, at mga OFW Association President. Naging resource speaker ang mga taga-DOLE Central Pangasinan.
Bagong Batch ng Work Immersion Students, Dumaan sa Orientation
Dumaan sa isang orientation activity ng PESO Bayambang ang ika-apat na batch ng work immersion students mula sa Bayambang National High School noong April 2 sa BNHS campus. Ayon sa PESO, may may 104 students ang maglalagi sa iba't-ibang opisina ng LGU sa loob ng sampung araw at susubok sa paggawa ng mga serbisyong hatid ng munisipyo.
Special Recruitment Activity, May 12 Aplikante
Patuloy ang PESO sa pagbibigay ng oportunidad na magkaroon ng hanapbuhay ang mga Bayambangueño sa pamamagitan ng isang Special Recruitment Activity noong April 12 sa harap ng PES Office. Ito ay dinaluhan ng kumpanyang Fil-Gulf Manpower and General Services Inc. Mayroong 12 na aplikante na nais magtrabaho abroad ang lumahok sa SRA.
OFW Federation, Muling Nagpa-feeding Activity
Ang Federation of OFW Associations of Bayambang Inc. ay muling nagsagawa ng isang feeding activity sa Tococ East Daycare Center, Brgy. Tococ East, sa pakikipag-ugnayan sa PESO-Bayambang. Ito ay parte ng kanilang mga nakahanay na aktibidad sa buong taon bilang isang pederasyon.
- Economic Development (SEE)
Local Vendors, Nagseminar ukol sa Micro-Enterprise
Noong April 18, ang DOLE Regional Office 1 ay nagbigay ng isang orientation seminar na "Technical and Advisory Visit (TAV) to Micro-Establishments" sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park. Layunin nitong tulungan ang mga micro- at small enterprise na mapataas ang kanilang produksyon upang sa gayon ay makapagcomply na rin sa mga labor standard. May 288 na vendors mula bayan ng Bayambang at Basista ang umattend dito.
- Cooperative Development (MCDO)
- Tourism, Culture, and Arts (MTICAO)
Art Exhibit, Ginanap sa Municipal Museum
Isang art and design exhibit ang isinagawa ng Bayambang National High School - Senior High School noong April 4 sa Municipal Museum, sa pangunguna ni Mr. Christopher Gozum, sa pakikipagtulungan sa MTICAO. Kabilang sa exhibit ang graphic novel, driftwood assemblage sculpture, at interactive media installation. Ang exhibit ay magtatanggal hanggang sa May 15.
Pista'y Baley 2024 Celebration, Naging Maningning
Isa na namang masaya at di malilumutang kapistahan ng bayan ang idinaos ng Bayambang sa ika-410th Foundation day nito mula April 1 to April 6.
A. Grand Opening
Ang selebrasyon ay inumpisahan ng isang misa sa Events Center, isang tradisyunal na parada at makulay at kumukuti-kutitap na street dancing sa paligid ng poblacion, at isang masigabong opening program sa harapan ng Municipal Hall kung saan pormal na idineklara ni Mayor Niña Jose-Quaimbao ang opisyal na pagbubukas ng kapistahan.
Pagkatapos nito ay nagkaroon ng isang mini-concert kung saan napaindak ang lahat sa mga performance.
B. Farmer’s Day
Kasabay nito ang pagdaos ng Farmer’s Day bilang pagbibigay-kasiyahan at pagpupugay sa mga magsasaka. Nagtagisan sa galing ang mga farmers sa Talentadong Magsasaka competition, at nanalo ng tumatagingting na mga cash prize ang nagsipagwagi. Nagregalo naman si Mayor Niña ng isang milyong piso mula sa sariling bulsa para sa raffle prizes.
Sa labas ay itinampok naman ang mga sari-saring produkto ng iba’t ibang food producers sa kani-kanilang booth.
C. Matalunggaring Awards
Kinagabihan ng April 2, kinilala ang pitong Matalunggaring Bayambangueño at Bayambangueña sa pinakamataas na parangal ng LGU, ang Matalunggaring Awards. Kabilang dito ay sina Commissioner on Higher Education Chairman Prospero “Popoy” E. de Vera III, 21st University of the Philippines President Danilo Concepcion, Department of Interior and Local Government Assistant Secretary Josephine Cabrido-Leysa, long-time hospital director, Dr. Nicolas Miguel, at top educator, Dr. Razaele Gloria-Resultay. Ginawaran naman ng posthumous award sina National Scientist Carmen Velasquez at Senior Secretary ng UN Intergovernmental Panel on Climate Change na si Patrica Todio Annie Courtin.
D. Little Mr. & Ms. Bayambang 2024
Noong March 3, itinanghal na Little Ms. Bayambang si Brilliant Diamond Tulagan ng Brgy. Maagsaysay at Little Mr. Bayambang naman si Clark Kent Zion Tapiador ng Barangay Zone 2, matapos nilang talunin ang higit sa beinte na naging kalahok. Sila ay nakatanggap ng P50,000 cash prize bawat isa at iba pang award.
Sina Angel Jarence Austria at Ivana Trina Botwinik ang itinanghal na 1st runner-up, at sina Paul Jerwin Ngagan at Cathalina Sophia Sison naman ang nakakuha ng 2nd runner-up.
E. Bb. Bayambang 2024
Kinoronahan si Bb. Reign Joy Lim ng Brgy. Nalsian Sur bilang Binibining Bayambang 2024 sa Coronation Night na ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong April 4. Bukod pa sa korona, inuwi rin niya ang tumataginting na P100,000 cash prize at karagdagang P100,000 para sa napiling charity. Dagdag pa rito ay ang 500,000 worth of life and accident insurance.
Samantala, nasungkit naman ang pwesto ng 1st Runner Up ni Cindy C. Reyes ng Barangay San Vicente, 2nd Runner Up si Maekaela Ruth L. Dela Cruz ng Tococ East, Bb. Charity si Nexel T. Junio ng Tamaro at Bb. Tourism naman si Gem Danielle B. Panadero ng Barangay Zone 5.
Ang pinakamagandang gabing ito ng bayan ay dinaluhan ng naglalakihang mga pangalan kasama sina Joshua Garcia bilang special guest at Mr. Dominic Roque bilang isa sa mga naging hurado.
F. Job Fair
Isa namang Mega Job Fair with One-Stop Shop for Employment Requirements ang isinagawa ng Public Employment Services Office (PESO) katuwang ang DOLE noong April 5 sa Events Center.
Ayon sa PESO-Bayambang, ang Job Fair ay may:
- 280 Registered Applicants
- 191 Qualified Applicants
- 29 Hired on the Spot
At sa One-Stop Shop for Employment/Pre-Employment Requirements naman ay may
- 53 applicants for PhilHealth
- 100 for SSS
- at 77 for PAG-IBIG
G. Grand Ball
Kinagabihan, sa Municipal Plaza, idinaos ang tradisyunal na Grand Ball and Balikbayan Night na may temang Masquerade Party kung saan pinakilig ang mga balikbayan sa musika ni Hajji Alejandro. Nagkasiyahan din sa ballroom dancing ang mga balikbayan sa mga tugtugin ng Don Podring Orchestra. At sa magarbo at masayang okasyong ito matagumpay na ipinadiwang ang gabi para sa mga magigiting na balikbayan kabilang ang mga OFW.
H. Kalutan
Noong April 6, damang-dama ang kapistahan ng Bayambang sa ginanap na Kalutan Concert kung saan libu-libong katao ang dumalo para masaksihan ang selebrasyon bilang paggunita sa anibersaryo ng ating pagkakasungkit sa Guinness World Record for the Longest Barbecue. Idinaos ang concert sa PSU Bayambang Campus grounds. Inabangan at nag-trending naman ang performance ng pinakasikat ngayon na drag queen na si Taylor Sheesh. Napuno rin ng hiyawan ang concert venue nang lumabas na si Coach Bamboo. Nagpasaya rin ang mga bandang Outplayed, Avant Music, at ang Bayambang's pride na D'Vicente Band.
Bb. Bayambang, Nagwagi bilang Limgas na Pangasinan - Grand
Ang LGU Bayambang ay mainit na bumabati kay Ms. Jenesse Palaganas Mejia sa kanyang pagkakasungkit ng korona bilang Limgas na Pangasinan 2024 - Grand. Matatandaang si Mejia ay isa sa mga naging kandidata sa Binibining Bayambang noong taong 2018.
- Infrastructure Development (Engineering: Infra, Housing, Transport, Utilities, etc.)
Engineering Project Updates
Kamakailan ay nag-ulat ang Engineering Office ng update nito sa iba’t ibang infrastructure projects.
A. Kabilang sa update ang progress report ng mga proyekto na pinondohan ng 20% Development Fund para sa taong 2023 at 2024, kabilang ang mga:
Multi-purpose Covered Court
Early Child Care Development Center
Health Center
Multi-purpose Hall
Reading o E-learning Facility
Core Local Access Road
Farm to Market Road
Road Widening
Drying Pavement
Nursery o Greenhouse
Public Bonery
Improvement of Wawa Evacuation Center
Asphalt Overlay of Barangay Roads
Drainage System/Flood Control
Declogging and Desilting activities for flood control
B. Kasunod nito ay ang progress report ng iba pang mga major projects, tulad ng:
Central Terminal-Phase I sa PSU
MSWDO Building sa Brgy. Magsaysay
ECCD, PWD, and Senior Citizen Building sa Brgy. Magsaysay
Improvement of San Gabriel Farm to Market Road with Bridge
District Warehouses
Multi-Purpose Drying Pavement
Greenhouse
Improvement of Wawa Evacuation Center
DISASTER RESILIENCE - (MDRRMO)
Dumadalas na Pagsusunog ng Maisan, Pinagpulungan
Noong April 8, 2024, sa inisyatibo ng MDRRMO, nagpulong ang BFP, DILG, MENRO, at Liga ng mga Barangay upang pag-usapan ang dumaraming insidente ng grassfire sa Bayambang na kadalasan ay dulot ng ipinagbabawal na pagsusunog ng mga natuyong maisan at mga tuyong dahon na winalis sa bakuran. Kanilang tinalakay ang mga dahilan ng pagsusunog at ang mga nararapat na hakbang laban sa naturang paglabag na malimit ay nagdudulot ng malawakang perwisyo.
MDRRMO-Bauang, Nagbenchmarking Dito
Ang MDRRMO ng bayan ng Bauang, La Union, at Bauang Municipal DRRM Council ay nagbenchmarking activity sa MDRRMO-Bayambang noong April 10. Ang mga bisita ay pinangunahan ni Bauang LDRRM Officer John Vincent C. Caniezo. Inilibot ng MDRRMO ang mga bisita sa Operational Center ng MDRRMO sa municipal compound at Satellite Office sa Wawa Evacuation Center. Hinangaan ng bisita ang maayos na Evacuation Center at warehousing management ng mga stock ng MDRRMO.
Sunog sa Zone I, Agarang Naapula
Isang sunog sa Jinsan Marketing sa Brgy. Zone I and naiulat noong hapon ng April 24, kaya’t agaran itong inaksyunan ng Bayambang Fire Station sa tulong ng MDRRMO, BPSO, at PNP. Matapos umabot ang sunog sa 2nd fire alarm, sumama sa pagrescue ang mga fire station ng Malasiqui, San Carlos, Bautista, at Villasis, at isang pribadong grupo ng Chinese merchant fire volunteers. Umabot ng 1.6 million pesos ang naitalang initial estimated damage, ngunit walang naitalang casualty. Dahil sa mabilis na pagresponde, walang iba pang establisimyento at kabahayan ang nadamay sa insidente.
MDRRMO, Nag-roving sa Pista'y Dayat
Noong May 1, ang MDRRMO ay nag-ronda sa mga tabing-ilog upang paalalahanan na mag-ingat ang lahat ng naliligo sa Agno River bilang parte ng kanilang pagdiriwang ng araw ng Pista'y Dayat. Sila ay nag-roving mula sa Brgy. Ataynan papuntang timog hanggang marating ang tabing-ilog ng Brgy. Caturay. Walang naiulat na insidente ang MDRRMO. (RSO; larawan: MDRRMO)
HONEST & EFFICIENT PUBLIC SERVANTS
Barangay Officials, Nakatanggap ng Bagong Uniporme
Muling nagdonate si Mayor Niña Jose-Quiambao at SATOM, Dr. Cezar Quiambao, ng mga bagong uniporme para sa 77 na Punong Barangay, Barangay Kagawad, at SK Chairperson. Tinanggap ng mga opisyal ang mga bagong uniporme noong April 16 at 17, sa opisina ng Liga ng mga Barangay. Nagpapasalamat ang mga barangay officials sa natanggap na bagong set ng uniporme.
Wallet na May P23,000 Cash, Ibinalik sa May-ari
Noong umaga ng April 22, napulot ng mag-asawang John Cayabyab at Glaiza Cayabyab, residente ng Barangay Sapang, ang isang wallet na naglalaman ng P23,000 cash at iba't ibang I.D. sa harap ng Bayambang National High School. Ang wallet ay napag-alamang pagmamay-ari ng isang residente ng Manambong Sur. Hindi nag-atubiling isurrender sa BPSO ang napulot na wallet, at agad din itong nakuha ng may-ari sa opisina ng BPSO Chief.
Mga Kapitan at Farmers' President, Pinulong
Noong April 25, pinulong ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang mga Punong Barangay at Farmers' President ukol sa mga agricultural issues at ukol sa regulasyon at relokasyon ng mga talipapa sa mga barangay. Naroon din ang CENPELCO upang magpaliwanag sa dumaraming reklamo sa patay-sinding ilaw. Nagtapos ang pulong sa ilang kasunduan ukol sa mga dapat gawan ng solusyon.
Mayor Niña, Nagdonate ng P231,000 para sa SK Night
Ang mga 77 SK Chairperson ng Bayambang ay niregaluhan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ng tig-3000 pesos para gawing karagdagang pondo sa kanilang pagdiriwang ng Sangguniang Kabataan Night kada barangay kasabay ng kanilang kapistahan sa barangay. Ang halagang ito ay umabot sa P231,000, at ipinamahagi ng Mayor’s Office noong April 29.
- Planning and Development (MPDO)
Land Area at Boundary Issues, Tinalakay sa Pulong
Ang mga LGU official ay nakipagdayalogo sa urban planning firm na Palafox Associates upang pag-usapan ang land area at territorial boundaries ng munisipalidad. Matatandaang mayroong territorial border issue ang bayan ng Bayambang sa mga karatig-bayan nito, at dahil dito ay apektado ang opisyal na land area nito. Ginanap ang dayalogo noong April 5 sa Mayor's Conference Room.
Barangay Treasurers, Muling Tinulungan para sa Barangay SGLG
Noong April 30, muling nag-asiste si Accountant for Barangay Financial Affairs Elsie Dulay sa mga Barangay Treasurer sa pagprepara ng kani-kanilang financial reports at iba pang documentary requirement para sa Seal of Good Local Governance for Barangays o BSGLG. Ang aktibidad ay isinagawa sa Events Center bilang parte ng pagpapaigting ng lokal na pamahalaan sa mabuting pamamahala o good governance sa barangay level.
- Legal Services (MLO)
- ICT Services (ICTO)
LGU, Tumulong sa Mock ISO Audit ng Alaminos
Labing-tatlong internal quality auditors ng LGU-Bayambang ang pumunta noong April 17 sa lungsod ng Alaminos, kasama ang consultant na NEO AMCA, upang tumulong sa paghahanda nito para sa kanilang surveillance audit na gaganapin sa April 22. Ang mga IQA ay bumisita sa 35 offices upang inspeksyunin ang kaalaman at kahandaan ng Alaminos City sa mga bagong batas na kailangang sundin.
- Human Resource Management (HRMO)
- Transparency/Public Information (PIO)
- Property Custodial Services (GSO, Motorpool)
Motorpool Updates
A. Noong April 3, ang mga work immersion students mula sa Moises Rebamontan National High School ay sinanay ng Municipal Motorpool sa shielded metal arc welding, equipment repair works, at iba pang gawain sa motorpool.
AWARDS AND RECOGNITIONS
LEGISLATIVE ENACTMENTS - (SB)
Pagdinig sa Barangay Budget at Tax Ordinance, Nagpatuloy
Patuloy ang pagsasagawa ng Committee Hearing ng Sangguniang Bayan (SB) ukol sa Barangay Annual Budget at Tax Ordinance para sa taong 2024 noong March 26 sa SB Session Hall. Dinaluhan ito ng mga Punong Barangay kasama ang kanilang buong konseho, na siyang naglatag ng kanya-kanyang budget at iba't ibang prayoridad na proyekto at programa para sa kanilang nasasakupan.
Budget ng mga Barangay at SK, Tinutukan ng SB
Nagsagawa muli ang Sangguniang Bayan ng isang committee hearing noong April 18, ukol sa Annual Budget at Annual Investment Program (AIP) ng mga Barangay at mga Sangguniang Kabataan para sa Calendar Year 2024. Dito ay binusisi ang iba’t-ibang prayoridad na programa at proyekto ng mga barangay, kung ang mga ito ba ay nararapat na paglaanan ng kani-kanilang taunang budget.
Friday, May 3, 2024
LGU Accomplishments - April 2024
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment