Editorial
Sa usaping demolisyon sa Brgy. Magsaysay, samu’t saring reaksiyon ang kadalasang mapakikinggan mula sa mga residenteng apektado, mga taong gobyerno, pati na rin mga usyusero. Sa lahat kasi ng pelikula laging may bida at kontrabida, pero hindi sa lahat ng pagkakataon nakukunan ng kamera ang tunay na sitwasyon. Sa likod ng napakaraming opinyon, alin nga ba ang dapat na pagtuunan ng ating atensyon?
Kabilang sa mga komentong aming natanggap ang: "Hindi ba sila naaawa sa mga pamilyang mawawalan ng tahanan?" "Mga wala ba silang puso para maatim ang sitwasyon ng ating mga kababayan?" "Hindi ba nila naisip na diyan na tumanda’t nangamatay ang ilan sa mga miyembro ng pamilyang nakatira sa mga kabahayan na giniba?" "Ganyang klase ba ang mga taong dapat na tawaging public servant?"
Ilan lamang ito sa mga mapanghusgang tanong at opinyon ng iilang hindi nakakaalam ng tunay na sitwasyon, na tila ba kampon ng kasamaan ang mga kawani ng gobyerno kung kanilang ilarawan sa sariling kwento. Sino nga ba ang nagsasabi ng totoo at ang tunay na agrabyado?
Lingid kasi sa kaalaman ng nakararami, ang demolisyon ay hindi basta-basta nangyayari na sa isang iglap lang ay susugod na ang demolition team para manggiba at manira ng mga kabahayan at iba pang istruktura. Ito ay dumadaan sa napakahabang prosesong legal na ilang taon pa ang lilipas bago ilabas ng korte ang huli at di-mababaling desisyon pagkatapos ng masusing pag-aaral nito.
Sa kaso ng mga residente ng Magsaysay na umukupa sa loteng pagmamay-ari ng LGU, kinatigan ng korte ang lokal na pamahalaan dahil sa katotohanang walang ibang tunay na nagmamay-ari nito kundi ang taumbayan at hindi lamang ang iilan. Sa loob ng mahabang panahon ay libre na nila itong napakinabangan, ngunit sa malasakit ng mga nakaupong liderato ng bayan ay napagbigyan sila ng pagkakataon na bilhin ang loteng kinatitirikan ng kanilang mga tahanan kahit pa sa hulugan o installment na pamamaraan.
Ang ilan sa kanila ay agad na sumunod at gumawa ng paraan upang makapagbayad kung kaya’t sa ngayon ay may sarili at titulado na silang lupa, subalit ang ilan naman ay nanatiling bingi at nagmatigas na hindi magbayad kaya’t ngayon ay marapat lang na ibalik na ang loteng hindi naman talaga sa kanila. Gayunpaman ay sinigurado ng pamahalaan na mayroon pa rin silang pansamantalang matutuluyan at lahat ng pangunahing pangangailangan ay tiyak na matutugunan.
Kung masama ang gumawa ng tama at ipatupad ang umiiral na batas, tiyak na ang LGU nga ang may sala, ngunit alam naman nating taliwas ito sa ating mga paniniwala. Kaya’t bago sana mambintang at magbitaw ng masasakit na salita ay alamin ang buong katotohanan dahil walang hangad ang lokal na pamahalaan kundi ang benepisyo ng mas nakararami at ang ikauunlad ng ating bayan.
No comments:
Post a Comment